"Ako ang Diyos mo, ikaw ang alipin ko at sila ang paglalaruan nating dalawa." -- Nocturssio
CHAPTER 19
Nocturssio
*ZAFANIA TORRES'S POV*
NANG matapos kaming imbistigahan lahat inihatid kami ng mga pulis sa kani-kaniya naming bahay, hindi ko malaman kung galit ba ang mga magulang ni Miracle sa amin dahil hindi naman kami pinapansin kanina sa presinto marahil kahit sila ay lutang pa rin sa mga nangyayari. Hindi namin mapagusapan ang tungkol sa mga tinanong ng pulis kanina dahil hindi maalis ang mga tingin ng pulis sa amin na parang minamatyagan nila ang bawat ikinikilos namin.
Sa buong isang araw ang daming nangyari na hindi ko aakalain, pagod na pagod akong bumagsak sa aking kama at hindi ko na nagawang magpalit pa ng damit. Ayokong tanggapin ang katotohanang wala na talaga si Miracle, na bukas pagkagising ko hindi ko na siya makakasama o makikita. Idagdag pa ang isang pangyayaring kanina pa bumabagabag sa isipan ko... Hindi ko na maintindihan ang nangyayari sa akin, natatakot na ako sa aking sarili dahil baka totoo ang isang pangyayaring nasa isipan ko.
Siguro mas makabubuting isasarili ko na lang muna ang nangyayari sa akin, mas mabuting walang makaaalam nito kundi ako lang. Natatakot ako sa sarili ko ngunit ang mas kinatatakutan ko ang mangyaring sila ang matakot sa akin.
Mabigat akong napabuntong-hininga at tumayo mula sa aking pagkakahiga. Kinuha ko ang aking tuwalya at dumiretso sa banyo, sana sa pagligo kong ito mawala lahat ang bakas ng pangyayari ngayon at sana maagos ng tubig ang bumabagabag na konsensya ko sa aking sarili.
Halos isang oras yata akong nagtagal sa banyo bago lumabas, agad akong nagbihis at muling nahiga sa aking kama. Kanina pa ako hindi kumakain ngunit wala akong nararamdaman na gutom, dahil lutang na lutang pa rin ang buong sistema ng aking pag-iisip. Marahan kong ipinikit ang aking mga mata at naramdaman ko ang bigat ng aking talukap, halos wala akong tulog ngayong araw at hindi lang ako kundi pati rin ang mga kaibigan ko. Buti na lang wala kaming pasok bukas dahil holiday pero kailangan namin pumunta sa burol ni Miracle ngunit huwag sana kaming pagtabuyan ng mga magulang niya o huwag sanang magalit sa amin. Subalit hindi ko sila masisisi kung mangyari man iyon dahil anak nila ang namatay at kami ang huling kasama.
Habang nakapikit ang aking mga mata kusang nagbabaliktanaw ang aking isipan sa mga nangyari pigilan ko man ngunit hindi ko magawa parang sinasampal sa akin ang katotohanang maaaring ako ang pumatay kay Miracle.
Ilang sandali pa'y nararamdaman ko nang hinihila ako ng antok at hinayaan ko na lamang ang aking sariling magpatianod sa antok na nararamdaman ko. Kapag nakatulog na ako nang tuluyan hindi ko na mararamdaman ang bumabagabag sa aking sarili at sandaling mawawala sa isipan ko ang mga nangyari.
"Zafania."
Bigla akong napadilat nang marinig kong may tumawag sa pangalan ko. Agad kong iginala ang mga mata ko sa apat na sulok ng aking kwarto ngunit walang taong bumungad sa mga mata ko. Unti-unti ko nang nararamdaman ang init na bumabalot sa buong paligid ko kasabay nang sunod-sunod na pagsitsit na naririnig ko. Hindi ako makagalaw sa kinahihigaan ko, gustuhin kong tumakbo ngunit hindi nakikisama ang aking mga paa na para bang ayaw gumalaw ng aking katawan.
Nararamdaman ko na rin ang sumisiklab na takot sa aking sarili, humugot ako nang malalim na paghinga upang mawala ang takot sa aking nararamdaman ngunit parang mas lalo pang sumiklab ang takot sa aking sarili.
"Zafania..."
Bigla akong napaupo at halos lumuwa na ang aking mga mata sa nakikita ko ngayon. Kahit na patay ang ilaw ng aking kwarto malinaw kong nakikita ang isang lalaking nakatayo sa harapan ng aking kama at ito'y may matulis na dalawang sungay sa kanyang ulo habang ang buo niyang katawan ay walang saplot pwera sa nakalagay na kulay itim na telang tumatakip sa maselang parte na bahagi ng kanyang katawan, pulang-pula ang kulay ng kanyang balat at para pa itong naaagnas. Nakadidiring pagmasdan ngunit ayaw maalis ng aking mga mata sa kanya.
Sunod-sunod akong napapahugot nang malalim na paghinga at nararamdaman kong mas lalong uminit ang buong paligid ko. Diretso akong nakatitig sa mata ng nilalang na nasa harapan ko at nanlilisik ang kanyang mga mata habang mariing nakatitig sa akin.
Pakiwari ko umiikot ang tiyan ko kapag nakikita kong naaagnas ang kanyang balat at ang likidong umaagos sa kanyang katawan.
"Zafania."
Mas lalong nanlaki ang aking mga mata sa unti-unting gumuguhit na pagngisi sa itim niyang labi.
"Ikaw ang pumatay kay Miracle, tayong dalawa."
Biglang lumaki ang kanyang boses, buong-buo na halos umaalingawngaw sa buong kwarto ko. Hindi ko magawang magsalita at nanatili lang akong nakatitig sa kanya hanggang sa unti-unting umalingawngaw ang nakapaninindig balahibo niyang halakhak.
Muli akong humugot nang malalim na paghinga. "S-s-sino ka?" Pakiwari ko napapaos ang aking boses at halos hangin na lang ang lumabas sa aking bibig.
Bigla siyang tumigil sa kanyang pagtawa. "Ako ang Diyos mo, ikaw ang alipin ko at sila ang paglalaruan nating dalawa." Aniya at sinundan pa muli ng kanyang paghalakhak.
Hindi ako nagsalita at hinayaan ko lamang siyang tumawa ngunit nagdadasal ako sa aking isipan na sana panaginip lang ito, sana isang bangungot.
"Huwag kang matakot Zafania, hindi ikaw ang maglalaro kundi ikaw mismo ang gumagawa ng laro sa kanila."
Muli siyang sumeryoso na mas lalong nagpasiklab ng takot sa nararamdaman ko. Kakaiba ang aura ng mukha niya, ang tindig ng kanyang katawan at ang kanyang sungay ay katulad ng sa isang demonyo... Marahil isa siyang demonyo, hindi dahil talagang demonyo siya.
"Tigilan mo na ako..." Marahan akong napapikit habang sunod-sunod pa rin akong napapahugot nang malalim na paghinga. Muli akong napadilat at hindi pa rin siya nawawala sa aking harapan. "Tigilan mo na ako! Demonyo ka! Demonyo!" Nagngingitngit ang aking ngipin habang lumalabas sa aking bibig ang mga salitang iyan.
Kahit sagad-sagaran ang takot na namumutawi sa aking damdamin nagawa ko pa rin siyang sigawan. Ngunit imbis na magalit siya sa pagsigaw ko tumawa lang ulit siya.
"Huwag kang mag-alala Zafania, hindi lang ako ang demonyo rito kundi tayong dalawa. Ikaw at ako ay isang demonyo."
Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya, hindi ko siya maintindihan at mas lalong hindi ko maintindihan ang nangyayari ngayon! Sana bangungot lamang ito!
"Zafania, hindi matatapos ang larong ito hangga't walang nananalo..."
"Bakit nangyayari sa akin ang ganito?! Demonyo ka! Parang awa mo na tigilan mo na ako!"
Naramdaman kong may tumutulong mainit na likido sa aking mga mata habang mariin akong nakatitig sa kanya. Sandali niya akong pinagmasdan at muli siyang tumawa ng napakalakas halos mabibingi na ako sa bawat halakhak na pinakakawalan ng kanyang bibig. Kakaiba ang tono ng kanyang boses, matalim sa tainga at masakit sa pandinig.
"Kailan pa nagkaroon ng awa ang isang demonyo Zafania?" Aniya at muli pa siyang humalakhak.
Bigla akong napapikit at mahigpit akong napapakuyom sa aking kamao. "Ama namin sumasalangit ka sambahin ang ngalan mo mapasaamin ang kaharian mo sundin ang loob mo rito sa lupa para lang sa langit-"
"Ama namin sumasalangit ka sambahin ang ngalan mo..." Agad akong napatigil sa pagdarasal at dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata nang bigla siyang gumaya sa pagdadasal ko.
Sa pagkakataong ito ang kanina'y sobra-sobrang takot na nararamdaman ko mas lalo pang sumiklab sa buong katawan ko. "Huwag mo akong dasalan Zafania, ako ang Diyos mo baka nakalilimutan mo."
Mariin akong napakagat sa ibabang parte ng aking labi, hindi ko alam kung paano ako tatakas ngayon at hindi ko na alam ang gagawin ko. "Ayoko na... Tigilan mo na ako."
Pakiramdam ko nawalan ako ng lakas at hinang-hina ako ngayon, hindi nakikiayon ang katawan ko sa gusto kong pagtakas ngayon dito. Para akong nasa isang impyerno sa sobrang init na nararamdaman ko dahil pakiwari ko napapaso ang aking balat.
"Titigil lang ako kapag natapos na ang larong sinimulan ko at sinimulan mo."
"Paano nangyari sa akin ito?! Paano ko ito mapipigilan? Ayoko na!!!"
Ang bawat pagsigaw ko ay walang-wala sa tono ng kanyang boses, para lamang akong bumubulong kumpara sa buong-buo at nakakatakot niyang tinig. Hindi ko malaman kung binabangungot na naman ako ngunit malaki ang porsyento sa nararamdaman ko na parang totoo ito.
Hindi ko na malaman kung alin ba ang totoong nangyayari sa bangungot at sa hindi bangungot... Hindi kaya ito rin ang laro niya?
Para akong nasa isang pelikula o palabas sa telebisyon, para akong isang bida ngunit ako ang bidang walang kasiguraduhan kung mabubuhay ba sa huli... Akala ko imposibleng mangyari ang ganito sa totoo buhay ngunit posible rin pala.
"Zafania, marami pang mangyayari inuunahan na kita. Kaya humanda ka."
Nawala ang pag-iisip ko nang bigla siyang magsalita, napaawang ang aking bibig na para akong naghahanap ng mga salitang sasabihin sa kanya ngunit wala akong mahagilap na mga letra sa aking isipan. Tinitigan ko lamang siya at ganoon din siya sa akin, ngunit mas mariin ang pagtitig niya.
"Zafania, ako si Nocturssio at ako ang Diyos mo tandaan mo iyan."
Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa akin at sa bawat paghakbang ng kanyang mga paa napapausog ako sa aking kinahihigaan hanggang sa naramdaman kong wala na ako mauusugan sa kama ko, bigla niyang pinatong ang kanyang kanang kamay sa kama ko agad akong napapikit sa sobrang takot at taranta na nararamdaman ko bigla akong bumagsak sa aking kama.
At sa pagdilat ko agad na tumama ang sinag ng araw na nanggagaling sa bintana ng aking kwarto at naramdaman kong nakahiga pa rin ako sa aking kama.
Malalim akong bumuga ng hangin at unti-unting nawawala ang kaba sa aking damdamin, tama bangungot lang.
Tumayo na ako sa aking kinahihigaan at agad ko nang inayos ang kama ko ngunit bigla akong napatigil nang may napansin akong bakat ng kamay sa kobre kama ko, hindi lang ito basta-bastang kamay dahil dugo ang likido ng bakat na iyon.
Muli ko na naman naramdaman ang takot at kaba... Ibig sabihin totoo ang nangyari sa panaginip ko?