Chapter 3 - Alesandra

2914 Words
Pumunit ako ng kapirasong tela mula sa jacket ko at pinulupot sa ankle ko para di ko maramdaman masyado yung sakit. Sinubukan kong tumayo at sumandal ako sa may puno para di matumba. Tumingin naman ako sa paligid baka sakaling may malaking sangang pwede kong gamiting tungkod. Gustuhin ko mang magpalipas ng gabi rito ay hindi pwede. Kailangan kong bumalik doon sa ale. Ni hindi pa nga ako nakapagpasalamat man lang sa kanya sa paggamot niya sa akin. Sana lang ay wala doon yung mga sigang lalaki. Pero kung nandoon man sila, hindi na ako tatakbo. May pagkaduwag ako pero masakit pa rin naman sa pride ko na ako pa yung naunang tumakbo kaysa sa kanya. Ako lalaki sa amin. Kung tutuusin, ako dapat ang nagpoprotekta sa kanya. Kung nandoon man sila, kahit may pilay ako ay lalaban ako. 'Wag muna puro retreat. Habang akay ng aking tungkod ay kumakapit ako sa mga puno para di ako matumba. Nang makarating sa b****a ay sinigurado ko munang wala talagang tao. Sobrang tahimik nga ng paligid. Di ko alam kung masama ba iyon o mabuti. Kahit patumba-tumba ay sinikap kong makarating sa bahay na iyon. Napakalayo nga lang niyon mula sa gubat kaya medyo mahirap talagang lakarin nang may pilay. Buti na lang at di nabali yung tungkod ko. Di rin nagtagal, nakabalik na ako sa bahay. At dahil inaasahan ko naman ang nakita ko, di na ako nagulat. Ang mga halaman sa labas ay sira na. Wasak-wasak na yung mga paso. At yung pinto, lalo pang nasira. Nung una ay buo pa 'yong natanggal at ngayon, pira-piraso na. Ang mga mesa sa loob ay wasak na rin, kasama na yung mga upuan. Ang mga bote ng alak sa cabinet ay wasak-wasak. Muntik pa nga akong mabubog dahil doon. At yung ale naman na tinatawag nilang Selena, mukhang wala na rin rito. Saan kaya siya nagtago? Kahit madilim ay sinubukan kong maghanap ng mga bagay na pwede ko pang gamitin. Sa paghahalungkat ko sa mga cabinet ay may nakita akong lampara. Di ko nga lang alam kung paano sindihan 'to kaya wala ring kwenta. Sinubukan kong hanapin yung parang first aid kit niya at nahanap ko naman iyon. Laman nito ang tatlong bote na may kung anong laman, mga dahon, at mga kapirasong tela. Pagkatapos ng aking paghahanap ay naupo muna ako saglit sa sirang lamesa. Sa sobrang pagod ko ay gusto ko na lang matulog at magpahinga. Ni wala pa nga ata akong isang araw rito ay sobrang pagod na ang nararamdaman ko. Mas malala pa 'to kaysa sa hirap ko sa tunay kong mundo. Kailan kayo ako makakabalik sa amin? "Hihihihihi." Agad naman akong naging alerto dahil sa narinig kong iyon. Isa 'yong maliit na boses ng kung sino. Pero sa sobrang dilim rito ay wala akong makita. Pero base sa lakas nun ay malapit lang siya. "Hihihihi. Hanapin mo 'ko," nangungutya niyang hamon sa akin. "Talagang hahanapin kita!" Matapang kong sabi sa kanya. Nasa'n kaya iyon? Sinubukan kong hanapin kung saan nanggagaling ang boses na iyon. Kung tutuusin ay di na dapat akong magulat kung may ganito mang pangyayari minsan sa akin sa lugar na ito, dahil nga hindi ito mundo ng mga tao. Pero di pa rin naman maiiwasang magulantang ako sa mga ganitong sitwasyon. Tiningnan ko na lahat ng sulok ng bar pero wala naman dito. Pero naririnig ko talaga yung mga tawa niya. Talagang tuwang-tuwa siya na nakikita akong nahihirapan na hanapin siya. Huwag lang talaga siyang magpapakita sa akin at titirisin ko siya sa pisngi. "Psst! Nandito ako!" Nilibot ko na talaga ang paningin ko pero wala akong makita. "Psst! Dito kasi! Dito ka tumingin!" "Eh kung sabihin mo na lang kaya kung nasaan ka? Paano ko naman malalaman kung saan yung 'dito'?" Yamot kong sabi sa kanya. "Dito sa taas! Nandito ako sa ibabaw mo?" Tumingin naman ako sa itaas at may nakita nga ako. Pero kinailangan ko pang paliitin ang mga mata ko para lang makita siya nang maayos. Para siyang isang alitaptap sa anyo ng isang tao. Nagliliwanag siya pero di ko matukoy kung saang parte dahil nga maliit siya. Lumapit siya sa akin at mas nakita ko na nang malinaw ang itsura niya. "Magandang gabi, ginoo!" Hindi ko siya binati pabalik dahil abala pa ako sa pagkilatis sa kanya. Nakasuot siya ng isang patulis na green hat at isang green na short. May suot din siyang patulis na sapatos at may hawak na maliit na wand kung saan nagmumula ang ilaw. Matutulis ang mga tenga niya at bilugan ang mga mata. Cute na sana siya kung di lang niya ako pinagtripan kanina. "Tama na nga 'yang pagtitig mo! Bulagin kita diyan eh. Ako nga pala si Uulnir. Iniwan ka sa akin ni ina." "Sinong ina?" "Si Inang Serena." Nanay niya iyon? Pinagsawalang-bahala ko na lang iyon dahil hindi naman iyon mahalaga. Mas mahalaga kung anong nangyari sa kanya at kung anong mangyayari sa akin ngayon. "Kung ganoon, nasa'n siya? Ibig sabihin, ayos lang siya?" Tanong ko naman na ikinangiti niya nang malaki. "Oo naman. Hindi basta-basta mapapatumba ng mga Masver ang ina ko! At saka isa pa, sakto lang na dumating ako rito nun kaya nailigtas ko siya kahit iniwan mo siya. Hmmphh!" At nagmalaki pa siya. "Eh anong sabi niya tungkol sa akin?" "Makinig kang mabuti ha. Ganito ang mangyayari sa iyo mula ngayon habang di ka pa nakakahanap ng paraan para makaalis," sabi niya na sinamahan pa niya ng paglakad-lakad sa ere na parang isang propesor. "Simula ngayon, ikaw na muna mag-isa. Sa ngayon, sasamahan kita pero kailangan ko ring umalis at bumalik sa aming paraiso. Kaya lang naman ako nandito dahil hiniling ito ni ina sa akin." "O eh ano ngang gagawin ko?" "Ikaw..." turo niya sa akin. "... ay magtutungo sa isang buwis-buhay na paglalakbay!" Bakit parang tuwang-tuwa pa siya sa sinabi niya? "Alam kong marami kang tanong pero mamaya ko na sasagutin iyan. Sa ngayon, kailangan muna nating puntahan ang aking mga kaibigan dahil kakamustahin ko pa sila at kakailanganin mo rin ang tulong nila. Kaya tara na." At nagsimula na siyang maglakad palabas nang hindi man lang hinihintay ang reaksyon ko. "Hoy, sandali!" Iniwan naming dalawa ang sira-sirang bahay na iyon at naglakad papunta sa kanina lang ay pinaghirapan kong tawirin. Bumalik-balik pa ako rito kung doon lang din naman pala ang kahahantungan ko. "Papunta 'to doon sa gubat di ba? Anong gagawin natin doon?" Tanong ko. "Doon natin kikitain ang mga kaibigan ko. Wag kang mag-alala. Mababait yung mga iyon." May pagmamalaki niya pang sabi. Sinundan ko na lang siya papunta ro'n. Di naman ako nahirapan dahil di naman siya mabilis maglakad at nakakahabol pa naman ako. Iyon nga lang, di niya pa rin sinasabi kung sino at ano ba talaga ang mga pakay namin. Baka mamaya ay ikahimatay ko na yung makikita ko. Nang makarating kami sa gubat at nagdire-diretso pa kami. Habang palalim kami nang palalim ay mas lalong nagiging kakaiba ang pakiramdam sa gubat. Ang mga puno ay mas nagiging mataas at mas nagiging tahimik ang lugar. Ang sabi sa akin kanina ay mamamatay na raw ako rito. Pero kapag tumingin naman ako sa alitaptap na ito ay nakangiti pa siya habang nakapikit ang mga mata. Di kaya niloloko lang ako nung mga lalaki para matakot ako? "Nandito na tayo." Napatingin naman ako kung saan kami tumigil. Wala namang kahit ano rito. Humakbang pa ako para makita kung ano yung tinutukoy niya pero wala talaga. "Teka, wala namang--- Ahhhhh!" "Hahaha! Mukhang masaya ito! Wieee!" At nakisabay naman siya sa akin. Di ko napansin ang malaking butas sa lupa malapit sa kinatatayuan ko kanina. Kaya ngayon, nagf-freefalling ako kasama ng siraulong ito. Kung sinabi niya lang sana na may butas ay di sana ako nahuhulog ngayon. Sobrang pagbilis pa ng pagbagsak namin kaya nahihirapan ako lalong huminga. Pero ang isang ito, mukhang masaya pa. Mukhang sanay na ata siya rito pero ako, hindi pa. Sana man lang ay binalaan niya ako. Kung di ko lang talaga kailangan ito ay baka nakutusan ko na siya. "Ang saya!" "Anong masaya rito ha? Sabihin mo nga. Kahit saang anggulo, walang masaya rito! Papatayin mo 'ko sa mga pinaggagagawa mo!" Itinikom ko na lang bibig ko at hinintay kung saan kami babagsak pero mukhang matagal pa iyon dahil di ko pa nakikita ang dulo. Pero imbis na tipak ng mga lupa ay mga mapupulang para bang cotton candy ang nakikita ko sa paligid. Sinubukan kong hawakan ito pero may kung anong mahika agad na ginamit si Uulnir para magkaroon ng barrier sa kamay ko at doon. "Di mo maaaring hawakan iyan. Maaaring matunaw ang kamay mo!" Agad ko namang hinawakan ang kamay ko. Mabuti pang ipirmi ko na lang ang sarili ko hanggang sa bumagsak kami sa kung saan man kami balak dalhin ng pwersa at hangin. Hindi naman nagtagal ay may nakikita na akong sahig. Iyon nga lang habang papalapit nang papalapit ay mas lalo akong nabahala. Dahil sa sahig na iyon ay di lang sahig ang nandoon. Meron ding mga maliliit na tao na katulad ni Uulnir. Mababagsakan namin sila! Pero sa halip na magsialisan ay punung-puno pa sila ng mga ngiti at hiyawan. Ipinikit ko ang mga mata ko at inilagay ang kamay sa ulo para sa posibleng lakas ng pagbagsak pero di ko naramdaman iyon. Sa halip, isang malambot na madulas na bagay ang naramdaman kong sumalo sa akin. Iminulat ko ang mga mata ko at nakitang isang transparent na parang ulo ng jellyfish ang sumalo sa akin. Ang mga tao naman kanina ay nasa paligid na nitong dikya at naghihiyawan. Napatingin naman ako sa paligid para hanapin si Uulnir at nakita ko naman siya sinasalubong ang iba sa mga taong nandito. Iyon ay kung matatawag ko silang tao. "Uulnir, kamusta ka na?" "Uulnir, nasa'n si ina?" "Nagbalik ka Uulnir!" Iyan lang iyan sa mga naririnig ko. Tila ba nawala sa isip nila na may kasama siyang mas nakakaagaw-pansin. Napakamot na lang ako sa ulo at may naramdaman naman akong kumalabit sa kamay ko. "Sino ka po, kuya?" Tanong ng isang maliit na matabang babaeng naka-dalawang tirintas. Sa totoo lang, ang sarap tirisin ng pisngi niya pero baka kung anong gawin niya kaya 'wag na lang. "Ah eh kasama ako ni Uulnir." "Bakit po kakaiba suot mo? Di naman po ganyan suot ng mayayabang dito eh." Dagdag niya pa. "Huy, Saina. Huwag kang magsalitra ng ganyan. Mamaya marinig ka ni Lolo Isko." Sabat nung isa sa kanila. "Ah hindi kasi ako taga-rito," sagot ko na lang. "Halata nga, ginoo. Dahil nakikita kong isa kang mortal." Nagbigay naman sila ng daan sa isang kalahi nila na sa tingin ko yung nagsalita. Di katulad ng karamihan sa kanila, mas malakas maka-pantasya ang suot nito. Nakadamit siyang mahaba na puti na long sleeves at may suot na hat na patulis yung dulo. May hawak din siyang tungkod at mahaba ang kanyang balbas. Mukhang siya ata ang nakatatanda sa tribong 'to. "O-Opo." Narinig ko ang bulung-bulungan sa paligid. Di ko man masyadong maintindihan dahil sa maliliit nilang boses, alam kong ako ang pinag-uusapan nila. Siguro naman mabuti iyon dahil kung hindi, aalis na talaga ko rito. "Halika, ginoo. Sumama ka sa akin." Agad naman akong sumunod sa kanya gaya ng sabi niya. Ganoon din si Uulnir at ang iba pa. Ang karamihan naman sa kanila ay nanatili doon at nagkaroon ng kani-kanilang pag-uusap. Sakay nung dikya, nagpunta kami sa sa tingin kong opisina nung matanda. Buti na lang talaga at malaki 'tong lugar nila at nagkasya pa ako. Isang malawak na kwarto ang opisina nung matanda. May iisang maliit na table sa dulo at maliit din na shelf ng mga libro. Iyon lang ang nandito at puro sahig na. Napakataas din ng kisame kaya kasyang-kasya talaga ako. Nagtataka lang ako kung bakit kailangan nilang gawing sobrang laki ng mga silid eh ayos na lang naman sa kanila ang maliit. "Alam mong hindi siya maaaring manatili rito, Uulnir. Bakit nandito siya?" Tanong nung matanda. "Di ko rin ho alam, Lolo Isko. Basta ang sabi sa akin ni ina, kailangang mapanatili ko siyang buhay hanggang sa itinakdang oras ng pagbabalik niya." "Anong sinasabi mong pagbabalik niya, Uulnir? Nasaan si Serena?" "Hindi ho ang sarili niya ang tinutukoy niya, lolo. Di ko rin ho alam kung sino. Basta iyon ang sinabi niya sa akin." Natigilan naman yung matanda na para bang may naalala. Tumingin siya sa tatlo pa nilang kasamahan na nandito sa loob. "May naaalala ka ba, Lolo Isko? Maaari mo bang ibahagi sa amin iyon?" Tanong nung lalaking nakatirik ang buhok. "Hindi maaari, Hindi pa sa ngayon." Tumayo siya mula sa kanyang upuan at lumapit sa akin. Napatuwid naman ako ng upo. At naghintay ng sasabihin niya. Pero tumitig lang siya sa akin. "Uhhh... Ano ho ban---" "Ngayong gabi ay pansamantala ka munang mananatili rito. Bukas ng gabi ay kailangan niyong maglakbay ni Uulnir sa Aru Bahal para doon manatili. Ngunit kailangang ikaw lang mag-isa roon. Hindi maaaring magtagal doon si Uulnir." A-Aru... Ano raw? "Lolo Isko, ngunit mapa---" "Magtiwala tayo kay Hiraya. Di niya tayo pababayaan. Di niya pababayaan ang kahit sino mang malapit sa kabutihan," putol ng matanda sa kanya. Pagkatapos nun ay pinaalis ako nung matanda at naiwan naman sila roon kasama na si Uulnir. May dalawang maliit na batang naghatid sa akin sa magiging kwarto ko raw. Nagpakilala ang dalawa bilang sina Sulaina at Sulaima. Kambal sila na ang pinagkaiba lang ay ang kulay ng buhok. Si Sulaina ay may green na buhok at kay Sulaima naman ay pula. Habang nasa daan ay panay naman ang pagkukuwento nila sa akin. "Alam mo ba kuya, ngayon lang kami nakakita ng mortal. At masya kami na makilala ka," sabi ni Sulaina. "Oo nga kuya. Ang dami nilang kinukwento sa aming magaganda tungkol sa mundo ng mga mortal. May iilan na kasing nakapunta sa amin doon. Ang dami raw bagay na kahanga-hanga na siguradong ikatutuwa namin kaya gusto talaga naming pumunta ro'n," dagdag naman ni Sulaima. Kung alam lang nila, hindi nila gugustuhing pumunta sa mundo namin. Sino namang gugustuhing mamuhay sa isang magulong lugar na puno ng polusyon at krimen? Pero hindi ko na sisirain kung ano mang imahe sa ulo nila meron ang mundo ng mga mortal. Para kahit papaano naman, kahit sa imahinasyon lang nila ay maayos ang aming mundo. At sakay pa rin pa nga pala ako nung dikya ngayon. "Pero alam mo kuya, hindi magandang lugar ito para sa mga mortal. May nangyari raw kasi noong sinaunang panahon na sangkot ang isang mortal kaya ayaw nung mga mayayabang na taga-siyudad sa lahi ninyo," sabi ni Sulaina. "Talaga ba?" Tanong ko naman. "Oo kuya. Ang sabi nagkaroon daw ng relasyon ang isang mayamang mahikero sa isang mortal na babae. Nang magkaroon sila ng anak, hindi namana nung anak nila ng babae ang mahika ng ama niya. Labis iyong kinagalit ng pamilya nung lalaki lalo na at kilala pa naman sila na pinakamalakas at pinakamagaling sa paggamit ng mahika," dagdag ni Sulaima. "Tapos anong nangyari?" "Ang sabi ng mga magulang namin, pinatay raw yung bata ng sarili niyang ina dahil sa sobrang takot na hindi siya matanggap ng pamilya ng asawa niya. Pero kahit naman ganoon ay walang kapatawaran yung ginawa niya. Nalaman iyon ng asawa niya at inutusan ang mga tauhan niya na sunugin nang buhay yung babae. Ganoon din ang gusto ng mga mamamayan sa lugar nila. Pero di na nila nakita yung babae dahil tumakas siya. At walang nakakaalam kung nasaan siya." "Pero isa lang ang sigurado," sabat naman ni Sulaima. Agad kong inilapit ang ulo ko sa kanya para mas marinig ko pa ang sasabihin niya. "Hindi pa nakakaalis sa mundong ito ang babaeng iyon. Dahil walang kahit sino mang nakakaalam, kahit ang mga nakatatanda, kung paano makalabas rito. At hanggang ngayon, pinaghahahanap pa rin siya ng pamilyang iyon. Dahil walang kapatawaran ang ginawa niya." Kaya naman pala ganoon ang galit ng mga tao rito. Pero hindi naman lahat ng mortal ganoon. At lalong hindi naman siguro iyon magagawa ng isang nanay sa kanyang anak. Si mama nga iniwan ng papa namin noong bata pa lang kami ni Kurt pero di niya kami pinabayaan. Mas inalagaan niya pa kaming mabuti. Kaya malakas talaga ang kutob ko na mali yung istorya. Pakiramdam ko manipulado ito. Ganoon din naman madalas palagi ang alam kong ginagawa ng mayayaman. Pakiramdam ko yung pamilya talaga nung lalaki ang may gawa at isinisi lang nila doon sa babae. Kawawa naman siya. "Kuya, nandito na tayo. Pasok ka na." Sa sobrang aliw ko siguro sa kwento nila ay di ko napansin na nasa harap na kami ng isang pinto. Agad nila itong binuksan gamit ang mahika at pumasok na ako. Hindi gaanong galante ang kwarto pero okay lang. Iyon nga lang ay mukhang paupo akong matutulog rito. Dahil kahit malaki para sa kanila ay medyo maliit pa ang espasyo rito para sa akin. "Sige kuya, diyan ka na ha," paalam ni Sulaina. "Sandali lang, Sulaina. Di pa tapos ang kwento," reklamo naman ni Sulaima. "Bukas na, 'Laima. Kailangan na rin nating magpahinga." "Oo nga, Sulaima. Magpahinga na kayo." "Sandali lang. Ano nga ulit pangalan nung babae?" Tanong naman niya. "Al-Al..."Sinusubukang alalahanin ni Sulaina. "Ah Alam ko na," sabi ni Sulaima. "Alesandra! Alesandra yung pangalan niya!" "Oo na, sige na tara na, Laima!" Hinila niya na si Laima at sinarado ko naman na ang pinto. Pagod na rin kasi ako at gusto ko nang magpahinga. "Alesandra... kawawa naman siya. Tsk tsk."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD