CHAPTER 14

2006 Words
"...Lahat ng tao naghahanap ng hustisya na para bang ang dali-dali lang hanapin kahit may pera ka o ikaw pa ang pinakamayaman sa buong mundo hindi mo agad mahahanap ang sinasabi nilang hustisya." CHAPTER 14 Questions HALOS isang oras na kaming tahimik kahit isa walang gustong magsalita at tanging ang mahihinang paghikbi lamang ni Sasha ang umaalingawngaw sa buong paligid. Nandito ngayon sina Kael at Lewis, halos sabay silang dumating sa unit ko nang malaman nila ang nangyari kay Miracle. Isinugod si Miracle sa ospital ngunit wala na talaga itong buhay patay na siya nang idinala roon. Sa hitsura ng bangkay ni Miracle parang hindi tao ang pumaslang sa kanya halos nagkandalasog-lasog na ang kanyang katawan, hindi lang siya pinatay parang binababoy pa siya. Simula kagabi hindi na kami natulog ni Sasha, inabot na kami ng umaga sa ospital habang nasa morgue na ang bangkay ni Miracle, hindi ko alam kung galit ba ang mga magulang ni Miracle sa amin dahil kami ang huli niyang nakasama at maaaring isa kami sa mga pagbintangan. "S-sino ang unang nakakita sa bangkay ni Miracle?" Basag ni Kael sa katahimikan, sa tono ng kanyang pananalita hindi maitatangging galit ang tinig nito. Nanatili lang akong nakayuko at humihinga nang malalim. "Zaf." Bahagyang napaangat ang ulo ko sa pagbitaw ni Sasha sa pangalan ko. Marahan ko silang isa-isang tinignan at hindi maipagkakailang bakas sa kanilang mga mata ang kalungkutan. "Zaf, wala ka bang ibang nakita sa mismong kinaroroonan ni Miracle noong gabing iyon?" Napatitig ako kay Kael na nakasandal sa pintuan ng kwarto ko habang nasa bulsa ng kanyang pantalon ang kaliwa niyang kamay. Diretso akong nakatitig sa kanyang mapanuring mga mata na para bang konting maling salita lang ang bibitawan ko hindi na ito maniniwala sa akin. Huminga ako nang malalim at umiling. "Sigurado ka?" Umalis siya sa kanyang pagkakasandal at tumayo nang maayos. Marahan akong tumango sa tanong niya habang nanatili pa ring nakatitig sa kanyang mga mata. Bahagya siyang naglakad papalapit sa pwesto ko at biglang umupo sa tabi ni Sasha na nakaupo sa sofa na kinauupuan ko. Konting distansya lang ang pagitan naming tatlo. "Bakit lumabas si Miracle kagabi?" Biglang alingawngaw na tanong ni Lewis. Dumako ang aking tingin sa kanya habang nakahalukipkip itong nakasandal sa lamesa. Narinig kong suminghap si Sasha sa tanong ni Lewis. "May bibilhin lang daw siya sabi niya sa akin... Hindi ko alam na iyon na pala ang huli naming pag-uusap." Pumiyok ang boses ni Sasha at muli itong umiyak ng tahimik. Sa aming lima sina ni Miracle ang pinakamalapit sa isa't-isa kaya alam kong sobrang sakit kay Sasha ang nangyari. Masakit din para sa akin dahil wala na si Miracle, wala na ang kaibigan ko... Kung sino man ang pumatay sa kanya mabulok sana siya sa kulungan. "Bakit niyo kasi pinalabas si Miracle?! Bakit niyo hinayaan? Alam niyong gabing-gabi na at babae siya delikado sa labas!" Napaigtad ako sa malakas na tanong ni Kael. Sinulyapan ko siya at bigla itong tumayo sa kanyang pagkakaupo. "Kayong dalawa ang huli niyang kasama! Kasalanan ninyo ito! Tangina!" Marahas siyang napasabunot sa kanyang buhok at naaninag kong may tumulong luha sa kanyang mga mata. Nasa harap namin siya ni Sasha habang hindi pa rin nawawala ang galit sa kanyang aura. "Kung mga totoong kaibigan talaga kayo sana hindi ninyo siya pinalabas kagabi!" Muli siyang sumigaw sa harap namin habang pabalik-balik ang kanyang tingin sa aming dalawa ni Sasha. Ambang magsasalita sana ako nang biglang nangunang nagsalita si Sasha. "Bago pa siya lumabas kagabi nanghingi pa siya sa akin ng tubig at sabi niya gusto niya ng softdrinks. Alam mo naman si Miracle kapag gusto niya masusunod! Pinigilan ko siya kagabi pero nagpumilit siya kaya wala kang karapatan Kael para pagsalitaan ako ng ganyan!" Dumako ang tingin ko kay Sasha at bumungad sa akin ang mugto niyang mga mata habang patuloy lang ang pag-agos ng kanyang mga luha. "Wala kang alam Kael! Kahit ang nararamdaman ni Miracle hindi mo alam! Dahil alam niyang kahit hanggang ngayon siya pa rin ang sinisisi mo dahil