Mga hiyawan at sigawan ang tanging sumalubong sa akin pagkamulat na pagkamulat pa lamang ng aking mga mata.
Ang daming mga tao at ang daming mga lumalangoy sa dagat. Abot-tainga ang ngiti sa kanilang mga labi at hindi ko ito wari nais na makita. Ang sakit sa mata mabuti na lang at nakaisip ako ng paraan.
Naging masaya ako nang biglaang pumasok sa aking isipan na sirain ang bawat araw nila. Matagal ko na rin itong hindi nagagawa at talaga nga namang nakasasabik na ngayon ay magagawa ko na ulit ang manira ng buhay ng mga tao.
Nakasilip ako sa bintana habang hinahanap kung sino ang una kong bibiktimahin. Masuwerte siya dahil siya ang unang mapipili ko pero malas din siya dahil tiyak na malala ang gagawin kong parusa sa taong unang mapagdidiskitahan ng aking mga mata.
Maraming magkakapamilya ang narito, may mga magkasintahan din. Kahit saang lugar ay palaging naroon ang magkakasintahan na walang ibang ginawa kundi ang maglampungan, magharutan at maglandian sa harap ng mga tao. Wala na ba talaga silang ibang magawa? Kung puwede lang silang patayin lahat, baka matagal na silang nasa libingan.
Hindi man lang nila magawang mahiya. Nakadidiri na sa harapan ko pa sila mismo magpapalitan ng mga laway. Hindi ba nila naisip na milyon-milyong mikrobiyo ang ipapasa nila sa isa't isa? Mga mangmang na tao.
"Ang saya mo, ah."
Napawi ang pag-iisip ko ng kung anu-ano nang marinig ko na naman ang nakaririndi na boses ni Cassiel.
Huminga ako nang malalim at mas pinili ko na huwag lumingon sa direksyon niya. Tiyak na masisira na naman ang araw ko. Wala siyang ibang ginawa kundi ang sirain ang masasaya kong hangarin.
"Ang taray talaga ng lalaking 'to. Siya na nga 'yong nilalapitan, siya pa talaga 'yong maarte—"
Agad siyang napahinto nang magsalita ako.
"Ano na naman?!" pasigaw kong tanong sa kaniya.
Imbes na matakot ay tumawa pa siya nang napakalas na mas lalong naging dahilan ng pagkainis ko sa kaniya. Hindi ko alam pero parang may sapi talaga siya. Hindi na siya nakatutuwa. Kaunti na lang at susunugin ko na siya.
"Ang cute mo namang magalit. Ano ba kasi 'yong pangalan mo? Para naman matawag na kita nang maayos. Sige na, anong pangalan mo?" pabalik na tanong niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin at nagpanggap ako na walang narinig.
"Hoy? Ano nga? Gusto ko lang naman malaman, e! Sige na! Sabihin mo na!"
Inulit-ulit niya pa nang ilang beses ang kaniyang tanong kaya tinakpan ko ang dalawa kong tainga at itinuon ang atensyon sa mga taong masayang-masaya ngayon.
Naramdaman ko ang paglapit niya sa akin at nagulat na lamang ako nang pinilit niyang tanggalin ang mga kamay ko na nakatakip sa aking mga tainga. Hindi ako nagpatinag sa kaniya at mas lalo ko pang diniinan ang pagkakahawak do'n.
Itinapat niya ang bunganga niya sa nakatakip kong tainga at nagsalita nang malakas, "Ano nga?!"
Napaatras ang aking ulo sa lakas ng boses niya at halos mapapikit ako nang mariin dahil sa ginawa niya. Ano ba talagang klaseng babae siya? Nababaliw na talaga siya. Hindi ko na kayang makasama pa ang isang gaya niya!
Hinawakan ko nang napakariin ang pulsohan niya na halos bumaon na ang mahahaba kong kuko sa kaniyang balat.
"Hindi ka ba talaga titigil? Hindi mo ba alam na ang sakit mo sa tainga? At tangina, hindi na ako natutuwa sa 'yo," nananakot kong sabi sa kaniya na mukhang hindi umepekto.
Nginitian niya lang ako, ngiti na alam kong walang halong kasinungalingan.
Sandali kaming napuno ng katahimikan hanggang sa mapagtanto ko na lamang na dumudugo na ang pulsohan niya sa sobrang diin ng pagkakabaon ng kuko ko sa kaniya.
Agad ko siyang binitiwan at tumingin sa ibang direksyon.
"Nagulo mo na naman ang maganda kong umaga. Masaya ka na? Kung masaya ka na, baka puwede lang, umalis ka na sa paningin ko. Naiinis ako sa pagmumukha mo. Hindi magandang tingnan, nakakawalang gana," sambit ko.
Wala akong narinig na sagot mula sa kaniya at ang tanging narinig ko lang ay ang mga hakbang niya palayo sa akin. Umalis nga siya sa harapan ko. Agad akong napatingin sa direksyon niya at bigla na lamang akong nakaramdam ng kakaiba.
"Cassiel, pahingi nga ako ng tubig."
Napahinto siya nang biglaan. Lumingon siya sa akin at mapait na ngumiti bago ako tuluyang nilisan. Napasuntok ako sa kung saan dahil sa nagawa ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin, hindi ko alam kung bakit hindi ako natutuwa na nakapanakit ako ng damdamin.
Mayamaya pa'y bumalik si Cassiel at lumapit sa akin. May dala-dala na siyang isang baso ng tubig kaya palihim akong napangiti na agad ding nabawi.
"Ito na 'yong tubig mo."
Ibinuhos niya sa akin ang isang baso ng tubig na dahilan ng mabilisang pagkulo ng galit sa kalamnan ko. Walang kahit na sino ang nakagawa sa akin ng bagay na ito maliban lang sa kaniya.
"Magpalamig ka, ang init mo sa mundo, e ano? Ano ba'ng problema mo?! Naiinis na ako sa 'yo pero wala kang naririnig sa akin! Tapos ako? Kung naiinis ka sa akin, edi mainis ka!" sunod-sunod niyang sigaw sa akin na mas lalong nagbigay sa akin ng labis na inis.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at sa bawat paghakbang ng aking mga paa paabante sa puwesto niya'y ito rin ang pag-atras niya hanggang sa mapasandal na siya sa pader.
"Anong problema ko? Matagal na akong hindi nakatitikim ng babae at gusto ko sanang makatikim na ngayon. Gusto ko sanang ngayon na gawin 'yon," wala sa sarili kong sabi sa kaniya.
Lumandas ang aking mga mata sa napakanipis na bestida niya. Bakat na bakat ang suot niyang panloob at halos makita ko na ang malulusog niyang dibdib.
Hingal na hingal ako at hindi ko alam kung ano ang nag-uudyok sa akin na gawin ang isang bagay na pinakaayaw ko sa lahat. Napatingin ako sa mukha niya at hindi ko namalayan na unti-unti na pala akong naaakit sa kulay lila niyang mga mata. Unti-unti na pala akong nawawala sa sarili ko.
Bakas sa kaniya ang labis na takot nang hawakan ko ang mukha niya at nang inilapit ko ang labi ko sa kaniya. Kaunti na lang at malapit nang maglapat ang aming mga labi sa isa't isa. Ramdam na ramdam ko na rin ang mainit niyang paghinga.
"Ano ba ang ginagawa mo? Nawawala ka na sa sarili mo. Atsaka, itigil mo na 'to. Natatakot na ako."
Dahil sa sinabi niya ay mas lalo pa akong nagkaroon ng interes na gawin ang gustong gawin ng aking katawan. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag nagmamakaawa ang isang babae na huwag gawin ang gusto mo.
Hinawakan ko ang baywang niya at hinaplos-haplos ko iyon hanggang sa uminda siya at napapikit nang mariin. Pilit niya akong itinutulak ngunit wala siyang magagawa dahil mas malakas ang aking katawan kaysa sa kaniya.
Ipinagapang ko ang aking palad nang dahan-dahan hanggang sa malapit ko nang mahaplos ang gilid ng dibdib niya. Bumilis ang kaniyang paghinga habang nakaramdam naman ako ng labis na init sa aking katawan.
Hindi ko maipaliwanag, ang alam ko lang ay gustong-gusto ko nang makaraos.
Itinapat ko ang aking labi sa kaniyang leeg at unti-unti kong inilabas ang aking dila. Pataas kong dinilaan ang leeg niya hanggang sa humigpit ang hawak niya sa isa kong kamay na nakatalikop sa isa niyang palad.
"Ano ba ang ginagawa mo?" garalgal niyang sabi.
May mga luhang tumulo sa mga mata niya at hindi niya na napigilan pa ang mapahagulgol. Umiyak siya nang napakalakas at hindi ko alam kung paano siya patatahanin kaya agad akong umalis sa harapan niya at napaupo na lamang ako sa aking higaan.
Tama siya, ano ba 'tong ginagawa ko? Bakit ko 'to nararamdaman sa isang babaeng hindi ko naman mahal at hindi ko lubusang kilala. Bakit ako nagkakaganito?
Patuloy pa rin ang pag-iyak niya kaya napayuko na lang ako sa sobrang kahihiyan. Hindi ko nais na gawin ito sa isang babae o sa kahit na sino pang babae. Masama akong tao pero hindi ko ginusto ang nagawa ko kanina. Wala akong kaalam-alam kung bakit ko nagawa ang mga bagay na 'yon.
"Patawad," mahina kong sambit na hindi ko alam kung narinig niya ba o hindi.
Hindi ko alam kung bakit biglaang lumabas sa aking bibig ang salitang 'yan. Hindi ko na talaga alam kung ano ang nangyayari sa akin. Nagsimula akong maging kakaiba simula nang makasama ko si Cassiel.
Nakaramdam ako ng kung ano nang maramdaman ko ang dahan-dahang pag-alis ni Cassiel sa harapan ko. Ramdam ko pa rin ang labis na kalungkutan at galit na nararamdaman niya. Kahit hindi niya sabihin sa akin, alam kong kinamumuhian niya na ako. Baka bukas, paalisin niya na ako dahil sa ginawa ko sa kaniya.
Hindi dapat ako nagkakaganito pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na huwag maramdaman ang bagay na ito.
Siya lang ang babaeng nakapang-akit sa akin simula nang nawala si Camiell. Siya lang ang babaeng nagawan ko ng ganitong klaseng bagay.
Nararapat lang siguro na lumisan na ako at huwag nang alamin kung ano ang rason kung bakit niya ako nakikita at nahahawakan.
Mas mabuti siguro kung iiwasan ko na siya habang maaga pa.