CHAPTER 3

1396 Words
CHAPTER 3: Galit NAALIMPUNGATAN ako nang maramdaman ko ang mainit na malambot na bagay sa pisngi ko at pababa sa leeg ko. Nagmulat ako ng mga mata at nakita ko si Tiya na pinupunasan ako. Parang may malambot na kamay ang humaplos sa puso ko. Kahit na hindi man ako sinusuportahan ni Tiya ay ramdam ko naman ang pag-aalala niya at pagmamahal sa akin. Katulad naman ngayon ay inaalagaan niya ako. Sa edad kong ito ay heto't pinupunasan pa ako ni Tiya. "Tiya," tawag ko kay Tiya at tiningnan niya ako. Nakaupo siya ngayon sa gilid ng maliit na kama ko. "Ikaw talagang bata ka. Bago ka matulog ay maglinis ka na muna ng katawan mo. Ang tanda-tanda mo na at hindi mo inaalagaan ang sarili mo," pangangaral niya sa akin. Napangiti na lamang ako sa tinuran ng Tiya ko. Ang suwerte ko rin kahit papaano, hindi ko man naranasan ang alagaan ng Nanay ko ay heto at pinaparamdam ni Tiya sa akin kung paano alagaan ng isang ina. Kaya minsan talaga, naiingit ako sa iba. May kompletong pamilya, may Nanay na mag-aalaga sa 'yo, magluluto at maglalaba. May Tatay na mag-aalaga rin sa 'yo. At siya ang magtatrabaho para sa kabuhayan ng pamilya niya at para sa kinabukasan mo rin. Naiingit ako kasi hindi ko alam ang pakiramdam ang mayroong mga magulang na tatawagin mong 'nanay at tatay,' hindi ko alam ang pakiramdam iyong kasama mo ang dalawang tao na dahilan para mabuhay ka sa mundong ibabaw. Masaya kaya? Masaya kaya kung kapiling mo sila? Siyempre masaya, iyon ang nakikita ko sa mga masuwerteng tao na nandiyan ang mga magulang nila. Inaalagaan, minamahal at pinapahalagahan. Masarap sa pakiramdam iyong lalaki ka sa poder nila. Kaya kayo, hangga't nandiyan pa sa tabi niyo ang Nana't Tatay niyo, hangga't nabubuhay pa sila sa mundo ay alagaan niyo sila at mamahalin. Kasi masakit kung wala kang mga magulang sa tabi, masakit kung hindi mo na sila makikita pa. Masakit na masakit talaga siya. Bumalik sa realidad ang pag-iisip ko nang maramdaman kong may pumitik sa noo ko at napahawak ako roon. "Tiya naman, eh," nakangusong sabi ko. "Bumangon ka na riyan, kakain na tayo ng hapunan mayamaya lang. Magpalit ka na ng damit," sambit ni Tiya at tumayo na siya sa pagkakaupo sa kama ko, saka siya lumabas sa loob ng kuwarto ko. Humugot ako nang malalim na hininga bago bumangon at lumapit sa kabinet. Kumuha ako ng puting damit na medyo may kalakihan at itim na jogging pants. Tumingin na muna ako sa maliit na salamin na nakadikit sa dingding na malapit lang sa maliit kong mesa. Napangiti ako nang makita ang hitsura ko sa salamin. Ang suwerte ko rin sa mukha ko. Maganda ako, haha. Iyong kilay ko na makapal at madalas sinasabi sa akin ng kaibigan kong si Macky na bawasan ko raw ito pero ayaw naman ni Tiya. Pagagalitan ako no'n sa oras na ginalaw ko ang kilay ko. Iyong mga mata kong may kulay na tsokolate at may mahahaba at malalantik na pilikmata. May maliit at matangos na ilong, ang labi kong natural na pula. Saka makinis na pisngi. Pero... "Naligaw ka na naman pimples?" nakangusong saad ko. Paano ba naman may pimples na ako sa kanang pisngi ko. "Eyse!" Napaigtad ako nang marinig ko na naman ang boses ni Tiya. Kahit na kailan ay hindi talaga ako nasasanay kay Tiya. "Lalabas na po, Tiya!" sigaw ko pabalik at magmamadaling lumabas mula sa kuwarto ko. Kompleto na pala sila sa hapagkainan at ako na lang ang kulang. Katulad ng dati ay umupo ako sa tabi ni Kuya Seb. "Kamusta, Ellang?" Kumunot ang noo ko nang bigla-biglang nangumusta si Kuya Seb. "Ano'ng nangyari sa 'yo, Kuya? Bakit ka nangangamusta sa akin?" tanong ko sa kanya at nakakunot pa rin ang noo ko. "Nangangamusta lang naman, Ellang. Ikaw talaga," natatawang saad niya at ginulo niya ang buhok ko. Madalas niya iyon ginagawa sa akin. Ginagawa akong bata. Tss. Mayamaya lang ay nagsimula na kaming kumain. Tahimik lang sana kami nang binasag ni Kuya Seb ang katahimikan. "Oo nga pala, Inay. Magbubukas na po ng ika-tatlong paligsahan ang Boses ng Pilipino, at nakakuha na ako ng form para kay Ellang. Inay, gusto niyo po bang makapasok si Ellang para sa paligsahan na iyon? Sa tingin ko magandang oportunidad iyon para kay Ellang, Inay." Napahinto ako sa sinabi ni Kuya Seb at bumilis ang t***k ng puso ko. Natutuwa iyong puso ko sa sinabi ni Kuya Seb at napaawang ang mga labi kong tiningnan ko siya. "Hindi!" biglang sigaw ni Tiya at nagulat kami sa naging reaksyon niya. "Nanay?" "Ano ba 'yang pumasok sa kokote mo, huh Sebastian? Nahihibang ka na ba? Napag-usapan na natin na hinding-hindi papasok sa ganyang organisasyon si Eyse!" pagalit na saad ni Tiya at namumula na iyong mukha niya. Halatang galit na galit talaga si Tiya. Ngayon lang, ngayon lang nagtaas ng boses si Tiya Beth kay Kuya Seb at nasa harapan pa kami ng hapagkainan. "Kalma ka lang, mahal ko," pag-aalo ni Tiyo Geb at hinagod nito ang likuran ni Tiya. Pero hindi nagpatinag si Tiya at dinuro pa ng hintuturo niya si Kuya Seb. "Ikaw Sebastian, huwag kang magdesisyong mag-isa nang hindi ko nalalaman!" malakas na boses na sabi ni Tiya. Napatulala ako at tahimik lang din ako. Si Kuya Dez na tahimik lang kumakain at parang may sarili siyang mundo. Wala siyang pakialam sa nangyayari sa paligid. Habang si Enza ay tahimik ding nakaupo at halatang natatakot na ito. "Inay, may karapatan din si Eysa para magdesisyon sa sarili niya. Gusto niyang pumasok sa ganitong patimpalak at bakit ho ba ayaw niyo siyang payagan? Hayaan niyo naman po ang batang gawin ang nais niya. Sayang po ang talento ni Eyse kung ikukulong niyo lamang siya rito sa bukid!" Nalaglag ang panga ko sa narinig mula kay Kuya Seb. Ngayon lang din siya nagtaas ng boses kay Tiya Beth. Mabait si Kuya at malaki ang respeto niya kay Tiya pero ng dahil lang sa akin ay nagawa niyang magsalita ng ganito. "Hindi ko siya kinukulong Sebastian!" Napatayo na si Tiya at nanlilisik ang mga matang tiningnan si Kuya Seb. "Tama na, nasa harapan tayo ng hapagkainan at heto kayo't nagbabangayan. Beth, mahal ko, hayaan mo na si Eyse sa gusto niya. Tama ang anak natin, may karapatang magdesisyon si Eyse. Hindi panghabang buhay ay palagi mo siyang kinokontrol. Darating ang panahon ay aalis din sa poder natin si Eyse. Alam mo na malaki ang opurtunidad ang nag-aabang sa kanya sa Manila. Para rin naman ito sa magandang kinabukasan niya," mahinahong sambit ni Tiyo Geb at sinulyapan ako. Nginitian ako ni Tiyo at tumulo iyong luha ko. "Pero masyado pa siyang bata! Hindi ko hahayaan na pumunta siya sa Manila! Geb, kinakampihan mo ba ang anak mong wala ng modo at sinasagot-sagot na ang sarili niyang ina?!" ani Tiya at muling dinuro si Kuya Seb. Napabuntong-hininga si Kuya Dez at iyong kaninang tahimik lang siya ay ngayon ay sumabat na siya sa usapan nina Tiya. "Tama si Tatay, Inay. Tama si Kuya Seb, hayaan mo na si Eyse. Huwag mo siyang kontrolin, Inay. Hindi sa lahat ng oras ay nandiyan si Eyse. Kung ipipilit mo ang gusto niyong mangyari kay Eyse ay wala siyang kinabukasan. Tingnan niyo, Inay. Sa susunod na taon ay ipapahinto niyo sa pag-aaral si Eyse, at mas gusto mong magtrabaho na lang si Eyse rito sa bukid. Sabi mo 'Nay, bata pa siya pero heto siya at pinagtatrabaho mo na. Maawa ka naman po, Inay, bigyan mo naman po ng kalayaan si Eyse, hayaan niyo po siyang gawin ang gusto niya. At sumasang-ayon po ako kay Kuya Seb, hindi ko hahayaang sirain mo ang magandang kinabukasan ni Eyse, Inay." Sa sinabi ni Kuya Dez ay lumambot ang mukha ni Tiya at tiningnan pa ako nito. "Gusto mo ba? Gusto mo ba ito, ha Eyse?" tanong sa akin ni Tiya sa mahinang boses. "O-Opo Tiya," nauutal kong sagot at sinamahan ko pa nang pagtango. "Kung ganoon hahayaan kita pero aalis ka na rito sa bahay, mag-impake ka na at huwag na huwag ka nang babalik pa sa pamamahay ko," ani Tiya at nagmamadaling lumabas. "Nanay!" "Beth!" tawag nina Kuya at Tiyo. Hahayaan ako ni Tiya sa gagawin ko pero ang kapalit no'n ay aalis na ako sa poder nila? P-Pero...hindi ko kaya iyon. Sila na ang pamilya ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD