KABANATA 11

1529 Words
"Cassian, alam mo ba kung bakit dito ko gustong manirahan? Alam mo ba kung bakit gusto kong tumira dito kasama ka?" nakangiting tanong sa akin ni Camiell. Nakatitig lang ako sa maamo niyang mukha. Hindi ko magawang ituon ang atensyon sa iba. Wala akong makita kundi siya lang. Hindi ako nagsasawa at kailanman, malabong magsawa ako na titigan ang mala-anghel niyang itsura. Nakaupo kami sa mga buhangin, pinapanuod niya ang paglubog ng araw habang ako, pinapanuod ko kung paano umaliwalas ang napakaganda niyang mukha kapag nasisikatan. Magkahawak ang aming mga kamay, sobrang higpit na halos hindi ko na magawang pakawalan pa siya. Ayaw ko nang mawala pa siya. Napakasarap ng buhay kapag siya ang kasama ko. Para akong naninirahan sa lugar na walang problema. Siya ang pahinga ko sa nakapapagod na mundong 'to, kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin kung sakaling mawala siya sa piling ko. Ibinaling ko ang aking paningin sa araw, tama nga siya, kahit paulit-ulit na namin itong ginagawa, hindi pa rin talaga nakasasawa. Parang ang pag-ibig ko sa kaniya, hindi ito nakauumay at hindi pumapangit ang lasa. Napakaganda ng lugar na ito, ang sarap manatili at huwag nang umalis pa. Sana'y palagi na lang kaming ganito, magkayakap, dinadama ang ihip ng hangin, pinagmamasdan ang pagsikat at paglubog ng araw. "Kinakausap kita, ano sa tingin mo?" tanong niya pang muli sa akin. Papalubog na nang papalubog ang araw, unti-unti na ring lumilitaw ang buwan at ang mga kumikinang na bituin sa kalangitan. "Ano? Kasi maganda rito?" malambing na sambit ko sa kaniya. Umiling siya at humarap sa akin. Hinawakan niya ang magkabilaan kong pisngi dahilan para masilayan ko na namang muli ang napakaganda niyang mukha. Ang kulay berde niyang mga mata, ang labi niyang sobrang pula at ang napakaamo niyang itsura, ang senaryo na 'to ang nais kong makita sa araw-araw. "Hindi... gusto ko rito dahil malaya kitang nakakasama. Malayo tayo sa mga tao at malayo tayo mula sa mapanghusga na mundo. Kumbaga, malayo tayo sa kapahamakan." Umaalon ang buhok niya na parang tubig sa dagat dahil sa lakas ng ihip ng hangin. Ang halimuyak nito ay sobrang sarap langhapin. Napangiti ako dahil sa naging tugon niya dahil tama siya, malayo kami sa mga taong mapanghusga. Pero, sa kapahamakan? Siguro, hindi. Siguro'y malabong mapapalayo kami sa kapahamakan. "Tingin mo ba ligtas tayo rito? Sabagay, baka hindi na rin nila tayo masundan, hindi ba? Baka rin gusto na nila tayong patahimikin. Mahal naman natin ang isa't isa. 'Di ba, mahal ko?" tanong ko sa kaniya. Nagulat ako sa biglaang pagtahimik niya at hindi niya pag-imik, nakaramdam ako ng kakaiba — nakaramdam ako bigla ng takot at kaba. Nawala na ang araw, tuluyan nang pumuwesto ang buwan at sa pagpuwesto nito, tuluyan na ring dumilim ang buong paligid. "Bakit ka biglang tumahimik? Tama naman ako, hindi ba? Sana lang... sana'y hindi na tayo masundan pa ng mga kampon mo, sana hayaan ka na ng mga kauri mong anghel at sana hindi ka na subukang kuhanin sa akin ng Diyos," malungkot na sabi ko dahil sa takot na baka maisipan niyang iwanan ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung sakaling mangyari ang bagay na 'yon. Tiyak na mamamatay ako. Kinagat ko ang labi dahil sa biglaang panginginig. Lumamig na ang buong paligid at napuno na rin kami ng katahimikan. Katahimikan na alam kong pansamantala lang. "Cassian, hindi ba't sinabi ko sa 'yo na huwag kang ganiyan magsalita sa mahal nating Diyos. Kung ano man ang nagawa niya, inililigtas niya lamang tayong lahat sa kasamaan." Hinaplos niya ang magkabilaan kong pisngi at sa pagdampi ng balat niya sa akin, parang gusto ko na lamang na umiyak. Nag-aalangan ako sa mga ikinikilos niya, parang may mali, parang may kakaiba sa kaniya. Alam kong may balak na naman siyang gawin, nararamdaman ko at hindi ko na 'to nagugustuhan. "Alam ko. Bakit ka ba nagkakaganito ngayon? Bakit parang may takot at lungkot sa dibdib mo? Rinig na rinig ko ang malakas na pag-iyak diyan sa puso mo," wika ko sa kaniya na dahilan ng paglandas ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nabigla ako sa inasta niya. Hindi ko na alam ang gagawin, alam kong may mali. Pinunasan ko ang mga butil sa kaniyang mukha dahil hindi ko kayang makita na umiiyak ang taong mahal ko, para akong dinudurog. "Cassian, wala 'to. Sadyang natutuwa lang ako dahil nakilala kita. Sumaya ako sa piling mo pero gusto ko maging masaya ka at hindi na maging magulo ang buhay mo. Gusto ko maging mapayapa ka." Nag-iba ang pakiramdam ko dahil sa sinabi niya. Lumakas ang pagtibok ng puso ko at parang may mangyayaring hindi ko gusto. Bakit ganito na lamang ang mga sinasabi niya sa akin? Balak niya rin ba akong iwan?  "Ano ang ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Mas lalo pang lumakas ang paghagulgol niya kaya mas lalo akong naguluhan. Pilit niyang tinatakpan ang bibig para hindi makagawa ng maingay na tunog at para din mapahinto niya ang sarili sa pag-iyak. May mga luha nang nagbabadyang lumabas mula sa akin ngunit pinipigilan ko ito, ayaw kong magmukhang mahina sa harapan ng taong ipinaglalaban ko. "Tapusin na natin 'to. Hindi sa ayaw ko na sa 'yo pero kasi... ayaw na kitang mahirapan. Tingnan mo kung ano ang nangyayari sa paligid natin, pilit tayong hinahabol ng kasalanan. Cassian, isa itong malaking kasalanan sa Diyos!" aniya habang walang patid sa panginginig ang kaniyang labi. Nawawalan na yata siya ng pag-asa na magiging maayos ang lahat. Hindi maaaring iwanan niya ako nang basta-basta na lang, hindi siya puwedeng lumisan nang gano'n-gano'n na lang. Hindi niya ako puwedeng iwanan nang ganito. Tangina! Hindi ako papayag! "Hindi, sabi ko naman sa 'yo 'di ba? Magiging maayos ang lahat. Aayon sa atin ang tadhana dahil nagmamahalan tayong dalawa at walang makasisira sa atin. Hindi ba't nangako ka na hindi ka aalis? Kaya ano 'tong mga pinagsasabi mo? Anong ayaw mo na? Hindi ka puwedeng umayaw dahil hindi ako umaayaw, nakita mo ba akong sumuko? 'Di ba, hindi? Kaya bakit ka susuko e, pilit kitang ipinaglalaban. Huwag mong sabihin na gano'n-gano'n na lang ang lahat ng hirap na pinagdaanan natin? Hindi, hindi ito maaari. Mahal kita, Camiell kaya paano mo nagagawang sukuan na lang ako? Paano mo 'to nagagawa sa akin? Bakit ka ganiyan? Bakit ka sumusuko?" Tuluyan nang nagsilabasan ang mga luha sa mata ko. Hindi ko man gustuhin pero natatakot na ako sa mga oras na ito. Hindi ko kakayanin kapag iniwan niya ako nang mag-isa. Hindi ko alam kung mahahanap ko pa ang sarili ko kung wala siya. "Cassian, hindi lang ito puro sa atin. Hindi ito tungkol sa kasiyahan at pagmamahalan natin. Para ito sa kapayaapan at ito ang nararapat. Tingin mo ba ay magiging masaya tayo habang hinahabol tayo ng ating mga konsensya? Tingin mo ba makatutulog tayo nang mahimbing habang paulit-ulit tayong dinadalaw ng bangungot? Tingin mo ba magiging maayos ang lahat? Cassian, kailangan mong gumising mula sa katotohanan!" sigaw niya sa akin na dumagundong sa buo kong pagkatao. Niyakap ko siya nang napakahigpit na halos hindi ko na magawang makahinga pa. Hindi ko makakayanan kapag umalis siya, hindi ko makakayanan ang mabuhay nang wala ang taong nagbibigay ng lakas sa akin. Hindi ko kakayanin kapag wala ang taong nagsisilbing buhay ko. Paano niya nasasabi ang mga bagay na ito sa akin? Hindi niya ba naisip na labis akong nasasaktan sa mga ginagawa niya? Para akong isang puno na unti-unting nililigare ng isang mangangaso, dahan-dahan akong nawawasak. "Maniwala ka lang sa akin, pakiusap. Manatili ka lang sa tabi ko at magiging maayos ang lahat. Sasang-ayon ang tadhana sa ating dalawa, magtiwala ka lang sa akin," mahinahon kong sabi habang nakatapat ang aking bibig sa kaniyang tainga. Mahigpit ang pagkakayakap ko sa kaniya dahil ayaw ko nang maiwan nang mag-isa. Ang hirap, gusto ko pang humawak pero parang ayaw niya na. "Cassian, hindi ko na kaya. Ayaw kong mabuhay nang puno ng pangangamba. Ayaw kong manatili sa 'yo habang paulit-ulit tayong hinahagkan ng kasalanan." Pilit niyang tinatanggal ang mga bisig ko sa kaniya ngunit mas lalo ko pa itong hinigpitan. Hindi ako makapapayag na bumitiw na lang bigla. Isang katanungan lang ang pumapasok sa utak ko, isa ba akong kasalanan para sa kaniya? Napakasakit isipin, gustong-gusto ko pang lumaban pero pilit niya na akong pinapasuko. "Cassian, tama na." Biglaan siyang naglaho mula sa mga bisig ko. Tumayo ako at hinanap-hanap ko siya pero para siyang bulang biglaang naglaho sa himpapawid. Napaluhod ako sa mga buhangin at kasabay ng panghihina ng aking tuhod, nanghina na rin ako. Tuluyan nang umagos ang mga luha sa aking pisngi. Wala akong ibang magawa, wala akong maisip na paraan. Bakit napakadali lang sa kaniya na iwanan ang isang katulad ko? Bakit mas pinili niya ang bumitiw kaysa ang hawakan ako? Kasabay ng paglaho niya ay ang tuluyang paghinto ng dagat sa pag-alon. Ang sakit ng nararamdaman ko, walang kahit na sino ang makapapawi nito. Para akong isang punong tinanggalan ng mga prutas pagkatapos ay hindi na diniligan. Para akong mamatay sa sobrang sakit na aking nararamdaman. Kung alam ko lang na aalis siya, edi sana hindi na lang ako dumako sa araw na 'to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD