"In your mind, you can be anybody and do anything." -- Sasha Ramirez
CHAPTER 12
Lucid Dreamer
"Zaf!!!"
NAPABALIKWAS ako nang bangon nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Sasha. Sunod-sunod akong napapahugot nang malalim na paghinga dahil pakiwari ko ano mang oras malalagutan ako ng hangin sa buong katawan.
"Zaf, inumin mo muna itong tubig binabangungot ka na naman." Wala sa sarili kong tinanggap ang basong inaabot sa akin ni Kael.
Nang ininom ko ang tubig na iyon naramdaman kong gumuguhit ang malamig na tubig sa lalamunan ko ngunit pakiramdam ko pa ring nanunuyot ako.
"Zaf, ayos ka lang ba?" Dinig kong tanong ni Lewis sa akin.
Napasapo ako sa aking dibdib at muling humugot nang malalim na paghinga. Mula sa pagkakayuko ko dahan-dahan kong inangat ang aking ulo at agad silang pinasadahan ng tingin. Umiling ako sa kanila at inabot ang basong hawak ko kay Sasha na nakaupo sa tabi ko.
Tinanggap naman niya iyon at napansin kong parang naiiyak na siya. "Nanaginip ako..." Mahinang bigkas ko sa kanila. "Tapos pi-pinatay..." Mariin akong napapikit at pilit inaalis sa aking isipan kung paano ko saksakin si Miracle.
Mabilis akong umiiling nang maramdaman ko ang yakap sa akin ni Sasha. "Zaf, huwag kang matakot. Ituloy mo." Mas lalong kumabog ang puso ko sa takot nang marinig ko ang boses ni Miracle.
Hindi ko yata kayang sabihin sa kanila ang napaginipan ko natatakot ako sa mga sasabihin nila baka akalain nilang nababaliw na ako.
"Zaf, mukhang hindi na yata maganda ang napapadalas mong bangungot." Halos nanlamig ang buong katawan ko sa sinabi ni Lewis.
Kinalas ni Sasha ang pagkakayakap niya sa akin. "Zaf, kung naaalala mo pa ang napaginipan mo ikwento mo sa amin."
Muli akong umiling at nararamdaman kong unti-unti nang nababasa ang mga mata ko. "H-huwag kayong magagalit sa sasabihin ko." Pinasadahan ko muli sila ng tingin at sabay-sabay naman silang tumango.
Napansin kong napahalukipkip si Kael at mariin akong tinititigan kumpara sa kanila. "Sa panaginip ko..." Bahagya akong yumuko at pinunasan ang tumulong luha sa mga mata ko. "Pinatay ko si Miracle." Narinig kong napasinghap sila sa sinabi ko.
Bago pa man sila magsalita pinangunahan ko na, inangat kong muli ang ulo ko at sandali silang tinitigan. "Pero hindi ko ginusto iyon! Sa panaginip ko parang may nag-uutos sa akin pakiwari ko hindi ako iyon! Ibang-iba!" Napatakip ako sa kaliwa't-kanan kong tainga nang muli kong marinig ang isang sitsit na nanggagaling kung saan.
"Ayoko na!!!!" Buong lakas kong sigaw ngunit mas lalong lumakas ang sitsit na iyon.
"Zaf! What's wrong? Zaf!!" Naramdaman ko ang malakas na yugyog sa akin ni Lewis.
"Lewis..." Tinignan ko siya at bumungad sa akin ang nag-aalala niyang mga mata ibang-iba sa mga mata na nasa panaginip ko.
Bahagya siyang umupo sa tabi ko. "Calm down Zaf, i'm here... We're here." Hindi ako nagsalita at niyakap na lang siya.
Ilang minuto rin akong nasa bisig niya at ilang minuto rin namalagi ang katahimikan sa amin. Tanging ang pag-ugong lang ng aircon ni Lewis dito sa kwarto niya ang naririnig ko isabay pa ang pagbubuntong-hininga nila.
"Zaf bakit mo naman ako pinatay sa panaginip mo?" Biglang tumawa si Miracle sa tanong niya.
