"Ang laki pa rin nito" napahawak na lang sa pisngi si Clifford sa pagkagulantang nang makita ang babayaran nila.
Taas kilay itong hinablot ni Porsya. "Ilang araw lang naman tayo dito ah!" panglalaki ng mata nito.
"Hayaan niyo na, gagawan ko na lang ng paraan," kinuha niya na lang muli sa dalawa ang papel at pinakatitigan.
Hindi lubos akalain ni Freyja na magiging ganoon kalaki ang babayaran sa hospital na iyon, lalo na at ilang araw lang naman ang pananatili nila roon.
Nagawa niya nang humingi ng tulong sa mga kinauukulan, halos nalapitan na nila at nautangan ang lahat ng kakilala, ngunit hindi pa rin iyon naging sapat, sumasakit na ang ulo niya dahil sa ilang araw na siyang walang maayos na tulog, idagdag pa roon ang alalahanin niya habang nakaratay pa rin ang kanyang ina. Bakas na rin ang pangangayayat niya dahil ipinang bibili niya ng gamot ang pang gastos niya sa pagkain, tinitiis niya na lang ang matinding gutom at wala na lang siyang sinasabi sa mga kaibigan upang hindi mag-alala ang mga ito.
Sa sobrang pagkaligwak kahit hindi niya gusto ay wala na siyang ibang mapagpilian kung hindi ang lumapit sa kaisa-isang kilala niyang kamag anak na pwede pa makatulong.
Walang pagpapaalam na lang siyang pumunta sa tinutuluyan nito, subalit kahit nasa mismong bahay na siya ay naroon pa rin ang pagtatalo sa kanyang isip.
Namuo na lang ang galit sa kanyang puso nang mapagmasdan ang gara at laki ng bahay na tinitirhan nito, hindi niya lubos akalain na namumuhay ito ng ganoon habang sila naman ng kanyang mama ay halos mangalimos na sa ibang mga tao.
Dahil na rin sa kalagayan ng ina ay nilunok niya na lang ang kanyang prinsipyo at ibinaba niya na lang ang sarili.
Nanatili lang siyang nakatayo sa gitna ng init ng araw habang nagdadalawang isip kung anong dapat sabihin sa oras na makausap niya na ito.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya na pampalakas ng loob bago buong tapang at hinahon na kumatok sa tarangkahan ng naturang bahay.
"Tao po?" katok niya sa bakal na gate na naroon, pilit siyang tumitingkayad upang silipin kung mayroon bang nakakarinig sa kanya mula sa loob. "Tay!" alam niyang doon ito nakatira dahil na rin sa mga tsismis ng mga kapitbahay at kaibigan, kaya naman nakasisiguro siyang hindi siya nagkakamali ng pinuntahan.
Napulunok na lang siya dulot ng kaba at galit nang makitag may nagbubukas ng pinto, lumabas na ang kinakasamang babae ng kanyang ama pero ni anino nito ay hindi niya pa rin naaaninag.
"Anong kailangan mo?" pagsasalubong ng kilay ng naturang babae.
Prenteng nakatayo ito sa kanyang harapan habang nakahalukipkip, wala itong pagkailang kahit nakasuot lang ng maikling shorts at sando na halos kita na ang kaluluwa.
Paulit-ulit niya na itong pinapatay sa kanyang isipan kaya naman kahit papaano ay nagpahinahon iyon sa kanya.
Pinagmasdan niya itong muli ng mabuti, alam niya na kung anong nagustuhan ng tatay niya dito kaya naman mas lalo lang siyang nanggalaiti sa ama.
"Si tatay ang hinahanap ko hindi ikaw!" pilit niyang pinapababa ang boses pero sadyang lumalabas ang galit niya naroon.
"Wala dito ang tatay mo ngayon." Nngumisi pa ito ng bahagya sa kanya habang nakikipag tagisan ng tingin.
Aalis na sana siya dahil sa inis nang saktong dumating ang tatay niya mula sa pamamasada ng tricycle nito, kinuha niya ang pagkakataong iyon para maharang ang ama.
"Tay!" agad niyang bara bago pa man ito makapasok.
Kumunot naman ang noo nito ng magawa ni Freyja na humawak sa manggas ng suot nitong damit.
"Tang ina naman, pati ba naman dito susundan niyo ako!" Marahas nitong bawi sa hawak niya, kaya naman napaatras siya.
"Tay, maawa ka naman kay Nanay!" pilit pagpapaintindi niya rito, pero kahit ni katiting na konsensya o awa ay wala siyang maaninag mula sa mukha nito.
"Umalis na nga ako roon diba!" balik nito sa kanya.
Halos manikip ang dibdib niya sa ginagawa nito, hindi niya lubos akalain na ganitong uri ng tao ang sarili niyang ama.
Nadama niya ang pamamasa ng kanyang mata pero nagpatuloy pa rin siya. "Nastroke si nanay!" pagpapaalam niya, bakas na ang pamamaos ng kanyang boses dahil sa nagbabadyang pag-iyak.
"Oh, anong gusto mong gawin ko?" bara nito.
Para naman siyang sinaksak sa sinabi nito, talagang walang kahit anong pag-aalala ang namumutawi sa boses ng lalake.
"Kailangan ko ng pera pambili ng gamot!" pagpupumilit niya na lang.
"Pera! sa akin ka pa talaga hihingi ng pera! Mukha ba akong may pera sa iyo," singhal nito. Isang batok pa ang natanggap niya mula rito kaya hindi siya kaagad nakapagsalita. "Lumayo-layo ka nga sa akin at baka mahawa pa ko ng kamalasan mo!" tulak nito sa kanya bago paandarin amg tricycle nito para maipasok na sa loob ng bahay.
"Tay!" hindi niya na mapigilan ang panginginig ng boses niya dahil sa pagkawala ng natitirang pag-asa na may awa ito.
Mabilis niya na lang na pinunasan ang mga luhang kumawala sa mata, napasalubong na lang siya ng kilay nang mabatid na palapit sa kanya ang kinakasama ng kanyang ama.
"Oh heto, huwag mo na lang banggitin sa tatay mo," bulong na lang sabay lagay ng kung ano sa kanyang kamay.
Ganoon na lang ang sorpresa niya nang makita ang ilang tumpok ng pera, napahinga na lang siya ng malalim dahil sa paglalaban ng kanyang isipan na tanggapin ito, pero bandang huli ay nagpakumbaba na siya, kahit pa hindi matanggap ng kanyang damdamin ang kabaitan na ipinapakita ng babae.
“Sige na, umalis ka na, baka makita pa iyan ng tatay mo.” Wasiwas na lang nito sa kanya habang isinasarado ang gate ng bahay.
“Sandali,” harang na lang niya muli.
Napakunot na lang ito ng noo. “Oh bakit nanaman?” sita nito.
Hindi niya nais ipakita rito na wala siyang galang o utang ng loob, dahil hindi naman siya pinalaki ng ganoon ng kanyang mama.
“Salamat,” halos bulong na lang niyang sambit.
Napangiti na lang ito ng bahagya. “Wala iyon, sige na," paalam na lang nito bago tuluyan isarado ang gate.
Tinitigan niya lang ito ng seryoso habang naglalakad pabalik ng bahay. Nanatili na lang siyang tahimik habang pinanonood ang kanyang ama at babae na magyakapan, naroon ang makulit na paglalandian ng dalawa habang papasok sa bahay.
Napakuyom na lamang siya ng palad sa bungkos ng pera na ibinigay nito sa kanya, pero kahit papaano ay nagpapasalamat na rin siya na hindi nasayang ang pagpunta niya roon.
Wala na siyang paki-alam ng mga oras na iyon kung kanino galing ang pera o kahit mabaon pa siya sa utang basta makasigurado lang siyang mananatiling maayos pa rin ang natitirang importanteng tao sa kanyang buhay.
Dali-dali niyang binalikan ang ina sa hospital, laking pasalamat niya at sumapat ang perang nalikum nila para mailabas ito.
Ngunit parang nanlumo na lang siya muli nang mabatid ang matinding epekto ng atake sa puso ng kanyang mama.
Halos hindi na nito maigalaw ang kalahati ng katawan, halos wala bulol na rin ang pagsasalita nito at tanging mata na lang nito ang naikikilos ng maayos. Naroon rin ang walang patid nanaman nitong pag-iyak, halatang hindi nito mapigilan ang magdalamhati sa sinapit.
“Nay, huwag na po kayo umiyak, hanggat nandito po ako, hinding-hindi ko po kayo pababayaan.” buong lambing niya na lang na sambit habang inaalo ito sa wheelchair.
“Oo nga ninang, nandito lang po kami para sa inyo,” dagdag naman ni Clifford habang tinatapik ang balikat nito.
Natigil lang sila sa pang-aalo rito nang madinig na lang nila ang tili ng kaibigan si Porsya habang bumababa ito sa tricycle na magsusundo sa kanila.
“Ateng, nandito na kami!” masayang saaad nito pakalapit sa kanila.
“Ay, si papa George!” tili naman ni Clifford nang bumaba ang lalakeng nagmamaneho ng tricycle.
Agad na lang siyang napapunas sa mukha bago tumayo upang harapin ang naturang lalake.
“George, ikaw pala,” buong tamis na ngiti na lang niya rito.
“Bakit hindi man lang kayo nagsabi sa akin,” nguso nitong sambit.
Napapigil na lang siya ng tawa dahil na rin sa hitsura ng lalake. “Nakakahiya naman kasi,” yuko na lang niya rito, kahit papaano ay gumaan ang kanyang pakiramdam nang makita ang lalake.
“Alam mo naman na ayos lang sa akin, basta ikaw,” magiliw na lang nitong sambit.
Ganoon na lamang ang pag-angat ng init sa kanyang pisngi kaya naman hindi na niya nagawa pang makasagot sa lalake. Tila naroon na lang tuloy ang pagkailang niya sa hitsura ng mga sandaling iyon, dahil halos wala siyang kaayos-ayos.
“Salamat papa George,” singit na lang ni Cliffor nang mabatid nito ang ginagawang pag-aayos ni Freyja sa sarili.
Natatawang napabaling na lang dito ang lalake at agad na lang na umalalay sa wheelchair na isasakaya sa tricycle nito.
“Dahan-dahan lang,” sambit na lang ni Porsya habang nagtutulong-tulong sila sa pagsasakay rito.
Matapos noon ay magiliw na silang nagtungo pauwi, upang kahit papaano naman ay makapagpahinga na rin silang lahat.
Hanggang sa bahay ay tumulong sa kanila ang lalake upang maipasok ang kanyang ina roon, kaya naman matapos maiayos ang lahat ay siya na ang naghatid dito.
“Salamat sa paghatid George,” saad na lang niya pakasakay nito sa tricycle.
“Wala iyon, basta kapag kailangan niyo ulit ng tulong, tawagin niyo lang ako,” buong lambing nitong balik.
Bahagya na lang siya napayuko nang madama nanaman ang pag-iinit ng kanyang pisngi. “Sige, salamat ulit,” muli na lang niyang sabi.
Tumango naman ang lalake na mayroon matamis na ngiti. Hindi na naalis ang malapad na ngisi ni Freyja ng mga oras na iyon habang kumakaway sa lalake na papaalis.
Naroon pa rin ang kanyang tuwa habang papabalik sa kanilang tinutuluyan hanggang sa makasalubong ang natatarantang si kinakapatid.
"Ateng, kulang iyong bigay mo para sa gamot ni ninang, kaya tatlo lang nabili ko." Napanguso na lang ito habang ipinapakita ang mga tabletas ng gamot na nabili, bakas ang pag-aalala nito.
"Ah oo, pagkasyahin na muna siguro natin," pagpapahinahon niya na lang rito.
Nakalimutan niya kasing ipaalam ang tungkol sa itinanong niya sa nurse kanina nang papaalis na sila sa hospital.
Wala na rin naman siyang magawa ng mga oras na iyon dahil sagad na sagad na sila.
"Paano iyon?" napaatras na lang ito ng ulo sa gulat.
"Hatiin na lang muna natin iyong gamot para umabot hanggang bukas." Pinilit niya na lang ngumiti para hindi nito mabatid ang sarili niyang pagkabalisa ng mga sandaling iyon.
"Ha! hindi kaya delikado iyon?" Nanlalaking matang turan nito pakahawak sa pisngi dahil sa pag-aalangan.
"Pasensya ka na Clifford, wala na kasi ako mahiraman ng pera, naubos ko na rin iyong kita ko ngayon," pilit paliwanag niya na lang.
Ganoon na lamang ang kanyang pagyuko upang itago ang pamamasa ng mga mata.
Nadama niya na lang ang maingat na tapik ng kinakapatid sa kanya "Siya, titingnan ko kung makaka-utak ako doon sa kakilala ko para pandagdag," alo na lang ni Clifford na pilit na rin ngumingiti.
"Pasensya na talaga." Napapunas na lang siya sa mukha upang hindi nito makita ang kanyang pagluha.
"Hay naku ateng, huwag mo iyon alalahanin." Natatawa nitong alog sa kanya pero bakas pa rin ang lungkot sa boses nito. "Tara, kumain na muna tayo," yakag na lang nito sa kanya upang bumalik na sa loob ng bahay.
Tumango na lang siya sa kinakapatid bago sumunod dito, makulit naman siyang inakbaya ni Clifford upang kulitin siya habang papasok sila sa loob, kaya naman kahit papaano ay nagtatawanan na sila nang masilayan ng kanyang ninang at ina.
Pinilit na lang niyang mapunan ang malaking kakulangan nila sa pera sa pamamagitan ng kanyang sipag at tyaga. Halos wala na siyang pahinga sa mga trabaho na kinuha.
Sa umaga ay nagtitinda siya ng almusal, sa tanghali naman ay nagbabantay siya sa pwesto nila sa palengke at pagdating naman ng gabi ay ginagawa niya ang mga kinuhang labada mula sa mga kapitbahay nila.
Laking pasalamat na lang niya at kahit papaano ang mga karagdagang trabaho na iyon ay sumasapat upang maigapang niya ang mga gastusin nila sa pagkain at pambili ng gamot ng kanyang mama.
Iyon nga lang hindi niya maipagkakaila na kahit na ganoon ay sigurado niyang hindi sasapat ang lahat ng kanyang ginagawa upang mapunan ang mga kinakailangan ng kanyang ina.