"Potek, Uulnir?!"
Natakbo ako nang bigla na lang akong kilabutan nang may maramdaman akong gumagapang sa dibdib ko. Akala ko nga ay iyon yung gumagapang sa tiyan ko kanina. Habang natakbo, kinapa-kapa ko ang loob ng damit ko. Naramdaman kong gumalaw iyon pataas. Bago ko pa iyon mahuli ay lumabas na siya sa damit ko.
"Nandiyan ka lang pala sa loob. kanina pa kita pinaghahahanap!"
"Pasensya na, ginoo. Mukhang naamoy niya ako kaya nagtago ako sa loob ng damit mo."
"Paano ka niya maaamoy eh wala ka naman amoy?" Tanong ko naman.
"Basta. Matalas ang pang-amoy ng lahing iyon. Saka isa pa, bawat lahi rito ay iba ang amoy. Maging kayong mga mortal na napupunta rito ay may kakaibang amoy para sa amin. Kaya wag ka nang magtanong. Asahan mo na ang mga ganoong bagay."
Nanatili lang siya sa may damit ko. Ginamit niya naman ang kanyang mahika para palakihin ang ilaw para naman kahit papaano ay nakikita ko ang tinatakbuhan ko. Mukhang alam niya naman kung saan patungo ang dinadaanan namin kaya di siya nagrereklamo. Sabi pa nga niya ay sundin ko lang ang mga panuto niya.
Habang natakbo naman ako ay nakikita kong may dalawang kailangang likuan sa kaliwa't kanan. Wala ng daan padiretso. Bago pa man ako makarating sa dulo ay agad niya na akong sinabihan na lumiko sa kanan. Dumiretso lang daw ako pagkatapos nun hanggang sa makakita ako ng hagdan sa dulo. Doon daw kami bababa at siya na raw ang bahala sa iba pang mangyayari.
Sa sobrang bilis naman ng takbo ko ay muntik pa akong mabangga sa pader. Napalipad tuloy palabas si Uulnir na siyang kinainis niya.
"Maaari ba? Huwag ka nang tumakbo. Nararamdaman kong malayo na siya sa atin. Di niya na tayo mahahabol."
Kahit nagdadalawang-isip ay unti-unti kong binagalan ang takbo ko hanggang sa naglakad na lang ako at napahawak sa pader sa sobrang pagod. Huminga naman ako nang malalim. Uhaw na uhaw na ako pero wala namang tubig.
"Hindi tayo maaaring magpahinga rito. Masyadong delikado. Baka makita tayo ng mga iyon."
"Teka lang, nauuhaw na ako. Gusto ko ng tubig."
"Pasensya na ginoo pero di ko kayang lumikha ng tubig mula sa hangin. Pagkalabas natin rito ay may malapit na bukal. Doon tayo magpapahinga."
Sinunod ko na lang siya at naglakad na ulit kami. Dahan-dahan lang ang lakad namin kahit na parang wala namang tao. Kadalasan kasi pag tahimik ang isang lugar, ibig sabihin mas delikado.
Di nagtagal ay nakita ko na ang hagdan na tinutukoy niya. Agad akong tumakbo nang papalakad papunta roon. Sinubukan kong sumilip sa baba pero wala akong makita. Hindi ko tuloy alam kung tutuloy pa ba ako o hindi. Paulit-ulit na sinasabi ni Uulnir na siya ang bahala pero hindi naman ata ako maililigtas ng maliit niyang pigura sa kapahamakan. Nauna pa nga siyang magtago sa akin kanina eh.
"Tara, mas palalakihin ko pa ang aking liwanag para makakita ka nang mabuti. Magdahan-dahan kalang sa pagbaba."
Walang hawakan ang hagdan kaya wala akong nagawa kundi ang humawak sa dingding. Medyo kinakabahan nga lang ako at baka kung anong mahawakan o matapakan ko. Medyo malalaki rin ang hakbang kaya maaari akong sumubsob kung di ako mag-iingat.
Maingat akong naglakad pababa. Nang makarating sa baba ay umalis si Uulnir sa aking damit. Nauna siya at sinundan ko lang siya nang maglakad siya padiretso sa dingding. May kung anong engkantasyon siyang sinabi at bigla na lang nabutas ang parte ng dingding na iyon at naging portal. Sa kabilang banda ng portal ay isang malaparaisong lugar. Punung-puno ng kaberdehan ang lugar at mga bulaklak na sa tingin ko'y mabango ang halimuyak. Nauna nang pumasok si Uulnir at sumunod na ako. Pero bago iyon ay lumingon-lingon muna ako sa lugar baka kasi may nakakita sa amin. Tumingin ako sa likod ko at nakitang sa medyo may kataasang hakbang ng hagdan ay may pigura ng kung sino. Maliit lang ang binibigay na ilaw ng portal kaya naman di ko siya masyadong makita. Nakita ko siyang naglakad papalapit kaya't bago pa siya makalapit ay pumasok na ako sa portal.
Nakahinga ako nang maluwag nang imbis na madilim na sahig ay mapuputing buhangin na ang inaapakan ko. Hindi ko na nga mabilang kung ilang paghinga nang mabigat ang ginawa ko. Tumingin ako sa paligid at isang napakagandang karagatan ang nakita ko. May mga puno sa gilid-gilid at napaka-asul ng tubig. Hindi lang din kami ang naririto ni Uulnir. May mga tao rin na nakapangdamit nang pang-mayaman. May mga napapatingin sa akin, siguro ay nagtataka kung bakit kakaiba ang suot ko.
Naramdaman ko naman na hinila ni Uulnir ang tainga ko at dinala ako sa medyo liblib na lugar, sa likod ng isang puno. Nang madala niya ako roon ay pinatayo niya ako nang tuwid. Winasiwas niya ang maliit niyang wand at nakita kong nag-iiba ng itsura ang aking suot hanggang sa tuluyan na ngang nagbago ang itsura nito.
Ang suot ko na ngayon ay polo na may mahabang manggas at may nakapatong na vest. Ang pang-ibaba ko naman ay isang pantalon na hanggang baba lang ng tuhod. Naka-sapatos na rin ako na kulay kayumanggi. Aaminin kong maganda ang pormahan ng suot ko pero parang ang weird naman na ganito ang suot ko sa beach. Wala naman atang nagsusuot ng ganito sa beach at magmumukha lang akong ewan.
"Hindi tayo mananatili rito kaya wag kang magsaya. Pupunta tayo sa barrio."
"Huh?!"
Agad umalis Uulnir at sinundan ko na lang siya. May mga nadadaanan kaming mga tindahan ng kung anu-anong abubot pero dire-diretso lang si Uulnir. Gusto ko sanang magtingin-tingin man lang kahit papaano dahil wala naman akong pera pero mukhang iba ang balak ni Uulnir.
Nakasunod lang ako kay Uulnir habang naglalakad. Di nagtagal ay nakalabas din kami at sumalubong sa amin ang isang tahimik na kalsada. Walang kahit ano. Ni siguro mga kalesa na dapat ay mayroon sa lugar na ito ay wala. Sobrang alikabok pa ng daan. Nakapagtataka dahil sobrang salungat ito ng nasa loob na sobrang dami ng tao.
"Uulnir, sigurado ka bang tama itong dinadaanan natin? Bakit walang tao?" Tanong ko.
"Dahil ito ang pinagbabawal na daan. Wala ng nadaan rito. Pwera na lang kung gusto mong mamatay," seryoso niyang sabi.
Napadilat naman ang mata ko at tumingin siya sa akin na parang alam niya na ang nasa isip ko kaya agad siyang sumagot.
"May mga balita kasing kumakalat sa bayan na may sumpa ang barriong tinatahak ng daan na ito. Kaya walang nadaan dito dahil wala namang ibang patutunguhan ang dulo ng daang ito maliban na lang sa barriong iyon. Di ko nga lang alam kung totooo iyon."
"Pwes, alamin mo muna," reklamo ko sa kanya.
"Wala akong kakayahang makaramdam ng sumpa. Kung gusto mo si Ina ang tanungin mo balang araw. Tiyak na alam niya iyon."
Napahinga na lang ako nang malalim.
"Kita mo yung mga bahay na iyon?" Turo niya sa kaliwa namin.
Tiningnan ko naman iyon at nakitang may mga bahay nga. May gate din pero sira na. Makikita rin na hindi masigla ang lugar.
"Iyan ang Barrio Saes. Diyan tayo pupunta."
Nang magsimula siyang tahakin ang daan na iyon ay sumunod na lang ako. Hindi naman masyadong malayo kaya di naman siguro ako mapapagod nang sobra. Nang makarating kami sa pinaka-gate ng lugar ay napatingin ako sa arko nito sa taas na may nakalagay na pangalan ng barrio. Sobrang maalikabok na nito na parang napabayaan nang sobrang tagal.
Agad kaming pumasok sa barrio at halos walang tao. May nakita akong sa tingin ko'y matanda na nakabalabal malapit sa isang tuyot na fountain. Sa harap niya ay may mga abubot na tinitinda niya siguro. Nahagip naman ng paningin ko ang dalawang batang nagtatagom sa gilid ng isang bahay habang nakatingin sa akin. Napatingin ako sa bahay na iyon at parang isang buga na lang ay tutumba na iyon.
Anong nangyari rito?
Napatingin ako sa paligid at naglaho na naman si Uulnir. Di ko alam kung anong trip niya at bigla-bigla na lang siyang nawawala.
"Ginoo, nandito ulit ako sa loob mo. Maglakad ka lang ng diretso at magtanong-tanong ko ng daan papasok ng Aru Bahal."
Napababa na lang ako ng balikat at sinubukang lumapit doon sa matanda. Nakatungo siya kaya nahirapan akong makita ang mukha niya. Sinubukan kong yumuko pa para mas makita siya bigla na lang siyang nag-angat ng tingin. Napatayo naman ako nang tuwid.
"Ehem..." Sabay lunok ko. "Lola, alam niyo ho ba yung daan papuntang A-Aru Bahal?"
Tumaan naman ang kanyang kilay na parang nakarinig ng interesanteng bagay.
"At bakit mo naman gugustuhing pumunta sa lugar na iyon, ginoo? Alam mo ba kung ano ang meron sa lugar na iyon?"
"Ahhh... may kailangan lang ho akong puntahan doon. Utos na rin ho ng kaibigan ko," palusot ko na lang.
"Wala kang ibang makikita roon kundi mga patay na puno at kalansay ng mga patay na hayop, ginoo. Anong gugustuhin mong puntahan roon?"
Nag-isip naman ako ng palusot pero wala na talaga akong maisip. Hinintay kong tulungan ako ni Uulnir pero wala siyang sinabi. Nakakainis lang at ako na nga ang gumagawa ng paraan makapunta roon gaya ng gusto niya pero ayaw niya pa tumulong.
Ibubuka ko na sana ang bibig ko para magpalusot ng kung ano ng biglang umayos ng upo yung matanda. Iminuwestra niya sa akin ang mga abubot na nakalagay sa isang parihabang kahon.
"Sa dulo ng baryong ito mo matatagpuan ang Aru Bahal. Pero di ka basta-basta makakapasok roon. Pumili ka ng isa rito para maging kapalit ng pagpasok mo roon."
Napatingin naman ako sa mga abubot niya. Puro kwintas lahat ng mga nandito. Pare-parehas lang naman silang makalawang na. Nagkaiba-iba lang ang kulay. Wag niya lang sabihin na ibinebenta niya ang mga ito. Sino naman ang bibili ng ganitong alahas?
"Huwag kang mag-alala, ginoo. Walang bayad ang iyong pagpili. Ang pagbisita mo lang sa lugar na ito ay sapat na."
Buti naman.
Di ko na siya pinansin at itinuon na lang ang atensyon ko sa pagpili. Naagaw ng pansin ko ang isang kuwintas na hugis bilog na may nakakurbang puso sa gitna. Isang durog na puso na may nakapalibot na tinik ang disenyo nun. Di ko alam kung anong meron doon pero iyon na lang ang pinili ko.
Kinuha ko ang kwintas na iyon at napatingin sa kanya. Tumuon ang tingin niya sa kwintas na napili ko at tumaas ang kilay. Tumingin siya sa akin saka ngumiti.
"Nakapili ka na, ginoo. Sundan mo lang ang daan at makikita mo ang Aru Bahal. Nawa'y maging ligtas ang iyong paglalakbay."
"Ah S-Salamat."
Nagulat naman ako nang biglang tumayo ang matanda at magligpit ng gamit. Pero di ko na siya pinansin at nagsimula nang maglakad. Kailangan ko lang naman daw sundan itong diretsong daan na ito na nasa harap ko at mararating ko na ang Aru Bahal.
Naglakad ako papalayo pero nagsimulang bumigat ang pakiramdam ko. Iniiisip ko tuloy na wag na lang tumuloy. Lumingon ako para magtanong sana matanda pero wala na siya. Tumingin pa ako sa paligid pero wala talaga siya. Imposible naman na nakaalis agad iyon eh matanda na iyon. Uugod-ugod na dapat iyon maglakad. Pero kung sa bagay, baka gumamit siya ng kung anong mahika.
"Kuya."
Napalingon naman ako nang may humatak sa damit ko mula sa likod. Nakita ko yung batang nakasilip sa akin kanina. Siya yung mas matanda sa kanila habang yung isang mas bata ay nasa likod niya.
"Mag-iingat ka. Baka isumpa ka nung bruha sa bundok."
Tumango na lang ako at maglalakad na sana ulit pero hinawakan naman ako nung batang mas maliit. Umupo ako para magpantay kami. May kinuha siya sa bulsa niya. Nang makuha niya kung ano man iyon ay binuka niya ang kanang palad ko at inilapag iyon doon. Isang pagkain ang binigay niya sa akin, parang candy. Napangiti na lang ako at ginulo-gulo ang buhok nila. Ngayong nakikita ko sila nang malapitan, nakikita ko na kung gaano di kaayos ang itsura nila. Hindi nasuklay ang kanilang buhok at mukhang di pa naliligo dahil sobrang dumi ng katawan nila. Ganun na rin ang mga damit nila. Ni saluwal sa paa ay wala sila.
"Mga bata, pumunta muna kaya kayo sa mga magulang niyo. Baka hinahanap na nila kayo," sabi ko sa kanila.
"Wala na po kaming magulang. Pero may nagbabantay po sa amin."
"Ahhh."
Nginitian ko silang muli bago magpaalam. Nilagay ko naman sa bulsa ko yung candy na binigay nung bata. Nagpaalam ako sa kanila at umalis na.
Tinahak ko ang daang sinasabi nung matanda. Mukhang malayo-layo na naman ang lalakarin ko. Di pa naman ako nakakainom ng tubig. Wala naman kasi kaming nadaanang bukal na maiinuman ng tubig katulad ng sabi ni Uulnir.
Scam.
"Ano? Nasaan na tayo?"
Sa wakas, lumabas na si Uulnir sa lungga niya. Kanina ko pa siya hinahanap eh.
"Papunta na tayo roon sa Aru Bahal," sabi ko naman.
"Sigurado ka?"
"Oo nga. Dito raw yung daan sabi nung matanda. Pupunta-punta ka di mo naman pala alam yung daan," komento ko.
"Eh sinusunod ko lang naman yung sinasabi ni Lolo Isko eh. Para sa'yo rin ito kaya wag ka nang magreklamo."
Naglakad naman kami padiretso. Habang nasa daan ay papangit nang papangit ang nakikita namin. Patahimik nang patahimik at pasira nang pasira ang mga bagay. Papatay nanng papatay ang lugar. Hindi ko maisip kung ano ang nangyari sa lugar na ito pero siguradong di maganda iyon. Maliban, sa dalawang bata at sa matanda, wala na akong ibang taong nakita. Siguro nga totoo yung sinasabi nila. Ang lugar na ito ay isinumpa.
"Uulnir, kailangan nating mag-ingat dito. Mukhang totoo nga yung sumpa. Halos lahat ng nandito, wala ng buhay," sabi ko sa kanya.
"Nakikita ko nga. Kaya kailangan na nating makarating sa Aru Bahal. Doon magiging ligtas tayo."
Tumango na lang ako at direstong naglakad. Sana lang di kami maabutan ng sumpa sa daan.