CHAPTER 1

1500 Words
CHAPTER 1: Her Dreams EYSELLA ROMEL’S POV “WHOA Eyse!” “Ikaw na, Eyse! Ikaw na ang idol ko!” “Eyse, ang ganda-ganda mo talaga!” “Ang ganda-ganda ng boses mo, Eyse! Para kang anghel na nahulog sa langit!” Napapangiti na lamang ako nang marinig ko ang sigawan ng mga fans ko. Ito talaga ang pinakagusto ko sa lahat. Ang papuri nila sa akin. Hindi na maglaho pa ang mga ngiti ko sa labi at mas nagkaroon pa ako ng inspirasyon. “This is my last song that I sang for you guys!” sigaw ko sa mikropono at sumabong ang malakas na palakpakan at ang mga sigawan nila. Buhay na buhay talaga ang dugo ko sa kanila. “Sabayan niyo akong kumanta, guys!” sigaw ko ulit at nagpatugtog na ang kasamahan ko. Ngayong gabi ay kakantahin ko ang kanta ni Yeng Constantino, ang ‘Ikaw’. Ang paborito kong kanta. Magsisimula na sana akong kumanta nang makita ko ang Tiya Beth ko. Napahinto pa ako. “T-Tiya Beth?” kinakabahan kong sambit sa pangalan niya at mabilis na tumingin ako sa paligid at parang nag-iba bigla ito. Alam ko na kung bakit nandito si Tiya! Urgh! Tiya Beth! “Hoy Eyse! Gising na! Gumising ka na! Ang batang ito, kahit na kailan ay tulog mantika talaga, oh! Eysella!” Napabalikwas ako nang bangon, dahil sa malakas na boses ng Tiya ko at napabusangot na lamang ako sa napagtanto ko. Kahit na kailan talaga si Tiya Beth ay panira ng moment! Palaging kontrabida sa buhay ko at maging sa panaginip ko ay naroon pa rin siya! Hindi ba puwedeng manahimik na lang si Tiya Beth? Nakaiinis siya, palagi niyang sinisira ang panaginip ko! Kainis na talaga siya! Ang ganda-ganda na no’n eh. “Eysella!” Napaigtad ako sa pagtawag ni Tiya sa akin. “Oo na po, babangon na Tiya! Heto na nga, oh!” nakabusangot na sigaw ko. Bumangon na nga ako at inayos ang pinagtulugan ko. Simpleng maliit na kuwarto lang naman ang mayroon ako. Maliit na kama na wala namang kutson, masakit siya kasi nga matigas, gawa sa kahoy, eh. May maliit na kabinet, kung saan naroon lahat ang mga damit ko. May maliit na mesa, maraming libro, ballpen at may maliit na silya. Isang maliit na bintana na may puting kurtina na may tulipan. Gawa sa kawayan ang munting bahay namin. Kahit hindi masyadong malaki at may kalumaan na ay malinis naman ang bahay namin. Sinuklay ko lang ang buhok ko na gamit ang mga daliri ko at lumabas na mula sa kuwarto ko. Naabutan ko sa maliit naming kusina sina Tiya Beth, Tiyo Geb, sina Kuya Dez at Kuya Seb. Pati na ang cute kong batang pinsan na si Enza. Nag-iisang anak na babae nina Tiya at pinakabunso sa lahat. “Magandang umaga po,” bati ko sa kanilang lahat at umupo sa tabi ni Kuya Seb. Si Kuya Seb na mabait at guwapo, si Kuya Dez na masungit at guwapo rin naman siya. “Magandang umaga rin sa ’yo, Eyse. Pero bakit hindi naman yata maganda ang mood mo ngayon?” tanong sa akin ni Kuya Seb at may ngisi pa sa labi. “Sigurado akong nananaginip na naman ’yan ng maganda pero sinira ni Nanay,” singit na sabi ni Kuya Dez na hindi nakatingin sa akin. “Tumpak Kuya Dez! Ikaw na po ang manghuhula!” tuwang-tuwa na sabi ko rito at napatawa sina Tiyo Geb at Kuya Seb. Si Enza na ngumingiti lang. Sampung taong gulang na siya pero hindi mawalay sa tabi nina Tiya Beth. Si Kuya Sebastian ang panganay na anak at dalawampu’t limang taon na ang edad niya at nagtuturo sa pampublikong paaralan. Tama, isang guro na si Kuya Seb. Si Kuya Dezo na nag-aaral pa lang dito sa Baguio. Labing siyam na taong gulang naman si Kuya Dez at Engineering yata ang kinukuha nitong kurso. Ako? Nasa huling taon na ng Senior High School at hindi pa ako sigurado kung makakapag-aral pa ba ako sa kolehiyo. Masyadong mahigpit at kuripot ang Tiya Beth ko. Ayaw niya ng maraming gastusin. At gusto niyang makapagtapos na muna si Kuya Dez, bago ako. Ayos lang naman iyon sa akin, dahil sino ba naman ako para umayaw sa desisyon ng Tiya ko? Eh, kung hindi dahil kay Tiya Beth na kapatid ni Tatay ay baka nasa lansangan ako ngayon. Isang pulubi at namamalimos sa kung sino-sinong tao o kaya naman ay nakikipag-agawan ng tirang pagkain kasama ang mga batang pulubi. At nakaabang sa labas ng tindahan