KABANATA 5

1040 Words
Hanggang ngayon ay gulong-gulo pa rin ang isip ko sa hindi malaman na kadahilanan. Ang babaeng 'yon, kada-oras siyang pumapasok sa utak ko. Ang kondisyon niya ay paulit-ulit na lumalabas sa isip ko. Ilang araw na rin akong hindi nanggugulo ng mga buhay ng tao at ilang araw ko na rin na pinag-iisipan kung bakit niya ako nakikita at nahahawakan. Naguguluhan ako sa mga nangyayari dahil kung nagagawa niya ang mga bagay na 'yon, ang ibig-sabihin lang niyon ay hindi siya normal na tao o baka hindi siya isang tao. Kailangan kong malaman ang bagay na 'yon. Inilabas ko ang kuwintas at may napansin akong isang bilog na salamin. Kakaiba ang kuwintas na ito at hindi siya basta isang ordinaryong kuwintas lang dahil ginto ang kuwintas na ito at isang anghel na may pana ang disenyo nito habang ang pana ay may isang amethyst ang nasa tuktok. Kakaiba ang disenyo nito at parang pamilyar ang kuwintas na ito. Mukhang nakita ko na 'to noon. Maya-maya pa'y naisipan ko ng puntahan siya at pumayag na sa mga nais na gawin niya. Hindi maaaring hindi ko malaman kung ano ang itinatago niya at sa tingin ko ay makatutulong siya sa akin. Puwede ko siyang ialay kay Satanas para mas lalo pa akong bigyan ng kapangyarihan. Kaya naisipan kong bumalik sa lugar kung saan ko siya unang nakita. Nang makarating na ako sa lugar na ito ay tumingin-tingin ako sa paligid ngunit wala siya. Hindi ko alam na may mga tao rin pala na naninirahan sa lugar na ito, ang akala ko ay kami lang ni Camiell ang nasa lugar na ito dati. Hindi rin nakapagtataka na madidiskubre ito ng mga tao lalo't napakaganda ng lugar na ito. Puno ng mga halaman at puno pati na rin ng mga naggagandahang mga bulaklak. Maaliwalas ang lugar na ito at masarap ang simoy ng hangin. "Hinahanap mo ako?" Napalingon ako sa babaeng nagsalita at sa wakas ay nagpakita na siya. "Oo. Payag na ako," nakangiti kong sabi. Nagkaroon ng galak sa kaniyang labi at tumalon-talon siya na parang bata. "Yes! Sure ka? Wala nang atrasan!" Hinawakan niya ang kamay ko at nabigla ako dahil itinulak niya ako sa dagat. Nabasa ang aking buong katawan at sumakit bigla ang ulo ko sa hindi malaman na dahilan. "Ah! Ang sakit! Alisin mo ako rito!" Lumaki ang mga mata niya at dali-daling tumalon sa tubig. Hinawakan niya ako at nang makaahon na kami ay nagsilabasan ang mga apoy sa kamay ko. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" sigaw ko sakaniya sa sobrang galit. Hindi ko makontrol ang aking sarili at takot na takot na siya dahil sa mga nangyayari. Hindi ko maihinto ang mga apoy na lumalabas sa mga palad ko at ramdam na ramdam ko na rin ang mga sungay na nagbabalak nang lumabas. Gumapang siya palayo sa akin at hinatak ko ang damit niya. Binuhat ko siya hanggang sa hindi niya na maabot ang sahig. Sinakal ko ang leeg niya at kitang-kita ko sa kaniyang mukha na nahihirapan na siya sa paghinga. "Itigil mo 'yan." Napalingon ako sa paligid at napahinto ako dahil kilalang-kilala ko ang boses na 'yon. Kahit kailan, hindi ko makalilimutan ang tinig na 'yon. "Nasaan ka? Magpakita ka na sa akin Camiell!" sigaw ko. Mas lalo kong hinigpitan ang pagsakal sa babaeng kaharap ko ngayon na hirap na hirap na. "Itigil mo na 'yan. Hindi ka isang demonyo." ani nitong muli. Para akong binuhusan ng isang malamig na tubig dahil sa sinabi niya. Napatingin ako sa babaeng hawak-hawak ko. Papikit na ang kaniyang mga mata kaya dali-dali ko siyang binitawan. Tumakbo ako palayo at hindi ko na alam kung buhay ba siya o napatay ko ba siya. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kaniya. Tumakas na naman ako, palagi akong tumatakas sa lahat. Hindi ko maipaliwanag ang nangyayari sa buo kong sistema. May kung anong kumakalikot sa sikmura ko na dahilan ng paghinto at pagsuka ko nang sobrang daming dugo. Napaluhod ako sa lupa at ramdam na ramdam ko ang panghihina ng aking katawan. Ramdam ko ang labis na sakit sa aking dibdib. Wala akong kaide-ideya kung bakit ito nangyayari sa akin. Paulit-ulit kong naririnig ang mga sinabi ni Camiell. Lumapit ako sa may dagat at tiningnan ko ang itsura ko sa tubig na umaalon-alon. Bigla akong nasindak sa aking nakita, nakalabas na ang mga sungay ko at pulang-pula na ang mga mata ko. Puro dugo ang aking mga labi at talaga nga namang hindi kaaya-aya ang itsura ko. Para akong isang hayop na kumain ng isang taong walang kalaban-laban. Pagkamuhi ang naramdaman ko. Mas lalo akong nagalit sa mundo dahil hindi ko dapat nararanasan ang mga ganitong bagay kung matino lang ang pamamalakad ng Diyos dito. Maayos sana ako at hindi sana ako naging isang demonyo kung hinayaan niya kaming magsama ni Camiell. Matiwasay pa sana ang buhay ko hindi katulad ngayon, hindi ko alam kung paano ako napunta sa ganitong sitwasyon. Ang alam ko lang ay, gagawin ko ang lahat para kay Camiell. Kahit buhusan pa ako ng napakaraming yelo sa ulo, patuloy ko pa rin gagawin ang mga plano ko. Nandito na ako at wala na akong magagawa kung hindi ang ipagpatuloy ang nasimulan ko. Wala na akong karapatan pang magsisi at hindi rin naman ako nagsisisi, naging ganito ako dahil sa hirap, hirap na pinaranas sa akin ng mundo at ng Diyos. "Hindi ka isang demonyo, Cassian." Nabigla akong muli dahil sa boses niya. Hindi ko alam kung nasaan siya kaya napatingin ako sa kalangitan. Tinitigan ko ang mga ulap na pakalat-kalat at nagsasayawan sa pag-ihip ng hangin. "Bumalik ka na sa akin, alam mo na mahal na mahal kita. Alam mong ikaw lang ang sagot ko sa lahat, bumalik ka na hanggang maaga pa. Kapag bumalik ka, ititigil ko ang lahat. Lahat-lahat, pangako Camiell." Nagsituluan ang mga luha ko habang nanatili akong nakatingin sa kalangitan. Nag-itim ang langit at nagsimulang magbagsakan ang mga butil sa aking mukha. Napatakan na rin ang ibang parte ng aking katawan pero nakapako pa rin ang aking paningin sa langit. Umaasa ako na magpapakita siya hanggang sa bumagsak ako sa lupa at hindi ko na maigalaw pa ang aking katawan. Nagdilim ang aking paningin hanggang sa wala na akong maaninag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD