Chapter 4 - Road to Aru Bahal

2358 Words
""Psst. Psst." Naramdaman ko ang isang maliit na bagay na tumutusok sa pisngi ko. Hinawi ko naman agad iyon pero agad ding bumalik. Pauli-ulit pa ang pagtusok hanggang sa napilitan na lang akong bumangon. "Ano ba iyon?!" Inis kong tanong. "Kuya, gising na! Aalis na raw kayo sabi ni Tandang Isko. Dali bangon na," sabi ng isa sa kambal. Di ko na nakita kung sino dahil puyat pa ako at nanatiling nakapikit ang mga mata ko. Agad naman akong bumangon kahit na malambot pa yung mga buto ko at wala pa ako sa tamang huwisyo. Nandito pa rin ako sa dikya at mukhang di ako aalis dito hanggang sa di ako naalis sa mismonng lugar na ito. Hindi naman kasi lumiit ang laki ko noong napunta ako rito. Lagi na ngang nakabaluktot ang likod ko para lang magkasya rito. Ligtas nga ako rito, makukuba naman ako. Dahil wala naman akong gamit panlinis ay hinayaan ko na lang na dalhin ako nung dalawa kung saan man nila ako dadalhin. Hindi ko rin naman kasi magagawang magsipilyo, maghilamos, at maligo sa ganito kaliit na lugar. Sana lang ay agad akong makaalis dito dahil hindi ko kakayanin na maghapong nakakuba ang likod. "Kuya, ngayon na raw alis niyo sabi ni Tandang Isko," sabi ni Sulaina. "Ah, ganoon ba? Eh di paalam," walang gana kong sabi. "Eh kuya, gusto naming makarinig ng mga kwento tungkol sa mundo ng mga mortal." "Eh pinapaalis na ako nung matanda eh, magagawa ko." Sumimangot na lang yung dalawa at di na nagreklamo. Wala rin akong ganang sagutin pa ang mga tanong nila dahil inaantok pa ako. Hindi pa man kami nakakalapit sa opisina niya mismo ay nakikita ko na sila. Kasama niya si Uulnir na lumilipad sa mismong tuktok ng sombrero niya. Hindi ko alam kung anong trip ni Uulnir pero ang saya-saya ng mukha niya. Ngiting-ngiti pa siya nang salubungin kami habang ang matanda naman ay nakasimangot. "Magandang umaga, ginoo." Nakatitig lang ako sa kanya at kay Uulnir. Gusto ko sana siyang batiin pero bangag pa rin ako kaya bahala na sila diyan. Saka anong maganda sa umaga eh kung ang nakakainis na mukha ni Uulnir ang una kong makikita. "Ginoo, kailangan niyong umalis ni Uulnir, ngayon din. Hindi kayo maaaring magpaliban pa." Huminga na lang ako nang malalim at tumango. Wala na naman na akong magagawa pa. Tumingin ako kay Uulnir at tinaas-taasan niya lang ako ng kilay. Inilingan ko na lang siya dahil siguradong nambuibuwisit lang siya. "Sumama na kayo sa akin, siguradong naghihintay na sila," sabi pa ng matanda. "At ikaw ginoo, ayusin mo ang iyong sarili bago humarap sa kanila. Sigurado akong ikalulungkot nila ang makitang di ka maayos." Agad naman na winasiwas nung matanda ang hawak niyang magic wand. Hindi ko alam kung anong ginawa niya pero parang wala namang nagbago sa akin. Pwera na lang sa mas maayos at malinis na ang mukha ko. Agad kong tiningnan ang repleksyon ko sa dikyang sinasakyan ko at nakitang maayos na nga. Ngumiti pa ako at nakitang kumikinang ang mga ngipin ko. "Tara na. Magpaalam na kayo sa kanila." Agad naman kaming pumunta sa kung saan ako unang pumasok sa lugar na ito. Pagdating namin doon ay naroroon na sila. Di ko lang alam kung lahat na ito o meron pa bang wala pero halos mapuno na ang daan papunta sa may lagusan. Lahat sila ay nakangiting kumakaway sa amin. Namangha ako sa dami ng bilang nila pati na rin sa pagmamahal na binibigay nila. Kahit hindi ko naman sila nakasamang lahat talaga ay ramdam ko na gusto nila ako at alam kong