ILIANA'S POV:
--
SUMAPIT ang alas otso ng gabi, agad kaming inanyayahan ni Kapitan Salcedo na magsalo-salo sa hinanda nilang pagkain sa amin. Busog na sana ako kaso mahirap tanggihan ang mga taong nagpapakita sa amin ng kabaitan.
Sa isang mahabang mesa inilatag ang ilang piraso ng dahon ng saging at saka inilagay sa gitna no'n ang kanin, iba't-ibang klase ng ulam tulad ng pritong isda, tuyo, lechon. Mga lamang-dagat tulad ng alimango at hipon, meron ding papaya at pakwan bilang panghimagas.
Sa pangunguna ni Kapitan Salcedo, nanalangin ang lahat at nagpasalamat sa pagkaing ipinagkaloob sa amin at makalipas ang ilang minuto sabay-sabay na silang kumain.
"You don't want to dig in?" untag sa akin ni Jerro na may hawak na plato at naglalaman 'yon ng pagkain na kinuha nito mula sa mesa.
"Busog pa ako eh." nahihiyang sambit ko kay Jerro.
"Tss. Kumain ka ng marami."
Bago pa man ako makaangal, kinuha ni Jerro ang kamay ko at inilapag doon ang platong hawak niya.
"Eat."
Tinalikuran ako nito matapos niyang sabihin 'yon at saka nakisalamuha sa mga taong kasama namin. Wala akong nagawa kundi ang bumalik sa pwesto ko kanina at kahit busog na ako pinili kong kumain ulit.
"Hello, doktora," Isang binatilyo ang lumapit sa akin at naupo ito sa katabi kong silya na inukopa ni Hannah kanina. Mayroon siyang hawak na plato at tulad ko ay naglalaman 'yon ng kanin at ulam.
"Hello," ganting bati ko rito.
"Doctora, bakit ang ganda niyo po?"
Nagsalubong ang kilay ko sa biglaang sambit nito tungkol sa panlabas na anyo ko.
"Yun ba ang nakikita mo?" usisa ko sa kanya.
Nakakamay lang siyang kumain pero ang sarap niyang tignan dahil magana siyang sumubo at parang nahahawa ako sa kanya kaya hindi ko namamalayan na napaparami ang kain ko.
"Opo. Unang tapak niyo pa lang po rito sa lugar namin, naagaw niyo na po ang atensyon namin. Dati po ba kayong dyosa?"
Pagak akong tumawa dahil sa kainosentehan niya lalo na sa pag-uusisa akin.
Maraming nagsasabi na mukha raw akong manika although 5'5 ang height ko at dalawampu't-pitong taong gulang na ako pero hindi halata sa maliit kong mukha, mahahabang pilik mata, mapupulang pisngi at labi at higit sa lahat kulay berde ang aking mata.
Minana ko kay Daddy ang mata ko dahilan para lalong maka-agaw pansin ang itsura ko. Maganda kasi ang lahi ng Lawford.
"Hindi ako dyosa, Totoy. Tao lang ako na pinagpala ng ganitong itsura." tipid na sagot ko.
Naunang matapos sa akin ang binatilyo pero hindi pa rin ito umaalis sa tabi ko at hinihintay niya akong makatapos.
"Kert Jasper po ang pangalan ko." aniya na siyang ikinatango ko. "Mayaman po ba kayo Doctora? Base po kasi sa pananamit, kilos, pananalita at sa kutis niyo mukha po kayong mayaman."
Napalunok ako ng laway sa naging tanong ni Kert Jasper. Wala namang masama sa tanong niya pero kasi tinaguriang nakakatakot na lugar ang Tondo at target nila ang mayayamang tulad namin.
"Ang magulang ko lang pero ako? Hindi ako mayaman. Alam mo bang hindi talaga ang pagdo-doktor ang pangarap ko?"
"Ano po dapat?"
"Gusto kong maging piloto at libutin ang buong mundo."
Napatitig ako kay Kert Jasper at gumuhit sa kanyang mukha ang pagkamangha.
"Yan po ba yung nagpapalipad ng eroplano?"
Sumilay ang ngiti sa aking labi bago ibinaling sa kawalan ang aking paningin.
"Oo. Pangarap ko ring maranasang lumipad sa ere nang walang pag-alinlangan, yun bang may kalayaan sa mga bagay na gusto kong gawin."
Kumislap ang lungkot sa mga mata ni Kert habang nakatingin ito sa akin.
"Kaya po ba may bahid ng lungkot sa inyong mga mata dahil hindi mo po gusto ang meron ka ngayon?"
Nawala ang ngiti sa aking labi at umiwas ng tingin sa bata.
Kakaunti lang ang nakakapansin sa pagbabago ng emosyon ko. Kadalasan, blangko lang ang ibinibigay ko pero hindi ko akalain na masisilip ni Kert ang sikretong itinatago ko.
Inabot ko ang ulo ni Kert at ginulo ng marahan ang kanyang buhok. "Bata ka pa para malaman ang mga bagay-bagay, Kert. Kung ano ang nakikita mo sa mga mata ko, wala 'yon."
Napanguso na lamang ang binatilyo sa aking tinuran at akala ko ay tatahimik na siya pero muli itong nagsalita.
"Huling tanong na Doc," aniya.
Binawi ko ang aking kamay mula sa pagkakahawak sa kanyang ulo at pumangalumbaba habang kaharap siya.
"Ano 'yon?"
"May kasintahan ka na po? Kung wala pa pwede mo ba akong hintayin hanggang umabot ako sa edad na dalawampu't lima?"
Sumilay ang ngisi sa aking labi. "Ang totoo niyan wala akong kasintahan. Malay mo ikaw ang nakatakda sa akin?"
Humagikhik si Kert sa kanyang kinauupuan at parang dalaginding na kinikilig.
"Ikaw Doc, ha? Mapagbiro ka. Baka totohanin ko po 'yang sinabi niyo?"
Napakamot na lamang ako sa aking noo at tumayo mula sa aking kinauupuan dala ang plato na binigay sa akin ni Jerro. Wala nang laman yun at puro buto na lang.
"Ikaw ang bahala. Ang mabuti pa umuwi ka na dahil lumalalim na ang gabi." utos ko rito.
Sumaludo sa akin si Kert at saka siya sumabay sa akin pabalik sa mesa at inilapag ang aming mga plato. Katulong pala si Kert sa paghahanda ng pagkain para sa amin at anak pala siya ng Kapitan.
Iniwan ko na sila doon at saka ako lumapit sa tent ko para kumuha ng pamalit. Paglabas ko, ang bulto ni Hannah ang sumalubong sa akin.
"Sabay na tayong maligo sa bahay ni Kapitan? Kinikilabutan ako sa paligid eh." nahihintakutang bulong nito sa akin.
"Sige. Tara na."
Nagpaalam kami ni Hannah sa mga kasama namin at pinasama ni Kapitan ang anak niyang si Kert. Sa isang eskinita kami dumaan at halos napapatingin sa amin ang ilang tambay na nag-iinuman kaya naman napakapit sa aking braso si Hannah.
"Magandang gabi, Doktora. Saan po ang punta ninyo?" usisa ng isang may edad na lalaki. Wala itong suot na damit at nakasampay lamang yun sa kanyang balikat. Meron pa itong apat na lalaking kasama at sa gitna nila ang isang maliit na mesa na merong pitsel, baso at bote ng gin bilog.
"Sa bahay po nina Kapitan, mukhang nag-eenjoy po kayo ah?" Lakas loob na sambit ko gayong kinukurot na ako ni Hannah dahil sa takot nito.
"Ganun ho talaga ang buhay dito Doctora. Bukod sa alak, wala na ho kaming ibang mapagkakaabalahan. Ingat ho kayo at kung sakaling may kumanti ho sa inyo, isigaw niyo lang ho ang pangalan namin. Dadating po kami."
Marahan ko silang tinanguhan. "Sige ho."
At saka kami nagpatuloy nina Hannah sa paglalakad.
"Si Mang Tiago, isa sa mga siga ng Tondo. Walang sinuman ang makakapasok dito nang hindi dumadaan sa kanila." ani ni Kert habang nakapamulsang naglalakad.
"Hihimatayin ata ako sa ginagawa mo Iliana." nanginginig na sambit ni Hannah habang yakap-yakap pa rin nito ang braso ko kasama ang piraso ng damit na dala niya.
