BAGO maghatinggabi ay naibigkis na ni Caroline at ng staff niya ang mga waterlily. Naitusok na rin sa mga iyon ang mga dahon ng palmera at fish tail. Inaayos na niya ang mga bulaklak na itutusok din sa pagitan ng mga dahon habang si Megan naman ay nagsisimula na sa paggawa ng mga bulaklak para sa entourage.
Kung hindi nila talaga tutulugan ang paggawa niyon ay matatapos sila bandang alas tres. Matagal na rin ang oras na iyon lalo at bihasa na silang lahat sa paggawa niyon. Matutulog lang sila nang kaunti at bukas ay ang paglalagay naman ng mga iyon sa puwesto ang gagawin nila. Bukas ay haharapin din niya ang paggawa ng bridal bouquet. Lagi na ay huli niyang ginagawa iyon. Walang kaso kung puyat man siya at pagod ng nagdaang gabi. Pakiramdam niya, basta bridal bouquet na ang ginagawa niya ay inspiradong-inspirado siya.
She was already twenty-eight. Sa kabila nang madalas na makakontrata siya ng flower arrangement sa mga kasal kaysa birthdays at ibang okasyon, hindi naman niya maisip kung bakit wala siyang love life. Mabuti pa si Megan. Bagaman anim na taon ang kabataan nito sa kanya ay hindi yata lumalagpas ang tatlong buwan at nagkakaroon uli ito ng boyfriend.
Hindi naman siya naiinggit pero minsan ay naiisip din niya kung bakit nga ba wala pa siyang boyfriend hanggang ngayon. Sigurado naman siya sa kanyang sarili na normal siyang babae. In fact, nagkaka-crush din naman siya. Buhat nang mapanood niya si Vin Diesel sa The Fast and The Furious, kinalimutan muna niya sandali si Tom Cruise at ito muna ang pinapantasya niya.
She also had a boyfriend. Pero matagal na iyon. College days niya at matapos ang dalawang taong relasyon dahil gusto nila kapwa na maging malaya, wala nang naging kasunod pa si Daniel sa buhay niya.
Pana-panahon din ang dating ng mga manliligaw sa kanya. May panahong dinadagsa siya ng atensyon ng mga lalaki, mayroon din namang pagkakataon na siya na itong kabado na baka nalipasan na siya ng s*x appeal.
Iniisip niya tuloy kung mabuti pa kayang isa sa mga nanligaw sa kanya noon ay sinagot na sana niya. Pero mabilis din niyang idinidipensa ang sarili. Na kaya nga wala siyang sinagot sa mga iyon ay dahil wala nga siyang maramdaman sa mga ito kaunti mang atraksyon.
She just wished she would fall in love soon.
May mga pagkakataong naiisip din niya na mas masarap siguro ang magiging pakiramdam kung bridal bouquet para mismo sa sarili niya ang gagawin niya. Malamang ay pawang red roses ang mga iyon. Bukod sa magaganda ang binhi nila ng red roses sa farm, paborito niyang talaga ang bulaklak na iyon. Isa pa, nais niyang magsuot ng wedding gown na puting-puti. Nakikita niyang magandang contrast ang red roses bouquet sa white wedding gown.
Ang mga abay niya ay pagsusuutin niya ng red wine gown. At puting mga rosas naman ang gagawin niya bilang bouquet ng mga ito. The church would be filled with white and red anthuriums. At imbes na tulle lace ang iaadorno niya sa aisle ay organza at satin ang gagamitin niya.
Ang reception ay pupunuin niya ng calla lilies na may kasalit na iba’t ibang klase ng bulaklak. She wanted every flower in that season. At titiyakin niyang pinakaespesyal sa lahat ng flower arrangement na ginawa niya ang magiging bulaklak niya sa kanyang kasal.
Isang maluwag na paghinga ang ginawa niya at napangiti. Ang totoo ay hindi na bago sa kanya ang ganitong takbo ng kanyang isip. Wala nga siguro siyang love life sa ngayon pero sa isip niya ay buong-buo na ang kanyang plano para sa kanyang kasal.
“Pareho na rin ba ang corsage sa mothers at saka sa mga ninang?” lapit sa kanya ni Megan.
Tumango siya. “Wala namang ibang ibinigay sa atin na instruction si Jenna. Understood nang pareho na rin ang mga iyon. Iyong para sa mga abay, natapos mo na?”
“Yeah. Nasa ref na uli para hindi malanta. Pagkatapos ng mga boutonniere ng mga male entourage, gagawin ko na iyong para sa maid-of-honor. Alam mo namang hinuhuli ko ang paggawa niyon.”
“Baka makalimutan mo, miniature iyon ng bridal bouquet,” paalala niya dito.
“Oo na. Nasa mesa ko na iyong sample picture. Pang-ilang beses na rin naman nating gagawin ang ganoong style ng bouquet.”
“Good. Mukha namang maaga tayong makakatapos. Mabuti at maaga tayong mapapahinga.”
“Si Papa, tulog na. Makikipagkuwentuhan pa sana sa iyo nang bumalik kaso nakitang busy ka. Baka bukas na lang.”
“We’ll eat breakfast together. Bukas na lang makabawi.”
“Iyon nga din ang sabi ko sa kanya.”