at naghihintay sa pagkaing itatapon. Baka ang hitsura ko ay madungis at mabaho na rin siguro ako. Ay, iniisip ko pa nga iyon ay kinikilabutan na ako. Paano pa kaya kung nangyari nga iyon sa buhay ko? Siguro mamamatay na muna ako bago mangyari iyon sa akin. Kaya nagpapasalamat ako sa Diyos at may magandang buhay ako ngayon, kahit papaano naman. Kahit na maagang binawi niya sa akin ang mga magulang ko. Sapat na sa akin ang mabuhay na kasama ang Tiya ko. Kung hindi dahil sa kanya ay tiyak akong nasa siyudad ako at palaboy-laboy sa kalsada. Diyos ko, kinikilabutan talaga ako. Marahas na umiling ako. Namatay ang Nanay ko noong isinilang niya ako kaya hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na makita ang hitsura ni Nanay. Pero ang sabi sa akin ni Tiya Beth ay halos magkamukha raw kami ng nanay ko. Pitong taong gulang naman ako nang namatay si Tatay. May sakit daw sa atay ang Tatay ko at dahil nga mahirap lang kami ay hindi siya naigamot. Isa pa, lulong daw sa alak ang aking itay noon. Nang namatay kasi ang Nanay ko ay halos lunurin na raw ni Tatay ang sarili nito sa alak. Masyadong mahal at mahalaga sa kanya ang Nanay ko. Kaya hindi niya tanggap ang mawala sa amin si Nanay. Sino ba naman kasi ang hindi? Sobrang masakit kaya ang mawalan ng minamahal sa buhay, hindi ba? Masakit talaga iyon at halos ikamamatay mo rin ang pangyayaring iyon. “Inay, tingnan mo po si Ellang, oh. Nananaginip na naman po ng gising.” Napairap ako nang marinig ko ang boses ni Kuya Dez. Palagi niya akong iniinis eh. Kaya minsan talaga ay ayaw ko sa kanya. Paepal kasi. Tsk. “Hayaan mo na ang tao, pagbigyan niyo,” sambit ni Tiya Beth at tumawa lang si Tiyo Geb. “Ikaw talaga, Dez. Hayaan mo na kasi ang Ellang natin, palagi mo na lang siyang iniinis eh.” Nginisian ko si Kuya Dez, dahil pinagtatanggol na naman ako ni Kuya Seb. Kakampi ko ’yan. Napatawa ako nang umirap na naman siya sa akin at umikot ang mga mata niya. “Kadiri ka, Dez. Hindi bagay sa ’yo ang gesture na ’yan,” parang nandidiri naman na sabi ni Kuya Seb sa kanya kaya mas napalakas pa ang tawa ko. “Tumigil na nga kayo at magsimula na tayong kumain ng agahan, may trabaho pang naghihintay sa atin,” ani Tiya Beth at nilapag ang niluto niyang nilagang saging at may pritong saging din. Inabot sa akin ni Kuya Seb ang isang basong may lamang mainit na tsaa. Kahit ganito lang ang agahan namin ay ayos na sa amin. Ang mahalaga ay nakakain kami nang maayos. Sa isang maliit na kusina, may mahabang mesa at anim na maliit na silya. Sa kaliwang panig ay may papag kung saan nakalagay ang mga plato at baso. May panggatong at iba pang mga gamit sa kusina. Simpleng buhay lang naman ang mayroon kami. Simpleng buhay na kayang-kaya na kaming buhayin sa mahabang panahon. Ako nga pala si Eysella Romel, ‘Ellang’ ang palayaw ko at minsan naman ay ‘Eyse’. Malapit na akong mag-twenty years old at iyon nga nasa huling taon na ako ng SHS. Walong taon na rin akong nakatira sa bahay ni Tiya Beth at siya na ang nag-aalaga sa akin, simula nang bata pa ako. Kaya ang laki ng utang na loob ko sa pangalawang pamilya ko. Kahit na minsan paepal-epal si Tiya Beth, lalo na kung ang pangarap ko ang pinag-uusapan namin. Lalo na sa panaginip ay epal din siya. Ano kasi, pangarap kong maging isang sikat na mang-aawit, balang araw. May talento naman ako sa pagkanta at maganda naman ang boses ko. Eh... Pero ewan ko ba kay Tiya Beth kung bakit napapangitan siya sa boses ko. Maganda naman daw kasi ang boses ko, maraming nagsasabi no’n sa akin at sinasabi nila sa akin na lumuwas ako ng Manila para pumasok sa paligsahan. Pero alam kong hindi naman ako papayagan ng Tiya ko. Saka, wala akong pera para sa pamasahe at hindi ako pamilyar sa siyudad. Baka mawala lang ako roon. Pero talagang pangarap kong maging sikat na mang-aawit para naman maihaon ko na sa kahirapan itong pamilyang ang laki-laki ng utang ng loob ko sa kanila. Para naman masuklian ko ang pag-aalaga nila sa akin at kabaitan. “Sana lang... Sana dumating ang mga oras na iyon sa madaling panahon...”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD