Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isipan ko at sinusundan ko ngayon ang babaeng pangalawang beses ko ng tinulungan.
Kanina pa siya paikot-ikot at kung saan-saan pumupunta. Nagtitinginan ang mga tao sa kaniya habang siya'y naglalakad. Para siyang isang sikat na artista kung tutuusin dahil sa suot niyang kulay pulang bestida na bumagay sa walang kasigla-sigla niyang balat.
Tingin ko ay may hinahanap siyang isang bagay dahil kanina pa siya patingin-tingin sa lupa at tarantang-taranta.
"Nasaan na ba 'yon?" bulong niya sa sarili habang patuloy na naglalakad.
Mukhang ang kuwintas na 'yon na may disenyong anghel na may pana ang kanina niya pa hinahanap, mabuti na lang at naitabi ko iyon.
"Napapagod na ako, mabuti siguro ay magpapahinga muna ako," aniya sa sarili dahilan para mag-iba ang itsura ng mukha ko.
Kakaiba rin siyang babae dahil kinakausap niya ang kaniyang sarili. Mukhang nagligtas ako ng isang taong may sira ang utak.
"Oo nga, kailangan ko nang kumain."
Lumakad siya patungo sa ice cream store at nang makapasok na siya sa loob n'on ay hinintay ko lang siya na makalabas.
Umupo ako sa bakanteng silya at tumingin-tingin sa mga taong nakapaligid sa akin. Agad din akong nagsisi nang makita ko ang mga magkasintahan na nagsusubuan ng ice cream, nakaiiritang pagmasdan. Dapat pala'y itinutok ko na lamang ang aking atensyon sa babaeng 'yon.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko siyang umupo sa aking harapan. May mga dala-dala na siyang pagkain.
Nang una ay tinitigan niya muna ang mga ito bago niya iyon isinubo nang isinubo na parang isang gutom na asong sabik na sabik sa kaniyang buto.
"Tititigan mo na lang ba akong palagi?"
Nakatingin lang siya sa kutsaritang hawak-hawak niya kaya agad nagtaka sa katanungan niya. Malamang ay kinakausap niya na naman ang kaniyang sarili.
Natawa ako nang bahagya at agad kong naisip na isa nga yata siyang baliw.
"Huwag mo akong tawanan."
Lumaki ang aking mga mata. Tumingin ako sa kaniya at iwinagayway ko ang aking kamay sa kaniyang mukha.
"Hindi ako bulag, tigilan mo 'yang pagkaway mo. Sino ka ba? Akala mo ba hindi ko napapansin na paulit-ulit mo akong inililigtas?! Nagpapanggap lang ako na hindi kita nakikita dahil nakapagtataka na nakokontrol mo ang panahon! Nakapagtataka na kaya mong kontrolin ang hangin," sabi niya. Sa sobrang pagkabigla ay tumayo ako at aalis na sana nang hawakan niya ang braso ko.
Mas lalo pa akong nagulat dahil nahahawakan niya ako. Hindi ako dapat nakikita ng mga tao sapagkat hindi naman ako nagpapakita sa kanila at malabo rin na mahawakan nila ako.
"Huwag kang umalis dahil kinakausap pa kita! Sino ka ba?" tanong niyang muli. Binawi ko ang braso ko at tumingin sa mga mata niya. Pinagtitinginan na siya ng mga tao at pinagkakamalan ng baliw.
"Hindi mo malalaman at napapagkamalan ka ng baliw dahil sa ginagawa mo. Kung ano man ang dahilan kung bakit mo ako nakikita, kailangan kong malaman," ani ko sa kaniya. Hinatak ko ang kamay niya at dinala ko siya sa tahimik na puwesto.
Tinitigan niya lang ako at nanatili siyang tahimik. Nakabibingi ang katahimikan na bumalot sa aming dalawa. Tumingin ako kung saan dahil ramdam na ramdam ko na naiilang siya sa akin.
"Ano'ng klase kang tao? Bakit hindi ka nakikita ng iba? Multo ka ba?" sunod-sunod na tanong niya. Huminga ako nang malalim at unti-unti ko siyang nilapitan. Umatras siya nang umatras palayo sa akin hanggang sa mapasandal na siya sa pader.
"Ako dapat ang nagtatanong sa'yo niyan. Sino ka?" Mahihinuha sa kaniyang itsura ang takot. Wala naman akong gagawin sa kaniya, nais ko lang malaman kung bakit niya ako nakikita. Ang tagal ko nang demonyo at kahit isang tao ay hindi pa nasubukan na makita ako kaya nakabibigla na nakikita niya ako ngayon.
"Ikaw ang nagligtas sa akin kaya ako dapat ang magtanong sa'yo. Wala kang paki kung nakikita man kita," matapang na sabi niya sa akin. Nayabangan ako sa kaniya kaya pinalutang ko ang mga bubog sa paligid namin at sinubukan ko siyang takutin sa pamamagitan n'on.
"Kahit takutin mo pa ako. Umalis ka nga riyan!" Itinulak niya ako at dire-diretso siyang naglakad palayo sa akin. Kapansin-pansin ang kakaibang aura niya. Hindi siya normal na tao at baka hindi siya isang tao.
"Nasa akin ang kuwintas mo." Huminto siya sa paglalakad at lumingon sa akin. May kaba sa kaniyang dibdib at rinig na rinig ko ang mabilis na pagtibok ng puso niya na para bang hinahabol ng isang mabangis na hayop.
"Akin na! Ibalik mo 'yan!" sigaw niya sa akin. Inilabas ko ang kuwintas at iwinagayway ko ito. Ngumiti ako nang kakaiba at mas lalo pa siyang natakot.
"Sasabihin mo o susunugin ko 'to?" tanong ko sa kaniya habang lumalapit nang dahan-dahan patungo sa puwesto niya. Langhap na langhap ko ang kakaibang simoy ng hangin, hindi ko alam kung ano ang nangyari at biglang nag-iba ang paligid.
"Sasabihin ko basta may gusto akong gawin. Tatlong linggo mo akong sasamahan. Sasamahan mo lang ako, 'yon lang." Natawa ako dahil sa nais niya. Humalakhak ako nang humalakhak at nagtaka siya dahil sa naging reaksyon ko.
Hindi ko inakalang may babaeng magsasabi sa akin ng mga kondisyon na 'to. Samahan siya? Gusto niya atang masunog nang maaga. Gusto niya na atang maghirap sa impyerno.
"Nahihibang ka na ba? Ako, sasamahan kita? Mangarap ka. Mas mabuting hindi ko malaman kung ano ang rason kaysa makasama ko ang isang katulad mo. At itong kuwintas mo, ibabato ko 'to sa ibang planeta." Lumakad ako at nilagpasan ko lang siya. Hindi maaaring makisama ako sa isang tao, hindi puwedeng makipagkaibigan ako sa mga katulad niya. Masisira ang lahat ng plano ko.
Hindi ako papayag na masira ang mga pinaghirapan ko ng gano'n-gano'n lang.
"Ayaw mo bang malaman ang katotohanan? Sige, ikaw ang bahala. Kung magbago ang isip mo ay puntahan mo lang ako sa lugar kung saan mo ako unang nakita. Mag-iingat ka," aniya. Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Hindi ako tanga na papayag sa walang kuwentang kondisyon niya at mamaya siya pa ang sumira sa akin. Hindi ako papayag na may isang taong sisira ng lahat ng mga bagay na pinaghirapan ko.
Hindi ako makapapayag na mapupunta sa wala ang lahat ng ginawa ko. Gusto ko, ako ang maging makapangyarihan sa lahat. Gusto kong matupad ang mga nais ko at gusto kong mapuksa lahat ng naninirahan dito sa mundo.