"Ano ka ba? Walang masamang mangyayari sa atin dito. Mababait ang tao rito, diba Kert?"
"Opo. Pero depende po sa uri ng tao na makikita namin."
Nagkibit-balikat na lang ako at makalipas ang ilang minuto ay narating namin ang bahay nina Kapitan. Gawa 'yon sa semento at mukhang ito lang ang matinong bahay bukod sa mga pinagtagpi-tagping yero at plywood na mga bahay na nadaanan namin.
Pagkapasok namin sa bahay nina Kert. Si Hannah ang unang gumamit ng banyo kaya naman naiwan ako sa sala habang si Kert naman ay dumiretso sa kanyang kwarto dahil may kukunin daw ito.
Sa totoo lang, isang squatter area ang pinasok namin dahil nakiusap kay Jerro ang Kapitan ng kanilang baranggay na magsagawa ng medical mission sa kanilang lugar. At dahil wala namang pinipiling lugar si Jerro, agad siyang sumang-ayon at mabuti na lamang ay isinama niya ako dahil kung hindi baka nagkukulong na naman ako sa aking kwarto.
Mula nang makapagtapos ako sa kursong medisina, hindi ako napilit ng mga magulang ko na magtrabaho sa Lawford Hospital na mismong pamilya namin ang may-ari. Sa pagkakaalam ko, hindi sila tumatanggap ng mahihirap gayong patas lang naman ang estado ng tao sa mundo.
Sadyang mapagmataas lang ang angkan na pinagmulan ko at ako lang ang nalihis ng landas. Kung siguro pinayagan ako ni Daddy na maging piloto, baka nalibot ko na ang buong mundo o kaya pinili kong manirahan sa alapaap habambuhay.
Sumandal ako sa sofa na kinauupuan ko habang yakap-yakap ang damit pamalit ko. Iginala ko na lamang ang aking paningin sa buong sala at tahimik na nagmumuni-muni.
Simple lang ang buhay na meron sina Kert at mukhang masaya sila sa lugar na kanilang pinili.
"Binibini... maaari bang ako'y iyong pansinin..."
Nakarinig ako ng munting tunog ng gitara at paglingon ko, ang pormadong si Kert ang bumungad sa akin at natawa ako sa kanyang itsura. Mukha siyang trying hard na matanda.
Meron itong suot na pekeng balbas, itim na sumbrero sa pangangabayo, puting polo at itim na pantalon.
Lumapit sa akin si Kert at inabutan niya ako ng rosas at hindi ko alam kung saan niya ito kinuha.
"Aalayan ka ng isang awitin...
Nagbabakasakali na ika'y maangkin...
Sa bawat kataga na aking iaalay...
Buong puso ko'y ibibigay...
Makamit lamang ang iyong pagsinta..."
"Ayos ba Doctora?" nag-pogi sign pa si Kert sa harapan ko kaya naman tuluyan na akong natawa.
"Ang benta ng porma mo, ah? Alam mo bang ikaw ang unang lalaking nagharana sa akin? Hindi ko alam na uso pa 'yan sa inyo?"
Inilapag ni Kert ang kanyang gitara sa single couch at saka ito naupo sa tabi ko.
"Sabi kasi ng teacher ko dati mas maganda raw na kantahan ang babaeng gusto mo at mukhang epektibo naman dahil napangiti kita, Doctora."
"Salamat, Kert."
"Wala 'yon Doctora. Sadyang mapag-obserba lang po akong nilalang at kanina ko pa po napapansin na kahit nakangiti ka habang kausap ang mga pasyente mo, hindi umaabot sa 'yong mata ang galak na ipinapakita mo sa 'yong labi."
"Ang mature mo mag-isip, no? Swerte ng babaeng mamahalin mo."
"Opo naman. Kaya hintayin mo ako."
Napahalakhak na lang ako dahil sa kakulitan ni Kert. Nang matapos si Hannah sa pagligo, ako naman ang sumunod at siya namang pumalit sa akin para usisain ang binatilyo tungkol sa kanilang lugar.
Akala ko tuluyan na akong nawalan ng emosyon pero sa simpleng paghaharana lamang ni Kert ay nawala ang aking pangamba na sa lilipas na araw ay muli akong babalik sa mansyon ng Lawford.