Naging Karamay
Hindi lahat ng pag-alis ay may kasamang lakas.
Minsan, takot lang pagod at kaunting pag-asa na baka, sa pagtakbo, may makitang bagong simula.
Gabi nang umalis si Ruby.
Hindi siya nagpaalam. Hindi siya nag-iwan ng kahit anong salita. Isang maliit na bag lang ang dala niya, konting pera, at ang mga alaala ng relasyong matagal na niyang gustong takasan.
“Hindi pa tayo tapos, Ruby.”
Parang multo, sinusundan siya ng boses na iyon. Ang lalaking minahal niya kahit alam niyang hindi siya ang dapat mahalin.
Kabit.
Iyon ang salitang matagal niyang tinanggap. Matagal niyang pinaniwalaan na sapat na ang ilang oras, ilang yakap, at ilang pangakong hindi naman tinutupad.
Pero hindi na ngayon.
Hindi na siya babalik sa pagiging lihim. Hindi na siya papayag na itago.
Huminto siya sa gilid ng kalsada, huminga nang malalim, at pilit pinakalma ang sarili. Nanginginig pa ang mga kamay niya, pero hindi na siya lilingon.
Kahit masakit, kahit mahirap aalis siya.
At doon niya naalala ang isang pangalan.
Lance.
Hindi sila malapit. Hindi rin sila matagal na magkakilala. Pero sa lahat ng taong dumaan sa buhay niya, si Lance lang ang hindi nanghimasok, hindi nagtanong, at hindi humusga.
Isang beses lang niya itong nakasama sa lumang bahay na minsan niyang tinuluyan, kung saan ipinakilala siya ng isang kakilala. Tahimik lang si Lance noon. Nakaupo sa gilid, hawak ang bote ng beer, at nakikinig sa kwentuhan ng iba.
Pero iba ang presensya niya.
Hindi magulo. Hindi mapilit.
Parang pahinga.
At sa gabing iyon, sa gitna ng kaguluhan ng isip ni Ruby, iyon ang hinanap niya.
Kinabukasan, naroon siya sa lumang bahay.
Hindi nagbago ang itsura nito medyo luma, may konting sira ang gate, at may halong ingay ng tawanan mula sa loob. Parang lugar ng mga taong gustong tumakas kahit saglit sa realidad.
Dahan-dahan siyang pumasok.
“Ruby?”
Napalingon siya.
Nakatayo si Lance sa may pintuan, may hawak na plastic bag na may lamang bote.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong nito, pero hindi galit nagulat lang.
“Pwede ba?” mahina niyang sagot. “Kahit sandali lang.”
Tinitigan siya ni Lance, parang sinusukat kung gaano kabigat ang dala niya.
Pagkatapos, bahagya itong ngumiti.
“Laging may space dito.”
At sa simpleng sagot na iyon, parang may bumigay sa loob ni Ruby.
Pumasok siya.
Hindi nagtagal, napuno ng kwentuhan at tawanan ang paligid. May ilang taong kilala ni Lance, may iba namang bago kay Ruby. Pero hindi na mahalaga.
Ang mahalaga hindi siya nag-iisa.
“Uminom ka,” sabi ni Lance, sabay abot ng bote.
Kinuha iyon ni Ruby.
“Sigurado ka?” tanong nito.
Tumango si Ruby.
“Kailangan ko.”
Hindi na siya pinigilan ni Lance.
Isang bote.
Dalawa.
Tatlo.
Unti-unting lumuwag ang dibdib ni Ruby. Unti-unting nawala ang bigat ng nakaraan kahit sandali lang.
“Masaya ka ba?” biglang tanong ni Lance habang magkatabi silang nakaupo sa labas ng bahay.
Napatawa si Ruby.
“Hindi. Pero mas okay kaysa kahapon.”
“Good enough,” sagot ni Lance.
Tahimik silang sandaling nakatingin sa langit.
“Bakit ka umalis?” tanong nito, hindi tumitingin sa kanya.
Matagal bago sumagot si Ruby.
“Dahil ayoko na maging kabit.”
Hindi na siya nagdagdag pa.
Pero sapat na iyon.
Tumango si Lance, parang may naunawaan.
“Ang hirap nun,” sabi nito.
“Hindi mo maiintindihan,” sagot ni Ruby.
“Siguro,” amin ni Lance. “Pero naiintindihan ko yung gusto mong umalis.”
Napatingin si Ruby sa kanya.
“At least may isang taong hindi ako hinuhusgahan,” mahina niyang sabi.
“Hindi kita kilala para husgahan,” sagot ni Lance. “Pero nakikita ko kung gaano ka kapagod.”
At doon nagsimulang maging iba ang lahat.
Lumipas ang mga araw.
At ang bahay na iyon, naging takbuhan ni Ruby.
Kasama si Lance, naging mas madali ang lahat.
May mga gabing puro inom. May mga araw na gala lang walang direksyon, walang plano. Simpleng pagtakas sa mundo.
Hindi siya tinatanong ni Lance kung saan siya galing. Hindi rin siya pinipilit magkwento.
Pero palagi itong nandiyan.
Sa bawat tawanan.
Sa bawat katahimikan.
Sa bawat pagkakataong gusto niyang sumuko.
“Ruby,” tawag ni Lance isang gabi.
“Hmm?”
“Hindi mo kailangan magmadali.”
“Sa anong bagay?”
“Sa paghilom.”
Napangiti si Ruby.
“Hindi naman ako naghihilom.”
“Pero sinusubukan mo,” sagot nito.
At sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon naramdaman ni Ruby na baka, kahit paano, may lugar pa siya sa mundong hindi siya kailangang itago.
Hindi niya napansin kung kailan siya nasanay kay Lance.
Hindi niya napansin kung kailan siya naging komportable.
Hindi niya napansin kung kailan nagsimula siyang matakot ulit.
Dahil alam niya sa bawat pagtakas, may kapalit.
At sa bawat paglapit may
posibilidad ng panibagong sakit.