gusto nila akong makitang muli. "Kuya," Agad akong napalingon kay Sulaina. "Talaga bang aalis na kayo?" Malungkot niyang tanong sa akin. Binuka ko ang palad ko at agad na lumipad papunta roon si Sulaina. Si Sulaima naman ay tumabi sa kanyang kakambal ngunit di siya umupo sa palad ko. Sa halip ay lumipad na lang siya sa tabi niya. Napansin ko naman na medyo namumugto na ang mata ni Sulaina, di tulad ng kanyang kapatid na matamlay lang ang mukha. Kahit naman malungkot ay nakikita kong umaasa siya base sa kanyang mga mata. Iyon nga lang mukhang di mangyayari ang inaasahan niya. "Pasensya na, Sulaina at Sulaima. Kailangan kong sumunod sa kanila. Kailangan kong umalis," malungkot kong saad. Tumango si Sulaina pero tumulo na ang mga luha niya. Inalo naman siya ni Sulaima pero di natigil doon ang pag-iyak niya. Buti na lang at tahimik lang siyang umiyak at di masyadong nag-ingay. Kung hindi, baka maabal ang mga tao rito at mahawa pa sa kalungkutan niya. "Basta kuya, pangako mo, babalik ka ha?" Lumapit naman sa mukha ko si Sulaina. Inilapad niya ang kanyang hintuturo sa noo ko at gumuhit ng parang isang krus. Pagkatapos nun ay pilit niyang tinaas ang kaliwang braso ko kaya itinaas ko naman iyon. Dahan-dahan niya namang pinaglapat ang aming mga palad. Si Sulaima naman ay ginawa rin ang ginawa ng kanyang kakambal. Iyon nga lang, sa kanang kamay ko naman siya. "Ilariya Mai," sabay nilang bigkas. Napatingin ako sa kanilang dalawa at titig na titig sila sa akin na parang may hinihintay. Napansin ko si Uulnir na unti-unting lumapit sa akin. Lumapit siya sa tainga ko at bumulong. "Sabihin mo rin sa kanila, "Ilariya Mai."," bulong niya sa akin. "A-Ano?" "Ilariya Mai." Tumingin naman ako sa kambal at agad sinabi ang sinabi niya. "I-Ilariya Mai." Agad silang ngumiti at niyakap ako. Nagsiyakapan na rin yung iba pa at natumba ako sa kinauupuan ko. Medyo mabigat sila ha. Pero kaya ko naman silang lahat. Saka sigurado akong kung mas matagal pa ako rito, masisiyahan akong kasama sila. Pagkatapos na pagkatapos ng paglalakbaynamin, babalik ako rito at kukuwentuhan sila ng mga kuwento ng mortal. Tutal naman, mahilig sila roon. "Paalam!" "Paalam, kuya!" "Mag-iingat kayo!" Ilan lang iyon sa mga narinig kong sinasabi nila. Nagpaalam naman kaming dalawa ni Uulnir sa kanila. Hindi pa nga ako tapos makapagpaalam sa kanila ay agad na akong hinila ni UUlnir. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin. Nagulat na lang ako nang maramdaman kong unti-unti akong lumulutang. Naramdaman kong mayroong kung anong hangi ang nag-aangat sa amin. Nawala ako sa balanse hanggang sa tuluyan na nga kaming iiangat ng hangin pataas ng lagusan. "Wala bang mas matinong daanan dito?" Tanong ko kay Uulnir. "Wala. Kaya manahimik ka na lang diyan at nakakarindi 'yang boses mo." Sinubukan ko namang 'wag sumigaw kahit na sasabog na ang puso ko sa sobrang bilis ng pag-angat sa amin. Hindi rin nagtagal ay may nakikita na akong mga dahon. Agad akong nakahinga nang maluwag nang liparin kami palabas pero agad akong bumagsak sa lupa at muntikan pa ulit mahulog sa butas. Tumayo ako at pinagpag ang dumi sa damit ko. Nakatingin lang sa akin si Uulnir habang ginagawa ko iyon. "Tara na, dapat makarating tayo roon bago maggabi." Agad akong sumunod sa kanya. Tinahak namin ang daan papunta sa bahay ni Aling Serena. Ilang minuto rin kaming naglakad bago makalabas ng gubat at makarating sa bahay. Nang makarating sa bahay, akala ko ay titgil muna kami pero mukhang iba ang nasa isip ni Uulnir. Nagpahinga muna ako sa isang kahoy roon pero si Uulnir ay nagdire-diretso sa may cliff. Sinundan ko siya at baka may kung ano siyang gawin na kalokohan. "Oy. Oy. Saan ka pupunta?" "Doon," sabi niya habang nakatingin nang diretso. Eh papunta na iyon sa cliff. "Anong doon?" "Sa kulungan." Ako itong natataranta sa mga pinaggagagawa niya. Ano bang naisip niya at gusto niyang pumunta roon? Nang makarating naman sa dulo ay dumapa ako para sumilip. Si Uulnir ay ganoon din ang ginawa. Maliit lang naman siya kaya di niya na kailangang gawin iyon pero iba pa rin pag nag-iingat. Sumilip ako at kung ano yung nadatnan ko kahapon ay ganoon pa rin hanggang ngayon. Normal pa rin naman ang lahat. Normal para sa isang kulungan. "Ohh." Napangiwi ako nang makitang may nilalatigo na naman. Ilan kaya sa isang araw ang nilalatigo nila? "Makinig ka, ginoo." Natuon naman ang atensyon ko sa kanya. "Kung gusto nating makarating agad sa Aru Bahal ay kailangan nating dumaan rito." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Napatingin ako sa kanya at sa kulungan. Pabalik sa kanya at pabalik ulit roon. Tinitigan kong mabuti ang kulungan. Sobrang dami ng mga unipormadong lalaki. Mas marami pa sa mga bilanggo. Nagkalat din ang mga mantsa ng dugo sa sahig. Ang mga bilanggo ay halos di na makapagrtabaho nang maayos dahil sa sobrang dami ng latay sa likod. May iilang mga nakahandusay na katawan na di ko malaman kung humihinga pa ba o hindi tapos gusto niyang dumaan kami rito. Nababaliw na ba siya? "Tara na." Umalis siya at naglakad pabalik. "Hoy, sandali!" Gusto ko sana siyang hawakan para pigilan pero ramdam kong seryoso siya. Ni katiting, walang bahid ng pagbibiro o pagloloko ang mukha niya. "Bakit naman tayo doon pupunta?" Nagmamakaawang tanong ko sa kanya. "Tara na, ginoo." Agad niyang winagayway ang maliit niyang wand at agad na umangat ang lupa di kalayuan sa cliff. Tumingin ako sa parisukat na hukay at nakitang may hagdan doon pababa. Agad siyang bumaba at wala na akong nagawa kundi sumunod. At dahil umiilaw naman ang maliit niyang wand, kahit madilim ay may nakikita naman ako. Iyon nga lang di gaano kalawak. Ilang lakad pa ay natapos na rin ang mga hakbang sa hagdan. At ang bumunga sa amin ay isang malaking madilim na hallway. Hindi sapat ang liwanag ng wand ni Uulnir para makita ko ang daan. Agad akong nakaramdam ng kilabot at nagsitayuan ang mga balahibo ko. Napakatahimik ng lugar at iyon pa ang mas nakakatakot. Napatingin ako kay Uulnir at nakitang kalmado lang siya. Mukhang alam niya na talaga ang daan na ito. Pero ako hindi. Pero wala na akong magagawa dahil nandito na kami. Pero kung meron lang ibang daan papunta roon sa sinasabi nila, kahit pa isang matinik na bangin o isang lubid na nakasabit sa dalawang puno ay tatahakin ko. Wag lang sa madilim na hallway na ito. Pag minamalas ka nga naman. "Halika, sumunod ka sa akin." Pumunta kami pakanan. Basta sinusundan ko na lang ang maliit na ilaw na nagmumula sa wand niya. Hindi ko talaga makita ang dinadaanan ko. Buti na lang at wala akong naaapakang kung ano. Sinubukan kong humawak sa paligid ko at may nakapa naman akong dingding. Kinakapa-kapa ko ito at alam kong batong dingding ito. Iyon nga lang ay may mga dahon-dahon na medyo basa. Di ko alam kung saan nanggaling yung basa pero mas may pake ako sa kung saan kami papunta. "Hoy, bata. Wala ka bang mahika diyan pampalaki ng ilaw? Wala akong makita!" Pasigaw ko nang tahimik. "Meron." Nakatuon lang ang atensyon niya sa unahan. "Meron naman. Pero di maaari. Mahuhuli tayo." Napasapok na lang ako sa noo ko. Sinubukan kong makakita kahit wala naman talaga akong makita. Halos maduling na nga ako sa katitingin sa maliit na ilaw niya. Nagulat na lang ako nang paghakbang ko ay wala akong naramdamang sahig at nagtuloy-tuloy ako sa pababa. Tumama ang likod sa isang matulis na bagay pero hindi naman patalim. Medyo masakit ang likod ko pero kaya ko pa namang tiisin iyon. Napahiga na lang ako matapos ang paulit-ulit kong pag-ikot pababa. "Psst. Ano bang ginagawa mo? Tumayo ka nga diyan," tahimik niyang reklamo. "Kundi ka ba naman kasi nag-iisip. Hagdan kaya iyan!" "Paano ko naman malalamang hagdan iyan eh wala nga akong makita?!" Sa totoo lang di ko makita kung nasa'n siya. Basta kita ko yung ilaw. Pero di yung mukha niya. "Nakita mo namang bumaba yung il---" "Yung ilaw lang nakikita ko. Di yung dinada---" Agad akong napatigil sa pagsasalita nang makarinig ako ng yabag ng mga paa. Napatingin ako kay Uulnir pero di ko talaga siya makita kaya di ko alam kung anong reaksyon niya. Ginawa ko na lang ang pinakalohikal na gagawin ng isang taong nagtatago sa ganitong sitwasyon--- ang manahimik. "Wag na wag kang mag-iingay," pabulong niyang sabi sa akin. Hinawakan ko ang bibig ko at nanatiling nakahiga sa sahig. Halos pigilan ko na nga ang hininga ko. Habang patagal nang patagal, palakas din ng palakas ang mga yabag. At habang patagal din nang patagal, parami na rin nang parami ang nararamdaman kong gumagapang sa sahig papunta sa akin. Sinubukan kong kapain ang tiyan ko para tingnan kung ano yung nararamdaman kong gumagapang sa akin. Mabagal lang ang paggapang nun pero ramdam na ramdam ko ang galaw nun dahil sa nipis ng damit ko. Hindi ko pa man nahuhulaan kung ano ang nasa tiyan ko ay tumigil ang mga yabag. Natigil ang paghinga ko. Ilang saglit pa at wala naman na akong narinig kaya nakahinga ako nang maluwag. Wala na siguro iyon. "Uulnir, wala na ata---" Natigil ako nang hindi ko makita ang ilaw ni Uulnir. Inikot-ikot ko pa ang tingin ko pero wala talaga siya. Kinabahan ako at di pwedeng wala akong kasama rito. "Uunir? Uulnir?!" Sigaw ko. Agad akong tumayo at sinubukang maglakad-lakad sa kabila ng dilim para hanapin siya. Humawak ako sa dingding para maglakad pero iba ang nahawakan ko. Medyo matigas ang hawak ko pero hindi ito bato. May nararamdaman din akong malambot na parang buhok. Naktingin lang ako sa unahan habang kinakapa-kapa ang hawak ko at sigurado na talaga akong di ito dingding. Naramdaman kong nagliwanag ang paligid gilid ko. Nakikita ko na rin ang daan sa unahan ko at nakitang napakadumi niyon. Pero wala roon ang atensyon ko kundi sa hinahawakan ko. Dahan-dahan akong tumingin sa gilid ko pataas. Tumaas din ang ilaw hanggang sa nakikita ko na nang mabuti kung ano yung nasa harap ko. Ngayon alam ko na, na yung matigas na nahawakan ko ay hindi bato kundi isang dibdib. Dibdib ng isang barbaro. "Ahhhh!" Agad akong tumakbo sa kung saan man ako dalhin ng paa ko. Di ko na alam kung nasaan na ako o kung saan man ako papunta. Hindi na rin ako lumingon dahil babagal lang ang takbo ko. Sigurado naman akong mahahanap ako ni Uulnir. Sana lang ay tama ang dinadaanan ko. Baka kasi imbes na roon sa Aru Bahal ay sa impyerno ako mapunta. "Hay! Kainis!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD