Kailangan talaga maging plastik ka sa tamang paraan, kaysa naman maging totoo pero kapalit naman nito puro kamalian. -- Zafania Torres
CHAPTER 13
First murder
LAHAT kami natigilan sa utos ni Lewis, halos walang nagsasalita at gustong magsalita ni-isa sa amin tanging ang pag-ugong lang ng aircon ang maririnig dito ngayon. Lahat kami diretso lang nakatingin sa seryoso niyang mga mata, hindi ito mapakali dahil pabalik-balik ang tingin niya sa amin.
Bigla siyang tumawa ng napakalakas. "Nagbibiro lang ako! Masyado kayong seryoso!" Sigaw niya sa amin nang humupa na ang kanyang paghalakhak.
"Hindi magandang biro iyan Lewis." Inirapan ko siya at nilagok ang alak na nasa baso ko.
"Uuwi na ako." Biglang tumayo sa Kael at agad na kinuha ang kanyang gamit.
Sabay na napatayo sina Sasha at Miracle. "Teka nagbibiro lang ako." Tumayo na rin si Lewis habang pinipigilan ang pag-alis ni Kael.
"Malayo pa ang uuwian ko." Ani Kael at tuluyan na itong lumabas ng silid ni Lewis.
Tumayo na rin ako mula sa aking pagkakaupo at sinulyapan sina Miracle at Sasha. "Uwi na rin tayo Zaf, sa iyo kami makikitulog ni Sasha tutal nandoon naman ang gamit namin sa unit mo. Let's go." Magsasalita sana ako nang biglang higitin ni Miracle ang kamay namin ni Sasha sa ginawa niya bahagya akong nakaramdam ng hilo.
Pilit kaming pinipigilan ni Lewis sa pag-alis ngunit agad na kaming sumakay ng taxi hindi na namin naabutan si Kael sa labas marahil nakaalis na ito.
Habang nasa byahe kami hindi maalis sa isip ko ang sinabi ni Lewis, hindi ko alam kung seryoso ba siya o dala lang ng alak ang sinabi niya o baka naman talagang nagbibiro lang siya at masyado lang namin ginawang big deal. Pero kitang-kita ko sa mga mata ni Lewis na wala akong nakitang biro sa sinabi niya halatang seryoso siya sa kanyang sinabi.
"Okay lang ba kayo?" Biglang tanong ni Sasha na pinaggigitnaan namin ni Miracle.
Nakatingin lang ako sa labas ng bintana at hindi lumingon sa kanya pero tinanguan ko na lang siya. "Hindi tayo umalis doon dahil sa sinabi ni Lewis." Untag ni Miracle at awtomatikong napalingon ako sa kanya.
Diretso lang siya nakatingin at nakahalukipkip. "Ma-masyado na kasing gabi." Hindi ko alam kung bakit nautal siya sa kanyang sinabi. Sandali ko siyang tinignan na halos hindi mapakali ang kamay niyang nakapatong sa kanyang hita.
Muli akong tumingin sa bintana at pinanood ang mga sasakyang nalalagpasan namin. Tahimik lang kami sa buong byahe walang kahit isang nagsasalita tanging ang kanta na pinapatugtog sa taxi na ito ang tanging naririnig namin. Halos kalahating oras din ang byahe ngunit hindi ako nakadama ng antok siguro dahil na rin sa mga nangyari ngayong isang buong araw. Buong byahe nasa isip ko pa rin ang nangyari sa bangungot ko at ang sinabi sa amin ni Lewis. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwalang kaya niyang sabihin kay Sasha iyon, kahit na biro lang iyon o dala lang ng alak sa katawan niya hindi pa rin maganda ang sinabi niya.
Nagugulumihanan tuloy ako sa mga nangyayari lalo na sa ipinakitang ugali ni Lewis. Hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa kasabihang kapag lasing o nakainom ang isang tao lalabas ang tunay na ugali nito.
"Zaf, mauuna muna akong maligo." Bungad ni Miracle nang nakapasok na kami sa unit ko.
Tinanguan ko na lang siya habang isinasara ang pintuan ng unit ko. Napansin kong pumasok siya ng kwarto ko at sumunod naman si Sasha sa kanya na hindi pa rin nagsasalita. Nang naiayos ko nang isara ang pintuan tinungo ko ang maliit kong ref dito upang uminom ng tubig.
Bahagya akong nagulat nang biglang lumabas ng kwarto ko si Miracle habang tumatawa ito. Mariin ko siyang tinignan na nilagpasan lang ako at mabilis na tinungo ang banyo, maya-maya pa'y narinig kong rumagasa ang tubig na nanggagaling doon. Suminghap na lang ako at hinilot ang sintido ng ulo ko, medyo nakararamdam na ako ng hilo.
Naglakad ako papunta sa kwarto ko at walang sali-salita'y humiga agad sa kama at marahang pinikit ang aking mga mata. Naririnig ko na lamang bukas ang t.v at nasa tabi ko si Sasha.
"Zaf, paano kung totoo ang sinabi ni Lewis? Paano kung gawin ko ang iutos niya at kayong dalawa lang naman ni Miracle ang katabi ko kanina... Paano kung ikaw ang piliin kong patayin? Paano Zaf?"
Sa bawat tanong niya literal na lumalalim ang paghinga ko at para bang sa bawat paghugot ko nang malalim na paghinga lumulubog ako sa kinahihigaan ko. Hindi ko idinidilat ang mga mata ko nananatili lang akong nakahiga at nararamdaman kong nakatingin siya sa akin. Hindi ko alam kung seryoso ba siya sa tinanong niya pero sa tono pa lang ng pananalita niya halatang seryosong-seryoso siya, ngunit ang hindi ko maintindihan ang huli niyang tanong kung paano.
Ano ang ibig niyang sabihin? Paano kung ako ang patayin niya? Paano niya ako papatayin? Sa paanong paraan? Magulo at sa sobrang gulo hindi ko na alam kung ano ang totoo o sino.
Idinilat ko ang mga mata ko at bahagyang umupo, hindi ako tumitingin sa kanya at nakatuon lang ang mga mata ko sa t.v na nasa harap namin. Ngumisi ako at nang hindi niya mahalatang kinakabahan ako.
"Hindi ko alam Sha, maraming pwedeng mangyari sa tanong mo." Dahan-dahan ko siyang nilingunan at bumungad sa akin ang pagngisi sa labi niya na hindi ko inaasahan. "Paano kung ikaw ang una kong mapatay? Paano kung mas mabilis akong kumilos kaysa sa iyo? Paano Sasha?" Hindi kumawala sa mga mata ko na nag-igting ang kanyang bagang, ibinaling niya ang kanyang tingin sa t.v at ganoon din ako.
Pilit siyang tumawa at umiling. "Marami ka pang hindi nalalaman Zaf." Mahina ang pagkakabigkas niya ngunit sapat na iyon upang marinig ko.
Mula sa gilid ng mga mata ko, naaaninag kong hindi pa rin nawawala ang ngisi sa labi niya. Hindi na lang ako nagsalita at ganoon din siya. Hanggang sa pumasok na si Miracle ng kwarto ko na nakapangtulog na damit.
"Zaf, ako muna maligo kasi antok na antok na ako." Untag ni Sasha sa akin.
Tinanguan ko na lamang siya bilang sagot at nginitian na para bang normal lang ang lahat. Kailangan talaga maging plastik ka sa tamang paraan, kaysa naman maging totoo pero kapalit naman nito puro kamalian.
Alam kong hindi na normal ang nangyayari hindi sapat ang ilang buwan na magkakasama kami upang malaman ko ang tunay na ugali nila. Hindi ako tanga para hindi mahalatang iba na ang mga binibitawan nilang mga salita.
Paano kaya kung isa sa kanila kriminal? Paano kung marami na silang napatay? Paano kung sindikato sila? Hindi kaya masyado akong nag-iisip ng mga imposibleng bagay?
"Zaf! Kanina pa kita kinakausap ang lalim naman ng iniisip mo." Napaigtad ako nang biglang kinalabit ni Miracle ang braso ko.
Sinulyapan ko siya na nasa tabi kong nakaupo. "Miracle, magkwento ka naman ng mga pangyayari noong highschool kayo ni Sasha." Nginitian ko siya kahit na pilit lang.
Patuloy lang siya sa pagpapatuyo ng kanyang buhok gamit ang tuwalyang hawak niya. Umiwas siya ng tingin sa akin at bahagyang inangat ang isa niyang paa sa kama habang nakatitig sa t.v. "Noon pa man magkaibigan na kami ni Sasha, kahit na madalas kinatatakutan siya." Sumilay ang ngiti sa labi niya na para bang nagbabaliktanaw sa nakaraan. "Marunong siyang magtawag ng multo sa pamamagitan lang ng papel at ballpen, kaya noon napagtripan namin siya nina Xena at Kael na magtawag siya ng multo ngunit hindi multo ang natawag niya."
Pero sino si Xena? Napasinghap ako nang biglang lumingon sa gawi ko si Miracle na seryoso ang hitsura ng kanyang mukha.
"Alam mo ba Zaf kung ano ang natawag niya?" Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan sa tanong niya lalo na ang seryoso niyang mga mata na titig na titig sa akin.
Gusto kong umiwas ng tingin ngunit para akong hinihila ng mga mata ni Miracle. Kakaiba ang mga ito... "A-a-ano?" Hindi ko mapigilang hindi mautal sa tanong niya isabay pa ang pagpintig ng puso ko sa sobrang kaba.
"Demonyo."
Naramdaman kong tumaas ang aking balahibo sa katawan, kakaiba ang tono ng boses niya kakaiba ang pagkakabigkas niya sa salitang iyon. Ibang-iba...
Kahit sobrang takot ang nadarama ko nagawa ko pa ring tumawa sa sinabi niya. "Miracle talaga!" Singhal ko habang patuloy lang ang pilit na tawa na para bang may nakakatawa sa sinabi niya.
Napailing ako at nag-iwas ng tingin sa kanya. "Zaf, maniwala ka." Mas lalo akong kinabahan nang maramdaman kong umusog siya papalapit sa akin at biglang bumulong, "Huwag kang magtitiwala kay Sasha."
Nilingunan ko siya nang bahagya nang nakalayo siya sa akin. Napakunot ang noo ko sa sinabi niya, seryoso ba siya? "Alam mo ang labo mo Miracle, hindi kita maintindihan. Kayo, hindi ko na kayo maintindihan parang sa bawat binibitawan niyong salita may kahulugan." Hindi ko na napigilan ang sarili kong ilabas ang inis na nararamdaman ko.
Pero imbis na sabihin niyang joke lang, ngumisi lang siya habang nakatingin sa akin. "Lahat ng bawat salita may kahulugan. Malabo? Oo, malabo." Bigla siyang tumayo sa kanyang pagkakaupo at bahagyang naglakad patungo sa pinto ng silid kong ito.
Pinagmamasdan ko lang ang bawat kilos niya at nanatili lang tikom ang bibig ko. Mas magandang magmasid na lang kaysa magsalita na alam mong wala naman patutunguhan.
Nang nakarating na siya sa harap ng pinto nagbitaw siya ng salita bago tuluyang umalis, "Huwag na huwag kang magtitiwala kay Sasha."
Naiwan akong tulala sa pinto at pilit iniisip ang mga binitawan niyang salita. Hindi kaya dala lang ng alak kaya ganoon na lang kung magsalita siya? Hindi kaya biro lang ang lahat ng mga sinabi niya?
Marahas akong umiling at pilit inaalis sa utak ko ang lahat ng mga sinabi ni Miracle. Siguro mas makabubuting lalayuan ko na lang sila pagkatapos ng prelim namin.
Bahagya akong humiga sa kama ko at marahang hinilot ang sintido ng aking ulo saka mariing pumikit. Ang daming nangyari sa araw na ito at ang lahat ng pangyayaring iyon hindi na normal. Puro kasinungalingan lang ba ang lahat ng pinakita nilang kabutihan na ugali? Ang pagkakaibigan namin? Puro kasinungalingan lang ba ang lahat? Lahat ba ng mga pinagsamahan namin isang drawing lang na pwedeng burahin at gumuhit ulit ng panibago? Lahat ba ng ito planado na?
Napabuntong-hininga ako sa lahat ng mga iniisip ko... Ayokong talunin ng utak ko ang puso ko, kaibigan ko sila, mahal ko sila at alam kong ganoon din sila. Magkakaibigan kami, mahal namin ang isa't-isa. Dala lang ng alak ang lahat ng mga nangyari ngayon...
"Zaf, sabi nga pala ni Miracle lalabas muna siya kasi may bibilhin daw siya." Untag ni Sasha nang nakapasok sa kwarto ko.
Nanatili lang akong nakahiga at nakapikit ngunit nararamdaman kong naglalakad siya rito sa kwarto ko. "Gabi na, sana hindi mo siya pinalabas." Mahinang usal ko, nararamdaman kong konting minuto na lang tuluyan na akong hahatakin ng antok.
"Mapilit siya alam mo naman si Miracle gusto niyang nasusunod siya." Bago pa man ako tuluyang makatulog pinilit kong tumayo mula sa pagkakahiga ko.
Bahagya kong inayos ang magulo kong buhok at tinignan si Sasha na nasa dulo ng kama ko. "Puntahan ko lang siya sa labas baka kung mapaano iyon." Ani ko at tumango na lamang siya.
Mabilis akong lumabas ng tenement at napansin kong wala ng gaanong tao sa labas marahil gabi na rin kasi dahil ang ibang tao rito maaga kung matulog. Marahan kong niyakap ang aking sarili nang maramdaman kong sinalubong ako nang malakas at malamig na simoy ng hangin sa bawat paghakbang na ginagawa ko. Isang poste lang ang nagbibigay liwanag sa kada kanto at kulay sepia pa ito.
Kokonti lang ang mga tindahan dito at malalayo pa, wala akong ideya kung saang tindahan pumunta si Miracle. Naglakad-lakad pa ako ng ilang sandali nang mapansin kong may gibang bakanteng lote rito, halatang nasunog ang bahay na ito dahil kulay itim ang mga natirang dingding at may bakas pang mga sunog na damit.
Ilang buwan na rin akong nakatira sa lugar na ito pero ngayon ko lang napansin ang bakanteng lote na ito. Pasimple akong tumingin-tingin sa aking paligid at nang masiguro kong walang ibang tao kundi ako lang naglakad ako papalapit sa lote na iyon. Sa bawat hakbang na ginagawa ko unti-unti kong nararamdaman ang isang pamilyar na kaba...
"Zaf." Natigilan ako sa paglalakad nang may marinig akong tumawag sa pangalan ko.
Dahan-dahan akong lumingon at bumungad sa akin si Miracle na nakatayo hindi kalayuan sa akin. Tantya ko mga limang hakbang ang pagitan naming dalawa. Bigla akong nakahinga nang maluwag at nginitian siya.
"Akala ko naman kung sino na, kanina pa kita hinahanap papasok sana ako sa loob." Bahagya akong tumawa habang tinuturo ang bakanteng lote na nasa kaliwa naming dalawa.
Mula sa kinaroroonan namin sumasakto ang liwanag ng nag-iisang poste ng ilaw dito, hindi man kulay puti at kulay sepia lang ito malinaw ko pa rin naaaninag ang magulo niyang buhok at namumungay na mga mata ni Miracle habang sunod-sunod itong humuhugot nang malalim na paghinga tila'y nahihirapan siya.
Marahan kong hinakbang ang aking mga paa papalapit sa kanya, "Miracle, okay ka lang ba?" Hindi ko malaman kung bakit naghuhuramentado sa kaba ang puso ko, hindi ko malaman kung bakit parang lumulutang ako sa hangin habang inihahakbang ko ang aking mga paa at hindi ko malaman kung saan nanggagaling ang sunod-sunod na pagsitsit na naririnig ng aking dalawang tainga.
"Z-Zaf." Halos nanlaki ang mata ko nang biglang may bumulwak na likido sa bibig niya.
Agad akong tumakbo papalapit sa kanya at doon ko napagtantong dugo ang lumabas sa kanyang bibig. Bumibigat ang paghinga ko habang nakatitig sa mga mata niyang nahihirapan at sa mukha niyang punong-puno ng dugo. Bigla siyang bumagsak sa sahig at tumama sa mukha niya ang liwanag na nanggagaling sa poste. Hindi ko magawang igalaw ang aking katawan dahil halos nanghihina na sa kaba ang mga tuhod ko, pakiwari ko babagsak na rin ako sa kinatatayuan ko.
"Patayin mo siya."
Mabilis akong tumingin sa aking paligid nang may marinig akong isang nakakikilabot na tinig sa tainga ko, wala akong ibang taong nakita rito sa kinaroroonan namin at nasisiguro kong kaming dalawa lang si Miracle ang narito ngayon.
"Sumunod ka sa utos ko, patayin mo siya."
Mabilis akong umiling at pilit winawagli sa isip ko ang boses na iyon, agad kong tinignan si Miracle na nakahandusay sa sahig saka muli kong tinignan ang paligid ko at nang may mapansin akong isang malaking bato. Mabilis ko iyon kinuha kahit na mabigat ito pilit ko pa rin binuhat at kahit mahirap dinala ko iyon sa pwesto ni Miracle.
Mapanuri ko siyang tinitigan na halatang hirap na hirap na sa hindi ko malaman kung anong dahilan. Walang bakas na saksak o ano pa man sa katawan niya kaya hindi ko malaman kung bakit may bumulwak na dugo sa kanyang bibig.
"Patayin mo siya."
Muli ko na naman narinig ang nakakapanindig balahibong tinig na iyon, hindi normal na boses ng isang tao, hindi... Hindi sa tao nanggagaling ang boses na iyon.
Pakiwari ko may kumokontrol na ibang tao sa katawan ko, pakiwari ko lumakas ang mga buto ko at pakiwari ko nasa himpapawid ako...
"Z-Zaf... M-ma-ma-"
Bago pa man tuluyang matuloy ang kanyang sasabihin buong lakas kong binuhat pataas ang batong hawak ko. Hindi ako nakadama ng kahit anong hirap kumpara kanina, kumunot ang noo ko habang gigil na gigil at marahas na binagsak ang batong hawak ko sa tapat ng kanyang mukha.
Malakas na pagbagsak ng bato ang umalingawngaw sa nakabibinging katahimikan ng gabing ito, sa bigat at laki ng batong iyon paniguradong barag ang mukha ni Miracle. Sandali akong nagmasid sa buong paligid ko, pilit humahagilap ang aking mata na gagamitin ko sa susunod na gagawin ko. Ilang sandali pa'y hindi ako nabigo, naramdaman kong dahan-dahang umangat ang magkabilang gilid ng labi ko at kasabay 'non ang paghupa ng kaba sa nararamdaman ko. Sandali kong tinitigan ang isang kumikislap na matulis na isang basag ng salamin malapit sa gilid ng bakanteng lote na nasa kaliwa ko lang. Hindi ako nagsayang ng segundo at agad ko iyon kinuha habang lumalawak ang pagngiti sa labi ko.
Bumalik muli ako sa pwesto ni Miracle kung saan ay doon siya nakahandusay habang may bato sa kanyang mukha. Napansin kong humihinga pa siya ngunit mabagal na lamang ito.
Marahan akong lumuhod sa tabi niya habang hawak-hawak ko ang isang matulis na basag ng salamin sa kaliwang kamay ko. Ibinaba ko ito sa gilid ko at marahas na ginulong ang batong nasa mukha ni Miracle gamit ang aking dalawang kamay. Bumungad sa akin ang punong-puno ng dugo, barag-barag na mukha at halos hindi ko makilala na Miracle. Dilat na dilat ang kanyang mga mata habang patuloy lang sa pagdurugo, halos labas na ang laman ng kanyang mukha at halatang basag na ang dati'y matangos niyang ilong. Bahagyang nakanganga ang patuloy na nagdudugo niyang bunganga.
Kinapa ko ang basag na salamin na nasa tabi ko at marahang hinawakan iyon. Sandali kong pinagmasdan si Miracle at nilanghap ang sariwang dugo na umaagos sa kanyang mukha't-bibig.
Dahan-dahan kong inangat ang salamin na basag gamit ang aking kaliwang hawak at tinapat ito sa dilat niyang kaliwang mata. Gamit ang isa kong kamay hinawakan ko ang talukap ng mata ni Miracle at pinasada ko ang matulis na dulo ng salaming ito sa gitna ng kanyang mata. Mababaw ngunit sapat na iyon upang mahiwa ang kanyang mata.
Sa bawat paulit-ulit kong paghiwa sa kanyang mata sumisirit ang dugong nanggagaling doon sa aking mukha ngunit binabaliwala ko na lamang ito. Limang beses na pagpasada sa kanyang mata naramdaman ko ang kanina'y mababaw na hiwa ay bahagyang lumalim.
Muli ko siyang pinagmasdan at napansin kong hindi na umaangat ang dibdib niya, siguradong patay na siya. Bumaba ang tingin ko sa kanyang tiyan at biglang may namuong ideya sa aking isipan.
Hinawakan ko ang laylayan ng kanyang damit at marahas na pinunit ito, pinangpunas ko sa aking mukha ang pinunit kong damit niya saka pinunas din sa basag na salamin na hawak ko. Malinis kong pinunasan ito at sinigurong walang kahit anong bakas ng daliri ko ang maiiwan dito.
Nang matapos kong linisin ang maiiwang ebidensya laban sa akin, muli kong tinignan ang tiyan ni Miracle. Gamit ang kanina'y pinunit kong damit niya iyon ang ginawa kong pangtapal sa hawak kong basag na salamin upang walang maiwang bakas ng daliri ko.
Hindi na ako nagsayang ng kahit anong oras, marahas kong sinaksak sa tiyan ni Miracle ang matulis na salaming hawak ko. Sa bawat pagbaon ng matulis na ito sa kanyang tiyan umaagos ang kanyang dugo na nanggagaling doon at sumasabay sa malakas na hangin ang halimuyak ng kanyang sariwang dugo. Paulit-ulit at sunod-sunod na saksak ang ginagawa ko, hindi ko mabilang kung ilang pagsaksak ang ginagawa ko sa kanya ngunit alam kong marami ito dahil halos lumalaki ang butas ng saksak ko sa kanyang tiyan at napansin kong hindi lang dugo ang lumalabas doon kundi pati na rin ang iilang laman na nasa loob ng kanyang tiyan.
Sandali akong tumigil sa pagsaksak sa kanyang tiyan, hinawakan ko ang kaliwang kamay niya at sa mismong palad niya inilagay ko ang ginamit kong pangsaksak sa kanya. Ang telang ginawa kong pamunas ng dugo at panglinis ng mga bakas ng daliri ko inilagay ko sa nakanganga niyang bunganga.
Dahan-dahan akong tumayo at sandali siyang pinagmasdan na halos hindi ko na makilala.
Basag ang kanyang mukha na punong-puno ng dugo, hiwa ang kanyang isang mata at bahagyang wakwak ang kanyang tiyan. Halos naliligo na siya sa sarili niyang dugo.
Napangiti ako sa sarili ko, simple kong pinagmasdan ang paligid ko at nang may mapansin akong isang paparating na tricycle. Biglang akong nagsisisigaw at malakas na humingi ng tulong. Kunwari'y niyakap ko ang kanyang katawan upang may dahilan ako kung bakit may mga dugo sa aking suot na damit.
Isa lang ang sinisiguro ko ngayon.
Hindi ako ang pumatay kay Miracle.