Kabanata Pito: He Got Me Already
Ngayon ko lang nalaman na ang daldal pala ni Bryan. Nang makaupo kasi kami sa sari-sarili naming upuan sa classroom ay panay ang kausap niya sa akin kahit na hindi ko siya gaanong sinasagot.
Kami pa lamang ang naririto. Masyado pa kasing maaga kaya wala pa ang ibang mga kaklase namin. Sadyang maaga lang talaga akong pumapasok dahil iyon ang nakasanayan ko simula first year college kaya hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang habit na ganoon.
“What did you do after I drove you home? Hindi ba sabi mo naroon ang mga kaibigan mo sa bahay niyo kahapon? What happened?” sunod-sunod na tanong ni Bryan.
Tinignan ko siya. We are one seat apart because I told him to not sit beside me. Gano’n kasi sana ang gagawin niya ngunit hindi ako pumayag dahil sa tabi ko nakaupo si Tina. Baka magtaka iyon ‘pag nakitang katabi ko siya. Saka isa pa, baka may dumating kaming kaklase at makita kaming dalawa na magkatabi.
Hindi ko sinagot ang tanong niya. Bakit iyon pa ang itatanong niya sa akin? Eh, pinaalis ko nga sila kahapon dahil sa kan’ya!
“Lei, are you alright?”
Napabalikwas ako nang maramdaman ang kamay niya sa aking balikat. Agad niya namang tinanggal ang kan’yang kamay nang makita ang gulat sa aking mukha. Ang nanlalaki kong mga mata ay nakatingin sa kan’ya.
Itinaas niya ang kamay niyang humawak sa aking balikat at nalilitong ngumiti. “I’m sorry.”
I sighed. Hindi naman ako magugulatin ngunit sa simpleng paglapat ng palad ni Bryan ay grabe na ang reaksyon ko. Ganito ba talaga ang epekto niya sa akin? Kung ganoon, nakakatakot pala. Mukhang kailangan ko na talaga siyang iwasan.
Bigla na lamang siyang tumahimik, siguro ay dahil sa naging reaksyon ko nang hawakan niya ang balikat ko. Dapat ay mapanatag ako ngunit hindi ko magawa lalo na nang maalala ko kung ano ang ginawa niya sa kabilang classroom kasama ang hindi ko kilalang babae. Nanlaki ang mga mata ko at inikot ang tingin sa buong room.
Kami lamang ang nandito. Walang kahit sino. Ang tanging kasama namin ay ang mga upuan na wala namang nakaupo, bukod sa inuupuan naming dalawa. Madilim din dito sa loob dahil wala pang araw na sumisikat. Bigla akong kinabahan at unti-unting tumingin kay Bryan.
Napatayo ako bigla nang makitang nakatingin siya sa akin. Kanina pa ba niya ako tinitignan? Pero bakit?
Hindi na ako nagpaalam sa kan’ya. Naglakad ako palabas ng classroom gamit ang mabibigat na yabag ng aking dalawang paa. Parang labag na labag pa sa kalooban ko ang lumabas…
“Saan ka pupunta, Lei?” tanong ni Bryan nang makitang papunta ako sa pintuan ng classroom.
“Outside.” Tipid kong sagot.
Hindi ko kayang mapag-isa kasama siya sa loob ng classroom namin. Nakakapanibago sa pakiramdam ko, ngunit may kung anong gaan sa aking dibdib at para bang gustong-gusto ko ang pagiging maaga niyang sumipot sa aming klase. Magiging ganito na kaya siya araw-araw o ngayon lamang ito?
Nakakatakot sa dinaraanan kong corridor. Wala pa kasing tao at ako lang ang mag-isang naglalakad. Mas lalo tuloy akong kinabahan, lalo na noong maramdaman kong para bang may sumusunod sa akin. Halos patakbo na akong naglalakad para lamang hindi ako maabutan ng kung sino mang sumusunod sa ‘kin, kung mayroon man.
Ngunit nang marinig ko ang kaluskos mula sa aking likod, ang hinala kong may sumusunod sa akin ay mas napatunayan ko lamang. Abot-abot langit ang kaba ko kaya wala na akong nagawa kung hindi ang tumakbo na pababa ng building. Saan na ako pupunta nito? Sarado pa ang cafeteria, kailangan kong makalabas!
I squealed when someone grabbed my waist. My eyes were closed because I’m so nervous right now, hindi ko kayang makita kung sino ang humahawak sa akin! Ngunit nang humalakhak ito sa aking tenga ay napagtanto ko kung sino iyon. It was Bryan.
Oo, Leila, it would be definitely him because he’s the only one inside your classroom! Sino naman ang kukuha sa’yo rito sa loob ng school? Sa tingin mo ba ay ma-ki-kidnap ka rito, sa loob ng school mo? Stupid, Lei!
Nasa pinakahuling baitang na ako ng hagdan at muntikan pang mahulog. Mabuti na lamang at mahigpit ang pagkakahawak sa akin ni Bryan kaya hindi ako tuluyang nahulog. Maaaksidente pa ‘ata ako dahil dito kung sakali.
“Chill, it’s just me,” bulong niya sa aking tenga.
Hinihingal pa ako kaya hindi ako makapagsalita. Nakakainis, nakakagalit! Bakit niya naman gagawin sa akin ito? Hindi ito nakakatuwa! Natakot ako nang sobra.
Nanginginig ang mga kamay ko nang humawak ang mga ito sa braso niyang nakapulupot sa aking baywang. Pinilit kong tanggalin iyon ngunit siya na rin ang nagtanggal ng kan’yang pagkakahawak.
“Asshole! Akala mo ba nakakatuwa ang ginawa mo?” I spatted angrily.
Nabura ang ngiti sa kan’yang labi. That’s right! Dapat ay alam niya kung kailan siya p’wedeng mag-joke at kung kailan niya kailangang mag-seryoso! Muntik na akong atakihin sa ginawa niya. Wala naman akong sakit sa puso ngunit dahil doon ay magkakaroon na yata! Takot na nga ang nararamdaman ko habang naglalakad sa corridor, dinagdagan pa niya!
“I’m sorry, alright? I didn’t know that you’ll get scared,” paliwanag niya.
Nakita ko ang pagkalito sa kan’yang mga mata. Parang hindi niya alam ang gagawin. Natatakot ba siyang baka magalit ako sa kan’ya?
Humalukipkip ako at isinantabi muna ang nararamdaman. I need to focus on this first before thinking about his feelings for me. Nababaliw na nga talaga siguro ako. Napansin ko pa talaga ang mga mata niya at kung anong ipinapahiwatig noon.
“Bakit ka ba sumunod sa akin? Sinabi ko na ngang lalabas ako.” bumuntong hininga ako nang mapagtantong parang pinapagalitan ko ang musmos na bata dahil sa maling ginawa nito.
Nakatingala ako sa kan’ya dahil nakatayo siya sa mas mataas na baitang kaysa sa akin. Ngayon ko lang napansin kung gaano kabagay sa kan’ya ang uniporme namin. Kulay puti ang pang-itaas at pang-ibaba ng aming uniform at kung ako ang tatanungin, kaunti lang ang binabagayan ng ganitong uniporme. Madali rin itong marumihan dahil nga kulay puti ito kaya kailangang mag-ingat na hindi ito malagyan ng mantsa. Bumaba ang aking tingin sa kulay puting sapatos ni Bryan at nakitang sobrang linis nito. Bumilis ang kabog ng aking dibdib nang bumalik ang tingin ko sa kan’yang mukha.
I will admit, I am attracted to a man who’s clean and who knows proper hygiene. At pasadong-pasado roon si Bryan.
“I was worried,” pabulong niyang sambit.
Narinig ko iyon ngunit pinili kong magbingi-bingihan. “What?”
Umiling siya at hindi na inulit ang sinabi, hindi ko alam kung bakit. Pero okay na iyon dahil kung inulit niya pa, baka kung ano-ano na naman ang maisip ko.
Naiinis ako sa sarili ko. Lahat kasi ng sasabihin ng lalaking nasa harapan ko at tinitingala ko ngayon ay binibigyan ko ng kahulugan. Hindi ko naman gustong gawin iyon ngunit hindi ko talaga maiwasan lalo na kapag pakiramdam ko ay nasa cloud 9 ako sa sinabi niya. Bumuntong hininga ako at napailing. Nababaliw na ako.
“Bukas na ba ang cafeteria? Kain muna tayo,” sambit niya.
Hindi niya na ako hinayaang makasagot dahil hinila niya na ako pababa ng hagdan at ang bilis niyang maglakad na halos tumakbo na ako para mahabol lamang ang mga lakad niya. Hawak niya ang palapulsuhan ko kaya hindi ako makapaglakad nang maayos. Ngunit mas mabuti na rin siguro ito dahil ayaw ko nang mag-isa. Nakakatakot, eh.
He treated me breakfast. Sinabi ko sa kan’ya na kumain na ako sa bahay kahit ang totoo ay nag-gatas lang ako. Ayaw ko kasing magpalibre sa kan’ya ngunit umorder siya nang kanin, hotdog, at bacon para sa aming dalawa. Bukas na pala ang cafeteria, ang akala ko kasi ay hindi pa dahil maaga pa.
“Let’s sit first.” Tinapik niya ang sandalan ng upuan.
Umupo ako sa harapan niya. Hindi ako makatingin sa kan’ya dahil nakapangalumbaba siya sa lamesa at nakatingin sa akin. Niluluto pa ang order namin kaya hindi pa kami makakain. Napabuntong hininga ako nang hindi na makayanan ang mga titig niya sa akin.
Sinamaan ko siya ng tingin. “P’wede ba, tigilan mo ang katititig mo.” baka kasi mas lalo lang akong mahulog.
“I can’t. Ang ganda mo.”
Pigil na pigil ang pagngiti ko. Ayaw kong malaman niya na natutuwa ako sa sinabi niya.
Nakatatakot. Parang hindi na ‘ata ako makaaahon sa nararamdaman kong ito. Kaunting-kaunti na lang, magiging bihag na ang puso ko. Bihag ng lalaking pinaka-inaayawan ko noon. Funny how destiny plays with our lives, ano? Iyong taong ayaw na ayaw mo, roon ka pa mahuhulog nang todo.
Dumating ang order namin sa oras na sasagutin ko sana ang sinabi ni Bryan. Tinignan ko ang oras at nakitang mayro’n pa kaming kalahating oras para kumain.
“Hindi pa ako kumakain ng almusal kaya niyaya kitang kumain muna. Alam ko kasing takot ka kaya sinama na kita.” he laughed before continuing what he was saying, “Grabe ang reaksyon mo kanina, akala ko makakatikim ako ng hampas galing sa’yo.”
Napairap ako ngunit nang makitang nangingiti siya, hindi ko rin maiwasan ang mapangiti. Hindi ako nagsalita at ipinagpatuloy ang pagkain dahil hindi pa rin naman ako nag-aalmusal.
“I’m sorry about what I did a while ago, hindi ko naman alam na matatakutin ka.” he sincerely said. Kita ko sa kan’yang mga mata na gusto niya talagang humingi ng tawad.
“Hindi ako matatakutin, kanina lang iyon dahil na-realize ko na wala pala akong kasama tapos bigla na lang akong nakarinig ng kaluskos. Tapos wala pang mga estudyante sa corridor,” paliwanag ko.
We finished eating 10 minutes before our first class. Tinakbo na namin papunta sa aming building dahil medyo malayo ang cafeteria. Hinawakan na ni Bryan ang kamay ko nang makitang hinihingal na ako sa pagtakbo. Kakatapos lang kasi naming kumain tapos tumakbo kami agad.
“Bilisan mo, ‘di ba ayaw mong na-le-late?” paalala ni Bryan sa akin.
Tumango ako at binilisan ang pag-akyat sa hagdan. We successfully arrived inside our room minutes before our prof arrives. Ang mga maiingay naming kaklase ay natahimik nang makita kung sino ang kasunod kong pumasok. Ako kasi ang naunang pumasok sa loob ng room.
“Ang aga natin ngayon, Bryan, ah!” bati ng isa naming kaklase na lalaki kay Bryan.
My eyes focused on Tina. Siya agad ang nakita ng mga mata ko lalo na at nakatingin din siya sa akin. Pakiramdam ko, may alam siya dahil lumagpas ang tingin niya sa akin at dumeretso ito kay Bryan na nasa likod ko.
Sinubukan ko siyang ngitian nang dumaan ako sa harap niya at nagpapasalamat ako na ngumiti rin siya pabalik. Ang akala ko ay hindi niya ako ngingitian dahil iba ang ipinapahiwatig ng mga mata niya.
Natapos ang first class na nagbilin sa amin ang prof tungkol sa aming project. We should have a partner on this project. Kailangan daw namin na mag-interview ng isang psychological clinic at magbigay ng insight namin sa interview na nagawa namin.
I sighed. Habang inaayos ang mga gamit ko ay iniisip ko na rin kung sino ang kukunin kong partner. Kung si Tina na lang kaya? 1 week lang kasi ang ibinigay sa amin para maisagawa ang project. This is for our 1st semester project at individual naman ang grading dahil individual din ang gagawin naming insight. Ginawa lang na by partner ang interview para hindi kami mahirapan sa paghahanap ng clinic.
“Lei, can we talk?”
Napalingon ako kay Tina nang tawagin niya ako. Speaking of, sabihin ko na rin kaya sa kan’ya ang plano kong maging partner siya?
Ngunit lumiko ang mga mata ko kay Bryan na nakatingin sa akin. Hindi na kami nag-usap ulit nang makarating kami rito sa loob ng classroom. Hindi rin naman talaga kami makakapag-usap dahil dumating na agad ang prof. Okay na rin iyon dahil ganoon naman talaga ang napagkasunduan namin, hindi kami magpapansinan kapag nasa loob ng school. Except kanina dahil wala pa namang tao at wala pang makakakita sa amin.
Kumunot ang noo ko nang sumenyas si Bryan sa akin at itinuro ang sarili niya. Agad kong naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin. Mukhang hindi ko na kailangang tanungin si Tina kung gusto niya bang maging partner ko. Nag-volunteer na kasi iyong nasa likod niya.
Nilingon kong muli si Tina nang mapansing lilingon na siya sa kan’yang likuran. “Oo naman, Tin. Ngayon mo na ba gustong makipag-usap?”
Tumango siya at nauna nang lumabas ng classroom. Nakalabas na rin si Bryan kanina pa. Kinuha ko muna ang bag ko bago ako lumabas at sumunod kay Tina.
I followed her until at the end of the corridor. Walang dumadaan doon kaya alam kong malaya siyang makakapagsalita sa kung ano mang gusto niyang sabihin. At sa tingin ko, hindi tungkol sa project ang gusto niyang pag-usapan naming dalawa.
“Let me get straight to the point. May namamagitan ba sa inyong dalawa ni Bryan?”
I knew it. Alam kong iyon ang gusto niyang pag-usapan. Hindi ko alam kung sila pa ba ni Bryan ngunit sa tingin ko ay hindi na dahil hindi na rin siya sumasama kay Bryan. Hindi na rin naman siya pinapansin ni Bryan.
“Wala.” mabilis kong sagot.
Dahil wala naman talaga. Peke lang naman ang relasyon namin.
“Kung gano’n, gusto mo ba siya, Leila?” diretsong tanong niya.
Hindi ako nakasagot kaagad. Hindi nagbago ang reaksyon ko kahit pa iba na ang nararamdaman ko dahil ayaw kong malaman niya sa reaksyon ko ang sagot sa tanong niya.
Sa huli, tumawa ako para ipakita sa kan’ya na nakakatawa ang tanong niya at kung seryoso ba siyang itinatanong niya sa akin iyon.
“Sa tingin mo ba magkakagusto ako sa katulad niya? He’s a playboy, Tina.”
Ngumiti siya. “Bakit hindi? Playboy lang siya ngunit ibang-iba ang ugali niya ‘pag nakilala mo na siya.”
Tama si Tina. Ibang-iba nga ang ugali ni Bryan kung ikukumpara sa pagkakakilala sa kan’ya ng mga tao. Ngunit kung ang sinasabi ni Tina na ibang-ibang ugali ay ang pagiging sweet nito, hindi kaya ginagawa niya ito sa lahat ng babae niya, pati na rin sa akin?
“I-I don’t like playboys.” Ito lang ang tanging nasambit ko. Talaga ba, Leila?
Hinawakan ni Tina ang braso ko. “Ito lang ang masasabi ko. Kung hindi mo gusto si Bryan, sa tingin ko, siya ang may gusto sa’yo. I saw how he looked at you and I can say that you are his next target. Kaya sana, mag-ingat ka. I don’t want you to get hurt like me. Ang akala ko kasi noon, magbabago siya nang dahil sa akin. But I was wrong, because he dumped me when I told him that I loved him. Hindi siya marunong magmahal.”
After she said that, umalis na siya. Napailing na lamang ako. I should be worried but why am I happy when Tina said that she felt that Bryan likes me? Tama bang matuwa ako roon?
Tina, I’m sorry but you’re late. He got me already.