sa pagkamatay ni Xena!" Biglang natigilan si Sasha sa kanyang sinabi, nag-iwas siya ng tingin at hindi na muli pang tumingin kay Kael. "Bakit ba kayo nagsisisihan?! Hindi na ninyo maibabalik ang patay!" Napapikit ako nang mariin sa sigaw ni Lewis. "Kailangan nating alamin kung sino ang pumatay kay Miracle, walang maitutulong iyang sisihan ninyo!" Muling bumalot ang katahimikan sa pagitan naming apat at muling naupo si Kael sa tabi ni Sasha. "Hustisya lang para kay Miracle." Mahinang usal ni Kael. Gusto kong matawa sa sinabi niya, lahat ng tao naghahanap ng hustisya na para bang ang dali-dali lang hanapin kahit may pera ka o ikaw pa ang pinakamayaman sa buong mundo hindi mo agad mahahanap ang sinasabi nilang hustisya. Kung minsan pinagbibintangan pa nila ang ibang taong wala namang kasalanan sa nangyari para lang matagpuan ang tinatawag nilang hustisya. Kahit sino pwedeng pagbintangan sa pagpatay kay Miracle, kahit ang isang walang kaalam-alam na taong napadaan lang sa pinangyarihan ng krimen isa na sa mga pagbibintangan at kahit ako o kaming apat pwedeng pagbintangan sa nangyari sa kanya. Para sa hustisya wala ng sino-sino, kahit kamag-anak ka pa o matalik na kaibigan. "Ang mahalaga malinis ang konsensya natin wala tayong kinalaman sa nangyari." Untag ni Sasha sa amin. Hindi ko alam kung bakit para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niya. Hindi ko maintindihan ang buong sistema ng katawan ko, para akong biglang kinabahan at takot na takot. "Hindi," Lumalalim ang aking paghinga habang pinanonood lamang sila. "Pwede tayong pagbintangan sa nangyari kay Miracle, paniguradong lahat tayo tatanungin dahil tayo lang ang huli niyang nakasama ngayong araw lalo na kayong dalawa." Ngayon ko lang nakita kung gaano kaseryoso ang mukha ni Lewis, lalo na ang boses niya may autoridad ang kanyang pagsasalita. "Malinis ang konsensya natin, wala tayong dapat ikatakot. Diba Zaf?" Napaigtad ako sa biglang tanong sa akin ni Sasha. Sinulyapan ko siya at bumungad sa akin ang mapaglaro niyang mga mata. Simple akong ngumisi upang maibsan ang aking kaba at tinanguan siya. "Tama si Sasha," Tumagos ang aking tingin kay Kael na katabi lamang ni Sasha at dumako ang aking tingin kay Lewis. "Wala tayong dapat ikatakot dahil malinis ang konsensya natin, hindi tayo ang pumatay." Tumango si Lewis sa aking sinabi. "Kailangan lang natin maging maingat kahit na malinis ang konsensya natin at hindi tayo ang pumatay, hindi pa rin mawawala ang pagdudahan tayo. Mag-ingat kayo sa mga bibitawan niyong salita, dahil konting mali at hindi pagkatugma-tugma ng mga sasabihin natin pwedeng isa sa atin pagbintangan na pumatay kay Miracle." Salaysay niya na para bang marami siyang alam sa mga nangyayari. Muli kaming nanahimik at hindi na muli pang nagsalita. Sa totoo lang hindi pa rin ako makapaniwalang patay na si Miracle, kahit medyo nakakainis minsan ang ugali niya kaibigan ko pa rin siya at naging parte siya ng buhay ko. Masakit para sa akin at sa amin ang hindi maganda niyang pagkamatay. Kagabing nakita ko siya na nakahandusay sa kalsada halos hindi ko na siya makilala dahil naliligo na siya sa sarili niyang dugo at nagkandalasog-lasog na ang kanyang katawan. Kaawa-awa ang sinapit ng pagkamatay ni Miracle. "Wala ba kayong kakilalang may galit kay Miracle? O kaaway?" Muling tanong ni Lewis. Naghintay ako ng may sasagot sa tanong ni Lewis ngunit walang kahit isang sumagot sa amin o baka naman wala lang gustong magsalita ng totoo. "Bakit hindi kayo makasagot?" Muling tanong ni Lewis. "Lewis hindi na mahalaga kung may kaaway o may kagalit si Miracle, sige sabihin na nating mayroong may galit sa kanya at may kaaway siya, tapos anong gagawin mo? Natin? Pagbintangan? Pagduldulan na ang may galit o kaaway ni Miracle ay iyon ang pumatay sa kanya? Naninigurado ba tayo? Pagbibintangan natin ang iba kahit na wala silang kasalanan?" Biglang natahimik si Lewis sa mga tanong ni Sasha. Alam kong lahat kami gustong matuklasan kung sino ba talaga ang pumatay kay Miracle pero sana huwag umabot na maging desperado ang isa sa amin upang makamit lang ang katarungan sa kanyang pagkamatay. "Hindi," Kumabog nang malakas ang puso ko sa malamig na tinig na pinakawalan ni Kael. Nagkatinginan kami ni Lewis at sabay na napatingin sa pwesto ni Kael. Nakadekwatro ito habang nakalagay ang isa niyang kamay sa kanyang baba at tila'y nag-iisip. Nakatingin lang siya sa kawalan habang napapansin kong lumalalim ang kanyang paghinga. "Kailangan natin malaman ang kinalabasan ng autopsy ng katawan ni Miracle, kung paano siya pinatay at kung ano talaga ang ikinamatay niya. Para sa ganoong paraan may alam tayo at hindi lang basta-basta magbibintang ng kahit sino." Pinasadahan kami ni Kael ng tingin nang matapos niyang bitawan ang huling salitang kanyang sinabi. "Hindi!" Biglang singhal ni Sasha. Napatingin ako sa kanya at napansin kong nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha lalo na ang mga mata niyang hindi makatingin ng diretso sa mga mata ni Kael. "I mean," Nag-iwas siya ng tingin kay Kael at bumaling sa akin. "Ano bang silbi ng autopsy? Malinaw naman sa atin na namatay si Miracle dahil pinagsasaksak siya at dinaganan ng bato ang kanyang mukha! Useless lang ang autopsy, masasayang lang ang oras natin diyan." Hindi ko siya maintindihan kung bakit parang ayaw niyang alamin ang resulta ng autopsy, para bang hindi siya mapakali sa kanyang kinauupuan habang siya ay nagsasalita. "Sa ayaw at sa gusto mo aalamin ko ang autopsy ng bangkay ni Miracle." Matigas na usal ni Kael. "Pero-" Biglang natigilan si Sasha sa pagsasalita nang may kumatok sa pinto ng unit ko. Awtomatikong nagkatinginan kaming apat at bakas sa aming mga mukha ang pagkagulat. Narinig kong tumikhim si Kael at suminghap. "Mga pulis iyan." Mahina niyang usal sa amin. "Huhulihin ba tayo?" Kinakabahan kong tanong habang nakatingin sa kanya. Napansin kong ngumisi siya ngunit nawala rin ito agad. "Hindi," Muling may umalingawngaw na tatlong sunod-sunod na katok. "Act normal." Aniya at bigla itong tumayo. Sinundan ko siya ng tingin habang naglalakad patungo sa pinto at mabilis itong binuksan. Napansin kong sumunod sa kanya si Lewis. "Dito ba nakatira si Zafania Torres?" Nang marinig ko ang aking pangalan agad akong tumayo mula sa aking pagkakaupo at mabilis na tinungo ang kinaroroonan nila Kael. Marahas ko siyang hinawi at hinarap ang tao sa labas ng aking unit. Tama nga si Kael, bumungad sa akin ang isang lalaking pulis at isang babaeng pulis habang may hawak itong papel. "Ako po si Zafania Torres." Pagpapakilala ko sa aking sarili. Sinuri ako ng tingin ng lalaking pulis na kaharap ko, may bigote ito at sa tantya ko nasa edad itong kwarenta pataas. Bahagya siyang dumukot sa likod ng kanyang suot na pantalon at iniharap sa akin ang nagpapatunay na isa siyang tunay na pulis. "P03 Cedric Dumlao from Manila Police Station." Pakilala niya sa kanyang sarili at muling ibinalik ang kanyang lisensya sa kanyang bulsa. "At ito naman si P03 Kary Gotriz, hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa pumunta kami rito upang imbitahan ka sa presinto para tanungin ng mga bagay-bagay tungkol sa pagkamatay ng kaibigan mo." Biglang kumunot ang aking noo. "Bakit po ako?" "Dahil ikaw ang nakakita sa kanyang bangkay." Biglang sabat ni P03 Gotriz. "Sila ba ang mga kaibigan mo?" Usisa niya habang pinapasadahan ng tingin sina Kael, Lewis at Sasha na nasa tabi ko. Tumango na lamang ako bilang sagot. "Sumama na rin kayo sa presinto dahil ang sabi ng magulang ng biktima kayong mga kaibigan niya ang huling nakasama." Nilingunan ko sila at sabay-sabay naman nila akong tinanguan. Muli akong bumaling ng tingin sa mga pulis. "Sige po." Kahit na wala pa kaming tulog ni Sasha, kahit na hindi pa ako nakapagpapalit ng damit at may bakas pa ng dugo ni Miracle ang suot ko sumama na agad kami sa mga pulis. Ngunit bago pa man kami tuluyang makaalis ng unit ko, muli ko itong sinulyapan habang kami ay naglalakad pababa. Halos napahinto ako sa aking paglalakad at naramdaman kong nanlamig ang buo kong katawan sa aking nakita. Si Jeah. Nakita ko si Jeah na nakangiti habang nakatingin sa akin at kumakaway.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD