Nagising ako sa marahang pagdampi ng basang bimpo sa aking noo. Nakita ko si Cassiel na napahinto sa kaniyang ginagawa nang makita niyang dumilat na ang mga mata ko. Binitiwan niya ang bimpo at inilapag niya iyon sa palanggana na may tubig. Lumapit siya sa akin at inalalayan niya akong makaupo ngunit tumanggi ako.
Sana'y hindi na lang ako nagising. Mas gugustuhin kong ulit-ulitin ang pangyayaring 'yon kahit na masakit. Mas pipiliin kong manatili sa panaginip na 'yon, dahil kasama ko siya at nakikita ko ang maamo niyang mukha hindi tulad ngayon, ilang taon ko nang hindi nasisilayan ang mga berde niyang mga mata.
Sana ay patuloy na lang akong nanatili mula sa aming nakaraan at hindi na dumako pa sa kasalukuyan, kung kaya ko lang iatras ang panahon kung saan maligaya pa kami noon. Kung sana lang ay pinagkatiwalaan niya ako, hindi sana ako naging ganito. Wala sigurong buhay na nasisira.
Tumigil si Cassiel sa pagpupunas ng katawan ko at may kinuhang baso na may laman na kung ano.
"Cassian, inumin mo 'to. Gamot daw ito sabi ni Manang." Hawak-hawak niya ang baso na may kulay berdeng tubig sa loob. Hindi ko alam kung ano iyon pero mukhang dinikdik ito na dahon at inihalo sa tubig.
Nakatulala lang ako at hindi umiimik, walang salita ang lumalabas sa bibig ko. Walang gana ang lalamunan ko para akong natuyuan at hindi nakainom ng tubig ng ilang araw.
"Ano ba kasing nangyari sa'yo? Gusto mo ba dalhin na kita sa Ospital? Mukha kasing hindi ka maayos tapos putlang-putla ka na, mas maputi ka na sa akin ngayon," pangungulit niya. Napapikit na lang ako dahil sa sobra niyang kaingayan. Gusto ko lang ang mag-isa pero bakit hanggang ngayon nandito siya? Hindi ba siya natatakot sa nakasisindak kong mukha? Hindi ba siya nag-aalangan na baka mapatay ko siya?
"Ano'ng mayro'n sa Diyos?" Hindi ko alam kung bakit lumabas ang mga tanong na 'yan sa bibig ko pero gusto kong malaman kung ano ang isasagot niya. Baka sakaling iba ang isagot niya. Kakaiba, hindi katulad ng palagi kong naririnig.
"Ano ang mayroon sa kaniya? Simple lang, patuloy niya tayong minamahal kahit napakamakasalanan nating lahat. Inilalayo niya tayo sa mga bagay na ikapapahamak natin kaya ginagawa niya ang mga bagay na hindi natin gusto," sagot niya. Nakangiti siya sa akin at patuloy pa rin ang pagkinang ng mga lila niyang mata.
"Talaga? E, bakit niya pa tayo ginawa kung ilalayo niya rin naman pala ang mga bagay na makapagpapasaya sa atin? Problema na natin kung masasaktan tayo! Hindi niya na kasalanan 'yon!" pagsalungat ko sa sinabi niya. Hinawakan niya ang mukha ko at iniharap ito sa kaniya. Kitang-kita ko ang mapupula niyang labi na para bang isang rosas na namumukadkad. Hindi ako makaiwas ng tingin sa kaniya, para akong napako nang sobrang lalim at hindi na makaalis pa.
"Dahil mahal niya tayo. Minsan kasi, alam na natin ang sagot pero ginagawa pa rin nating bulag ang ating mga mata. Kailangan mo lang gumising sa katotohanan at bigyang kulay ang mga bagay-bagay sa mundo. Hindi mo kailangan ikulong ang sarili mo mula sa isang madilim at nakatatakot na lugar. Hindi mo kailangan gawin ang mga bagay na 'yon." Alam ko naman na ang sasabihin niya pero bakit ko pa ba siya tinanong? Ipagtatanggol niya rin naman ang Diyos niya. Mas ipaglalaban niya 'yon, wala siyang pinagkaiba kay Camiell. Pareho lang silang lahat.
"Alam mo kung ano ang mahirap sa inyo? Hindi niyo tinitingnan ang rason ng bawat isa. Doon kayo sa tama kasi ako, mali ako 'di ba? Pero wala ka naman nang magagawa. Lahat kayo! Wala na kayong magagawa kapag sinakop ko na ang buong mundo!" pagmamayabang ko sa kaniya. Nag-iba ang itsura niya at kitang-kita ko na malapit na siyang mairita sa mga pinagsasabi ko. Hindi ko siya masisisi, kahit sino ay maiirita sa akin. Sanay na ako.
"Bakit ka ba ganiyan?" tanong niya na nakapagpatawa nang sobrang lakas sa akin. Bakit ako ganito? Kung malalaman niya kaya ang rason, kakampihan niya kaya ako? Malamang hindi, do'n pa rin siya sa Diyos nilang lahat.
"Hindi mo na kailangan malaman. Wala ka na rin namang magagawa. Tapos na, wala na, naganap na, e." Umiwas siya ng tingin at ibinaling ang atensyon sa iba. Ang lakas ng hangin at naririnig ko ang pag-agos ng tubig sa karagatan, ang sarap sigurong lumangoy kung kasama ko si Camiell. Napatingin ako sa dagat at nakita ko na naman ang matandang kasama namin ni Cassiel. Buong araw ata siyang nandiyan, hindi ba siya napapagod o naiinitan man lang sa tirik na tirik na araw?
"Hindi ba 'yan umaalis? Lagi bang nandiyan 'yang matandang 'yan?" tanong ko kay Cassiel. Lumingon siya sa akin at pagkatapos ay tumingin sa matandang nakaupo sa mga buhangin.
"May hinihintay raw siya." Nagtaka naman ako sa sinabi ni Cassiel. Napakunot ang noo ko at hindi ko maiwasang isipin kung sino ang hinihintay niya. Siguro, sobrang napakahalaga ng taong 'yon para sa kaniya kasi natiis niyang manatili sa puwesto niya ng ilang oras. Aalis lang siya kung kakain na o kaya naman ay matutulog.
"Alam mo ba, si Manang. Kakaiba ang mga kinukuwento niya sa akin at hindi ko alam kung totoo kasi maya-maya tinatanong niya kung sino ako tapos magpapatuloy ulit, hihinto kaya nagiging magulo ang pagsasalaysay niya pero isang bagay lang ang naintindihan ko. Naghihintay raw siya riyan sa dagat kasi hinahantay niya ang lalaking mahal niya na bumalik. Umaasa siya na sana isang araw ay magpakita sa kaniya 'yong taong iniibig niya nang lubusan. Kakaiba raw ang lalaking 'yon dahil hindi siya tao." Pansamantalang huminto si Cassiel at huminga nang malalim. Nakapagtataka naman ang sinabi niyang, hindi tao ang iniibig nito.
"Naguguluhan ako. Ano 'yon, umibig siya sa engkanto? Sa anghel? O kaya sa demonyo?" Bigla akong natigilan dahil sa panghuling sinabi niya. Tiningnan ko siya at nakita ko sa kaniyang mga mata ang pagtataka.
"Umibig sa demonyo?" ani ko. Tumango siya sa akin at napangisi ako nang malawak. Umibig sa demonyo ang matandang 'to? Kaya ba nakikita niya ako kasi may abilidad din siyang itinatago? Isa kaya siyang anghel?
"Ano ang iniisip mo?" tanong ni Cassiel sa akin. Hindi ko siya pinansin at tumayo ako. Dire-diretso akong naglakad at iniwan ko siyang mag-isa sa kuwarto.
Kailangan kong puntahan si Satanas at may mga bagay akong kailangan malaman. Alam kong siya lang ang makasasagot sa mga katanungan na nasa utak ko.