Chapter 1 Iza’s Innocence

3897 Words
Miraliza’s POV “O? Ginabi ka na sa paliligo sa batis? Naibigan mo ba ang mga inihanda kong pagkain para sa iyo?” Mabilis na ngumiti at tumango ako kay lola. “Lola may itatanong po ako sa inyo,” ibinaba ko ang hawak na basket at tumayo sa harap ni lola. Mula sa tinatahi niya ay tumingin siya sa akin. Nahiga naman sa tabi ng upuan niya si Migo at nakatunghay din sa akin na animo’y nag-aabang din sa sasabihin ko. “Ano iyon, apo?” inayos pa ni lola ang salamin niya nabahagyang bumaba dahil sa pagtingin niya sa akin. “Ano po bang klaseng hayop tayo? Saka wala po ba tayong ibang katulad dito sa gubat? Iba rin po kasi ang itsura natin sa ibang mga hayop na nandito. Saka bakit po parang nagkakaintindihan iyong ibang mga hayop pero hindi naman natin sila maintindihan? Hindi rin po sila nagsasalita kagaya natin, pero may tunog din po sila kagaya ni Migo.” Napamaang si lola sa akin na bahagyang nakaawang ang mga labi. Masiyado yatang marami iyong tanong ko at mukhang wala siyang natandaan kahit isa. Ibinaba niya sa may kandungan niya ang tinatahi niyang damit at itinusok sa nakarolyong sinulid ang karayom saka ipinatong sa lamesitang nasa gilid. Pagkatapos ay ibinaling niyang muli ang atensiyon sa akin at sa pagkakataong ito ay lubhang napakseryoso ng titig niya. “Iza, natatandaan mo ba kung ilang taon ka na?” banayad niyang tanong. Agad akong tumango nang sunod-sunod. “Labing-siyam po ang sinabi ninyo, lola,” masigla kong tugon. Siya naman ang tumango sa akin. “Una sa lahat, Iza, hindi tayo hayop na gaya ni Migo at nang iba pang nakikita mo rito sa gubat. Ang tawag sa atin ay tao. Malaki ang pagkakaiba natin sa ibang mga hayop na makikita rito sa gubat,” dahan-dahan niyang sambit. Kumunot ang aking noo dahil ngayon ko lang narinig ang salitang tao. “Ano po ang tao, lola? Kung tao po tayo, ano po ang ibig sabihin no’n?” inosente kong tanong. Mula pa noong bata ako ay marami na akong itinatanong kay lola pero madalas ay sinasabi niyang hindi pa panahon para magpaliwanag siya. “Hindi ba, sabi ko sa iyo sasabihin ko ang lahat tungkol sa atin kapag dalawampu na ang iyong gulang? Labingsiyam ka pa lamang kaya ang ilang katanungan mo ay sa susunod na taon ko pa sasagutin. Marami akong ipagtatapat sa iyo sa mismong kaarawan mo kaya magtimpi ka muna sa ngayon, maaari ba?” malumanay niyang paliwanag. Nanghihingi rin ng pang-unawa ang ngiti niya kaya bumuntong hininga na lamang ako at dahan-dahang tumango. “Sige po, lola. Pero isang tanong na lang po, kung puwede?” hiling ko naman. Mahina itong natawa ngunit sa huli ay tumango rin bilang pagsang-ayon. “Paano po tayo lumitaw dito sa mundo? Katulad din po ba ng mga hayop na ipinapanganak o kusa na lang po tayong nabubuo hanggang sa lumaki?” Sa ikalawang pagkakataon ay natigilan siya at ilang beses na kumurap. Tila ba naging alanganin maging ang mga ngiti niya. Nagtataka lang naman talaga ako kung saan kami nanggaling? Saka kung tao kami, may iba rin kayang taong nabubuhay dito sa gubat? Maliban kasi sa amin ni lola, wala pa akong nakitang ibang katulad namin. “May isang makapangyarihang nilalang sa mundong ito na tinatawag na Diyos, Iza. At siya ang lumalang sa lahat ng mga bagay sa mundo at kasama tayong mga tao sa nilikha niya,” napatitig ako kay lola habang binabanggit ang mga iyon. Medyo napangiwi ako. Hindi ko pa nga ganap na nauunawaan kung ano ang tao, ngayon may iba na namang bago. Diyos naman ngayon. “Saan po nating makikita ang Diyos, lola?” hindi ko alam kung bakit pero natawa si lola sa tanong ko. “Hindi natin siya makikita, Iza. Pero nariyan lang siya at nakabantay sa ating lahat. Siya ang nagpapasikat ng araw at ang nagpapalubog rin nito. Siya rin ang nagbibigay ng hangin, ulan at lahat ng kailangan natin sa mundong ito para mabuhay,” masinsinan niyang pahayag. Namilog ang mga mata ko dahil sa matinding paghanga sa sinasabi ni lola na Diyos. Ang galing naman! Natulog ako ng gabing iyon na laman ng isip ko ang Diyos at ang malakas niyang kapangyarihan. Lumaki at nasanay ako sa poder ni lola. Ang buong pangalan ko ay Miraliza, pero Iza ang tawag sa akin ni lola. Nabuhay kami sa tahimik at liblib na bahagi ng gubat na ito. Halos lahat ng uri ng mga hayop ay kabisado ko na. Kahit nga ang mga hayop sa himpapawid at mga nilalang sa ilalim ng tubig ay kabisado ko na rin. Ang tanong lang talaga na hindi mawala sa isip ko ay kami ni lola. May mga iba pa kayang gaya namin sa kagubatang ito? Hindi kasi ako pinapayagan ni lola na lumayo dahil baka raw maligaw ako at lapain ng mababangis na hayop. Kaya maliban sa batis, talon at sa kakahuyan ay wala na akong ibang alam na lugar dito sa gubat. Nakatulugan ko na ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na sinabi sa akin ni lola. Nagising lamang ako sa malalakas na ugong ng hangin kasabay ng napakalakas na ulan. Kaninang bandang hapon pa lang ay kita na namin ang pagsama ng panahon. Malamang ay may bagyo na naman. Sabi ni lola bagyo ang tawag kapag may malakas na ulan at hangin. Kawawa na naman itong bahay namin ‘pag nagkataon. Siguradong liliparin na naman ang bawat bahagi nito. “Iza! Iza, apo nasaan ka?” narinig kong muli ang pagtawag ni lola na puno ng pag-aalala kaya napabalikwas na ako ng bangon. “Lola, nandito po ako sa silid ko!” pasigaw kong tugon dahil maingay ang labas dahil sa lakas ng ulan at hangin. Ngunit hindi pa man ako nakalalabas ng kuwarto ko ay hinampas na ng napakalakas na hangin ang buong kubo namin ni lola. Napatili ako sa matinding pagkagulat. Dinig ko rin ang walang patid na pagtahol ni Migo. Bigla akong nangatal sa dumamping malamig na hangin sa katawan ko kasabay ng malakas na ulan. “Lola! Lola!” Madilim ang buong paligid at tanging ang mga nakatatakot na kulog at kidlat lang ang nagbibigay ng panandaliang liwanag sa paligid. Maraming mga nagliliparang kung ano-ano gaya ng mga dahon at sanga ng mga puno at halaman. Nagimbal ako nang paglingon ko ay may rumaragasang putik ang papunta sa kinaroroonan namin. Hindi ko alam kung tubig ba iyon na may kasamang putik o putik lang. Hindi ko na nagawa pang mag-isip dahil nang madaanan ako niyon ay may kung anong matigas na bagay ang tumama sa ulo ko at tuluyan na akong nawalan ng malay. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nawalan ng malay. Ngunit nang muli akong magising at magmulat ng mga mata ay maliwanag na ang buong paligid at may mga boses akong naririnig. Hindi ko maigalaw ang buong katawan ko at nananakit ang mga braso at hita ko. Pinilit kong bumangon pero napagtanto kong may malaking katawan ng puno ang nakadagan sa mga hita ko. “L-lola…” sa paos at mahinang tinig ay sinubukan kong tawagin si lola pero maging ang lalamunan ko ay tuyong-tuyo at pakiramdam ko ay sobrang init ng buong katawan ko. Maging ang mga mata ko at hininga ay mainit ang singaw. “Guys, look, there is another person here!” muli ay may narinig akong boses pero kakaiba ang salita niya dahil wala akong nauunawaan. Mabigat na mabigat ang talukap ng mga mata ko kaya hindi ko maidilat. “Buhay pa ba iyan?” may isang panibagong boses. Tao sila. Hindi ko sila nakikita pero palagay ko ay katulad namin sila ni lola. “Yeah! She’s still alive. She’s trying to move but this log is keeping her from doing so!” sabi noong unang nagsalita kanina. Bakit kaya kakaiba ang pagsasalita niya? “Her body is covered with so much mud. I think she’s a woman Lexi. She has long hair.” Mayroon pa ulit ibang boses na nagsalita. Hindi ko na muli pang narinig ang iba pa nilang sinasabi dahil ginapi na ako nang matinding pagkahilo at muling nawalan ng malay. At sa muli kong paggising ay parang gumagalaw ang hinihigaan ko. Bigla akong natakot kaya napabangon ako pero napangiwi rin. Sumigid kasi ang sakit ng ulo ko na sinundan din ng pananakit ng buo kong katawan lalo na nga ang akingf mga hita. “Wait, Miss. Mahiga ka lang kasi malaki ang sugat mo sa may binti at sa iyong braso,” pigil sa akin ng isang malambing na boses. Nilingon ko kung saan nanggaling ang nagsasalita at nakita ko ang isang nilalang na may katulad ko ang itsura. Namangha akong napatitig sa kaniya at nanlaki ang mga mata ko. “Tao ka rin ba?” namamangha kong tanong. Umawang ang labi niya at nang makahuma ay bahagya siyang tumawa. Doon ko lang din napansin na may iba pa pala siyang mga kasama. Tumango siya sa akin at parang naaaliw akong tiningnan. “Oo, tao ako. Ako si Lexi at ito naman ang mga kaibigan ko si Diron at ito naman si Mona. Kami ang nakakita sa iyo sa gubat kasi doon malapit bumagsak iyong sinasakyan naming chopper,” sagot ng nagpakilalang Lexi. Pero nawala sa kanila ang atensiyon ko dahil naalala ko si Lola at si Migo. “Iyong lola ko, saka iyong alaga kong si Migo, nakita ni’yo po ba? Saka nasaan po tayo? Ano bang klaseng hayop ito at mukhang mabilis ang takbo?” tiningnan ko pa ang kabuuan nitong sinasakyan namin. Ano kayang klaseng hayop ito at nagkasya kami dito sa loob ng tiyan niya? Muli kong nalingon ang mga tao sa harap ko dahil bigla silang nagtawanan. Iniisip ko tuloy kung may nasabi ba kaya akong nakatatawa o may naalala silang ikinatawa nila. “Hoy Miss putik, ngayon ka lang ba nakakita ng tao? Saka hindi hayop itong sinasakyan natin. Ang tawag dito ay van. Isa itong uri ng sasakyan,” napatanga ako nang magsalita iyong Mona. Wala akong nasabi dahil hindi ko alam kung ano’ng isasagot sa sinabi niya. “Hindi hoy ang pangalan ko,” naisipan kong sabihin. Tinawag niya kasi akong hoy hindi naman iyon ang pangalan ko. “Saka iyong lola ko at si Migo, nakita ni’yo po ba? Nasaan po sila?” dagdag kong tanong. Bigla akong nilukob ng pag-aalala. Nagkatinginan sila at sumeryoso ang mga mukha. Nakatitig lang ako sa kanila at hinihintay ang sasabihin nila. “Ano nga palang pangalan mo?” tanong ni Lexi. Mukha namang mababait ang mga ito. Pero parang itong Lexi ang pinamakamabait. “Miraliza po. Miraliza ang pangalan ko. Pero Iza po ang tawag sa akin ni lola.” Muli silang nagkatinginan at tumango sa isa’t isa. “Wag kang mag-alala Miraliza, itatawag namin agad na hanapin ang lola mo doon sa kung saan ka namin nakita. Ikaw lang kasi ang nakita namin doon kanina,” malumanay na paliwanag ni Lexi. Ako naman ay biglang naiyak dahil sa pag-aalala kay lola at kay Migo. “Huwag kang mag-alala magagaling ang mga maghahanap sa kanila kaya I’m sure makikita rin sila,” pang-aalo naman sa akin noong Diron. Nagtataka man ako dahil maigsi ang buhok niya at iba rin ang boses niya ay hindi ko na pinansin. Patuloy lang kasi ako sa pag-iyak dahil sa kaiisip kina lola at Migo. Buong panahon na nakasakay kami sa van ay tahimik akong umiiyak. Ngayon ko nga lang din napansin na ang dumi-dumi ko pala. Buong mukha at katawan ko ay puno at balot ng putik. Maging iyong buhok ko ay may mga natuyong putik na rin. Huminto kami sa harap ng isang malaki at magandang kubo. Natulala ako sa laki at ganda niyon. May ganito palang klase ng kubo. Ang laki at kulay tupa sa puti. May mga dingding rin na kasinglinaw ng tubig. At ang bubong ay mukhang matibay at kulay dugo. “Ano bang klase ng kubo ito? Bakit napakaganda at napakalaki? Malalaki rin ba ang nainirahan diyan?” namamanghang tanong ko. Hindi ko maialis ang paningin sa kubo dahil napakaganda talaga nito. Ngayon lang ako nakakita ng ganito. “Hindi kubo ang tawag dito, Iza. Ito ay rest house. At hindi malalaki ang nakatira diyan dahil kagaya lang natin silang tao. Ang kuya ko ang may-ari nito,” dahan-dahang pagbibigay-alam sa akin ni Lexi. Nagbubulong-bulungan naman iyong dalawang taong kasama niya. “Lexi, sure ka bang ayos lang iyan na hindi ka na namin dalhin sa ospital?” tanong ni Mona. Nginitian naman siya ni Lexi at saka tinanguan. Si Diron naman ay parang napapantastikuhan habang nakatingin sa akin. “Iza, halika na sa loob para magamot na ang sugat mo saka–” “Senyorita! Diyos ko! Mabuti na lang at ayos ka lang. Kanina pa kami pinagsisigawan ni Senyorito Lexor sa telepono. Paano ba naman, eh, sobrang nag-alala sa iyo, sa inyo! Ano po ba’ng nangyari?” Isang matabang tao na kulot ang buhok ang biglang dumating at humahangos sa amin. Dire-diretso siya kay Lexi at tiningnan kung mayroon itong kahit na anong galos o sugat. Bigla ko na naman tuloy naisip sina lola at Migo “Nay Marisol, okay lang po ako! Okay din kami, kaya lang naiwan na po doon sa gubat iyong chopper. Grabe, hindi po namin akalaing may ganoon pa palang kaliblib na gubat dito sa Palawan!” bulalas ni Lexi. Kumaway naman sina Diron at Mona sa kausap ni Lexi. “Tao rin po ba kayo?” naisipan kong itanong. Medyo malaki kasi ang katawan nitong kausap ni Lexi tapos mas madilim ang kulay ng balat niya. Napasinghap ako nang lingunin niya ako nang matalim ang mga mata. Sina Lexi naman at ang mga kasama niya ay parang nagpipigil ng tawa. “At sino ka namang bastos ka para tanungin ako nang ganiyan? Bakit mukha pa akong manok sa iyo?” singhal niya sa akin kaya napatda ako at napaatras. Bigla ay gusto kong maiyak dahil hindi ko alam kung bakit siya biglang sumigaw at nagalit. “Nay Sol, wait lang po. I think she is a feral child. Parang wala siyang alam sa kabihasnan. Tinanong din niya kami kanina ng ganiyan kaya huwag kang ma-offend. She really doesn’t know,” awat naman ni Lexi doon sa mataba na Marisol ang pangalan. Iyong galit niya kanina ay napalitan ng pagtataka at pagkamangha. Humarap siya sa akin at tinitigan ako mula ulo hanggang paa. “Ganoon ba? Ano bang hitsura nito at bakit siya punong-puno ng putik? Aba, mata lang yata niya ang walang putik, ah?” tanong nito at mataman pa ring nakatitig sa akin. “Miraliza po ang pangalan niya, Nay Sol. Palagay ko po natabunan siya noong landslide kasi sa may paanan ng bundok po namin siya natagpuan. May nakadagan pa nga pong malaking troso sa mga legs niya kanina,” paliwanag pa ni Lexi. Tumango-tango lang si Nay Sol habang nakikinig sa kaniya. “Aba, kung gano’n ay paliguan ni’yo na iyan. Kahit kayo ay maligo at magbihis na rin. Siguradong magagalit si Senyorito Lexor kapag maabutan kayong ganiyan ang mga hitsura,” utos niya kina Lexi pagkatapos ay bumaling sa akin. “At ito, ako na ang bahalang magpaligo rito. Naku! Mukhang mauubos lahat ng sabon at shampoo natin sa babeng ito!” pagpapatuloy niya habang nakatingin sa akin. “Ano pong babae? Tao po ako hindi babae? Saka ano po ba iyon?” bigla kong naitanong kasi tinawag niya akong babae. “Hija, dalawa ang uri ng tao. Babae at lalaki. Ikaw, ako, si Lexi at si Mona, mga babae tayo. Iyon namang si Diron ay lalaki,” dahan-dahan niyang paliwanag. Pero parang mas nalito ako. “Hay naku, mamaya ko na ipaliliwanag ang lahat. Kailangan mo nang maglinis ng katawan!” Nagkatawanan pa iyong tatlo habang ako ay inutusan ni Nay Sol na sumunod na sa kaniya. Lalo akong namangha nang makapasok na sa magarang lugar. Rest house daw. Kailangan tandaan kong ito ang tawag sa malaking kubo na ito. Rest house! May pinasukan kaming isang silid na makinis ang bawat dingding maging ang inaapakan naming sahig makintab at makinis rin. Iba’t iba ang kulay ng mga bagay na nakita ko rito at sa labas kanina. Ano kaya ang mga iyon? “Ang ganda-ganda po ng silid na ito. Siguradong matutuwa rin po si lola kapag nakita niya ito,” parang wala sa sariling sambit ko habang iginagala ang mga mata sa paligid. “Naku, ano na ba ulit ang ngalan mo?” nalingon ko si Nay Sol. “Miraliza po,” magalang kong tugon. “Miraliza. Okay. Ang tawag dito ay banyo. Dito ka maliligo at maglilinis ng katawan. Naiintindihan mo ba?” saad at tanong niya. Agad naman akong tumango. “Pero paano po ako maliligo rito? Nasaan po iyong ilog o kaya batis? Wala po kasing tubig,” nag-aatubili kong tanong. Kanina ko pa kasi tinitingnan pero wala naman akong makitang panggagalingan ng tubig. “Ito, oh!” Malakas akong tumili dahil nang may galawin siyang isang bagay ay parang ulan na bumuhos ang tubig. Nagtitili talaga ako sa pagkagulat at agad lumayo sa bumubuhos na tubig. Tawa naman nang tawa si Nay Sol at kumalat na iyong mga nahulog na putik mula sa katawan ko. Inagos pati ang mga bakas ng putik na iniwan ng mga paa ko. “Halika na! Tumapat ka na rito para mahugasan na lahat ng putik sa katawan mo, bilis!” sumeryoso na siya kaya muli akong kinabahan. Kahit natatakot ako doon sa parang ulan na agos ng tubig ay sumunod ako sa kaniya. Tinulungan niya akong hugasan muna ang buhok ko. Nang wala ng putik ang buhok ko ay mayroon siyang inilagay na mabangong likido. “Ano po iyan? Ang bango-bango po. Parang bulaklak!” tanong ko. Napangiti ito at ipinagpatuloy ang ginagawa. Pinaupo niya ako para raw malinisan niyang mabuti ang ulo at buhok ko dahil mas matangkad ako sa kaniya. “Shampoo ang tawag dito. Ito ang ginagamit na panlinis ng buhok,” paliwanag niya at namangha ako dahil nang basain niya iyong mabangong likido ay may lumabas na parang ulap. “Ano po ang mga iyan?” manghang tanong ko. Saglit siyang natigilan at nanlalaki ang mga matang tumingin sa akin. “Ngayon ka lang ba nakakita ng ganito?” mabilis akong tumango. “Opo. Sa ilog o sa batis ko lang po nililinis ang buhok at katawan ko pero wala pong nilalagay na ganito,” matapat kong pag-amin. Totoo naman kasi iyon. Nagbuga siya ng hangin at muling umiling. “Grabe! Saang lumalop ka ba nakuha ni Lexi at wala kang kalam-alam sa lahat ng bagay… bula ang tawag diyan. Bumubula kasi nililinis niya iyang buhok at ulo mo,” komento nito habang binabanlawan ang buhok ko. Banlaw daw ang tawag kapag huhugasan na iyong mga bula. Pagkatapos ay muli niyang nilagyan ng shampoo hanggang sa iyong mga bula ay maputi na at wala ng putik. “Ito naman, ang tawag dito ay sabon. Ito naman ang gagamitin mong panlinis ng katawan ko,” matiyaga niyang paliwanag habang ipinakikita sa akin ang isang tila malapad na itlog na bagay na kulay rosas. Hinawakan ko iyon nang iabot niya sa akin. Muli akong napatili nang malakas nang kumawala iyon sa kamay ko. “Umalis po siya sa kamay ko! Buhay po ba iyan? Baka po ayaw niya sa akin,” nahihintakutan kong sambit. Pero tinawanan niya lang ako at muling binasa ang katawan ko. “Walang buhay ito. Nadulas lang sa kamay mo dahil basa. O, siya ganito ang pagsasabon ng katawan,” iginiya niya ako kung paano padadaanin sa balat ko ang tinatawag na sabon. Gaya ng shampoo ay may nililikha rin itong bula. Natuwa ako dahil ang bango-bango rin ng sabon kagaya ng shampoo. Naiyak lang ako nang iyong mukha ko naman ang sinabunan. “Naku, hija, dapat kapag magsasabon ka ng mukha, pumikit ka kasing mabuti para hindi malagyan ang mata mo,” natatawang bilin niya sa akin. Mabilis niyang binanlawan ang mukha ko pero patuloy pa rin akong umiiyak dahil mahapdi pa rin iyong mga mata ko. Isang beses pa uli akong nagsabon ng buong katawan. Nang matapos ay natulala si Nay Sol sa harapan ko. Napatitig naman ako sa kaniya at biglang kinabahan. Hindi ko kasi mawari iyong uri ng tingin na ipinupukol niya sa akin. “May p-problema po ba?” kinakabahan kong tanong. “Diyos ko! Pagkaganda-ganda mo palang bata. Ang balat mo, napakaputi at napakinis. Hindi ko nakita ang tunay na hitsura mo kanina dahil nababalot ka ng putik. Pero ngayong malinis na malinis ka na ay napakaganda mo. Sadyang kahali-halina ka, hija,” parang wala siya sa sarili habang binibigyan ako ng papuri. Napangiti naman ako sa kaniya. “Talaga po? Nagagandahan po kayo sa akin? Maraming salamat po!” agad siyang tumango nang sunod-sunod. “Hindi ka lang basta maganda, hija. Sobrang ganda!” namamangha pa niyang saad kaya lalong lumuwang ang ngiti ko. Pagkatapos niyon ay may pinasuot siya sa aking malambot at tila balat ng hayop na tela. Roba daw ang tawag dito. Komportable ito sa katawan kaya napapayakap pa ako sa sarili. Lumabas siya ng silid at pagbalik ay may dala na ulit siyang mga tela. “Ito muna ang isuot mo,” sabi niya sa akin. May inilabas siyang maliit na kasuotan. “Panty ang tawag dito. Hindi puwedeng wala kang suot na ganito dahil ito ang tatakip sa kaselanan mo,” dagdag pa niya. “Ito po bang p********e ko ang tinutukoy ninyo?” itinuro ko ang ari ko. Iyon daw ang tawag dito sabi sa akin ni lola. Tumango naman si Nay Sol. “Tama. At ito naman ay bra. Pantakip diyan sa dibdib mo. Ewan ko lang kung kakasya sa iyo. Ang lusog-lusog ng dibdib mo. Siguradong maiinggit si Lexi niyan kapag nakita niya,” humahagikgik na sabi nito. Nalito ako dahil hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin. Nang makapagbihis ay ilang beses kong sinipat ang sarili ko. T-shirt at pajama daw ang tawag dito sa panlabas kong damit. Ang ganda-ganda, kasi ngayon lang ako nakakita nang ganito. Iyong mga damit ko kasi ay tinatahi lang ni lola. Itong suot kong T-shirt ay may larawan pa ng nakatutuwang pusa. “Naku, Iza, dito ka muna, ha? Huwag na huwag kang lalabas kasi dumating na si Senyorito Lexor. Galit iyon kaya manahimik ka muna rito dahil baka pati ikaw mapagbuntunan ng galit niya!” sunod-sunod ang naging pagtango ko. Marami pa sana akong gustong itanong pero kinabahan na agad ako doon sa sinasabi niyang Lexor. Sino kaya siya at bakit ganoon na lang silang natatakot sa kaniya? *** Hello guys, One shot story ito kaya mga 3-5 chapters lang tapos na. Sana ay magustuhan niyo po. Kapat gusto niyo naman ng mga COMPLETED stories add ni'yo lang po ang Billionaire Series: 1. A BILLIONAIRE'S DARK OBSESSION (Completed) 2. IN BETWEEN HELLS (Completed) 3. CHASING MR. CONGRESSMAN (Completed) 4. TAMING BOSS STAN (Completed) OTHER STORIES: 1. DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIR (FREE AND COMPLETED) 2. HER RUTHLESS ALPHA (COMPLETED) 3. THE INNOCENT DESIRE (COMPLETED) 4. MY GRUMPY BOSS (COMPLETED) 5. THE DOMINANT WIFE (DAILY UPDATE ON APRIL) 6. SANA'Y MAGBALIK KA 7. LETHAL LOVE Pa-Follow na rin po ako. MISS THINZ po ang pen name ko. Salamat po sa support!!!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD