“MAGANDA naman ba ang takbo ng flower shop mo, Carol?” tanong sa kanya ng ama habang magkakaharap sila sa almusal.
Masaya siyang tumango. “Nakabuti na nagkakilala kami ni Jenna, Pa. Iyong sinasabi ko noon sa iyong wedding planner. Official supplier ako ng Perfect Wedding, iyong shop niya. Sa mga kontrata ko pa lang buhat sa kanya, buhay na itong shop puwera pa iyong mga walk-in clients namin dito at dati nang suki.”
“Tama naman pala ako sa desisyon kong huwag galawin itong bahay natin dito sa Maynila. Kung nagkataong umuupa ka, malaking gastos din iyon. Isa pa, wala kang makikitang ganito na halos bodega mo na rin ng gamit.”
“Correct ka diyan, Pa. Ang suwerte nga daw namin at maganda na ang lokasyon nitong flower shop, nagkataon pang atin ito,” wika naman ni Megan. “Hehe, kung alam lang nila, halos wala kaming puhunan sa mga bulaklak. Basta galing sa farm ang bulaklak na ginagamit namin dito, kulang na lang ay hindi kami magbayad sa sobrang mura ng kuha namin. Sa tuos namin ni Ate, halos pang-krudo lang ng truck ang halaga ng kinukuha naming bulaklak.”
“Ayos lang iyon. Para sa inyo namang magkakapatid ang farm kaya hindi na kailangang mahalan pa kayo ng presyo. Nakakabawi naman ng puhunan kapag nagbabagsak sa Dimasalang.”
“Kung umuupa siguro ako ng shop tapos iyong titirhan pa namin dito ni Megan, baka hindi kami makaipon. Siguro, hindi ko na rin gugustuhing magtayo ng flower shop dito. Baka tumulong na lang ako sa inyo sa farm.”
“Sayang ang talento ninyo sa pag-aayos ng bulaklak. Tama lang na meron kayo nitong shop. Mahalin ninyo itong negosyo, lalo ka na, Caroline,” payo nito.
“Of course, Pa. Kanino ko pa ba matututunan iyon kundi sa inyo din. Minana ninyo pa sa mga lolo ang farm. Bata pa ako, nakikita ko na kung paano ninyo paunlarin ang farm na iyon. Dati-rati, carrots ang nakatanim doon. Kayo ang nag-convert niyon para maging flower farm.”
“Suwerte nga at naging maganda naman ang resulta. Lahat ng pagsisikap ginagawa ko para sa inyong magkakapatid. Malungkot nga lang at nawala na ang mama ninyo.”
Tila awtomatiko ang naging paglungkot ng mukha niya. Bagaman tatlong taon nang namayapa ang kanilang ina, naaapektuhan pa rin sila ng lungkot basta nabanggit ito. At ang kalungkutang iyon ang tila lumutang sa hangin.
“Wala na tayong magagawa, Pa. Wala naman sigurong may gusto na magkaroon siya ng breast cancer. Siguro consolation na natin na tumagal pa ng dalawang taon ang buhay niya after a series of chemotheraphy.”
“Akala ko pa naman, maliligtasan niya ang remission,” ani Megan.
“Pa, cheer up!” encourage niya sa ama. “Isipin na lang natin na bonus na rin iyong dalawang taon na naging extension ng buhay ni Mama para makasama pa natin siya. Iyong iba nga, ni hindi natatapos ang chemo at bumibigay na. Naipakita rin naman sa atin ni Mama na hindi pa niya tayo gustong iwan. Iyon nga lang, hindi naman natin hawak ang mga buhay natin. Binabawi iyan ng Diyos sa panahong itinakda na.”
Ngumiti ang kanyang ama subalit mas bakas pa rin sa anyo nito ang lungkot. “Nami-miss ko pa rin ang mama ninyo.”
“Kami din naman. Don’t be sad, Pa. Sabi mo nga, kambal ang magiging anak ni Kuya Vic. Mapupuno na ang oras mo pagdating ng dalawang bata. Kami din siguro ni Megan, basta may pagkakataon, uuwi kami para makita ang mga bata. Unang apo yata ang mga iyon at kambal pa! Mabuti na lang at nalahian tayo ng kambal.”
“Pero hindi ko rin maiwasang isipin, kung nandito lang ang mama ninyo—”
“Wala na ang mama. Malay natin, kaya naging kambal ang magiging apo ninyo para makabawi sa absence niya. Ganoon na lang ang isipin natin, Pa. Mas malungkot kasi kung magpapaapekto tayo palagi sa pagkawala ni Mama. I’m sure, ayaw din ni Mama na ganoon ang maramdaman natin.”
Isang pagbuntong-hininga ang ginawa nito at sinaid na ang kape. “Bibiyahe na kami. Mahirap din namang tanghaliin sa daan. Baka mahal na ang singilin sa amin ng may-ari ng truck.”
Mabilis na tumayo si Megan at dinampot ang maliit na basket. “Baon ninyo, Pa. Pinuno ko na ng bagong kulong kape ang thermos ninyo. Meron din diyang kanin at ulam. May sandwich na rin akong inihanda para tamarin man kayong huminto ng biyahe ay mayroon kayong nangunguya.”
Inilabas na rin niya ang inihanda niyang pera. “Heto, Pa, pambayad sa extra charge ng inarkila ninyong truck. Pinasobrahan ko na rin iyan para sa inyo. Sabihin ninyo kay Kuya Vic, kung kakapusin siya sa panganganak ni Ate Mina, tumawag lang dito. Para sa atin namang lahat ang iniipon namin ni Megan. Saka itong flower shop, negosyo ito ng pamilya. Hindi lang para sa aming dalawa dito.”
Bumaba ang tingin ni Mang Delfin sa inaabot niyang pera. “Marami yata iyan, anak. Baka kayo naman ang kapusin dito.”
“Naku, hindi! May masisingil pa nga kami mamaya pagkatapos ng kasal. Sige na, dalhin ninyo na. Alam kong mababa ang presyo ngayon ng bulaklak sa market kaya hindi rin gaanong sulit ang biyahe. Ang taas pa mandin ng krudo.”
Nang tanggapin iyon ni Mang Delfin ay nakita niyang namasa ang mata nito. “Salamat. Mag-iingat kayo palagi.” At niyakap na silang magkapatid.
NANG makaalis ang ama ay nagtuloy na rin sila sa simbahan. Hati sila ng duty ni Megan. Ibinigay lang niya ang final instruction dito at iniwan na niya. Si Megan na ang bahala sa lahat pati sa pag-aasiste sa entourage kung magkakaproblema man sa bulaklak. Ang iba ay ipina-deliver na nila sa hotel kung saan bababa ang bride upang maisama sa video at picture-taking ang mga iyon.
Tumuloy na si Caroline sa reception. Mas marami pang gagawin doon. Mas mabusisi din ang trabaho sapagkat ipinasa na rin sa kanya ni Samantha ang skirting ng mga mesa. Alam naman niya ang gagawin kaya hindi siya nag-aalala. Iyon nga lang, alam din niyang kakain ng maraming oras ang trabaho kaya hindi na siya dapat na magpaantala pa.
Iniwan na niya kay Megan ang kotse at sumakay na sa naghihintay na elf truck sa kanya. Doon nakasakay ang marami pang bulaklak at iba pang paraphernalia na gagamitin niya sa pag-aayos ng reception.
At habang patungo sa resort kung saan idadaos ang reception, minsan pa ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Jenna. Nasa mismong hotel ito at nakaantabay sa iba pang pangangailangan ng kliyente nila. At kabisado na rin niya ito na hangga’t hindi tapos ang okasyon, hindi rin ito matapos-tapos sa pagtawag sa mga wedding girls para masigurong walang palpak ang kanilang trabaho.
“Papunta na kami sa reception,” wika niya dito. “Iniwan ko na si Megan sa simbahan. May dalawa siyang alalay doon. You have nothing to worry. May mga staff din akong kasama. Magtatagal lang kami nang kaunti sa skirting ng presidential table but other than that, madali na ang lahat. Ready na ang mga flowers. Ikakabit na lang sa dapat paglagyan.”
“Nice to hear that,” nasisiyahang sabi ni Jenna. “I hear a lot of praise sa trabaho natin. Naamoy kong may mga kasunod pa tayong magiging kliyente buhat sa client ko na ito.”
Napangiti siya. “Mabuti naman kung ganoon. Nasa client naman talaga ang buhay ng negosyo natin.”
“See you later, Carol. We’ll have a night out after this wedding. Kailangang ma-relax naman ang mga wedding girls. Treat ko.”
“Mukhang binigyan ka na agad ng tip,” biro niya dito.
“Hindi pa naman pero malamang ay mayroon maski paano. Isa pa, kilala ninyo naman ako. After a hard work, hindi puwedeng hindi tayo makakapag-relax kahit sa Starbucks man lang.”
“Alright!” nasisiyahang sabi niya. “Isang frapuccino lang naman ang katapat ko.”
Malapit na sila sa resort nang matapos ang pag-uusap nila ni Jenna. Nang huminto ang elf, mabilis na rin ang naging kilos nila ng staff niya. Wala siyang problema sa staff niya. Alam ng mga ito ang gagawin. Bago pa lang umalis sa shop ay nabigyan na niya ng briefing ang mga ito at naibigay na rin niya ang kani-kaniyang trabaho.
Pero hindi siya ang amo na basta na lang tatayo at magmamando. Kapag alam niyang mayroong pang dapat gawin at okupado ang staff niya, kumikilos siya upang akuin na iyon.
Mahigit isang oras bago ang nakatakdang oras ng kasal ay areglado na ang lahat. Nainspeksyon na niya ang gazebo at pillars kung matatag ang pagkakatayo ng mga iyon. Ang cake table na nakapuwesto sa gitna at tiniyak din niyang maayos ang pagkakalagay lalo na nag ipatong ng staff ni Imee five-layer cake na ginawa nito bilang baker ng Perfect Weddings.
Natiyak na rin niyang tama ang pagkakaadorno ng tulle lace upang hindi makapatid sa mga bisita. Napasyalan na niya ang bawat mesa at nabusisi ang bawat flower arrangement. Na-retouch na rin niya ang mga dapat na pagtuunan ng pansin.
Tinawagan na rin niya si Megan upang matiyak na wala na ring problema sa iniwan niya dito.
“Everything’s okay!” assurance sa kanya ng kapatid. “Wala ka nang dapat ipag-alala. Relax, Ate. Take a deep breath.”
Napangisi siya. “Kung magsalita ka, para bang ako ang ikakasal. Florist lang tayo sa okasyon na ito, ‘no?”
“Aba, kung walang florist ang isang kasal, ano ang magiging itsura? Ang bride, kahit pagkamahal-mahal pa ng isusuot niyang gown, balewala rin kung wala siyang bouquet. Importante tayong mga florist.”
“Oo nga. At importante rin na matino ang trabaho natin.”
“Hindi ko nakakalimutan iyan. Siyangapala, Ate, pagkatapos nitong kasal, lilibre na ako, ha?”
“May date ka na naman?”
“Inaaya ako ni Marvin na manood ng sine.”
“Marvin? Sino naman iyon?”
“Bago kong bf. Ikaw naman, hindi na nasanay.”
“Talagang hindi. Pumirmi ka sa isang lalaki, Megan. Ang pangit tingnan na papalit-palit ka ng boyfriend.”
“I guess, for keeps na itong sa amin ni Marvin.”
“Ilang beses ko nang narinig sa iyo ang “for keeps” na iyan. Paano ang kotse?”
“Iuuwi ko na lang muna tutal uuwi naman talaga ako para mag-ayos. Don’t worry, Ate, hindi kami magpapagabi. Dinner lang then manonood ng sine. After that, uuwi na ako.”
She sighed. Hindi naman niya talaga pipigilin si Megan lalo at may wastong isip na ito. Konsolasyon na lang din niya na nagpapaalam pa ito sa kanya tungkol sa mga lakad nito. “Sige, mag-iingat ka.”