Rocky
"Hindi ko nagustuhan ang ginawa nyo kanina sa mga bisita. Ganyan ba ang itinuturo ko sa inyo?" Mahinahong wika ni Sister Elena
Alam kong galit sya sa mga ginawa namin kanina pero mas pinili nyang maging mahinahon. Hindi agad ako nakapagsalita kay Sister Elena. Hindi ko alam kung maiintindihan nya ang mga paliwanag ko.
Naramdaman ko na lang na hinawakan nya ng mahigpit ang mga palad ko. Sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng pagsisisi sa ginawa ko.
"Sorry po Sister. Ginawa lang namin iyon dahil ayaw po naming magkahiwa-hiwalay. Sister, dito na lang po kami sa inyo. Pangako, magiging mas mabait na po kami." Mahina kong wika sa kanya.
Nakita ko ang pagtikom ng bibig ni Sister Elena, tila hindi nya naiintindihan ang mga sinabi ko. Bahagyang nakaramdam ng sakit ang puso ko dahil sa ipinapakitang iyon ni Sister.
"Anak, hindi kayo maaaring manatili rito habang buhay. Kailangan nyo ng isang pamilya na mag-aaruga at magmamahal sa inyo. Hindi mo ba gusto na magkaroon ng isang ama at ina ang mga kapatid mo?" Sambit ni Sister Elena
Bahagya akong napatigil sa mga sinabi ni Sister Elena. Sakim ba akong maituturing kung hinahadlangan ko ang pagkakaroon sana ng isang masaya at magandang pamilya ang aking mga kapatid?
Hindi pala maaari ang iniisip ko na dapat ay magkakasama kami habang buhay. May nakahandang plano para sa amin ang Diyos. Mas mapapabuti ang buhay ng mga kapatid ko kapag mayroon silang matatawag na pamilya.
Hindi ko napansin na may dumaloy na luha sa mga mata ko dahil sa lahat ng naiisip ko. Naramdaman ko na lang ang mga palad ni Sister Elena na pinapahid ang luha sa aking mga mata.
"Rocky, alam ko naman kung gaano mo kamahal ang mga kapatid mo. Pero sana maintindihan mo, na upang maging normal ang inyong mga buhay ay kailangan ninyong magkaroon ng isang pamilya. Minsan man lang sa buhay nyo ay maramdaman nyo kung paano ba magkaroon ng isang buong pamilya na magmamahal sa inyo." Mahinahon pa ring wika ni Sister Elena
Mas lalong umagos ang luha sa mga mata ko sa tuwing maiisip na mawawalay sa akin ang aking mga itinuring na mga kapatid. Pero tama si Sister Elena, kailangan namin ng isang pamilya upang maging normal ang aming buhay at maranasan na magkaroon ng isang ama at ina.
"Ikaw ang kanilang kuya na pinagkakatiwalaan nila. Alam kong kaya mong mabuksan ang kanilang isipan. Kailangan nyo ng pamilyang masasandigan. Alam kong matalino ka at naiintindihan mo ang mga bagay na ito." Mahinang wika ni Sister Elena
Naramdaman ko ang mahigpit na yakap sa akin ni Sister. Sa kanyang mga bisig ay lalo akong humagulgol ng iyak at inilabas ko ang bigat na aking nararamdaman.
Simula ng pag-uusap namin ni Sister Elena ay kaagad kong sinabi ang lahat ng ito sa aking mga kapatid. Labag man sa loob ko ay kailangang sundin namin ang desisyon ni Sister Elena.
"Rocky, ayokong magkaroon ng ibang pamilya. Kayo ang pamilya ko at masaya ako kapag kasama ko kayo." Malungkot ang tinig ni Axel nang sinabi nya ito
"Oo nga, ayoko rin ng ibang pamilya. Masaya din ako dito. " malungkot ding tinig ni Jet
Lumapit naman sa akin si Grayson at mahigpit nya akong niyakap. Napakalambing talaga nya at laging nagpapakita ng totoo nyang nararamdaman.
"Dito lang kami sa tabi mo Rocky. Ayaw naming mapunta sa kahit sinong pamilya. Kahit pa ba sa pinakamayamang pamilya pa ako mapupunta, mas pipiliin ko pa ring makasama kayo." Nakakaantig na wika ni Grayson
Kaagaad kong hinimas ang kanyang likuran at tinugunan ko ang mahigpit nyang yakap sa akin.
Nagulat na lamang ako nang maging si Eryx na bihirang magpakita ng kanyang damdamin ay lumapit din sa akin at yumakap ng mahigpit sa amin ni Grayson.
"Rocky, love na love ko kayong lahat." Maikli man, ay naiintindihan ko ang nais iparating sa amin ni Eryx.
"Nakakainis kasi. Bakit ba kailangan pa tayong ipamigay ni Sister Elena? Hindi nya alam na mas magiging malungkot tayo kapag napunta tayo sa ibang pamilya!" Naiinis na wika ni Hunter
Kaagad na bumitaw sa akin si Eryx at nakipaglaro sa batang si Jethro na wala pang muwang sa mundo.
Naglakad ako patungo sa kanilang gitna at isa-isa ko silang pinagmasdan.
"Mahal ko kayong lahat, pero sana maintindihan nyo na kailangan natin ng isang pamilya na mag-alaga sa atin. Sa una, talagang mahirap tanggapin, pero kapag nakasama na natin ang pamilyang nararapat sa atin na ibibigay ang lahat ng ating pangangailangan, alam kong magpapasalamat din tayo sa huli." Wika ko sa kanilang lahat.
Ramdam ko ang kalungkutan sa mga kapatid ko. Alam kong mahirap pa ring tanggapin para sa kanila ang mga bagay na ito. Ngunit kilala ko sila, kapag ako na ang nagsalita ay alam na nilang nararapat na nila itong sundin. Labag man sa aming lahat ang desisyong ito ay kinakailangan naming sumunod sa polisiya ng bahay ampunang ito. Hindi kami kayang alagaan lahat ni Sister Elena habambuhay kung kaya't kinakailangan nilang ipaampon kami sa mga mag-asawang hindi mabiyayaan ng anak.
Alam kong maiintindihan din ito ng mga kapatid ko balang-araw. Mas mapapabuti ang kanilang mga buhay kapag may pamilyang mag-aaruga at magmamahal sa kanila.
--
Sumapit muli ang araw na may mga bisitang dumating upang mamili sa amin ng kanilang aampunin. Lahat kami ay naghanda at naging presentable para sa mga bisita.
Kitang kita ko sa mga mata ng kapatid ko ang lungkot dahil sa palagay nila ay isa sa amin ang mapipili ngayong araw. Bulto ng kaba at takot ang sumasanib sa puso ko at hindi ko alam ang aking mararamdaman kung isa sa kanila ay mawawalay sa akin.
Inayos ko ang mga damit ng aking mga nakababatang kapatid. Pinagsabihan ko sila na ayusin ang kanilang kilos at galaw at huwag nang gumawa ng mga bagay na hindi kaaya-aya.
Inayos ko ang kwelyo ni Jet na bahagyang nagulo dahil sa kanyang kalikutan. Inayos ko ang buhok ni Axel na syang nagulo rin dahil sa pakikipaglaro nya kay Eryx.
Tinitigan ko sila isa-isa, magkasalubong ang dalawa kong kilay habang pinagmamasdan ko sila. Alam na nila ang nais kong iparating sa tuwing titigan ko sila ng ganito. Tumayo sila ng matuwid at iniayos ang kanilang mga sarili. Ang utos ko sa kanila ay huwag maging malikot, maging mabait at magalang sila sa bisita at higit sa lahat ay laging ngumiti sa mga tao.
Nagsimulang pumasok ang mga bisita upang tignan kami isa-isa. Gaya ng utos ko sa aking mga kapatid ay buong puso silang ngumiti sa mga ito kahit ramdam ko ang pait sa kanilang mga labi.
"Wow, napakagwapo ng mga batang ito. Ang babait pa nilang lahat." Bungad agad ng isang babae habang nakamasid sila sa aming lahat.
Nakatindig pa rin ako ng tuwid habang hawak ko ang kamay ni Jethro. Sa edad ni Jethro na dalawang taon ay may kalikutan pa ang batang ito. Panay ang abot nya sa sintas ng sapatos ko at panay din ako saway sa nakababata kong kapatid.
"Ooohhh napakacute na bata." Wika pa ng isang babae
Nilapitan nya si Jethro at kinarga nya ang kapatid ko. Nakadama ako ng kaba nang buhatin sya ng babaeng iyon. Tuwang tuwa sya kay Jethro. Lumayo sya sa akin kasama ang nakababata kong kapatid. Hindi ko inalis ang paningin ko sa kanila. Kitang kita ko kung paano nila pagkaguluhan si Jethro.
Napahawak ako sa suot kong maong pants. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdamang sakit ng puso ko.
Lumapit sa akin si Grayson.
"Rocky, kukunin na ba nila si Jethro?" Nag-aalalang tanong nya
Hindi ako nakasagot sa tanong ni Grayson. Maging sya ay nadama ang kakaibang takot sa kanyang puso na baka piliin ng babaeng iyon para ampunin, ang kapatid naming si Jethro.
Isa-isang lumapit sa akin ang iba ko pang mga kapatid at kusang yumakap sa akin.
"Rocky, natatakot kami." Nanginginig na wika ni Jet
Hinagod ko ang kanilang mga likuran upang pakalmahin sila. Nanatili akong nakamasid sa grupo ng mga mag-asawang pinagkakaguluhan si Jethro.
Sakim ba ako kung ipagdadasal ko na sana ay hindi nila ampunin si Jethro? Masama ba akong Kuya kung mas liligaya ako na walang aampon sa amin?
Ang totoo ay nahihirapan akong tanggapin ang lahat ng ito. Kung pwede nga lang na iisang pamilya na lang ang umampon sa amin para naman magkakasama pa rin kami, pero alam kong imposible naman ang iniisip ko.
Ipapaubaya ko na sa Diyos ang lahat ng ito. Alam kong may maganda syang plano para sa amin.
Pagsapit ng gabi, habang inaayos ko ang kama ng aking mga kapatid ay biglang pumasok sa loob ng kwarto si Sister Elena.
"Rocky, pwede ba kitang makausap?" Wika ni Sister
Napalingon ako sa kanya. Sa kanyang itsura ay mukhang alam ko na ang sasabihin nya. Umupo sya sa aking tabi at saka sya tumitig sa aking mga mata.
"Sa susunod na Linggo ay lilisanin na ni Jethro ang bahay ampunan. Kukunin na sya ng bago nyang mga magulang." Mahinahong wika ni Sister Elena
Parang tinambol ng paulit-ulit ang puso ko. Alam ko naman na mangyayari ang bagay na ito ngunit napakasakit pa rin sa parte ko.
"Tulungan mo kaming mag-ayos ng mga gamit ni Jethro sa susunod na araw." Sambit pa ni Sister
Napakagat labi ako at bahagyang tumango sa kanya. Hinagod nya ang aking batok at binigyan nya ako ng isang napakagandang ngiti.
"Sana ay maging masaya kayo para sa nakababata nyong kapatid. Sa wakas ay magkakaroon na sya ng pamilya na mamahalin sya." Wika pa ni Sister
Niyakap nya ako ng mahigpit. Alam kong ramdam nya ang pighating itinatago ko sa aking puso. Ngunit kailangan ko nang tanggapin na sandaling panahon na lang namin makakasama si Jethro dito sa bahay ampunan.
--
Sumapit ang araw na pinakamalungkot para sa aming lahat. Ngayon ang araw kung kailan kukunin na nina Mr. and Mrs. Santos ang bunso naming kapatid na si Jethro.
Mayaman ang pamilya na mag-aaruga kay Jethro. Alam kong kayang-kaya nilang ibigay ang lahat ng pangangailangan ng bunso namin, iyon na lang siguro ang iisipin ko para hindi masyadong masakit.
"Mga bata, magpaalam na kayo kay Jethro." Wika ni Sister Elena
Unang humagulgol ng iyak si Grayson na syang pinakaiyakin talaga sa amin. Niyakap nya si Jethro at binigyan ng yakap at halik.
Nagsunuran na rin ang iba pa naming mga kapatid na pare-pareho nang umiiyak. Lahat sila ay nalulungkot dahil mawawalay na ang isa sa mga kapatid namin.
"Magpapakabait ka-- Jethro huh?" Wika ni Hunter na syang humihikbi pa.
Umalingawngaw ang iyakan ng mga kapatid ko. Pigil naman ang luha sa mga mata ko. Tumingala ako sa kalangitan para hindi na dumaloy pa ang luha na kanina pa gustong lumabas sa mga mata ko.
Ako ang huling lumapit kay Jethro. Niyakap ko sya ng mahigpit at hinalikan ko ang kanyang pisngi.
"Lagi kang mag-iingat bunso. Mahal na mahal ka ni Kuya." Bulong ko sa kanya.
Hindi na napigilan ng mga mata ko ang luhang umagos dito. Sobrang sakit sa dibdib habang nagpapaalam ako sa bunso namin. Sobrang mahal na mahal ko si Jethro kagaya ng isang tunay na kapatid.
Kaagad nang kinuha sa akin ni Mrs. Santos si Jethro at isinakay na sa kanilang kotse. Pinaandar na ng driver ang sasakyan at unti-unti na itong umaalis.
Parang bumagal ang oras habang papalayo ang punting kotseng iyon.
Hindi ko na kayang tignan pa ang eksenang ito. Kaagad akong tumakbo palayo sa lugar na iyon at nagtungo ako sa aking kwarto.
Dumapa ako sa aking kama at doon ko ibinuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay walang katapusan ang pighati na bumabalot sa puso ko ngayon.
Hindi ko alam kung kailan ulit namin masisilayan ang bunso naming kapatid na si Jethro. Baka nga-- ito na ang huli naming pagkikita.
Walang kasing sakit ang mawalay sa taong mahal na mahal mo na labis mong pinahahalagahan sa mundo.