"Ano ang ginagawa mo rito?" bungad ni Satanas sa akin kaya napangiti ako nang malapad. Hindi ba siya magtatanong kung bakit nawala ako ng ilang araw?
"Hindi mo ba ako gustong makita?" pabalik kong tanong sa kaniya. Tumawa siya nang malakas, para siyang isang ulol na aso na tuwang-tuwa sa amo dahil pinapakain siya ng napakaraming buto.
"Saan ka ba nanggaling at ano ang kailangan mo? Magpapakita ka lang naman sa akin kapag may kailangan ka o kaya naman ay magyayabang ka na matatalo mo ako, sa tingin mo ba ay mapapaslang mo ako?" Nainis ako dahil sa sinabi niya pero sa halip na ipakita ang inis ko sa kaniya ay mas lalo ko pang naisipan na magyabang at asarin siya. Kapag ipinakita kong apektado ako, parang sinabi ko na rin na panalo na siya.
"Malapit na nga at alam ko naman na nanginginig ka na sa takot. Mag-ingat ka at baka maihi ka riyan," natatawa kong sabi. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang pagkainis kaya mas lalo pa akong nagalak dahil sa ipinapakita niyang ekpresyon.
"Ano'ng gagawin niyo? Bitawan niyo ako! Hayop ka Satanas!" sigaw ng isang lalaki na bitbit-bitbit ng mga demonyo. Pilit siyang nagpupumiglas ngunit nakatali ang mga kamay niya ng kadenang may apoy. Naaalala ko siya, siya 'yong lalaking nasa kulungan, siya si Jerahmeel.
Huminto sila sa harapan namin ni Satanas at tinanggal ang piring ng lalaki sa mata. Puno ng galit at poot, nakasisindak ang itsura niya. Putol ang mga sungay niya at gano'n na rin ang mga pakpak niya sa likod. Gaya ko ay, kulay pula rin ang kaniyang mga mata at puro sugat ang kaniyang mukha. Sobrang lalim ng mga peklat nito at puro dugo.
Tumingin siya kay Satanas at dinuraan niya ito dahilan ng pagkainis ni Satanas sa kaniya. Ang lakas ng loob niyang gawin iyon sa hari ng impyerno. Ginawaran siya nito ng isang malakas na suntok dahilan ng pagtumba niya sa sahig na may mga apoy. Namilipit siya at mahihinuha sa kaniyang itsura ang sakit na natamo.
"Ang kapal ng mukha mo ulupong," sabi ni Satanas. May pagkamuhi sa boses nito at halatang galit na galit. Napangiti naman ako dahil mukhang makatutulong ang lalaking ito sa akin. Mukhang malaki ang ambag niya sa mga plano ko.
"Dalhin niyo na 'yan!" Sa isang sabi pa lang ni Satanas ay sinunod na siya ng mga alipin niyang demonyo. Lahat ay takot sa kaniya dahil kaya niyang pumatay kahit na anong oras. Kaya niyang pumaslang kung gugustuhin niya.
Sinundan ko ng tingin ang lalaki hanggang sa tuluyan na silang naglaho. Napatitig ako sa mga kaluluwang pinahihirapan, nagmamakaawa sila at kitang-kita ko kung gaano sila nahihirapan.
Lusaw na lusaw na ang kanilang balat pero hindi pa rin sila namamatay. Habang buhay silang magdurusa rito, walang katapusang pasakit ang igagawad sa kanila dahil sa mga kasalanang ginawa nila.
Nakapila sila at isa-isang pinaghahampas ng mahabang bakal na may mga patusok-tusok. Mga dalaga at binata; mga matatanda at mga kasing edad ko ang labis na naghihirap dito. Tumatalsik ang dugo na nagmumula sa kanila at puno ng pighati ang mga mukha nila.
"Ano nga ba ang ginagawa mo rito?" Napalingon ako kay Satanas na ngayon ay nakaupo na sa kaniyang trono. Hindi ko namalayan na umalis na pala siya sa tabi ko kaya lumapit ako sa kaniya.
"Anghel at demonyo lang ba ang makakakita sa akin, hindi ba ang mga tao? Ang ibig kong sabihin ay, kapag hindi ako nagpapakita sa kanila, may posibilidad ba na makita ako ng mga tao?" tanong ko sa kaniya. Tila naguluhan siya sa aking itinanong at alam kong nagtataka na siya base sa itsurang ipinapakita niya. Kahit ako'y nag-aalinlangan na rin sa mga nangyayari.
"Tingin mo? Malamang, hindi! Makikita ka lang ng mga tao kapag ginusto mong magpakita sa kanila gaya na lang ng traydor na si Jerahmeel. Nagpakita siya sa isang taga-lupa at inibig niya pa ito!" pasigaw niyang sabi. Tama siya, hindi maaaring makita ng mga tao ang mga anghel at demonyo kaya bakit ako nakikita ni Cassiel at ng matandang 'yon? Ano'ng mayro'n sa kanila?
"Bakit mo ba tinatanong 'yan? Tinamaan ba ng malaking bato ang ulo mo kaya naging mangmang ka bigla?" Para akong binuhusan ng isang mainit na tubig at nawala bigla ang antok dahil sa sinabi niya. Tama siya, hindi talaga puwede na makakita ang mga tao ng kakaibang uri sa mundo, gaya na lang namin. Makikita lang nila kami kapag ginusto naming magpakita sa kanila ngunit sa ganitong sitwasyon, hindi ko na alam ang mga nangyayari.
Aalis na sana ako nang biglang may pumasok na katanungan sa aking isipan. Hindi maaari. "Paanong nangyaring nakikita ko si Camiell noon? Isa rin naman akong normal na tao pero paano ko nakikita ang mga anghel at demonyo? Sinadya ba nila ito?"
Nabigla siya sa katanungan ko. Nag-iba ang ekpresyon ng kaniyang mukha, nagmistula itong blankong papel, halatang may itinatago siya sa akin. Kung ano man iyon, hindi ako makapapayag na hindi ko ito matutuklasan, sisiguraduhin kong malalaman ko ang mga sikretong iyon.
"Aba, malay ko sa'yo! Hindi ba't hindi mo naman gusto ang may mangialam sa buhay mo kaya bakit itinatanong mo ang mga walang kuwentang bagay na 'yan ngayon sa akin?" Hindi siya tumingin sa akin, nanatili lang siyang nakatingin mula sa malayo. Nagsilabasan na ang mga babae niya. Nagkukumpulan ito sa sobrang dami at sabay-sabay na lumapit sa kaniyang puwesto.
Hindi na ako nakapagtanong pa dahil natakpan na siya ng napakaraming babae. Hindi niya nasagot ang katanungan ko, malamang ay may itinatago nga siya sa akin. Nakaiinis na ngayon ko lang napansin ang lahat, hindi maaaring sadyain ni Camiell ang pagpapakita niya sa akin at mas lalong imposibleng mangyari na magpakita sa akin ang mga kampon niyang mga anghel.
Naglakad ako nang naglakad hanggang sa maisipan kong puntahan ang lalaking nagpupumiglas kanina.
Ang lugar na ito ay talaga nga namang nakatatakot, walang kapayapaan para sa mga kaluluwa. Patuloy lang silang naghihirap at nagdurusa. Ngunit, mas magandang nandito sila, hindi na sila makakapanakit pa gaya ng nakasanayan nila. Sila na ang pinapahirapan.
Napahinto ako nang tuluyan ko nang marating ang kulungan ni Jerahmeel. Napatingin ako sa kaniya at dahan-dahan na lumapit. Umiwas ako sa banal na tubig na nakakalat sa sahig at binuksan ko ang kulungan niya.
"Sino ka?" bungad niya sa akin. Nakapiring pa rin siya kaya tuluyan akong lumapit sa kaniya at tinanggal ang kadena sa mga kamay niya pati na rin ang nakaharang sa kaniyang mga mata.
Nabigla siya nang makita niya ako. Biglang lumungkot ang kaniyang mukha at kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang kalugmukan. Para siyang isang dahon na bigla-biglang nalanta.
"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong niya sa akin. Sa inaasta niya ay parang kilalang-kilala niya na ako. Ngumiti siya nang napakalawak kasabay ng mahigpit niyang pagyakap sa akin.
Itinulak ko siya dahil hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya. Nagulat ako sa mga naging kilos niya. Nakangiti pa rin siya ngunit may halo na itong pait.
Tumalikod ako pansamantala at pagkaharap ko ay biglaan siyang naglaho. Hinanap-hanap ko siya ngunit hindi ko na makita kahit isang bakas niya.
Natakasan ako ni Jerahmeel! Hindi ito maaari, kailangan ko siya sa aking mga plano. Kailangan ko siyang mahanap bago pa ako maunahan ni Satanas sa kaniya.