Napakalas ako nang pagkakayakap kay Lewis at agad na tinignan si Miracle. Habang tinititigan ko ang mga mata niya mas lalong lumalalim iyon na para bang hinihigop ako. Kakaiba ang mga mata ni Miracle hindi mo mababasa kung anong emosyon ang nararamdaman niya. Biglang tumaas ang kanang kilay niya at inilagay niya ang kanyang kaliwang kamay sa gilid ng kanyang baywang.
"Zaf?" Napaiwas ako ng tingin sa kanya at umiling.
"Hindi ko na matandaan... Tama, hindi ko na matandaan." Muli ko siyang sinulyapan at biglang kumunot ang noo niya.
Magsasalita sana siya ngunit narinig kong nagsalita si Sasha. "Lucid dreaming ang nangyayari sa iyo." Naramdaman kong tumayo ito mula sa pagkakaupo niya sa tabi ko at tumabi siya kay Miracle na nasa harap ko. "At isa kang lucid dreamer Zaf."
"Anong lucid dreaming?" Tanong ko kay Sasha.
Suminghap siya at hinawi ang iilang buhok na tumatakip sa mata niya. "Kapag nananaginip ka at sa panaginip mo na iyon alam mong nananaginip ka lang at kaya mong kontrolin ang nasa panaginip mo. Kung ano ang gusto mong mangyari o gawin. In your mind, you can be anybody and do anything." Paliwanag niya na ikinatawa ni Kael.
"Stop those s**t!" Lahat kami napatingin sa kanya na halos malalagutan na siya ng hininga sa katatawa. "Bangungot lang iyan! Kung ako na dati binangungot ako pinatay ko raw iyong aso namin." Mas lalong lumakas ang pagtawa niya habang umiiling ito. "Masyado kayong nagrereact sa isang bagay, birthday ngayon ni Dane huwag naman natin sirain." Sa huli niyang sinabi napansin kong mabilis siyang sumulyap sa akin.
Naglakad siya papunta sa t.v ni Lewis at muli tumingin sa akin. "Umpisahan na natin manood."
Bigla kong naramdaman na hinawakan ni Lewis ang kamay ko. "Zaf, okay ka lang ba? Gusto mo na bang umuwi?" Bakas sa kanyang mga mata na sobrang nag-aalala siya.
Birthday niya ngayon at tama naman si Kael, huwag itong sirain. Imbis na sumagot akong oo nginitian ko na lang siya at umiling. "Birthday mo ngayon Lewis, ayokong masira ito."
Bahagya akong tumayo mula sa pagkakaupo ko at agad siyang hinila gamit ang kamay naming magkahawak. Tumawa siya sa ginawa ko at tuluyan na siyang tumayo. Naglakad kami patungo sa kanila at umupo sa sahig, inabutan kami ni Sasha ng pagkain at tinanggap naman namin iyon. Magkatabi kami ni Lewis at ang katabi ni Lewis si Kael sa gilid naman ni Kael sina Sasha at Miracle.
Habang kumakain kami nag-uumpisa na ang unang movie na pinanonood namin. Lahat sila tutok na tutok sa t.v ngunit ako hindi ko pa rin maiwasan isipin ang nangyari kanina sa panaginip ko. Posible kayang tama ang sinabi ni Sasha na lucid dreaming lang iyon? Sa tuwing nananaginip ako alam kong panaginip lang iyon pero kung kontrolin ko man hindi ko magawa dahil iba ang kumokontrol sa panaginip ko at iyon ang pinakakinatatakutan ko.
Paano kung ang nangyayari ngayon ay isang bangungot lang din? Paano kung hindi totoo ang lahat ng ito? Paano kung natutulog lang pala ako at sa paggising ko hindi pa pala ako nakalilipat ng bahay?
Simple akong umiling at pilit inaalis iyon sa isipan ko, ang daming tanong na namumutawi sa isip ko na mas lalong nagbibigay pangamba sa akin. Hindi pa alam ni Ate Shi ang ganitong nangyayari dahil alam kong abala siya ngayon sa thesis niya silang dalawa ni Kuya Lach ayoko nang dagdagan pa ang problema nila.
Isa sa dahilan kung bakit gusto kong magsarili ng bahay para ayoko ng umasa sa iba...
Huminga ako nang malalim at simple silang sinulyapan habang abala sila sa panonood. Kung mangyayari man sa totoong buhay ang nasa panaginip ko alam ko sa sarili kong hinding-hindi ko magagawa iyon at lubos pa rin akong nagpapasalamat dahil panaginip lang ang lahat ng iyon.
Nagsimula ang lahat ng ito noong lumipat ako ng bahay siguro ang solusyon lang sa lahat ng ito ang pag-alis ko roon, pagkatapos ng isang sem babalik na ulit ako sa bahay ni Ate Shi at sana matigil na ang lahat ng ito.
"Teka nga i-pause niyo muna iyan!" Untag ni Lewis sa amin.
"Bakit?" Sinulyapan ko siya at nakita kong ngumisi lang siya.
Pinause ni Kael ang pinanonood namin at mariing tinignan si Lewis na tumatayo mula sa kanyang pagkakaupo. "Intense na ang movie!" Natatawang singhal niya sa amin at naglakad siya patungo sa ilalim ng kanyang kama.
Sinusundan lang namin ng tingin ang ikinikilos niya hanggang sa bahagya siyang yumuko at parang may kinuha siya sa ilalim ng kanyang kama. "Kailangan natin ito!" Bigla niyang tinaas ang dalawang Jack Daniel na hawak niya.
"That's why I love you man!" Pumalakpak si Kael ngunit napangiwi naman si Lewis.
"Gay!" Napatawa kami sa kanila.
Muling naglakad si Lewis sa amin habang hawak ang dalawang bote ng Jack Daniel's, nang makarating siya sa pwesto namin agad siyang umupo sa tabi ko. Binigyan kami ni Kael ng tig-isang baso na nakalagay din sa ilalim ng kama ni Lewis at si Miracle na ang naglagay ng ice cube sa baso namin.
Simple kong tinignan si Sasha na napangiwi na lang nang lagyan ni Lewis ng alak ang baso niya. "I know what you're thinking Sha." Natatawang usal ni Lewis sa kanya at napailing na lang si Sasha.
"Okay! Para sa ating birthday boy!" Biglang sigaw ni Kael habang nakataas ang kaliwang kamay niyang may hawak ng baso.
Bahagya kaming umusog para maging pabilog ang upo namin. Itinaas din ni Miracle ang baso niya. "Para sa nalalapit nating kauna-unahang prelim!" Humagalpak kami ng tawa sa sinabi ni Miracle.
Itinaas din ni Sasha ang basong hawak niya. "Para sa pag-inom ko!" Mas lalo kaming nagtawanan sa sinabi niya.
Umiling ako habang natatawa pa rin at itinaas ko na rin ang basong hawak ko. "Para sa pagiging lucid dreamer ko!"
"At syempre para sa birthday ko ngayon! Cheers guys!"
"Cheers!" Sabay-sabay naming sigaw at agad na nilagok ang alak na nasa baso namin.
Napapikit ako nang mariin nang gumuhit ang alak sa lalamunan ko, noong highschool nahilig akong uminom kasama ang mga classmate ko pero nang mapunta ako rito sa Maynila at nanirahan kay Ate Shi natigil ito. Matagal na rin simula noong kahuli-hulihan kong inom ng alak kaya parang bago sa panlasa ko ito ngayon.
"Huwag na tayo manood! Magkwentuhan na lang tayo." Untag ni Miracle habang kumukuha ng crispy pata na nasa harap namin.
Muli ko na naman naalala ang panaginip ko. Hindi ko mawari kung ano ang totoong nangyari sa hindi, kung ano ang pangyayaring kinatulugan ko o ano man ang nangyari bago ako matulog. Masyadong magulo at sa sobrang gulo natatakot na ako.
"Guys, nakarinig na ba kayo ng salitang Cide?" Bigla silang tumahimik sa tanong ko.
Isa-isa ko silang pinasadahan ng tingin. "Cide is a latin word." Hanggang sa napadako ang tingin ko kay Kael.
Diretso akong nakatitig sa kanyang mga mata na parang ano mang oras huhugutin ako ng mga ito papailalim. Malamlam ang mga mata ni Kael ngunit kapag tinitigan mo na lumalalim ito nang lumalalim. "And it means killer." Bigla akong kinilabutan sa sinabi niya halos nanlalamig ang buong katawan ko at pakiwari ko lahat ng balahibo sa katawan ko nagsitayuan. Kakaiba ang epekto ng napakalamig niyang boses idagdag pa ang kahulugan ng salitang Cide.
"Ano naman ang Morieris?" Iyan lang ang mga salitang hindi ko maintindihan sa panaginip ko at kung sino ang nagsasalitang iyon.
"Latin word din at ang ibig sabihin you will die." Bahagyang nilagok ni Kael ang lamang alak sa baso nang hindi umaalis ang tingin niya sa akin.
Bigla akong nag-iwas ng tingin at ininom na rin ang alak na nasa baso ko. "Bakit mo alam ang mga salitang iyan Zaf?" Sinulyapan ko si Sasha at nginitian.
"W-wala. Nabasa ko lang sa isang libro." Pagsisinungaling ko na parang naniwala naman si Sasha.
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya ngunit nahagip ng mga mata ko si Miracle na taas kilay na nakatitig sa akin pero hindi ko na lang ito pinansin. Ayokong sabihin ang tungkol sa lahat-lahat ng panaginip ko, dahil kung malaman man nila alam kong hindi nila ako paniniwalaan at sasabihing bangungot lang iyon huwag kong pansinin.
Siguro hindi na normal ang bangungot na ito, lubos kong kinatatakutan baka mapagkalaman kong bangungot ang totoong nangyayari sa akin.
Hindi ako naniniwala sa mga multo o kung ano-ano pa man, pero kapag naranasan mo na pala sa ayaw at sa gusto mo maniniwala ka. Kung multo man ang boses na naririnig ko baka nanghihingi lang iyon ng tulong tulad sa mga pelikula na napapanood ko, o di kaya nama'y guni-guni ko lang iyon dahil binabangungot ako, baka normal lang ang ganoon makarinig ng ibang boses.
"Laro tayo guys!" Untag ni Miracle sa amin.
"Kung makasigaw ka naman parang ang layo ng kausap mo!" Iritang singhal sa kanya ni Kael ngunit nginitian na lang niya ito.
Ubos na ang isang bote ng Jack Daniel's na iniinom namin at ang isang bote halos nangangalahati na ito. Lahat kami namumula na at sina Sasha at Miracle namumungay na ang mga mata pero si Kael at Lewis halatang kaya pa naman. Hindi ko pa nararamdamang lasing ako ngayon dahil sa mga kung ano-anong bagay na naiisip ko pakiramdam ko natatanggal ang epekto ng alak sa katawan ko.
"Anong laro naman iyan?" Halos nabubulol na tanong ni Sasha.
"Sha, tama na iyan." Awat ko sa kanya dahil iinumin na naman niya ang alak sa baso niya.
Naramdaman kong hinawakan ni Lewis ang balikat ko, bahagya akong napatingin sa kanya at bumungad sa akin ang ngisi sa labi niya. Dahan-dahan niyang hinilig ang kanyang ulo sa kaliwang tainga ko at nararamdaman ko na ang mainit na paghinga niya rito. "Hayaan mo na siya Zaf." Sa sobrang hina ng bulong niya halos hangin na ang lumalabas.
"Get a room guys!" Bahagya akong lumayo sa kanya sa biglang pagsigaw nila.
Tumawa na lang ako sa kanila. "Umpisahan na natin ang laro!" Naiiling singhal ko.
"Spin the bottle." Magrereact sana si Kael ngunit pinangunahan na ito ni Miracle. "Pero! Puro dare lang, kapag tumapat sa inyo ang nguso ng boteng ito kailangan gawin niyo ang dare na iuutos ng birthday boy." Nag-angat ang kanang gilid ng labi ni Miracle.
"Game na!" Inagaw ni Lewis ang hawak na bote ni Miracle at pinaikot niya ito sa gitna namin.
Lahat kami'y nakatitig lang sa umiikot na boteng nasa gitna namin, mabilis ang pag-ikot nito hanggang sa bumagal nang bumagal at biglang tumapat kay Sasha.
"Sha, ikaw!" Niyugyog ni Miracle ang balikat ni Sasha habang malaki ang ngiti nito sa kanyang labi.
Narinig kong suminghap si Sasha at mariing nakatingin kay Lewis. Bumaling ang tingin ko kay Lewis na malaki ang pagngisi sa kanyang labi.
"Patayin mo ang taong nasa tabi mo."