KABANATA 7

1053 Words
"Gusto mo?" ani Cassiel sa akin kaya napatingin na lang ako sa kawalan. Magdadalawang araw ko na siyang kasama at hindi ko na rin alam ang gagawin ko sa sobrang kakulitan niya. "Sa'yo na lang 'yan, baka kulang pa 'yan sa'yo," sabi ko sa kaniya. Tumayo ako at lumakad palayo sa puwesto na pinanggalingan ko kanina. Ang sarap maglakad sa napakaaliwalas na lugar na ito. Ang sarap hagkan ng hangin na walang ibang gawin kung hindi ang yakapin ako. Ang ganda pagmasdan ng araw na papalubog na mula sa karagatan. Ang gaan sa pakiramdam kapag tinatanaw ko ang masasayang alaala sa himpapawid. Ang mga alaalang ayaw kong dalahin ng nakaraan palayo sa akin. "Ang lalim ng iniisip mo, ah. Ano'ng mayro'n?" Kanina niya pa pala ako sinusundan ang akala ko'y nanatili lang siya sa puwesto niya. "Wala ka na ro'n. Napakakulit mo talaga! Huwag mo na nga ako sundan pa!" pasigaw kong sabi sa kaniya habang idinuduro ang noo niya. "Ang sakit, huwag mo ngang iduro-duro 'yong ulo ko! Tinatanong lang naman kita at wala ka nang magagawa sa pagiging makulit ko. Ganito ako ipinanganak, wala kang magagawa, hindi mo ako mababago," wika niya habang patalikod na lumalakad palayo sa akin. "Kaya kong baguhin ang lahat. Tandaan mo 'yan," sabi ko sa kaniya. Umupo ako sa buhangin at nanatili lang akong nakatitig sa langit. Iniisip ko na baka sakaling bumaba siya para kausapin at hagkan ako. Nangangarap ako na baka maawa siya sa akin at himalang magpakita siya. Umaasa ako na sana mayakap ko na ang kaligayahan ko. Sana muli kong mahalikan ang nagpapangiti sa labi ko. Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa kaniya at para sa aming dalawa. Kapag nagawa ko na ang lahat ng plano ko, sinisigurado kong magsasama na kami at hindi na magkahihiwalay pa. "Sino ka?" Napalingon ako sa boses na gumambala sa pag-iisip at pangangarap ko nang gising. "Sino ka? Parang ngayon lang kita nakita rito," tanong niyang muli. Isang matanda na nakasuot ng mahabang bistida at kulay puti na ang buhok ang nakatayo sa harapan ko. "Bakit mo naman tinatanong? Atsaka, dalawang beses mo na akong nakabasay sa hapag-kainan," sagot ko. Nabigla ako sa pag-upo niya sa tabi ko at umatras ako nang bahagya. Itinaas niya ang kaniyang ulo at tumitig siya sa asul na kalangitan. Ipinikit niya ang kaniyang mata at nagsalita, "Aking Diyos, hinihiling ko na sana palaging ligtas ang lalaking mahal ko." Natawa ako nang palihim. Hindi ko maisip na patuloy pa rin sa paniniwala ang mga taong 'to sa kaniya samantalang hindi naman sila mailigtas-ligtas ng tinatawag nilang Diyos. Paano nila natitiis na makipag-usap sa Diyos na hindi naman sila pinaparinggan. Mabuti pa kaming mga demonyo, tinutupad namin ang kahilingan nilang kapayapaan. Tinutupad namin sa pamamagitan ng pagpaslang sa kanilang buhay ng sa gayon ay matamasa nila ang malayang mundong inaasam nila. Payapang mundo sa ilalalim ng lupa, nag-aapoy sa init at pagdurusa. "T-Teka, sino ka?" Napatingin ako kung saan at nagbabakasakaling hindi ako ang tinatanong niya. Ang problema ay kaming dalawa lang ang nandito malapit sa dagat. "Ang kulit mong matanda ka. Huwag mo akong paglaruan! Hindi ka makalulusot sa akin!" pasigaw kong sabi sa kaniya. Tumitig siya sa mga mata ko at ngumiti nang kakaiba. "Parang kamukha mo siya." Nagtaka ako sa sinabi niya kaya napakunot ang aking noo. Napaisip ako kung sino ang itinutukoy niya na kamukha ko. "Sino naman ang itinutukoy mo?" tanong ko sa kaniya. Umiwas siya ng tingin sa akin at ibinaling ang atensyon sa karagatan. "Si ano... t-teka, sino ka? Ano'ng ginagawa mo rito?" Biglang nag-init ang ulo ko at napapikit na lang ako sa sobrang inis na nararamdaman ko. Tumayo ako sa puwesto ko at lumakad palayo. Gusto ko sanang malaman kung sino ang tinutukoy niya kaso baka mag-init lang ang kalamnan ko kapag ipinagpatuloy ko pa ang kuryosidad ko. Malamang, pinaglalaruan lang ako ng matandang 'yon. Pero, parang pamilyar ang itsura niya sa akin. Hindi ko lang maalala pero mukhang nakita ko na siya noon. Ang talas ng kaniyang pagtingin at ang kakaibang ngiti niya, parang pansamantala kong nasubaybayan iyon noon. Ngunit hindi na mahalaga sapagkat wala naman akong pakialam sa mga tao. Mamatay silang lahat at walang maliligtas sa kanila kahit na sino. "Bakit nakasimangot ka?" Malayo pa lang si Cassiel ay nakangiti na siya. Habang palapit siya nang palapit sa akin ay hindi ko maiwasan ang mataranta, hindi ko alam kung saan ako pupunta dahil ayaw ko siyang makasama dahil sa napakadaldal niyang bunganga. "Lumayo ka! Hanggang diyan ka lang!" sigaw ko habang hindi pa siya tuluyang nakalalapit sa akin. Huminto naman siya at nagtaka dahil sa ginawa ko. "Bakit? May mali ba sa itsura ko? Hindi naman ako mabaho para paiwasin mo? Atsaka, kaliligo ko lang kaya wala kang dapat ipag-alala," aniya. Iginalaw niya ang kaliwa niyang paa patungo sa akin. Wala na akong nagawa pa dahil nasa tabi ko na siya. Tama naman siya, hindi naman masama ang amoy niya para layuan ko siya pero ang boses niya naman talaga ang dahilan kung bakit ayaw ko siyang makasama. "Ikaw ang mabaho! Maligo ka na nga! Kadiri ka!" sunod-sunod na pag-angal niya sa akin kaya narindi ako at hinawakan ko ang braso niya. Mahigpit ang paghawak ko rito. "Nagbibiro lang ako." Binitawan ko ang braso niya at tiningnan ko siya nang masama. Umiwas siya ng tingin sa akin at iniyuko niya ang ulo niya. "Baliw ba 'yang kasama mong matanda?" wala sa sarili kong tanong sa kaniya. Lumaki ang mga mata niya at tinakpan ang bibig ko. "Huwag ka ngang ganiyan! Hindi siya baliw, may sakit siya. Madali niyang malimutan ang mga bagay-bagay sa loob lamang ng isang minuto," pabulong niyang sabi sa akin. Tinanggal ko ang kamay niya sa bibig ko. "Bakit kailangan mo takpan ang bibig ko at magsalita nang pabulong? Makalilimutan niya rin naman pala ang lahat! Napakatanga mo!" Nag-iba ang itsura niya dahil sa sinabi ko. Umiwas siya nang tingin at tumakbo palayo sa akin. Hindi ko alam kung ano'ng mali sa sinabi ko pero sinabi ko lang naman ang totoo. Hindi ko kailangan magsinungaling para lang mapagaan ang damdamin niya, sobra naman talaga ang katangahan niya. Napakatanga niya. Lumakad ako papunta sa kuwartong pansamantala kong pinagtutuluyan. Nang makarating na ako ay humiga ako nang taimtim at maya-maya pa'y pumikit na ang aking mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD