Naalimpungatan si Alexandros nang may dahan-dahang nagtulak ng pintong bakal ng selda niya sa basement. Naidlip pala siya dahil sa pagod at mga bugbog na tinamo niya kanina. Binuksan ng bagong dating ang iba pang ilaw, nagliwanag ang loob ng selda. Noon lamang niya nakita ang kalagayan niya ngayon. Nakatayo siya habang nakadipa ang dalawang braso. Sa pupulsuhan niya ay may nakakabit na tila posas na nakadugtong naman sa kadena na nakapulupot sa dalawang posteng bakal. Parang ipinasadya ang kulungang ito. Alam niyang imposible para sa kaniya ang makatakas. Nagmamadaling lumapit ang panauhin sa kaniya. Kumakalansing pa ang hawak nitong susi. Nagtatakang sinulyapan niya ang kinaroroonan ng kaniyang bantay. Walang kakilos-kilos itong nakahandusay sa sahig. Agad na lumipat ang tingin niya

