ILIANA'S POV:
--
LUMIPAS ang tatlong araw nang hindi ko namamalayan dahil sa sobrang abala ko sa aking sarili na harapin ang mga pasyente namin.
Sobrang nag-eenjoy talaga ako na makausap ang mga tao. Tinulungan din ako ni Kert at siya ang nagpapaalis kapag may mga pasyenteng gusto lang akong diskartehan pero wala namang nangyaring gulo at matiwasay ang huling araw namin sa Tondo.
"Tanghali na, Iliana." napatingala ako mula sa pagkakasubsob sa mesa habang nagsusulat at bumungad sa akin ang bulto ni Jerro.
Seryoso lamang ang mukha nito na parang pasan ang mundo.
"Mamaya na pagkatapos kong maisulat ang mga gamot na kailangan ko." Naningkit lamang ang mata ni Jerro sa akin at saka ako hinila patayo mula sa kinauupuan ko.
"Hannah, ikaw na muna ang pumalit kay Iliana," utos ni Jero sa isa naming kasamahang Doctor at saka ako hinila sa isang sulok ng sports complex.
Nang kami na lang ang magkasama sa harapan ng panibagong mesa na may laman ng mga styro na merong pagkain, hinarap ko si Jerro.
"Hindi pa naman ako nagugutom, Jerro. Huling araw na rin natin 'to." pakikiusap ko kay Jerro.
Umigkas ang makapal na kilay nito at saka isinilid ang kamay nito sa suot niyang pantalon.
"It's already lunch time and you're the last person who will eat your food. Don't be stubborn Iliana and do what I said." malumanay lamang ang pagkakasabit nito at mukhang pinipigilan niya lang na singhalan ako sa dami ng tao.
Napabuga na lang ako at saka nginitian si Jerro. "Sige, pasensya na. Kakain na ako."
Tinalikuran ko si Jerro at saka ako kumuha ng pagkain at naghanap ako ng bakanteng arm chair at saka ako naupo. Biglang lumapit sa akin si Kert at meron din itong dalang pack lunch.
"Nakow, mukhang galit ang boyfriend mo, Doctora Ganda?" bulong sa akin ni Kert nang maupo ito sa tabi ko.
Nagsalubong naman ang kilay ko at nagtatakang nakatingin sa kanya.
"Boyfriend? Wala ako no'n, Kert," sagot ko rito at saka binuksan ang pack lunch na dala ko. Kanina, adobong manok at gulay ang laman 'non.
"Eh, bakit po kayo kinaladkad ni Doc at parang mainit ho ang ulo?" dugtong pa nito.
Nginitian ko si Kert. "Kababata ko si Jerro, Kert. Ganyan lang talaga siya umasta na parang pasan ang mundo."
"Lamang ng limang paligo sa akin si Doc pero guwapo din naman siya. Kumain na lang tayo Doctora Ganda,"
Pagak na lang akong tumawa sa panyaya ni Kert at saka kami sabay ns kumain. Sa tuwing may ginagawa ako hindi ko na talaga namamalayan ang oras kaya pati pagkain o kalam ng tyan ay hindi ko na pinapansin.
Dahil maganang kumain si Kert ay nahahawa ako sa kanya kaya naman tag-tatlong pack lunch ang naubos namin at parang hindi na ako makakatayo mula sa kinauupuan ko.
"Whooh! Solve na naman si Kert. Nabusog ka ba, Doctora Ganda?" baling nito sa akin matapos niyang uminom ng tubig.
"Oo. Ang lakas mo kasing kumain, nahahawa ako sa'yo."
"Sus. Aminin mo na Doctora, PG ka rin."
Umigkas ang isang kilay ko. "PG? Ano yun?"
"Patay gutom."
Tuluyan na akong napahalakhak sa sinabi ni Kert. Ibang klase din talaga ang batang 'to. He never failed to make me laugh.
"Mapagbiro ka talagang bata ko." Ginulo ko pa ang buhok ni Kert pero hindi naman ito nagreklamo, bagkus nagpa-cute pa ito sa akin nang biglang lumapit sa amin si Wadji.
"Iliana, fix your things. Nandyan na ang sundo natin sa labasan." ani ni Wadji habang yakap-yakap ang pang-BP nito.
"Sige. Susunod ako." tinanguhan lang ako ni Wadji bago kami nito talikuran ni Kert.
"Aww. Uuwi na nga pala po kayo, Doctora. Hindi na ako makakakita ng magandang dilag na tulad mo araw-araw." malungkot na sambit ni Kert kaya naman nginitian ko ito.
"Magkikita pa naman tayo. Malay mo isang araw magkasalubong tayo bigla."
"Mamimiss kita Doctora at ang pagsabay ko sa'yo ng pagkain. Sumama na lang kaya ako sa inyo para may kausap ko naman?"
Napapailing na umiwas ako ng tingin sa kanya. "Sira. Mag-aral ka na lang ng mabuti at tulongan mo ang parents mo."
"Basta Doctora, kapag twenty-five na ako at wala ka pa ring boyfriend, liligawan kita." aniya.
"Baka uugod-ugod na ako 'non?"
"Edi aalagaan na lang kita."
Nakagat ko na lamang ang pang-ibabang labi ko at saka tumayo mula sa kinauupuan ko. Inalis ko ang suot kong relo na regalo pa sa akin ni Mommy at saka ko ito inabot kay Kert.
"Ito remembrance para hindi mo ako makalimutan." iniabot ko kay Kert ang relo ko at nanglaki ang mga mata niya.
"Hala? Seryoso ka Doctora? Totoo ba ang mga bato nito?" gulat na gulat na bulalas niya.
"Depende. Bakit? Balak mo bang ibenta 'yan? Pwede ka nang bumili dyan ng sariling subdivision." pagbibiro ko rito pero lalo lang lumaki ang mga mata ni Kert.
"Hindi po. Akin na 'to, iingatan ko po ito tulad ng paghanga ko sa'yo, Doctora." Ibinulsa nito ang relo na binigay ko kaya naman ginulo ko ang kanyang buhay.
"Magpakabait ka ha? Salamat sa tatlong araw na pagsama sa akin."
"Naks. Isang I love you muna Doctora, para maganda naman ang paghihiwalay natin?"
"Baliw."
Natawa pa kaming dalawa ni Kert at saka ko siya iniwan pero nagpresinta pa ito na tutulongan niya ako sa pagligpit kaya hindi na ako umangal.
Napabilis ang pag-linis namin ng aming mga gamit dahil tinulungan rin kami ng mga tanod at ni Kapitan.
Nang maisaayos na ang lahat at wala na kaming naiwan na gamit, hinarap si Jerro si Kapitan.
"Maraming salamat ho sa mainit na pagtanggap ninyo sa amin, Kapitan," nakangiting sabi ni Jerro.
"Naku, wala 'yon Doc. Ako nga ho dapat ang magpasalamat sa inyo dahil alam ninyong sikat na delikado ang lugar namin pero sumuong pa rin kayo. Salamat ho sa pagpapaunlak sa aking hiling na magkaroon ng medical mission dito sa aming baranggay."
"Wala 'yon, Kapitan. Hindi naman ho namimili si Jerro eh." sabat naman ni Hannah para matawa ang lahat dahil totoo naman ang sinabi ni Hannah.
Walang pinipiling tao o lugar si Jerro basta ba makasilbi kami ng libre sa mga tao.
"Paano ba 'yan, Kapitan? Aalis na po kami. Maraming salamat ho ulit."
"Ingat kayo pauwi."
Isa-isa kaming kinamayan ni Kapitan at ang iba pang tanod ay pinasalamatan namin. Lumapit naman si Kert sa akin at ibinuka nito ang kanyang braso na tila gusto nito ng yakap mula sa akin.
"Ayaw mo ng I love you, Doctora Ganda, yakap na lang-- aray! Tay naman?"
Binatukan ni Kapitan ang anak nitong saksakan ng pilyo.
"Tumigil ka ngang bata ka. Nakakahiya ka." bumaling sa akin si Kapitan at saka ako nginitian ng magaan. "Pasensya ka na sa anak ko, Doctora, maloko lang talaga 'to."
Marahan akong umiling. "No Cap, malaki ho ang naitulong sa akin ni Kert kaya yayakapin ko na lang po siya."
Lumapit ako sa bata at saka siya niyakap ng mahigpit. "Huwag kang masyadong maloko at mag-aral kang mabuti."
"Oo naman Doctora, inspirasyon kaya kita. May pesbuk ka ba?"
Pagak akong tumawa. "Wala. Hindi ako mahilig sa social media."
Bumusangot ang mukha ni Kert pero agad ring napawi 'yon. "Di bale, meron naman po kayong iniwang kayamanan sa akin. Iingatan ko po 'yon."
Humiwalay na ako ng yakap kay Kert at saka muling ginulo ang buhok nito sa huling pagkakataon.
"Paalam na."
"Mali, Doctora, dapat see you soon."
"Ewan ko sa'yo."
Hinatid kami nina Kapitan hanggang sa labasan ng kanilang baranggay at naghihintay sa amin ang van na pagmamay-ari ni Jerro.
Nauna na akong pumasok at umupo sa likurang bahagi ng driver at umupo naman sa tabi ko si Hannah habang si Wadji ay nasa likuran ko at ang iba pa naming kasama ay nagkani-kaniya nang pwesto.
Sa huling pagkakataon, nagpaalam si Jerro bago umandar ang sasakyan na kinalulunaran namin. Sumandal ako sa salamin at ipinikit ang mga mata ko nang magsalita si Hannah sa tabi.
"Close yata kayo ng anak ni Kapitan?" usisa nito kaya naman muli akong napadilat.
"Maloko lang si Kert pero mabait naman tyaka malaki ang naitulong niya sa akin pagdating sa pagkain. Sobrang gana niya kasing pagmasdan kaya pati ako ay nahahawa."
"Dapat pala sinama natin ang batang 'yon kapag meron tayong medical mission para hindi ka nalilipasan ng gutom."
Natawa na lang ako sa sinabi ni Hannah. "Ano ka ba? Nag-aaral pa yun si Kert at baka nga nasa junior high pa lang 'yon."
Nagkibit-balikat na lamang si Hannah at doon na tuluyang namayani ang katahimikan sa amin dahil pare-pareho kaming pagod.
Makalipas lamang ang ilang minuto, inisa-isa naming hatid ang mga kasamahan namin sa kani-kanilang bahay at ang naiwan ay kami na lamang ni Jerro dahil magkapit-bahay lang naman kaming dalawa.
Nang huminto ang van sa harap ng mansyon nang mga Lawford, kinuha ko na ang gamit ko at akmang bababa na ako nang magsalita si Jerro.
"Iliana..." Nakapangalumbaba lang si Jerro sa tabi ng bintana at hindi man lang ako nito nilingon.
"Ano 'yon?"
"Wala. Magpahinga ka na."
Nagsalubong ang kilay ko pero hinayaan ko na lang si Jerro at hindi na siya inusisa pa kaya naman bumaba na ako ng sasakyan at saka nagpaalam sa kanya at sa driver na kasama niya.
Nang lumipat sa kabilang bahay ang sasakyan ni Jerro, pumasok na ako sa malaking bahay ng Lawford. Sinalubong pa ako ng tahol ng doberman ni Daddy pero hindi ko na lang ito pinansin. Hindi naman ako mahilig sa aso dahil maingay sila, sa pusa naman allergic ako sa balahibo 'non.
Pagpasok ko sa main door, bumaling ang mukha ko sa kaliwa nang matanggap ko ang isang malakas na sampal mula sa isang babae na ilang araw kong hindi nakita.
"Where have you been for the past weeks Iliana Lawford!?" ang istriktang mukha ni Mommy ang sumalubong sa akin.
She's Purple Lawford, my mother.
"From a medical mission, kasama ko si Jerro." malamig na sagot ko kay Mommy nang unti-unti kong inayos ang pagkakatayo ko at hinarap siya.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na sa hospital ka natin magtrabaho pero anong ginagawa mo!?" Nagpipigil itong sigawan ako pero wala akong pakialam sa kanya.
She's been like this since I was a child.
"And how may times do I have to tell you that I don't to bury myself inside that building. Sinunod ko na ang gusto mo na maging doctor imbes na maging piloto. Pati ba naman pagtatrabaho ko ay kokontrolin--"
Hindi na natuloy ang pagsagot ko sa kanya nang sa kaliwa ko namang pisngi lumagapak ang palad niya.
Tangna! Sampal mag-asawa.
"You! You don't have the right to answer such trashy nonsense of yours. I know what's best for you so you should obey me and do what I said."
"Ma!"
Isang malamig na tono ang nagsalita mula sa likuran ko kaya natigilan si Mommy. Dumating ang nakatatanda kong kapatid na si Kuya Eli.
"Tsk! We're not done yet, Iliana!" tinalikuran kami ni Mommy at saka ito nagmartsa papunta sa hagdan at tinahak ang ikalawang palapag ng bahay namin.
Naramdaman ko na lang ang pag-akbay ni Kuya sa akin at saka niya ako iginiya patungo sa magarbo naming hagdanan.
'Welcome home, Iliana.'