NAPATITIG si Mabel sa maletang nasa ibaba ng kama niya. Ang kanyang ina ang nag-empake niyon para sa kanya kahit na ipinilit niyang siya na lamang ang gagawa. Hindi sana niya nais umalis, hindi sana niya ito nais iwanan sa ganoong kalagayan, ngunit iginiit ng ina na kailangan niyang gawin. Kailangan niyang magsakripisyo para na rin sa ikabubuti ng ina.
Sa totoo lang ay hindi alam ni Mabel kung ano ang mararamdaman. Kamakailan lang ay sumagi sa isip niya ang sperm donor niya at may bigla na lang dumating na matandang abogado na nagsasabing gusto ng lolo niya—ang ama ng kanyang sperm donor—na magtungo siya sa Sagada upang makilala ang matanda at ang kanyang mga kapatid.
“Totoo po ba `yang sinasabi ninyo?” tanong ni Mabel sa matandang abogado na nakipagkita sa kanya sa isang tahimik na restaurant sa Tarlac. Maraming bagay siyang hindi alam gawin, ngunit hindi naman siya ganoon kaignorante.
Tumango ang abogado. Pormal na pormal ang ekspresyon sa mukha at tinig. “Nais kang makilala at makasama ng lolo mo. Sana ay mapaunlakan mo ang kanyang imbitasyon.”
Umabot yata hanggang anit ni Mabel ang pagkakatikwas ng kanyang isang kilay. “At gano’n na lang po iyon kasimple?” Posible nga ba `yon? Parang sa teleserye lang. Mayaman daw ang kanyang abuelo na nakatira sa Sagada. Hinahanap daw talaga siya ng sperm donor niya ngunit sa kasamaang-palad ay naaksidento ito at kasalukuyang comatose. Ipinagpatuloy ng lolo niya ang paghahanap. Bakit pa ba niya pinag-iisipan kung paniniwalaan niya ang lahat ng ito? Siyempre, hindi. “Pasensiya na po,” aniya sa magalang na tinig. Matanda pa rin ang kaharap niya at ayaw niyang mambastos. Turo iyon ng mommy niya. “Pero hindi ko po magawang maniwala sa mga sinasabi ninyo. Parang teleserye na gag show. Gano’n na lang ba kasi iyon? Kung huhuthutan n’yo po ako ng pera, pasensiya na po, pero wala kayong makukuha sa akin. Wala po akong pera.”
“Hija—”
“At kahit po nagsasabi po kayo ngayon ng totoo, hindi ko po maaaring iwan na lang ang lahat at umakyat sa bundok para makilala ang mayaman kong lolo. Mas kailangan po ako ng mommy ko.” Kung totoo ang sinasabi ng matandang abogado, kailangan siya nitong kaladkarin o kidnap-in para makarating siya sa Sagada. Hinding-hindi niya iiwan ang kanyang ina para sa kahit kanino.
“Kung wala na po kayong sasabihin, mauuna na po ako.” Kaagad tumayo si Mabel at dinampot ang bag. Hindi pa man siya nakakahakbang palayo ay muling nagsalita ang abogado.
“Alam ng iyong ina ang bagay na ito. Nais niyang magtungo ka sa Sagada. Nais niyang makilala mo ang iyong pamilya.”
Itinuloy ni Mabel ang pag-alis. Hindi siya lumingon kahit na ilang beses siyang tinawag ng abogado. Nagtungo siya sa kanyang ina at kinumpirma ng ina na totoo ang lahat ng sinabi ng nakausap na abogado.
“Bakit hindi po kayo ang nagsabi sa `kin? Bakit kailangang si Attorney?” nanghihinanakit niyang sabi. Hindi niya gustong sumama ang loob sa kanyang ina ngunit hindi niya mapigilan. Bakit sa ibang pa tao niya malalaman ang isang maselang impormasyon tungkol sa kanyang pagkatao?
Napahikbi si Lucinda. “Dahil wala akong lakas ng loob. Hindi ko... hindi ko alam kung paano sasabihin sa `yo, Mabel.”
“Hindi `yan excuse!” Paanong hindi alam ng kanyang ina kung paano sasabihin sa kanya? Nasasabi nila ang lahat sa isa’t isa. Alam nito ang lahat ng sekreto niya at inakala niya hanggang sa araw na iyon na alam din niya ang lahat ng sekreto nito.
She was all right without a father. Hindi niya kailangang malaman ang tungkol sa kalagayan ng sperm donor niya, ang kalagayan ng pamilya nito. Mabubuhay siya kahit hindi niya makilala ang lolo niya. Ganoon din naman siguro ang mga ito sa kanya.
“I’m not going,” ani Mabel sa mariing tinig. Hindi niya iiwan ang ina kahit sandali lang.
Ngunit kaagad ding nagbago ang kapasyahan ni Mabel. Nakatanggap siya ng tawag mula sa abogado pagkatapos nilang mag-usap na mag-ina. May mensaheng ipinapaabot ang lolo niya.
“Alam ng lolo mo na nahihirapan kayo sa pagpapagamot sa mommy mo. Nakahanda siyang tumulong. Kukuha siya ng private nurse para may makasama ang iyong ina habang wala ka. Ang lolo mo ang magbabayad sa lahat ng gastusin sa ospital. Ang tanging hiling niya ay magtungo ka sa Sagada.”
Hindi na kailangang pag-isipan pa nang husto ni Mabel ang lahat. Mabigat man sa kalooban niyang lumayo sa ina, mas importante na gumaling ito sa karamdaman. Ayon sa abogado ay napakayaman ni Don Alfonso Banal, ang kanyang abuelo sa ama. Maaari niya marahil hilingin sa kanyang abuelo na dalhin sa Amerika ang kanyang ina upang tumaas ang tsansa ng mommy niya na magapi ang cancer. Kung kailangan lang niyang magtungo sa Sagada upang makilala ang lolo niya kapalit ang libreng pagpapagamot sa kanyang ina, malugod niyang gagawin.
Naupo si Mabel sa kama at naiinis na sinipa ang maleta. Noong hindi pa niya kailangang umalis ay kumbinsido siya na kaya niya. Alam niyang kakayanin niya para sa ina. Ngunit ngayon ay hindi niya gaanong maipaliwanag ang matinding inis na nararamdaman. Bakit kailangang siya ang magtungo sa kabundukan? Bakit hindi na lang ang lolo niya ang magtungo sa kanya? Alam naman nitong may dinaramdam ang kanyang ina, hindi niya maaaring iwanan, ngunit pinapapunta pa talaga siya sa malayong lugar. Pakiramdam niya ay sadya siya nitong inilalayo sa kanyang mommy. Labis siyang naiinis sa abuelo na hindi pa man niya nakakaharap at nakikilala.
“Nakahanda na ang lahat ng kailangan mo?” tanong ng kanyang ina na hindi namalayang ni Mabel na nakapasok na sa silid. Nakangiti ito bagaman mababakas ang lungkot sa mga mata sa nakatakda niyang pag-alis.
“Mommy...”
Natawa si Lucinda. “Anong attitude `yan? Alam mo ba kung ilang taon ka na?”
Tumigil si Mabel sa pag-angal ngunit umusli pa rin ang nguso niya. Lalo siyang nafu-frustrate sa sitwasyon. “Ayoko pong umalis.”
Hinaplos nito ang kanyang buhok. “Magiging maayos ang lahat, anak. Huwag kang gaanong matakot.”
Lalong nanulis ang nguso niya. “Hindi naman po ako natatakot. Naiinis po ako.” Ngunit alam niya ang totoo. Humahalo ang takot at mabilis niyong nadodomina ang lahat ng nadarama niyang ibang emosyon.
Hindi alam ni Mabel kung ano ang daratnan niya sa Sagada. Hindi niya alam kung ano ang aasahan. Hindi siya sanay sa sitwasyong walang kasiguruhan. Sanay siya sa safe at secured na environment. Hindi siya sanay na hindi kasama ang kanyang ina.
Kinabig siya ni Lucinda at masuyong niyakap. “Basta have fun, anak. Explore. Open your heart to new things, new surrounding, new people... new love...”
Mahigpit na yumakap si Mabel sa ina. Nanakit ang lalamunan niya sa pagpipigil ng luha. Ayaw niya iyong kumawala. Ayaw talaga niyang umalis ngunit inisip niya ang mga mangyayari kung mananatili sa tabi ng ina. Hindi niya ito maipapagamot. Mamomroblema ang mommy niya sa pera na hindi dapat dahil labis-labis nitong aalalahanin ang malubhang karamdaman. Makakaapekto ang stress sa kalusugan ng kanyang ina.
Kailangan lang niyang magtiis nang kaunti. Marami nang naisakripisyo ang ina para sa kanya. Ibinigay nito ang lahat sa kanya. It was her turn now. She could do this. Iisipin na lang niya na lilipas din ang lahat. Makakabalik siya kaagad sa piling ng ina.