Chapter 2

2955 Words
Chapter 2 Mierve's POV Nakakailang hikab na ako. Kagabi lang nangyari sa akin na hindi ako agad dinalaw ng antok. Nagpupuyat naman ako pero dahil iyon sa mga homeworks ko. Pero yung kagabi ay talagang kakaiba. Nakatitig lang naman ako sa kisame ng aming kwarto. Samantalang ang kapatid ko na si Mandy ay humihilik pa mula sa mahimbing na pagkakatulog. Kapag pumipikit ako ay biglang nag-re-reflect ang mukha niya sa utak ko. Napapadilat ako lalo pa at nakikita kong ngumingiti siya. Napapalatak ako. Anong nangyayari sayo, Mierve? Tanong ko sa aking sarili. Kasalukuyan akong naglalakad para pumasok sa coffee shop na pinapasukan. Tapos na ang klase ko sa hapon. Malapit lang iyon sa University na pinapasukan ko. Ang sabi ko mag-o-overtime ako. Pero kung ganito na ngayon pa lang ay panay ang hikab ko ay malabo na makapag-overtime pa ako. Pero susubukan ko pa din dahil ilang araw kami hindi makakapagtinda. Sa naisip ay napabuntong-hininga ako. Bakit ba kasi lagi ko siyang naiisip samantalang kagabi lang naman kami nagkita? Huminto ako sa tapat ng pedestrian lane. Hinintay ko mag-red ang traffic light para makatawid ako. Nang mag-red na ang ilaw ay nagsimula na akong maglakad. Isang busina ng sasakyan ang nagpaigtad sa akin sa pagtawid ng pedestrian. Pati mga kasabayan ko sa pagtawid ay tumingin sa sasakyan kung saan nanggaling ang busina. Sinulyapan ko lang iyon at pagkatapos ay nagpatuloy ako sa pagtawid. Ngunit napahinto ako ng may humawak sa aking kamay. Salubong ang kilay ng sulyapan ko kung sino iyon. "It's you, Akala ko kamukha mo lang," nakangiti niyang turan sa akin. Tinitigan ko siya. "It's Drixx, remember?" sa binanggit niyang pangalan ay para naman akong nahimasmasan. Paano ko naman makakalimutan ang mukha niya eh siya ang dahilan kung bakit hindi ako nakatulog ng maayos. Napaigtad ako ng may bumusina ulit. Saka ko lang napagtanto na nasa gitna pala kami ng pedestrian lane. Hinawakan niya ako sa kamay. Wala na akong nagawa habang para kaming nakikipagpatintero sa mga sasakyan dahil nag-go signal na ang traffic lights. Lumapit kami sa sasakyan niya. So, siya pala ang bumusina kanina. "Drixx, may pasok pa ako." "Just get in. Baka mahuli pa tayo ng traffic enforcer," sambit niya. Sa sinabi niya ay dali dali akong pumasok sa loob ng sasakyan. Mabilis itong umikot sa driver's seat. "Fasten your seat belt, Mier," utos nito sa akin habang naglalagay din ng seatbelt. Sinulyapan ko siya. Parang maganda sa pandinig ko ang tawag niya sa akin. Nag-seat belt na ako. Pinaandar na niya ang sasakyan. "Saan tayo pupunta?" tanong ko sa kanya ng mapansin ko na iba ang daang tinatahak ng sasakyan niya. "Sorry, nagugutom kasi ako. Okay lang ba kumain muna tayo?" tanong niya. Sinulyapan ko siya. Ngiting ngiti ito habang nakatuon ang atensyon sa daan. "May magagawa pa ba ako. Dinaanan na natin yung papasukan ko." Tumawa siya. Napangiti ako. Yung lalaking hindi nagpatulog sa akin ng buong gabi ay kasama ko ngayon. Dinala niya ako sa isang restaurant na sa tingin ko ay mamahalin. Ayoko sana pumasok ngunit hinawakan niya ako sa kamay. Wala na akong nagawa ng gawin niya iyon. Nakakahiya pumasok sa loob dahil pakiramdam ko lahat ng mga mata nakatingin sa amin partikular sa kasama ko. 'Yung kagabi lang kami nagkakilala pero kung makahawak siya sa kamay ko ay animo'y para kaming matagal ng magkakilala. Ako naman ay hinayaan ko na lamang siya. Isa pa, suot ko pa ang uniform sa University. "Bakit dito mo pa ako dinala? Sana kahit sa mumurahin na lang. Mapapagastos ka pa," sabi ko sa kanya ng pareho na kaming nakaupo. "C'mon, Mier. Gusto ko bumawi. Pakiramdam ko malaki pa atraso ko sayo. Siguro blessing in disguise na din na nakita kita kanina kaya hindi ko na pinalagpas." Nakangiti nitong turan sa akin. Bumuntong-hininga na lamang ako. Tinawag nito ang waiter. May binulong din ito sa waiter. Tumango tango ang waiter. Nang tapos na ang bulungan ng dalawa ay umalis na ang waiter. "Umorder ka ba?" tumawa siya sa tanong ko. "Sorry, hindi na kita natanong sa gusto mo but don't worry, I'm sure na magugustuhan mo ang inorder ko," pagkatapos nito iyon sabihin ay kinindatan niya ako. Tumaas ang kilay ko. Feeling talaga ng lalaking ito close na kami. Hindi ba niya alam na may kasalanan siya sa akin. "Napi-preskohan ka ba sa akin, Mier?" he asked seriously. Tinitigan ko siya. Wala naman presko sa ginagawa niya. Nagugustuhan ko nga iyon. "Bakit, presko ba suot mo?" gusto ko matawa sa sariling biro. Nagsalubong ang kilay niya. Hindi ko alam kung nakuha niya ang biro ko pero kalauna'y ngumiti siya. "Happy 18th Birthday, ma'am," nakangiting wika ng waiter ng lumapit sa amin. May hawak itong cake. Samantalang ang kasama nito ay nilalagay na ang inorder ni Drixx sa dinner table. Nakatingin lang ako sa cake na nilagay ng waiter sa harap ko. Nakasulat doon ang 'Happy 18th Birthday Mier'. "Enjoy your meal, ma'am, sir." Pagkatapos sabihin ng waiter iyon ay umalis na ang mga ito. Sinulyapan ko si Drixx na nakangiti habang nakatingin sa akin. "Blow the candle, Mier." Tinitigan ko muna siya. Hindi nawawala ang ngiti sa labi niya. I heaved out a deep sigh. Bakit parang pakiramdam ko palagay na agad ang loob ko sa kanya. Bago ko hipan ang kandila ay pumikit ako. Hindi nga pala ako nakapag-wish kagabi. Matagal ako nakapikit dahil medyo marami akong hinihiling. Pagkatapos ko humiling ay dumilat ako. Nagtama ang mata namin ni Drixx. He's staring at me. Bigla tumahip ang aking dibdib sa paraan ng titig niya sa akin. Umiwas ako ng tingin sa kanya at hinipan ko na ang kandila sa cake. Upang maibsan kung anuman ang aking nararamdaman ay ngumiti ako sa kanya. "Salamat, hindi ka na sana nag-abala. Tapos na kaya birthday ko," anas ko. "So? Hindi pa naman tapos ang buwan," napasimangot ako. Tinuon na namin ang atensyon sa pagkain. Isa-isa niyang sinabi sa akin kung ano ang mga pagkain na nasa harap ko. Pinatikim niya sa akin lahat iyon. Hindi nga siya nagsisinungaling dahil masarap nga ang inorder niya. Kung hindi siguro ako kumain kanina ay malamang inubos ko na iyon. Kaso busog na busog na ako. Tumigil siya sa pagkain ng marahil mapansin niyang hindi na ako kumukuha ng pagkain. "Are you done?" tanong niya sa akin. Tumango lang ako bilang tugon. Kinuha ko ang baso na may lamang tubig at ininom iyon. Napansin ko na nakatitig pa din siya sa akin habang umiinom. Pakiramdam ko sinusuri niya ang bawat lagok ko sa inumin. Ganito ba talaga siya, mapanuri? "Drixx," nilapag ko ang baso pagkatapos ko maubos inumin ang laman niyon. "Yes?" anito na hindi inaalis ang tingin sa akin. Sinulyapan ko ang mga pagkain na sa tingin ko ay hindi mauubos kahit kumakain pa siya. "Pwede bang i-take out na lang natin yung tira. Ipapasalubong ko sa tatay at kapatid ko," sambit ko na hindi nakatingin sa kanya. Alam ko nakakahiya ang ginawa ko pero kinapalan ko na lang ang aking mukha. Kung pagtatawanan niya ako ay ayos lang iyon. "Tira tira na lang 'to, Mier. I-o-order na lang kita." Pagkasabi nito niyon ay mariin akong umiling. "Mapapakinabangan pa iyan. Isa pa, marami ang nagugutom tapos itatapon lang natin iyan. Kung para sa inyo ay maliit na bagay lang ang pagtatapon ng mga tira tirang pagkain, para sa amin ay malaking bagay na iyan," makahulugan kong wika. Tila natigilan at natulala siya sa sinabi ko. Hindi siya nakapagsalita sa tinuran ko. Kalauna'y ngumiti siya. "You know what, you're incredible woman," inirapan ko siya. Tumawa siya ng mahina. "Sige, ipapabalot ko 'to." Pinabalot nga niya ang mga pagkain na tira. Kahit pagtinginan pa kami ng mga tao sa loob ay wala akong pakialam. Ganoon din ito. Siya na din ang nagbitbit ng mga binalot na pagkain. Habang papalabas kami ng restaurant ay hindi nakaligtas sa mga mata ko ang malalagkit na tingin ng mga babae sa loob ng kainan. Paano namang hindi eh takaw pansin naman talaga ang kasama niya. Matangkad ito at talagang makalaglag panga. Para itong varsity player sa tangkad nito. Malapad ang balikat nito at tila alaga sa gym ang katawan nito. Ngayon ko lang din natitigan ang gwapo niyang mukha. Taglay ng kulay brown niyang mata ang tinging tumatagos hanggang sa iyong kaluluwa. Dahil iyon ang nararamdaman ko sa tuwing tinititigan niya ako. Ano kaya ang lahi niya? American kaya? "Drixx, kailangan ko na pumasok sa trabaho," sabi ko sa kan'ya ng nilalagay niya sa sasakyan ang paper bag na may lamang pagkain. "Okay, ihahatid na kita," pagkatapos nito iyon sabihin ay pinagbuksan na niya ako ng pinto. Mabilis namin narating ang coffee shop na pinapasukan ko. "You always do this?" tanong niya ng akma kong bubuksan ang pinto ng sasakyan. Nilingon ko siya. "Ang alin?" takang tanong ko sa kanya. "Ang magtrabaho pagkatapos ng klase." Tumango ako. "May trabaho pa nga ako sa umaga bago ako pumasok sa school eh," napaawang ang labi niya sa sinabi ko. "Are you serious?" "Mukha ba akong sinungaling na tao?" tanong ko din sa kan'ya. "Tapos nagtitinda ka din sa gabi. How can you do that, Mier?" hindi makapaniwalang tanong nito. Nagkibit balikat lamang ako. Minsan hindi ko din lubos maisip kung paano ko nagagawa pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. "Siguro ayoko lang maranasan ng tatay at kapatid ko na hindi kami kumain ng isang araw. Gagawin ko ang lahat kahit mahirap. Hindi mo ako maiintindihan dahil pinanganak kang mayaman," nakangiti kong turan sa kanya. Nagbago ang timpla ng mukha niya. Naging blangko iyon. "Please, Mier. H'wag mong gawing dahilan ang estado ko sa buhay para magkaroon ng pader sa pagitan natin. Hindi ko naman ginusto na maging anak mayaman," umiwas siya ng tingin sa akin. Na-offend ko yata siya. Pero wala naman ako intensyon sa sinabi ko. Sinasabi ko lang kung ano ang opinyon ko. "S-sorry, hindi lang kasi ako sanay na may kakilalang tulad mo," totoo iyon, dahil halos lahat ng kakilala ko ay kapareho kong isang kahig isang tuka. Umiiwas ako sa mga taong mas nakakaangat sa buhay. Ayoko isipin nila na kaya ako lumalapit sa kanila ay para gamitin ang estado nila sa buhay kaya mas pinili ko na lang na ang maging kaibigan ay katulad kong nakakaintindi sa sitwasyon ko. Maswerte na din ako at nakapag-aral ako sa isang kilalang University. Napabilang ako sa mga nakatanggap ng sponsorship ng may-ari ng paaralan. Kaya pinagbubutihan ko talaga ang mag-aral. Ayoko biguin ang nag-sponsor sa pagaaral ko at ang aking ama. Hindi siya nagsalita. Hindi din niya ako sinulyapan. Napabuntong-hininga ako. "Salamat sa paghatid," binuksan ko na ang pinto ng sasakyan niya. Bababa na sana ako ng maalala ko ang pinabalot namin na pagkain. Kinagat ko ang ibabang labi. Sinara kong muli ang pintuan. Sinulyapan ko siya. Nadismaya ako dahil nakatuon pa din ang atensyon niya sa harapan ng sasakyan. "P-paano nga pala yung mga pagkain? Baka kasi mapanis kapag di--" "Ako na maghahatid sa bahay n'yo," putol nito sa sinasabi ko ng hindi ako sinusulyapan. Muli akong humugot ng malalim na paghinga. "Ipapasundo kita kay Bart. Baka kasi pagdiskitahan ka ng mga tambay sa lugar namin. Hindi ka nila kilala doon," hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagtagis ng kanyang bagang. Dumilim ang mukha niya. Napansin ko din na dumiin ang pagkakahawak ng kamay niya sa manibela. Nagsalubong ang kilay ko. May sinabi ba akong hindi niya nagustuhan? Sinipat ko ang relo sa aking palapulsuhan. Hindi pa naman oras ng pasok ko sa coffee shop. Mamaya pang 7pm iyon. Alas-sais pa lang. Isang oras pa ako maghihintay. Parang ayoko bumaba na iba ang timplado ng isang ito. Ngunit hindi ko pa kabisado ang ugali niya. Baka gusto lang muna niyang mapag-isa. Sa naisip ay binuksan kong muli ang pintuan ng sasakyan. Palabas na ako ng hawakan niya ang aking kamay. Bigla na naman kumabog ang aking dibdib sa paraan ng paghawak niya sa aking kamay. Pangalawang beses na nangyayari sa akin ang weird na nararamdaman. Nilingon ko siya. "I'm sorry," sambit nito. Kumunot ang aking noo. "Saan?" hinintay ko siya magsalita ngunit nanatili lang siyang nakatingin sa akin. Kumibot ang labi niya ngunit walang lumabas na salita doon. Bumaba ang tingin niya sa kamay ko na hawak niya. Napakalambot talaga ng kamay niya. Nahihiya ako sa kamay ko na magaspang ngunit gustong gusto ko na hinahawakan niya iyon. "I have a feeling na marami pa akong matututunan sayo, Mier," nag-angat ako ng tingin sa kan'ya. Nag-iba na ang ekspresyon ng mukha niya. Nakangiti na siya ngunit nanatili pa din nakatuon ang atensyon niya sa kamay ko na hawak niya. Marahan niya iyong hinahaplos gamit ang hinlalaki niya. "Ikaw ang sagot sa aking dasal." Nagsalubong ang kilay ko. Mukha ba akong santo para manalangin siya sa harap ko. May kamalian din kaya akong nagagawa. Sarap batukan ng lalaking ito. Nag-angat siya ng mukha. Sinalubong ko ang tingin niyang iyon. May sasabihin pa sana siya ng tumunog ang cellphone niya. Muntik na akong matawa ng nagmura siya. Video call iyon. Sinagot niya ang cellphone ng hindi niya binibitawan ang aking kamay. "Where the hell are you, Dude? Zick is back. Are you coming with us or what?" bungad ng kausap nito. I heaved out a deep sigh. Muli kong sinara ang pintuan ng sasakyan. Nakagawa iyon ng ingay. In my peripheral vision lumingon siya sa akin. "Woah! Wait. Who's that? Are you with someone?" bahagya ko sinulyapan ang kausap niya. Tulad din ito ni Drixx na gwapo at mukhang may lahi din. Pilyo ang ngiti ng kausap niya. "Shut up, Dude. I'm coming, just wait for me," "But you didn't answer my--" pinindot na nito ang end button. "f*****g moron," bulong nito. Sinulyapan niya akong muli. "Kaibigan mo?" tanong ko. Tumango siya. "Anong oras ang labas mo?" "Siguro mga 11pm. Mag-o-overtime kasi ako," per hour kasi ang bayad sa akin sa coffee shop. 3 hours lang dapat ang duty ko dahil nga part-time ko lang iyon. Kaya kapag gusto ko mag-overtime ay nagdadagdag ako ng oras sa duty. 24 hours naman ang coffee shop na pinapasukan ko kaya nasa sa akin naman kung ilang oras ang kaya kong i-duty sa shop. Malapit kasi iyon sa mga call center building. "Bakit?" tanong ko. "Just asking," nakangiti niyang turan. Sinulyapan kong muli ang kamay ko na hawak niya. "Pwede na siguro akong lumabas, ano?" nangingiti kong turan sa kanya. Tumawa siya. Binitawan na niya ang aking kamay. "Take care, Mier," sambit niya ng lumabas ako ng sasakyan. May sinabi pa siya ngunit hindi ko na iyon narinig. Muli kong tinanaw ang sasakyan na papalayo sa lugar. Kakaiba si Drixx iyon ang tanging masasabi ko. Habang papasok ako ng coffee shop ay hindi mapalis ang ngiti sa aking labi. Pagkatapos ko magpalit ng uniform ng shop ay masigla akong nagtrabaho. Dahil absent ang isa sa mga crew ng shop ay minabuti kong sagarin na ang oras ko. Tumawag na din ako sa aking ama para ipaalam na madaling araw na ako makakauwi. Gusto ko sana itanong kung dinaan ba ni Drixx ang pagkain na pinabalot ko ngunit minabuti ko na lang na h'wag banggitin. Malalaman ko naman pagdating ko sa bahay. Tumawag din sa akin si Bart. Nang malaman niya na madaling araw na ako makakauwi ay nagprisinta siyang sunduin ako. Sumang-ayon naman ako ngunit maya-maya ay tumawag ulit siya. May importante daw pala siyang pupuntahan at hindi niya alam kung anong oras siya makakauwi. Wala naman kaso iyon sa akin dahil ayoko maistorbo ang kaibigan. Alam ko abala din ito sa trabaho nito. Ala-una na ng madaling araw ay iilan na lang ang pumapasok sa shop. Alas-dos ay uuwi na ako. Iyon lang ang binigay na oras ng aking manager para daw mahaba pa ang oras na itutulog ko. Mabuti at wala akong pasok ng martes sa grocery store dahil off ko iyon. Kasalukuyan akong nasa counter ng marinig ko tumunog ang door chimes. Hudyat iyon na may pumasok na kustomer. "Good morning, Sir," bati ng kasama ko sa shop. Halata sa boses nito na kinikilig ito. Naramdaman ko ang presensya ng customer sa harap ng counter. "Good morning, Sir. What is..." hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ng makita ko kung sino ang nasa harapan ko. Salubong ang kilay niya. Blangko na naman ang mukha niya. "Give me one Espresso coffee and slice cake," walang emosyon nitong wika. "Okay, Sir. Pa-wait na lang po sa table, Sir." Binigyan ko siya ng number. Kinuha niya iyon ngunit nanatili lang siyang nakatayo sa harap ng counter. "What time exactly is your out?" tanong nito. Nagsalubong ang kilay ko. "Alas-dos," sinipat nito ang relo sa palapulsuhan. "You said 11pm. Where is your manager here?" napaawang ang aking bibig. Ano ba iniisip niya. Lumapit ang kasama ko. Bahagya niya akong siniko sa tagiliran. "Order ni sir," tukoy nito sa dalang tray na may laman ng order ni Drixx. Alanganin ako ngumiti sa kasama ko. Kinuha ko sa kanya ang tray at inabot iyon sa lalaking hindi maipinta ang mukha. "Sir, ito na po order n'yo," nakangiti kong turan sa kan'ya. Kinuha nito iyon. Tinitigan muna niya ako bago siya tumalikod. Narinig ko ang impit na tili ni Kaye. "Ang pogi n'ya, Girl," kinikilig na turan nito. Ngumiti lamang ako. Hindi naman ako makapag-focus ng maayos sa ginagawa dahil tila yata sinadya niya na humarap kung saan makikita niya ako. Panay pa ang sulyap niya sa akin kapag napapagawi ako ng tingin sa kanya. Hindi ko mabasa ang nasa isip niya. Ang seryoso ng mukha niya. Para na namang sinusuri niya ang bawat galaw ko. Pambihira, kagabi lang kami nagkakilala pero kung umasta siya ngayon ay para na niya akong kilala ng matagal. Pinuntahan pa talaga niya ako dito sa shop. Tsk! Kakaiba talaga ang isang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD