"If you should die before me can you ask to bring a friend?" -- Unknown
CHAPTER 02
Friend
"BALE, graduating ka na ng college?!" Gulat na gulat na tanong ko sa kanya. "Uso ba sa iyo ang stress? Bakit parang magkasing edad lang tayo? Ang ganda mo kaya!" Singhal ko at hinaplos nang bahagya ang mukha niya.
Tumawa siya nang marahan at umiling sa harap ko, inilagay niya sa gilid ng kanyang kaliwang tainga ang iilang buhok na humaharang sa kanyang kanang mata. "Bolera ka naman!" Ngumiti siya. "Good luck sa pagpasok mo ng college. Kapag nahihirapan ka na huwag kang mahiyang humingi ng tulong sa akin." Ngumiti siya habang nilalaro-laro ang spaghetti sa plato niya.
Ang bait ni Jeah! Ayaw niyang tawagin ko siyang Ate dahil parang nakakailang daw sa kanya, hindi ko inaakalang mas matanda siya sa akin ng apat na taon at isang taon ang tanda niya kay Ate Shi. Pero mas mukha pang matanda si Ate Shi sa kanya!
Niyaya niya akong kumain dito sa Mcdo, libre raw niya pero ako raw bumili sa counter, tumanggi pa akong magpalibre pero mapilit siya kaya pumayag na lang ako, sayang din iyon. Ang dami niyang kwento sa akin iyong iba nga hindi ko na naiintindihan kasi masyado akong napapahanga sa ganda niya.
Pagpasok namin dito sa Mcdo, halos lahat ng tao nakatingin sa amin lalo na noong naglalakad kami lahat nang nadadaanan naming tao napapasulyap sa amin. Sa sobrang ganda ni Jeah lahat yata napapahanga ng kagandahan niya.
"Bakit hindi ka pa kumain?" Ubos na ang kinakain kong spaghetti pero siya hindi man lang sumubo kahit isa, panay lang ang laro niya sa bawat pasta.
"Wala akong gana." Sumulyap siya sa akin at ngumiti.
Nagpahid ako ng tissue sa bibig at ngumiti na rin sa kanya. "Bakit naman? Sayang!" Usal ko sa kanya.
Binitawan naman niya ang tinidor saka siya tumayo mula sa pagkakaupo niya. "Alis na tayo?" Naguguluhang tanong ko sabay tayo na rin.
Ngumiti siya at tumango. "May gagawin pa ako, ikaw ba?"
"Pupuntahan ko pa ang pinsan ko, gusto mong sumama?" Agad siyang umiling sa alok ko pero nakangiti pa rin siya.
"Hindi na. Sige, mag-iingat ka." Napakunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Hindi ka naman nagmamadali?" Bahagya akong tumawa at natawa na rin siya. "Sige, Jeah. Alis na ako, bye!" Ngiting paalam ko sa kanya.
Ngumiti ulit siya at inangat ang kaliwang kamay niya sabay tango sa akin. Nang naglalakad na ako paalis sa Mcdo, lahat ng tao rito ngayon nakatingin sa akin. Napakunot na lang ang noo ko at umiling.
* * *
"Ate Shi! Ang bait niya! Ipapakilala kita sa kanya mamaya!"
"Huwag ka agad magtitiwala sa kanya Zaf! Baka mamaya magnanakaw pala iyan!" Agad na napataas ang kilay ko sa sinabi niya.
"Hindi Ate!" Bahagya akong nagpalakad papunta sa kanya at hinawakan ang balikat niya. "Masyado ka na yatang stress diyan sa pag-aaral mo Ate. Kaya akala mo lahat ng tao hindi napagkakatiwalaan. Kailangan mong mag unwind para naman hindi ka masyadong stress." Hinilot-hilot ko pa ang balikat niya habang may kung ano siyang isinusulat sa module niya.
"Tigil-tigilan mo nga ako Zaf." Biglang tumayo si Ate Shi mula sa pagkakaupo niya at hinarap ako. "Lagi akong nagpapaalala sa iyo Zafania. Hindi na kita kasama baka mamaya pagalitan pa ako ng mama mo kapag may nangyaring masama sa iyo!" Singhal niya sa akin at naglakad ito papunta sa ref. Sinundan ko naman siya.
"Ate Shi, mabait iyon! Saka ako ng bahala sa sarili ko 'no!" Kumuha si Ate Shi ng dalawang boteng maliit na C2 sa ref niya at binigay sa akin ang isa.
"Pero Zaf, tatandaan mo huwag na huwag ka agad magtitiwala sa mga bagong kakilala mo."
Agad akong tumango sa kanya at ngumiti. "Oo naman Ate!"
"I-dedeliver na lang daw iyong kama mamayang ala-sais." Biglang sabat ni Kuya Lach sa amin nang naglalakad papunta kay Ate. Inakbayan niya ito saka hinalikan sa tuktok ng buhok.
"Ayan na naman kayo. Masyado kayong makeso!" Singhal ko sa kanilang dalawa at humalukipkip sa harap nila habang hawak-hawak pa rin ang bote ng C2. "Ngayon wala na ako rito baka siguro may ginagawa kayong ano 'no!?" Mariing sigaw ko sa kanila pero tumawa na lang sila at umiling.
"Ewan ko sa iyo Zaf, tara na nga punta na tayo sa unit mo baka biglang dumating iyong kama mo roon maglakad mag-isa!" Natatawang sigaw sa akin ni Kuya Lach habang naglalakad silang magkaakbay ni Ate palayo sa akin.
* * *
"Zaf, ayos lang ba iyang lambot ng kama?" Tanong sa akin ni Ate Shi.
Tinalunan ko ang kama ko nang tuwang-tuwa. "Ang lambot Ate! Salamat sa inyo ah!" Ngumiti sila ni Kuya Lach sa akin.
"Basta huwag ka lang magdadala ng lalaki rito baka mamaya- Aray naman!" Hindi na niya natuloy ang sasabihin niya nang kurutin siya ni Ate Shi sa tagiliran.
"Ay Ate! Ipapakilala ko sa inyo iyong bago kong kaibigan, diyan lang siya nakatira sa katabing unit." Sabi ko habang bumababa sa kama at nagsuot ng tsinelas.
"Sa susunod na araw na lang Zaf! Baka mamaya maistorbo mo pa iyon."
"Hindi naman Ate Shi. Sabi kasi niya katok lang daw ako-"
"Sa susunod na araw na lang Zaf, kain na tayo." Bahagya akong inakbayan ni Ate Shi. "Sa monday college ka na!" Galak na sabi niya sa akin habang palabas kami ng kwarto ko.
Nang nasa kusina na kami, umupo agad ako sa upuan. "College ka na! Tapos mag-aasawa ka na- Joke lang naman!" Biglang umilag si Kuya Lach sa pagbato ni Ate Shi ng tsinelas niya. Napailing na lang ako sabay sandok ng kanin sa plato ko.
"Puro kalokohan ka talaga Lach!" Singhal ni Ate Shi sa kanya. "Kumain na nga tayo."
"Joke lang naman mahal!"
"Mahal mo mukha mo!" Inirapan ni Ate Shi si Kuya Lach.
Sumulyap sa akin si Kuya Lach na parang nanghihingi ng tulong, binelatan ko na lang siya at nagsimulang kumain.
Pagkatapos namin kumain mayamaya pa'y nagpaalam na sila Ate Shi at Kuya Lach. Binilinan nila akong magplantsa na ng uniform bukas para raw hindi ako magahol sa monday. Friday ngayon at dalawang tulog na lang pasukan na naman.
Nang mga bandang alas-dies ng gabi nahiga na ako sa bagong kama ko, hindi naman ito kalakihan pang isang tao lang talaga. Pangalawang gabi ko na rito matutulog at tulad pa rin ng kagabi sobrang tahimik sa floor na ito, gusto ko sanang puntahan si Jeah sa kabilang unit kaso baka natutulog na iyon.
Ilang oras akong nagpapaantok sa sarili ko hanggang sa hindi pa rin ako makatulog, hindi pa yata ako sanay dito. Paiba-iba ako ng pwesto sa pagtulog, pilit naghahanap ng antok. Napatihaya ako at nakipagtitigan muli sa kisame.
Mayamaya pa'y unti-unti na akong nakakaramdam ng antok nang marinig ko ulit na may sumitsit sa kanang tainga ko.
Pero, binaliwala ko iyon kahit na nakaramdam ako ng takot.