KABANATA 6

1067 Words
Rinig na rinig ko ang mga nag-aawitang ibon at amoy na amoy ko ang simoy ng hangin. Nagising ako sa malakas na yapak na pabagsak-bagsak sa sahig. Nagulat ako dahil hindi ko alam kung nasaan ako, hindi pamilyar sa akin ang lugar na ito. May mga bulaklak sa paligid at iba-iba ang mga kulay ng mga 'to. Napapaligiran din ng kulay puting kumot ang hinihigaan ko. Mabilis akong tumayo at akmang aalis na sana nang may pumigil sa akin. Siya na naman, hindi ba siya natakot sa ginawa ko sa kaniya at talagang inuwi niya pa ako sa tahanan niya? "Humiga ka lang. Nakita kasi kitang walang malay kaya dali-dali kitang binuhat at ipinunta rito. Sana huwag kang magalit dahil sa ginawa ko. Gusto ko lang naman na huwag kang mapahamak dahil maraming nagkalat na masasamang tao mamaya ikaw ang mapag-trip-an nila. Paano ka na lang? Hindi pa naman kita kilala," sunod-sunod na sabi niya. Tinakpan ko ang tainga ko dahil rinding-rindi ako sa ingay niya. Napakamatabil ng dila niya at wala siyang hinto sa pagsasalita. "Naiingayan ka ba sa akin? Ayos lang naman kung ititikom ko 'tong bibig ko pero kailangan mo munang makinig sa lahat ng sasabihin ko. Hindi man kita kilala pero mukhang kailangan mo ng tulong ko at alam kong hindi ka masamang tao, siguro pinapakita mo lang sa akin na masama ka pero ang totoo ay mabuti ang kalooban mo. Pangalawang beses mo na nga akong iniligtas mula sa aking sarili kaya hindi ako naniniwala na masama kang tao..." Huminto siya panandalian at tumingin sa mga mata ko. Ngumiti siya sa akin bago magpatuloy muli sa pagsasalita. "Hindi ka naman masama 'di ba?" tanong niya na nagpatigil ng mundo ko. Maski ako ay hindi ko alam kung masama ba ako o hindi, hindi ko alam kung mabuti ba ito o mali. Hindi ko alam basta ang alam ko lang ay makabubuti sa aming dalawa ni Camiell ang lahat ng mga plano ko. "Masama ako at hindi mo na ako dapat dinala rito sa pangit mong bahay at isa pa, ako ang papatay sa mga taong magbabalak na patayin ako kaya hindi mo kailangan mag-alala. Hindi lang kita napatay kahapon pero kaya kong gawin 'yon ngayon," ani ko sa kaniya. Umupo siya sa tabi ko at nabigla ako dahil sa ginawa niyang 'yon. "Hindi naman ako takot sa'yo, nagulat lang ako at isa pa, ang ganda ng mga mata mo." Kinagat niya ang labi niya at tumingin kung saan. "Hindi maganda ang mga mata ko. Puwede kitang tunawin sa pamamagitan nito," paninindak ko sa kaniya. Ngumiti siya nang palihim at inayos niya ang hibla ng kaniyang buhok at iniipit sa kaniyang tainga. "Tinutunaw mo na ako ngayon." Napasimangot ako at nang magkatitigan kami ay agad kong iniiwas ang aking mga mata. Naiilang ako sa hindi malaman na dahilan. "Kain na tayo may mga hinanda akong pagkain at sana magustuhan mo ang mga 'yon dahil pinaghirapan ko rin ang pagluluto sa mga putaheng 'yon." Hinatak niya ang kamay ko at wala na akong nagawa kung 'di ang sumunod sa kaniya. Nakapuwesto ang iba't-ibang mga pagkain sa lamesa at takam na takam ako sa tinortang talong na nakahain. Mabilisan akong umupo sa upuan at kinuha ko kaagad ang paborito kong pagkain. Sunod-sunod ang subo ko at hindi ko namalayan na nakatitig lang pala siya sa akin at hindi niya ginagalaw ang pagkain na nakahain sa pinggan niya. Tinitigan ko siya nang masama at kaagad siyang umayos ng upo at kinain ang pagkain niya. Nagpatuloy ako sa pagkain hanggang sa maramdaman ko na ang labis na kabusugan. Huminto ako at may nakaagaw ng aking pansin. Nakita ko mula sa bintana ang isang babaeng may edad na ang nakaupo sa dagat at ang nakapagtataka ay mag-isa lang siya sa tirik na tirik na araw. "Si Manang 'yan. Ayaw niya pa raw kumain, e. Alam mo ba ang weird niyan ni manang, kung ano-ano ang pinagsasabi niya sa akin. Hindi ko alam kung totoo pero parang totoo naman ang lahat ng ikinukuwento niya sa akin," ani ng babaeng kaharap ko na kumakain ngayon. "Paki ko? Puwede na ba akong umalis? Maayos na ako at kaya ko na ang sarili ko." Tumayo ako at lumakad palayo. Pero agad niya akong hinabol at hinawakan niya ang palad ko. "Sabi mo payag ka na? Kailangan mong manatili rito hanggang sa matapos ang kasunduan nating dalawa. Hindi ka puwedeng umalis dahil alam kong hindi ka na babalik dito at hindi ka na magpapakita sa akin. Alam mo ba, sa tagal ko rito sa mundo, ikaw lang ang pinakaguwapong lalaking nakita ko at kailangan mong tuparin ang napag-usapan nating dalawa. Hindi puwedeng umalis ka na lang nang basta-basta. Ano ka? Magaling lang sa salita pero kulang sa gawa?" Napasapo ako sa aking mukha dahil sa pinagsasabi ng babaeng 'to. Napakaingay niya at talaga nga namang nakaririndi talaga ang boses niya. Hindi ko gusto ang kaingayan niya. "Puwede bang manahimik ka naman at puwede bang kahit minsan iwasan mo ang pagsasalita nang sobrang haba! Nakaiinis na sa tainga! Atsaka ang pangit ng boses mo kaya puwede ba? Manahimik ka at huwag ka nang magsalita!" pasigaw kong sabi sa kaniya. Suminghap siya at iginalaw niya ang kamay niya. Itinaas niya ang hinlalaki niya at tumalikod mula sa akin. Nakahinga ako nang maluwag dahil madali niyang naintindihan ang gusto ko ngunit nagulat ako dahil humarap muli siya at lumapit sa puwesto ko. "Pero mananatili ka na, ah." "Oo, umalis ka na sa harapan ko dahil naiirita ako sa boses mo." Ngumiti siya sa akin bago tumalikod at lumakad muli. Ilang apak na ang layo niya sa akin nang humarap muli siya at nagsalita, "Ako nga pala si Cassiel, 'yan ang tawag sa akin ng mga kakilala ko pero 'yan na lang din ang itawag mo sa akin tutal ayaw mo naman ata sa akin." Tumawa siya bago tuluyang umalis sa harapan ko. Katunog ng pangalan niya ang pangalan ni Camiell. Napapikit ako nang mariin dahil ilang linggo rin ang aaksayahin ko sa babaeng 'to para lang malaman ko ang katotohanan. Ilang linggo kong hindi mapipinsala ang mga tao at ilang linggo kong pagtitiisan ang boses niyang hindi kaaya-aya sa pandinig. Sabagay, mabilis lang ang araw at natitiyak ko na magagawa ko ang lahat ng mga pinaplano ko at maisasakatuparan ko ang lahat ng pinaghirapan ko. Kaunting tiis na lang at makakasama ko na rin si Camiell.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD