KABANATA 8

1047 Words
Gumising ako sa napakatahimik na tunog. Nakabibinging katahamikan ang bumabalot sa lugar na ito. Humahalimuyak ang amoy ng mga bulaklak sa paligid at patuloy pa rin akong niyayakap ng hangin. Walang humpay na kalungkutan ang aking nadarama. Gaya noon, ganito pa rin kasakit ang aking nararamdaman. Walang pinagbago. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, napapaisip ako kung bakit ako pa? Bakit ako pa ang napiling parusahan ng Diyos. Inagaw niya ang lahat sa akin, ang mga mahal ko sa buhay at ang taong pinakamamahal ko. Napapaisip ako kung bakit ako pa? Bakit ako pa na walang ibang ginawa kung 'di ang magmahal. Bakit ako pa? Bakit ako pa ang naulila at inagawan ng atensyon. Ang sunog na 'yon ang pumatay sa mga magulang ko at nang dahil do'n ay walang nagtaguyod sa akin at mag-isa akong nabuhay. Mag-isa, walang kasama hanggang sa binulabog ang puso ko ng isang babaeng nakaaakit ang labis na kabaitan pero, wala rin. Kinuha pa rin siya, inilayo pa rin siya sa akin. "Kain na tayo. Ang aga-aga nakasimangot ka, huwag ka ngang ganiyan." Napatingin ako kay Cassiel na nakatayo sa pinto. Ngiti niya ang una kong napansin at ang suot niyang kulay rosas na bistida. Ang akala ko pa naman ay hindi niya ako papansinin dahil sa nagawa ko sa kaniya. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko. Itinatayo niya ako ngunit tinitigan ko lang siya, may kung ano sa kaniya na hindi ko maipaliwanag. Ang ningning ng mga mata niya'y pamilyar. Siguro'y naalala ko lang si Camiell sa kaniya lalo na't magkatunog ang pangngalan nila. Sinadya ba 'to ng Diyos? Ang akala niya'y siguro makalilimutan ko si Camiell kapag nagpadala siya ng babaeng katulad niya. "Bakit mo ako tinitingnan?" nakangiting tanong ni Cassiel kaya napaiwas ako ng tingin at tumitig kung saan. Hawak-hawak niya pa rin ang kamay ko at hindi niya ito binibitawan. Binawi ko ang kamay ko at tumayo, nilagpasan ko siya at dire-diretsong naglakad palayo sa kaniya. Pagkatingin ko sa hapag-kainan ay nando'n na 'yong matandang kasama namin. Nakaayos na ang mga pinggan at iba pang kagamitan sa pagkain. Iba't-ibang klase ng putahe ang nakahain ngayon, mukhang masasarap ngunit wala akong gana para sa pagkain. "Tara na, kain na tayo!" masiglang aya sa akin ng matanda. Hindi ko siya pinansin at sa halip ay pumunta ako sa dagat. Tumitig ako sa nagliliparang alaala namin at unti-unti na namang nagsibagsakan ang mga luhang matagal-tagal ko na rin itinatago. Sunod-sunod na patak ng pasakit ang lumabas sa aking mga mata. Hindi ko maiwasan ang umiyak nang sobra-sobra, labis na kalungkutan ang aking nadarama at wala akong kaalam-alam kung hanggang kailan mananatili ang poot sa aking dibdib. "Sige, iiyak mo lang 'yan." Napalingon ako sa babaeng nagsalita at palapit na siya nang palapit sa akin. Nang tuluyang nasa tabi ko na siya ay tinapik-tapik niya ang balikat ko. "Ganiyan talaga ang pag-ibig. Kahit sobrang sakit na, kakayanin mo. Lahat kakayanin natin para sa pagmamahal." 'Yon na nga ang pinakamasakit sa pagmamahal, lahat kakayanin mo kahit pagod ka na. Para sa taong mahal mo, gagawin mo ang lahat kahit wala nang matira sa'yo. Gagawin mo ang kahit na ano basta makasama lang ang taong pinakamamahal mo. At ito ang pinakamasakit sa pag-ibig, hindi mo na maiintindihan ang sarili mo. "Umibig ako sa hindi puwedeng ibigin," nakangiti niyang sambit sa akin at may mga butil sa kaniyang mga mata na nais nang kumawala. "Iniisip ko na lang na, baka ito ang gusto ng Diyos. Baka ito talaga ang tama at inilalayo niya lang ako sa mali. Baka, hindi talaga kami para sa isa't-isa. Sa labis na pagmamahal sa atin ng Diyos, kahit na alam niyang masakit para sa atin, pilit niya pa rin tayong inilalagay sa tama. Kahit nasa maling daan na tayo, ituturo niya ang dapat huwag lang tayong labis na masaktan. Kaya itong nararamdaman ko ngayon, mas masakit pa 'to sa mararamdaman ko kapag ipinagpilitan namin ang bawal," wika niya bago tuluyang pumatak ang mga luha niya. Pilit niyang pinapatahan ang sarili niya ngunit hindi niya magawa. "Ito ba ang pagmamahal na tinatawag ng Diyos? Pagmamahal ng Diyos? Bakit hindi niya hayaan ang kaniyang mga ginawa na sundin ang mga gusto nila. Bakit hindi niya tayo hayaan na sumaya naman kahit na kakapiranggot lang. Bakit lahat ng taong mahal natin ay kinukuha niya? Gano'n na ba talaga ang pag-ibig para sa kaniya? Gano'n na ba ang pag-ibig? Hindi, hindi iyon pag-ibig. Hindi ito ang pagmamahal." Hingal na hingal ako dahil sa labis na galit. Galit na galit ako sa Diyos dahil sa mga ginagawa niya. Natatakot lamang siya na baka iwan siya ng mga tao dahil sa labis na pagmamahal ng mga ito sa iba. Natatakot siya na baka, wala nang matira para sa kaniya. "Bakit ka ganiyan sa Diyos? Hindi mo ba alam na iniligtas niya tayong lahat. Iniligtas niya tayo kaya hindi ka dapat magalit sa kaniya. Ang Diyos ngang gumawa sa atin lahat ay kailanman ay hindi nagalit, patuloy niya tayong minamahal kahit na kasuka-suka ang pag-uugali natin," aniya. Natawa na lamang ako. Kawawang matanda, palibhasa ay hindi niya alam ang nangyayari sa impyerno kaya ganiyan siya makapagsalita. Ang hindi niya alam ay hinayaan na ng Diyos niya ang mga kapuwa niyang tao na magdusa. "Hindi niyo kasi alam ang nangyayari kaya ganiyan kayo makapagsalita." Umalis ako sa puwesto ko at naglakad palayo sa kaniya. Hindi ko na kaya ang makipagtalo pa sa isang matanda. Kapag nangatuwiran ako ay tiyak na may sagot din siya. Gano'n naman ang lahat, hindi nagpapatalo at ako, wala akong balak matalo. Kahit ano pa ang kabutihan ng Diyos, mas lamang pa rin ang masasakit na nagawa niya sa mga tao. Mas lamang pa rin ang pagiging makasarili niya. Kahit ano pa ang sabihin ng kung sino, wala na silang mababago dahil nandito na ako, naging ganito na ako. Pinabayaan ako ng Diyos at hindi niya ako iniligtas. Kahit isang beses, hindi ko naramdaman ang pagmamahal na sinasabi nila. Nandito na ako at hindi na ako aatras pa. Wala akong pakialam sa mabuti at masama, basta ang alam ko lang ay, nasa mga gusto kong mangyari ang panig ko. Ako ang magdedesisyon para sa sarili ko. Hindi si Satanas, hindi ang Diyos at mas lalong hindi ang mga mangmang na tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD