"Saan ka pupunta? Saan mo balak pumunta? Aalis ka?"
Napalingon ako kay Cassiel na ngayon ay nakatayo na sa may gilid ng pintuan. Natigilan ako nang makita ko ang ayos at kasuotan niya, hindi ko maiwasan ang matulala.
Nakatitig lang ako sa kaniya na para bang isang puno na hindi na makaalis-alis sa puwesto. Ang kulay itim na bestida niya ang labis na nagpamangha sa akin, sapagkat bumagay ito sa porselana niyang kutis. Tila ba inaakit ako ng kakaiba niyang mga mata, ang dama de noche, ganiyan kaganda ang kulay nito.
"Bakit ka nakatitig sa akin?" nahihiya niyang tanong habang ang mga mata'y hindi makatitig sa akin nang diretso.
Para akong napaso dahil sa sinabi niya kaya umiwas ako ng tingin.
Ito na ang araw na aalis na ako sa lugar na ito, hindi ko na siya gustong makita at hindi ko na kailangang malaman kung ano ang dahilan kung bakit niya ako nakikita at nahahawakan. Ayaw ko nang malaman kung ano ba talaga ang rason kung bakit niya nagagawa 'yon.
Kinakailangan ko nang gawin ito para hindi na ako mawala sa sarili ko. Hindi ko gugustuhing iba ang isipin sa akin ni Camiell kapag hindi ko napigilan ang aking sarili, baka kung ano lang magawa ko dahil sa kakaibang pakiramdam na pilit kinakalikot ang aking kalamnan.
Tumayo ako at naglakad. Sa bawat hakbang ay hindi ko maintindihan ang hangin, pilit akong ibinabalik sa pamamagitan ng pag-ihip nang napakalakas. Para bang sinasabihan niya ako na huwag akong umalis sa lugar na ito at manatili lang ako rito hanggang sa malaman ko na ang katotohanan — katotohanan na hindi ko naman batid. Nang makarating na ako sa may pinto, akmang lalagpasan ko na sana siya nang agad niyang hinawakan ang braso ko.
"Saan ka pupunta? Ayaw mo na ba akong makasama? Ayaw mo na ba sa amin?" malungkot na tanong niya.
Hindi ako lumingon sa kaniya at iniyuko ko na lamang ang aking ulo. Hindi ko kayang makita niya ang nakasisindak kong itsura. Hindi ko na hahayaan na titigan niya pa ang pula kong mga mata. Ayaw ko nang masilayan niya pa ako dahil kahit ako'y ayaw ko nang makita ang sarili ko dahil hindi ko na kilala kung sino ako.
"Dahil ba 'to sa nangyari? Pasensya na. Alam kong kasalanan ko, kung sana'y nagtimpi ako. Edi sana, hindi mo na kailangang umalis."
Napakunot ang aking noo dahil sa sinabi niya. Hindi niya naman kasalanan pero bakit siya ang humihingi ng tawad? Hindi niya dapat sinasabi ang mga bagay na ito sa akin. Isang kalapastangan na isisi niya sa kaniyang sarili ang bagay na hindi naman siya ang may kasalanan.
"Tumigil ka!" Nilingon ko siya at hinawakan ko ang magkabilaan niyang braso.
Ang balat niya ay kasing lambot ng mga bulak na nagsisilaglagan mula sa puno nito. Hindi ko maiwasang makaramdam ng labis na kaginhawaan sa tuwing nalalapatan ng aking balat ang kahit na anong parte ng katawan niya.
Tumingin ako sa lila niyang mga mata at labis na kalungkutan ang ipinapahiwatig ng mga ito. Huminga ako nang malalim bago magsalita, "Hindi ka dapat manghingi ng tawad sa akin. Wala na akong balak malaman pa ang rason kung bakit mo nagagawa ang mga bagay na 'to... kung bakit mo ako nakikita dahil gusto ko na rin manira ng mga buhay ng tao. Nais ko nang mangwasak ng mga relasyon at nananabik na akong makapinsala kaya aalis na ako. Gusto ko nang matahimik ka."
Ipinikit niya ang mga mata niya at hindi ko alam kung ano ba ang dapat na gawin kaya tinanggal ko ang aking mga palad mula sa kaniyang dalawang braso. Tumalikod ako sa kaniya at humakbang na palayo.
Ilang hakbang na lang at malapit na akong makalabas sa tahanan na ito nang tawagin niya ako, "Cassian! Hindi mo ba gusto malaman kung bakit ka nakikita ni Manang? Nagpapakita ka ba sa kaniya o talagang nakikita ka lang niya? Ayaw mo na bang alamin?"
Lumaki ang aking mga mata. Nagulat ako sa sinabi niya, sobra akong nabigla dahil ngayon ko lang napagtanto na nakikita nga ako ng matandang 'yon. Hindi naman ako nagpapakita sa kaniya kaya paanong nangyaring nakauusap niya ako? Hindi maaari ang mga bagay na ito, hindi ko na alam ang mga nangyayari. Nagiging tao na ba ako?
"Paano niya nagagawa 'yon? Katulad mo rin ba siya? Paano mo ba ako nakikita? Sabihin mo na kasi! Mababaliw na ako nang dahil sa inyong dalawa, lalong-lalo na sa 'yo!" sunod-sunod na sigaw ko sa kaniya.
Tila nawala na naman ako sa kontrol. Dahan-dahan akong lumapit patungo sa kinatatayuan ni Cassiel.
"Kahit ako'y nagtataka. Akala ko nga binibiro mo lang ako ng araw na 'yon pero kasi pinagtitinginan talaga ako ng mga tao at pinagkakamalan nila akong baliw dahil rinig na rinig ko ang mga bulungan nila. Kaya naisip ko na, hindi maaring nagbibiro ka. Gusto ko sanang itanong sa 'yo 'to nang nakaraan pa kaso baka magalit ka sa akin at sigawan mo ulit ako kaya hinayaan ko na lang atsaka may sinasabi rin sa akin si Manang na mga kakaibang bagay, hindi normal," pahayag niya.
May bagay na naman na nag-uudyok na manatili ako at alamin ang totoo. May rason na naman para lumagay ako sa lugar na ito.
Labis na akong naguguluhan at hindi ko na alam ang mga nangyayari. Sumasakit na ang utak ko kaiisip kung paano nila nagagawa ang mga bagay na 'to.
Biglang pumasok sa aking isipan si Camiell. Paano kung maging rason ang matandang 'yon at si Cassiel para hindi ko na matupad ang mga plano?
"Hindi 'to maaari! Baka hindi ko na magawa ang mga plano ko nang dahil sa inyong dalawa. Baka hindi ko na mabawi si Camiell."
Nagulat ako sa biglaang pagdilim ng aking paningin hanggang sa wala na akong masilayan pa. Napuno ng kulay itim ang buong paligid at pakiramdam ko'y sobrang sakit ng utak ko na halos gusto na lang nitong sumabog. Para akong pinupukpok ng paulit-ulit kaya napahawak ako sa aking ulo.
"Ano ang nangyayari sa 'yo? Teka... Cassian!" sigaw ni Cassiel sa akin.
Naririnig ko ang boses niya ngunit wala akong makita na kahit ano — walang masilayan ang mga mata ko.
Patuloy pa rin ang pagsakit ng ulo ko hanggang sa namanhid ang buo kong katawan at para akong hinihiwa nang dahan-dahan. Pakiramdam ko'y malapit na ako sa sukdulan. Hindi ko alam kung ano ang rason at kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay na 'to sa akin.
"Ang sakit!" sigaw ko sa kawalan.
Wala akong maaninag na kahit ano. Puro itim lamang at wala ni isang liwanag. Gulong-gulo na ang aking isipan, wala akong ideya kung bakit nagaganap ang mga bagay na ito sa akin.
"Pigilan mo ang nangyayari sa 'yo at ibalik mo ang tunay na ikaw. Pakiusap, Cassian."
Isang tinig ang narinig ko. Alam ko kung kaninong boses ang mga 'yon, hinding-hindi ko makalilimutan kailanman.
Bakit hindi na lang siya magpakita sa akin? Bakit hindi na lang niya ako piliin? Bakit hindi na lang siya manatili sa tabi ko? Maraming katanungan sa isip ko at gusto ko lahat ng 'yon ay masagot niya. Alam kong siya lang ang makapagbibigay sa akin ng mga kasagutan. Alam kong siya lang ang magpapagaling sa akin dahil siya ang lunas ko. Siya lang at wala nang iba.
Lason na lason na ako sa sakit na tinatamasa ko pero kahit gano'n, pilit kong kinakaya ang lahat, para sa aming dalawa — para kay Camiell.
"Bakit hindi ka na lang sumama sa akin, Camiell?" tanong ko sa kawalan.
Nanatili akong parang isang bulag dahil sa hindi ako makakita ng kahit na ano. Umiikot-ikot ang aking paningin at hilong-hilo na ako sa nakikita kong puro itim. Gusto kong makakita ng liwanag — gusto kong makita si Camiell dahil siya lang ang liwanag sa napakadilim kong mundo.
"Cassian, itigil mo na habang maaga pa," sabi niyang muli.
Pilit kong hinahanap kung nasaan siya ngunit para akong isang timang na nakikipaghabulan sa madilim na kagubatan.
Biglang huminto ang aking paghinga at wala na akong malanghap na hangin. Parang may tinik sa aking lalamunan, hindi ko na magawang makahinga nang maayos.
"Bumalik ka na, Cassian."
Unti-unting lumabo ang lahat. Dahan-dahang bumagsak ang aking katawan sa sahig at nakaramdam ako ng pagkamanhid. Sa puntong 'yon, alam kong malabo nang bumalik si Camiell. Tanging ang mga tinig niya na ang nagpapahiwatig sa akin.
"Ayos ka lang ba? Ano ang nangyari sa 'yo?" tanong ni Cassiel sa akin.
Lumiwanag na ang buong lugar at naaninag ko na ang paligid. Nakahinga ako nang maluwag dahil nakalanghap na ako ng hangin. Hingal na hingal ako, para akong hinahabol ng isang mabangis na hayop.
"Cassian, ano ang nangyayari?" tanong ni Cassiel habang inaalalayan ako.
Ramdam ko ang pag-aalala sa kaniyang boses, kitang-kita ko rin sa kaniyang mga mata.
Sa puntong 'yon, tumulo ang mga luha ko. Nagsilabasan ang mga ito na para bang isang tubig sa sapa, tuloy-tuloy at walang humpay.
"Hindi ko na kaya ang sakit," mahina kong sambit bago tuluyang magdilim ang paligid, bago tuluyang pumikit ang aking mga mata.