NAIH'S POV
NAKAUWI NA na kami at lahat pero parang wala pa rin sa mood si Max. Hindi siya nagsasalita kapag ganoon kaya naman hindi na ako nagtatanong pa. Kasi paniguradong isang tanong, isang sagot lang ang mangyayari. Kailangan ko talagang mag-adjust kapag ganoon. At kapag ganitong wala siya sa huwisyo ay ayaw niya sa mga tanong, lalo lang nadaragdagan ang sama ng ulo niya.
Pagkarating sa bahay ay naupo siya sa sofa at nagsindi ng sigarilyo. Sa edad naming ito ay pareho kaming may pangit na bisyo. Saan natuto? Sa barkada mismo. Nakigaya, nakiuso, hanggang sa hindi na nahinto.
Dumeretso naman ako sa kusina at sinimulang magluto ng hapunan. Matapos ang kalahating oras ay bumalik ako sa sala. Inaasahan kong tulog siya dahil ugali niyang umidlip pagkauwi. Pero nagulat ako dahil nang hapong iyon ay naglilinis siya.
"Ano ang ginagawa mo?" nakataas ang kilay sa pagtatakang tanong ko.
"Gusto ko nang maganda at maaliwalas na paligid, masama ba?" sinagot niya ako nang hindi man lang lumilingon.
Hindi ako nakapagsalita. Seryoso niyang tinapos ang paglilinis sa buong sala. Itinambak niya sa garbage bag ang lahat ng gamit at bagay na hindi namin nagagamit o kailangan. Totoong naging maayos at maaliwalas nga ang paligid nang matapos siya. Gusto kong matuwa pero hindi ko maintindihan kung bakit nang oras niya iyon naisipan at ginawa.
"Kakaiba ang trip mo, ah? Okay ka lang?"
iniwasan kong maging sarkastiko pero nabigo ako. Iginala ko ang paningin sa sala naming halos magmukhang opisina sa ganda. May study table na kami sa sala. Ang pagkakasalansan ng mga libro shelf ay tila library na.
"Dito tayo mag-aaral," sinabi niya 'yon nang
seryosong-seryoso, para bang nakikini-kinita niya na kaming nakaupo sa mga sila at nagbabasa. Naiintindihan ko naman iyon dahil hindi tulad ko, ayaw ni Max magbasa nang nakahiga. Marami siyang arte at ritwal pagdating sa pag-aaral.
"Okay." Napabuntong-hininga na lang ako at naisip na gano'n ang kinahinatnan ng pangit na mood niya. "Dinner is ready, let's eat," anyaya ko. Maging sa pagkain ay tahimik siya. Tutok ang mga mata sa plato at maingat sa pagnguya. "Ano na ang plano mo?" nagbukas ako ng topic.
"Saan?"
"Sa billiards, syempre. Para ka namang bago nang bago, eh."
"Sige, ipaalala mo pa," nagbabanta na ang tinig niya, senyales na wala siyang oras magpasensya.
"Gusto ko lang malaman, okay?" seryoso kong sabi. "Mukhang hindi mo na rin naman 'yon matatakbuhan," ngumuso ako. "Loko kasing Sensui 'yon, eh."
Ibinaba niya ang kubyertos at masama ang tinging tumitig sa kung saan. "Kung hindi lang talaga malakas ang kapit no'n sa school ay binasag ko na ang mukha no'n."
"Easy," nanlalaki ang mga matang sagot ko. "Pero grabe, 'no? Kakaiba ang trip niya. Bakit siya gano'n?"
"Gumaganti lang sa 'kin 'yon."
"Bakit, ano ang ginawa mo?"
"Inasar ko," kunot-noong aniya. Dinampot niya ang kubyertos at nagpatuloy sa pagkain.
"Paano?"
"Pinanood ko siyang mapahiya sa recitation." Bumuntong-hininga siya matapos sumandal.
"Bakit mo naman 'yon ginawa?" mataray kong
usisa.
Natigilan ako nang ngumisi siya bigla. "Mukha kasi siyang tanga kapag naaasar, natutuwa akong tingnan."
Nagugulat akong napatitig sa kaniya. "What do you mean?" tanong ko ngunit kunot-noo niya lang akong tinitigan.
Kung natutuwa siyang makitang naaasar si Sensui, hindi kaya crush niya ito? Psh! Pero imposible, kilala ko si Max. Hindi niya hahayaang magkrus ang landas nila kung gano'n. Baka nagkakamali lang ako. Tumaas ang kilay ko sa sarili kong naisip. Kakaiba kasi ang dahilan niya.
"Don't tell me you're attracted to him?" dagdag kong tanong.
Sininghalan niya 'ko ng tingin. "Tigilan mo ko sa mga pamahiin mo. Natutuwa lang akong makita siyang naaasar, pero bukod do'n ay
wala nang ibang dahilan."
"Ang weird kasi no'ng dahilan mo," nakangusong sabi ko.
Hindi na siya umimik pa matapos no'n. Matapos naming kumain ay nagkani-kaniya na kami ng pwesto sa sala para mag-aral. Nakakapanibago dahil talagang tutok siya sa binabasa at hindi na kumibo pa. Nasanay kasi akong nagtatanong siya sa t'wing may hindi maintindihan sa inaaral. Nang gabing 'yon ay hindi na talaga siya nagsalita.
KINABUKASAN AY maagang pumasok si Max, may practice sila ng sayaw. Mag-isa akong pumasok kaya naman hindi ako nakaligtas sa mapangutyang tingin ng mga nagmamaganda kong schoolmates. Habang naglalakad papasok ay napansin ko na agad ang naglalandiang babae na makakasalubong ko. Mabilis akong nagbaba ng tingin, nagbabaka-sakaling hindi nila ako mapapansin.
Pero nabigo ako. "Ayan 'yong isa sa Taguro brothers, oh," tatawa-tawang sabi ng isa sa mga babaeng nasa daraanan ko.
"Damn these squatters. Dinurumihan nila ang pangalan ng school natin."
Squatter? Tumaas ang kilay ko, nanulis ang nguso ko sa narinig ko. Talaga namang huminto ako sa harapan nila at umastang nagbubugaw ng kung ano sa ere. "Ano ba namang school 'to, napakaraming bangaw!" sadya kong ipinarinig iyon sa kanila.
"I think she's pertaining to us," anang isa sa kanila.
Taas-noo akong humalakhak. "Akalain mong sumasagot ang mga bangaw dito?" muling
pagpaparinig ko.
Hinarap ako at pinamaywangan ng isa. "Excuse me?"
Umarko ang kilay ko. "Oh, bakit? Daraan ka?"
"Huh?" hindi ako nito nakuha.
"Psh! Naturingan kayong nasa loob school pero kung umasta kayo ay parang mga wala kayong pinag-aralan. Sa ganiyan na lang ba tumatakbo ang student life ninyo? Ang mamintas ng mga kapwa ninyo estudyante?"
"Like duh? Hindi ka naman kasi mukhang estudyante," anang isa saka sila sabay na tumawa.
"I don't care and you don't have to care," natatawa kunyari kong sagot. "Hindi man ako mukhang estudyante, at least, may utak akong pang-estudyante. Bukod sa boobs, ano ang maipagmamalaki mo?"
"Sorry, ha? Tinamaan ka pala," pagtataray ng isa nang hindi makasagot ang kasama.
"Malamang tatamaan ako, ako lang naman ang humihinga dito bukod sa mga bangaw na tulad ninyo," pasinghal kong sagot.
Inosente namang luminga sa paligid ang dalawa saka mataray na tumingin sa 'kin. "Halika na nga, baka kung ano pa ang gawin sa 'tin ng squatter na 'yan. She's creepy!"
Nangunot ang noo ko. "Sus, ang ko-corny ninyo! Kamukha ninyo naman si Michael Jordan," pahabol kong pagpaparinig sa kaniya. Nagugulat silang humarap muli sa 'kin, may panganga-nganga pa ngunit hindi na rin nagawang magsalita.
Tatawa-tawa akong nagtuloy sa paglalakad. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay natinag na ako sa magkakasunod na palakpak mula sa likuran ko. Agad akong lumingon at mapait na ngumiwi nang makita ang feeling F4.
Nakangising humalukipkip si Sensui sa harap ko. "Mukhang sanay na sanay talaga kayong makipag-away, ah?"
"Oh, eh, no naman ngayon sa 'yo?" magkakrus din ang brasong tanong ko.
Nagbaba siya ng tingin sa 'kin. "Nakakatawa lang, bukod do'n ay nakaka-turn off."
"So, what? Do I have to turn you on?" mataray kong tanong.
"Tch." Sinimangutan niya 'ko saka pinagkunutan ng noo. "Hindi mo yata kasama 'yong kapatid mo?" tanong niya na sumulyap pa sa likuran ko. Ngumisi ako. "Bakit, hindi ka na ba makatiis?"
"Anong hindi makatiis?" masungit niyang tanong.
"Ang aga-aga, hinahanap mo si Taguro. Hindi ka na ba makatiis at gano'n mo siya ka-miss?"
"Excuse me?" nandidiri niyang tanong.
"Daraan ka?"
"What?"
"Letse!" singhal ko saka sila tinalikuran. Kigwa! Ang aga-aga ay nambubwisit ang mga tao! May nagawa ba 'kong kasalanan kagabi at ganito ang umaga ko?
Dumeretso ako sa office ni coach. Gusto ko siyang makausap tungkol sa sitwasyon ni Max. Magbabaka-sakali akong pwede pang bawiin ang pagkakasali niya sa billiards.
"Oh, Marchessa, napadaan ka?" bungad niya nang tumuloy ako.
"Itatanong ko lang po sana kung posibleng bawiin 'yong pagkakalista ni Max sa billiards, coach."
Sumandal siya at bumuntong-hininga. "Iyan nga rin ang naiisip ko. Malaking problema ito kapag nagkataon. Nabalitaan kong nagkasagutan paraw sila ni Enrile sa canteen. Hindi ko naman alam na hindi maruno—"
"Hindi naman po kasi talaga siya nagpalista,"inis kong sabi.
"Naiintindihan ko 'yon, Marchessa. Ang kaso
ay naipasa ko na ang listahan at hindi ko na iyon mababawi pa. Kaya kami nagmadaling i-announce ang tungkol dito dahil kailangan nang ipasa ang pangalan ng mga representatives. We don't have much time, malapit na ang interhigh."
"Paano po 'yon?" nawawalan ng pag-asang tugon ko.
"Baka naman madaan pa natin sa practice
'yang kaibigan mo?"
Ngumiwi ako. "Ayaw niya talagang maglaro, coach. Kilala ko 'yon, kapag ayaw niya ay ayaw niya talaga. Bukod do'n ay mahihirapan siya sa schedule niya dahil dance troupe member din siya, coach."
Muling bumuga nang malalim na hininga si coach. "Loko kasi ang Enrile na 'yon. Problema nga ito. 'Buti sana kung willing siyang sumali, kahit hindi na siya ganoon kahusay sa paglalaro."
"Ang totoo po niyan ay ma—"
"Coach." Pareho kaming natinag ni coach nang bumukas ang pinto at iluwa si Sensui. "Tch. Ikaw na naman?"
Kigwa! "Alam mo, ikaw? Daig mo pa ang basura," asik ko sabay tayo.
"What?"
"Kahit saan kasi ay nakakalat ka!" angil ko.
"What?"
"Psh," inirapan ko siya. "Coach, aalis na po ako. Babalik na lang ako kapag wala nang asungot dito."
Natawa si coach at iiling-iling na kumaway sa 'kin. Dere-deretso akong lumabas at inis na naglakad papalayo. Ngunit kamalas-malasang iyong Inglisero naman ang makakasalubong ko. Ang masama niyon ay pagkaganda-ganda nang pagkakangiti niya.
"Hi," bati niya.
"Hi, your face!" angil ko.
"Ang sungit mo," natatawang aniya.
"Wala ako sa mood, okay?"
Ngumisi siya. "Bakit? Dahil kay Deib Lohr?"
"Itanong mo kay Oprah," singhal ko. Kunot-noo siyang napamaang, siniringan ko siya bago tuluyang tinalikuran.
Nakasimangot akong umakyat sa classroom. Pabagsak akong naupo dahilan para matigil sa pagtatawanan sina Migz at BJ. Nakangiti silang bumaling sa 'kin nang may nagtatanong na tingin.
"Ang aga mo naman?" ani Migz.
"Sa sobrang aga nga, pati malas ay napaaga. Psh," wala sa huwisyo kong tugon. "Wala pa si Max?" sinulyapan ko ang silya nito. "Quarter na, hindi pa rin siya tapos?"
"Intindihin mo ang lola mo at medyo mataba, mabagal kumilos," tumatawang ani Migz.
Hindi ko nagawang makitawa. Pakiramdam ko, buong araw ko ay sira na. Akala ko ay makakausap ko nang ayos si coach at mapapapayag na alisin sa listahan ng representatives si Max. Pero hindi iyon nangyari. Nakikini-kinita ko na ngayon pa lang ang ilang linggong pangit na mood ni Max.