Chapter 2 - Double Trouble

1920 Words
Alam kong dapat ngayon ay gumagawa na ako ng paraan upang makaalis dito pero nakahiga lang ako ngayon at nakatingin sa maliwanag na langit. Hanggang ngayon di ko pa rin maisip kung anong mahika ba ang nangyari sa akin. Kung bakit naman kasi maisip kong pumunta sa likod ng museum. Sa totoo lang, sa sobrang dami ng iniisip ko ay wala na akong maisip. Parang naging blanko na lang lahat sa utak ko. Gusto ko mang mag-isip nang malalim ay wala akong magawa ngayon kundi magpahinga. Iyon pa lang ang nakikita ko rito ay napapagod na ako. Ano pa kayang mararanasan ko rito na mas malala? Bumangon ako at sinubukan muling sumilip sa baba. Gumapang ako papunta sa may dulo ng cliff. Sinigurado kong di masyadong kita yung ulo ko nang ako'y sumilip. Pagsilip ko ay nakumpirma ko na mga barbaro nga sila, kung iyon ang tawag sa kanila rito. Mahahaba ang buhok ng karamihan sa kanila at mas malaki ang pangangatawan kaysa sa mortal na tao. Pero nakaposas ang kanilang mga kamay na pinagdudugtong ng isang malaking kadena. Mayroon ding kung anong gadget na nakapulupot sa kanilang leeg. Lahat sila ay nagtatrabaho. Hindi ko alam kung anong eksakto nilang ginagawa pero may pinupukpok silang kung ano sa lupa at nag-iipon ng mga bloke na sa tingin ko ay mga bato. Sa paligid naman ay meron ding mga unipormadong lalaki. Kumpara sa mga barbaro, pa-chill-chill lang sila. Nagtatawanan sa gitna habang yung iba ay nagtatrabaho. Kapag may nagkamali ay sinasaktan nila. Sa tingin ko ay mga preso yung mga barbaro. Kung tutuusin kayang-kaya nilang pataubin yung mga iyon eh. Ang lalaki kaya ng mga katawan nila kumpara sa mga iyon. Pero kung mga preso nga sila, siguradong may ginawa silang masama na walang kapatawaran. Hindi naman ata pwedeng makalaya sila. Nahagip ng mata ko ang isang barbarong natumba at dahil doon, kitang-kita ko ang mga sugat sa likod niya. Kahit malayo ay alam kong sariwa pa iyon at sobrang lalalim. Hindi ko gugustuhing magkaroon ng ganyan. Nakita ko naman na nilapitan siya ng isang unipormadong lalaki at hinampas ng latigo sa likod. Napangiwi na lang ako dahil kahit di sa akin iyon ginawa ay ramdam ko ang sakit nun. Pinagpatuloy nung lalaki ang paglalatigo sa kanya hanggang sa magduwal na ng dugo. Hinayaan lang siya nung lalaki na nakadapa sa lupa at wala ni isa man lang sa mga katulad niya ang nag-angat sa kanya. Siguro natatakot sila na maparusahan kung sakali mang tutulong sila. Sinubok kong sumilip pa nang mabuti kaya medyo inabante ko ang katawan ko. Parang halos normal naman lahat sa kanila. Pwera na lang doon sa matandang nakita ko sa mismong baba lang ng cliff kung saan ako nakadapa. Di tulad ng iba, nakaupo siya sa tuktok ng isang bato habang magkalapat ang dalawang palad na parang nagdadasal. Siya lang ata ang walang ginagawa pero walang pumapansin sa kanya. May dumaraan sa kanyang mga unipormadong lalaki pero di nila siya sinuway. Masyado kasing abala sa pagtawa. Sinubukan kong tingnan siyang mabuti pero nauna na akong lumutang mula sa lupa. Naramdaman kong may parang humila sa damit ko kaya napatayo ako. "Di ka taga-rito ano?" Masyado pa akong nagulat kaya di agad ako nakakilos. Lumingon ako at nakita ang isang magandang babae. May katandaan na siya at wrinkles sa mukha pero maganda pa rin. Nakalugay ang mahaba niyang buhok at nakasuot ng balabal. Nakasuot din siya ng blusang puti at mahabang kayumangging saya at bakya. Hindi naman siya katangkaran. Kaya nagtataka ako kung paano niya ako nahila patayo. "T-Teka, paanong---" "Masanay ka na rito sa mundo namin, ginoo. Isa kang mortal, hindi ba?" Dire-diretso niyang sabi. Napakurap-kurap na lang ulit ako ng mata bago tumayo nang tuwid at tumango. Napahinga naman siya nang malalim at napakamot sa kanyang noo. "Halika sumunod ka sa akin." Susunod ba ako o hindi? Mukha naman siyang mabait kaya sumunod na lang ako. Di ko alam kung sinusubukan ba akong lokohin nito o talagang mabait siya. Pero wala naman akong ibang pagpipilian. Kung gusto kong mabuhay ay kailangan kong tanggapin ang anumang oportunidad na darating sa akin. Gusto ko pa sanang tingnan yung matanda pero wag na lang. Siguro mamaya ay baka sumilip ulit ako. Nagpunta kami doon sa parang bahay na nakita ko kanina na may karatolang "Cromeo". Nang buksan niya ang pinto ay hindi niya iyon isinara at hinayaan akong makapasok. Muntik pa akong maubo dahil sa nagbagsakang mga agiw at alikabok sa mukha ko. Agad ko naman itong hinawi at tinapon sa kung saan. Nilibot ko ang mga mata ko at napagtantong isang bahay-inuman pala itong pinasukan ko. May mga bilugan at parihabang mesa at upuan sa buong lugar. May parang lounge din kung saan nandoon ang bartender at nag-se-serve ng alak. Ngunit di katulad ng mga bahay-inuman na nakikita ko sa telebisyon, tahimik ang lugar na ito. Sinubukan kong idantay ang dulo ng hintuturo ko sa mesa at agad 'yong napuno ng alikabok. Mukhang matagal-tagal na ring walang nadalaw rito. "Halika rito." Iginiya niya ako sa isang upuan doon sa may lounge. Pumasok siya roon at nagsuot ng apron. Nagsimula siyang sindihan ang kumpol ng kahoy doon. Sa tingin ko ay magluluto siya. Kahit pala isa itong bahay-inuman ay may lutuan sila mismo rito sa lounge. Astig. "Hindi ka dapat nandito. Mapapahamak ka," seryoso niyang sabi. "Ha?" Sabi ko naman. "Kailangan mo nang umalis sa lalong madaling panahon. Di biro ang mabuhay ang isang mortal dito," dagdag niya pa. At nang dahil sa sinabi niya ay mas lalo ko pa tuloy gustong manatili rito. Kakarating ko pa nga lang ay pinapaalis niya na ako. Hindi ba pwedeng magpahinga muna nang ilang oras? "Bakit naman ho bawal? Mabait naman ako eh," reklamo ko. Tumingin siya sa akin nang parang hindi naniniwala. "Kahit mabait ka, hindi iyan uubra rito. Ang tingin ng mga mamamayan rito sa mga mortal, mahihina. Walang kwenta. Kaya di ka pwedeng manatili rito. Kung mahal mo pa buhay mo, umalis ka na." Hindi na lang ako nagtanong pa. Nilibot ko na lang ang mata ko rito sa buong lugar. Wala namang masyadong makikita maliban na lang sa mga kakaibang mga gamit na nasa cabinet. May iba't ibang garapon na hindi ko matingnan nang mabuti dahil hindi ko gustong tingnan iyon nang mabuti. Malayuan pa lang ay masasabi kong nakakadiri ang mga iyon. May mga kung anu-anong anek-anek naman sa kisame. Parang mga chandelier. At base sa itsura ng loob nito, pakiramdam ko ay malapit na 'tong bumigay. Bakit kaya di pa siya naalis dito? Pipirmi na lang sana ako rito pero punun -puno na ako ng enerhiya di katulad noong nasa gubat pa kami. Saka mukhang masayang maglakbay rito. Marami akong kakaibang makikita dahil hindi ko ito mundo. Pero hindi ko pa nakukumpirma iyon dahil hindi ko pa naman natatanong yung ale kung ano ba talagang meron sa mundong ito at di ko pa nalilibot ang buo nito. "Malapit na 'tong maluto, ginoo. Pumirmi ka muna diyan. Kung iyong nanaiisin ay maaari akong sumagot ng ilan sa iyong mga katanungan," sabi niya sabay upo sa harap ko. Agad naman akong umupo nang tuwid at nagtanong. "Nasa isa ba akong... magic world?" Tanong ko sa kanya. Bakas naman ang pagkalito sa mukha niya. "Anong "ma--" "Kung nasa mundo ho ba ako ng mahika. Nakakagulat ho kasi at bigla na lang akong napunta rito eh kanina lang nasa museo ako," yamot kong sabi. "Ano sa tingin mo, ginoo? Sa tingin mo ba, gumagamit ng mahika ang mga nakita mo kanina?" Napaisip naman ako sa tanong niya. "Uhh..." Ngumit naman siya sa pag-iisip ko nang malalim. "Oo ginoo. Ikaw ay nasa mundong puno ng mahika. At alam mo naman siguro na hindi mo ito mundo. Kaya kailangan mo nang umalis. Pagkatapos na pagkatapos ng pagkain mo ay aalis tayo." "T-Teka---" "Pwede kang maglibot kung gusto mo. Pero wag ka masyadong lalayo. Siguraduhin mo rin na walang makakakita sa iyo. May mga mababait na nilalang rito pero karamihan ay ayaw sa mortal. Mag-iingat ka." Hindi na ako nakasabat pa kaya napahinga na lang ako sa upuan ko. Tumayo na lang ako at gagawin sana ang sinabi niya pero hahawakan ko pa lang ang pinto ay bigla na lang itong bumukas at sumalpok and likod ko sa dingsing. Sa sobrang lakas at sakit nun ay di na ako nakasigaw. Naramdaman ko namang may nalaglag na kung anong malaking bagay sa harap ko at pagtingin ko, iyon pala yung pinto. Para namang nawala ang sakit ng likod ko nang makita ko ngayon kung ano ang nasa harap ko. "Kamusta, Serena? Ang tagal din nating di nagkita," sabay tawa nung lalaking sa tingin kong pinuno nila. May tatlong malalaking lalaki ngayon sa harap ko. Lahat sila, pare-parehas ng pigura. Malalaki ang pangangatawan nila at may hawak na mga sandata. Pero di katulad ng mga barbaro, hindi sila maskulado. Malapad ang kanilang mga katawan at kahit likod pa lang ang nakikita ko, nakakatakot na. "Matagal na nga, Trego." Nagtawanan naman sila. Di ko alam kung ipapaalam ko ba ang presensya ko o hindi. Pero sa nararamdaman ko ay mabuting huwag na lang. Dahan-dahan akong nagsimulang maglakad palabas. Patuloy ang pagtatawanan nila habang ginagawa ko iyon. Nagtagumpay akong maitapak ang isa kong paa sa labas pero napatigil ako nang magsalita ang isa sa kanila. "Sandali mga kasama. Naaamoy niyo ba iyon?" Sabay singhot. Napalingon naman ako sa kanila. Pero mukhang di ko na dapat iyon ginawa dahil sa paglingon ko, di ko napansing may naapakan akong sanga. Gumawa iyon ng ingay at napalingon silang lahat sa akin. Agad lumapit sa akin ang sa tingin ko'y pinuno nila at tiningnan akong maigi. Inamoy-amoy niya pa ako at saka siya may napagtanto. "Mortal." Di ko alam pero kusa na lang tumakbo ang mga paa ko. Pumunta ako sa likod ng bahay at tumakbo palayo mula roon. Kaso nga lang, open field ang tinatakbuhan ko kaya wala akong mapagtaguan. May nakikita akong gubat pero medyo malayo pa. "Habulin siya!" Pagkatapos niyang magsalita ay nakarinig naman ako ng mga tahol ng aso. Lumingon ako at nakitang may mga aso na rin palang humahabol sa akin. Sakay sila ng isang karwahe at ang nagpapatakbo ay yung mga aso. Mas binilisan ko pa dahil siguradong maaabutan nila ko. Di ko na mabilang kung ilang minuto akong nagtatakbo pero nakikita ko na na malapit na yung gubat. Nang makarating sa b****a ay tumalon-talon ako sa mga malalaking ugat. Isa iyong malaking pagkakamali dahil bigla tuloy akong natalapid. Ramdam ko ang pagkabali ng binti at paa ko dahil parehas silang tumama sa mismong ugat. Pero pinigilan ko ang pagsigaw para di nila malamang nasaktan ako at samantalahin pa nila iyon. Napalingon naman ako sa kanila at nakitang nandoon lang sila sa b****a. Ni yung mga aso ay di makapasok. Tumatahol lang sila rito sa gubat. Yung mga lalaki ay nakikita kong nagdadalawang-isip kung papasok ba. Pero di nagtagal ay nakita ko rin ang pinuno nila na ngumisi. "Hayaan niyo na. Mamatay rin diyan. Balik na tayo, mga kasama." At sabay-sabay silang umalis habang nagtatawanan. Ilang saglit lang ay naramdaman kong nakalayo na sila kaya naman nakahinga na ako nang maluwag. Iyon nga lang, naiwan ako sa madilim na lugar na ito. Gustuhin ko mang bumalik ay baka naghihintay naman sila roon. Kung mananatili naman ako rito ay pwede akong mapahamak dahil base sa sinabi nung lalaki, mamamatay na raw ako rito. Di ko na alam ang gagawin ko. Dumagdag pa itong pilay ko sa poproblemahin ko. Mukhang kahit saan ako magpunta, mapapanganib ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD