"Truth hurts. But lies can kill." --Karen Marie Moning
CHAPTER 15
White lies
NANG marating namin ang presinto bumungad sa amin ang iba't-ibang tao na nagkakagulo, mayroong umiiyak na babae at nagrereklamong binugbog siya ng kanyang asawa, mayroon namang isang lalaki na nagrereklamong pinagtulungan siyang bugbugin ng mga kaibigan niya ngunit ang mas nakaagaw ng atensyon ko ang isang matandang babae na umiiyak at naririnig kong bigla na lamang niya nakitang patay ang kanyang anak habang ito'y natutulog ngunit nagdudugo ang dibdib nito.
"Zaf, ano ka ba! Tara na!" Nagulat ako nang biglang higitin ni Sasha ang braso ko, itataboy ko sana ang kanyang kamay na nakahawak sa braso ko ngunit mahigpit ito. Wala na akong magawa kundi ang hayaan siyang hilahin ako sa gitna ng maraming taong nandito sa presinto.
Sinusundan lang namin ang dalawang pulis na sumundo sa amin, hindi ko alam kung saan kami dadalhin dahil masyadong malawak ang presintong ito hindi tulad ng ibang presinto na masikip at walang pasikot-sikot.
Maya-maya pa'y biglang tumigil si Sasha sa paghila sa akin at doon ko na lang napagtantong nasa isang maliit kaming kwarto. Agad kong pinasadahan ng tingin ang buong paligid sa silid na ito tanging ang isang maliit na lamesang bilog, dalawang upuan na nasa pagitan ng lamesa at isang ilaw na nasa kisame lamang ang nakikita ko, kahit ang bawat sulok ng kwartong itong walang kahit anong gamit o basurahan man lang. Hindi ko alam kung matatawa ba ako dahil ganitong-ganito ang napapanood ko sa mga pelikula o palabas sa t.v.
"Ms. Zafania Torres." Napasinghap ako nang banggitin ni P03 Dumlao ang aking buong pangalan.
Binaling ko ang aking tingin sa kanya habang mariin siyang nakatitig sa mga mata ko na para bang gusto niyang basahin kung anong nasa loob ng aking kaluluwa. "Ikaw lang ang maiiwan dito," Aniya at bigla niyang tinignan sina Kael, Sasha at Lewis na nasa tabi ko. "Sa labas muna kayong tatlo, si Ms. Torres muna ang tatanungin ko." Dugtong niya habang nakatingin sa mga kaibigan ko.
Narinig kong tumikhim si Kael. "Sabay-sabay mo na kaming tanungin." Malamig ang pagkakabitaw niya sa kanyang sinabi.
Nanatili lang akong nakatingin kay P03 Dumlao, kanina ko pa gustong basahin ang ekspresyon ng kanyang mukha ngunit para itong isang blangkong papel. "Si Ms. Torres muna ang tatanungin ko." May diin ang bawat pagbitaw niya ng salita na para bang konting imik mo lang ay sisigawan ka niya ngunit iba ang sinasabi ng hitsura ng kanyang mukha, blangko talaga ito na kahit buong magdamag mong titigan ang kanyang mga mata mananawa ka lang.
"Sige po, Sir P03 Dumlao." Narinig kong sabag ni Sasha.
Biglang naglakad si P03 Dumlao patungo sa gitna kung saan naroroon ang lamesang bilog at mga upuan. Hindi ko na binigyan atensyon pa ang paglabas ng mga kaibigan ko pinapanood ko na lamang ang bawat galaw ni P03 Dumlao hanggang naupo siya sa isang upuan.
"Ms. Zafania Torres." Biglang nabuhayan ang buong katawan ko, dali-dali akong nagtungo sa kanya at naupo sa kabilang banda ng upuan.
Napansin kong may maliit siyang notebook na nasa kanyang harapan at isang itim na ballpen. Narinig kong bigla siyang tumikhim kaya napatingin ako sa kanyang mukha, hindi ko alam kung kanina pa siya nakatingin sa akin o sabay lang kaming napatingin sa isa't-isa. Bahagya siyang may dinukot sa kanyang bulsa na isang maliit na record player, pinindot niya iyon bago nagsimula magtanong.
"Pangalan?" Diretso siyang nakatitig sa mga mata ko at nananatiling blangko ang kanyang aura.
"P03 Dumlao alam mo naman ang pangalan ko." Bahagya akong tumawa ngunit bigla akong napatigil nang marahan niyang tinapik-tapik ang lamesa gamit ang kanyang ballpen. Napalunok ako ng laway bago sumagot, "Zafania Torres." Nagsulat siya sa kanyang maliit na notebook kahit alam kong kanina pa nakasulat ang pangalan ko roon.
"Kaano-ano mo ang biktima?" Nanatili lang siyang nakayuko at naghihintay ng sasabihin ko para maisulat niya sa notebook.
"Kaibigan." Bigla niyang inangat ang kanyang ulo at muling tumitig sa mga mata ko.
Napansin kong huminga siya nang malalim bago muling nagtanong. "Ilang taon na kayong magkaibigan?"
Napalunok ako ng laway sa tanong niya. "Halos dalawang buwan pa lang po, itong college lang kami nagkakilala." Tumango siya sa sagot ko habang nagsusulat sa notebook.
Muli siyang tumingin sa akin. "Bakit nasa lugar mo si Ms. Miracle Santiago?"
Nang banggitin niya ang pangalan ni Miracle parang bigla na lang akong nanghina, biglang ko na lang naramdaman ang sakit sa puso na wala na akong kaibigan... Wala na si Miracle.
Humugot ako nang malalim na paghinga upang pakalmahin ang kalooban ko, bahagya akong yumuko bago sumagot. "Birthday ni Lewis kahapon, inabot na kami ng gabi kaya sa bahay natulog sina Miracle at Sasha." Pagpapaliwanag ko.
"Bakit siya lumabas ng gabi? Alam mo bang lumabas siya?" Marahan kong inangat ang aking ulo at muling nagtagpo ang aming mga mata.
"Si Sasha ang nakakaalam kung bakit siya lumabas. Ang sabi sa akin ni Sasha may bibilhin daw si Miracle at hindi ko alam na lumabas siya dahil nasa kwarto ako nag-iisa. Kung alam ko lang na lalabas siya hindi ko siya palalabasin... Kung alam ko lang P03 Dumlao." Hindi ko na napigilan pa ang aking emosyon, kusa nang bumagsak ang kanina ko pa pinipigilang mga luha habang nanatili lang akong nakatitig sa kanyang mga mata.
Bigla siyang ngumisi sa akin at bahagya siyang sumandal sa kanyang kinauupuan. Tumikhim siya habang humahalukipkip sa harap ko, "Bakit ka naman lumabas ng bahay mo? Bakit hindi ka nagpasama sa isa mong kaibigan? Paano mo nakita si Miracle? Wala ka bang nahagilap kahit isang tao sa pinangyarihan?" Nagulat ako sa sunod-sunod niyang tanong ngunit hindi ako nagpahalata nanatili pa rin ang mapanuri niyang mata sa akin.
"Nang sabihin sa akin ni Sasha na lumabas si Miracle agad ko siyang sinundan dahil gabi na at delikado sa daan, hindi na ako nagpasama kay Sasha para siya ang maiwan sa unit ko kung sakaling nagkasalisi kami ni Miracle at kaya ko namang hanapin si Miracle dahil ako ang nakatira sa lugar na iyon. Sa tingin ko mga bandang alas-nuebe na ng gabing iyon dahil wala ng katao-tao sa labas maagang natutulog ang mga tao sa lugar kung saan ako nakatira. Ilang minuto kong hinanap si Miracle hanggang sa mapunta ako sa isang bakanteng lote kung saan doon ko nakita si Miracle. Tinawag niya ang pangalan ko at tuwang-tuwa ako dahil walang nangyaring masama sa kanya pero nagulat na lamang ako nang may bumulwak na dugo sa kanyang bibig." Tumigil ako sa pagkwento nang maalala ko ang hitsura niya kagabi huminga ako nang malalim at nag-iwas ng tingin kay P03 Dumlao muli akong napayuko sabay patong ng dalawa kong kamay sa aking hita.
"Ang sabi mo narinig mong tinawag ka ni Miracle at nakita mong may bumulwak na dugo sa kanyang bibig, tama ba?" Tumango ako mula sa aking pagkakayuko at nararamdaman ko pa rin ang mabibigat na titig sa akin ni P03 Dumlao.
"Kung ganoon naabutan mo pang buhay si Ms. Santiago, pero bakit naging ganoon ang sinapit niya? Bakit siya namatay? Ms. Torres sinasabi mo bang isang mahika ang pagkamatay ni Ms. Santiago?"
Kumalabog ang puso ko sa tanong niya, mabilis kong sinariwa ang aking sinabi at sa hindi ko malamang dahilan nagugulumihinan ako sa mga nangyayari. Ilang segundo akong hindi nagsalita at tanging mabibigat na paghinga ko lamang ang aking pinakakawalan sa aking bibig.
"Ms. Torres, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa hindi ako tanga para paikutin mo dahil malinaw na malinaw na naabutan mo pang buhay si Ms. Santiago, isang tanong at isang sagot ikaw ba ang pumatay sa kanya?"
Naramdaman kong bumagsak ang aking balikat sa tanong niya at mas lalong lumalalim ang aking paghinga. Hindi ko na matandaan, kahit sa sarili ko hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari... Mayroong isang pangyayari na nasa isip ko at mayroon din isang pangyayari na ayokong paniwalaan, gulong-gulo na ako sa aking sitwasyon at kung ano man ang nasa isip ko...
Pakiwari ko nasa isa akong kulungan na wala nang matatakbuhan kundi ang sumuko na lang. Pero hindi ko hahayaan iyon dahil hindi ako ang pumatay kay Miracle... Alam kong hindi ako at nasisiguro ko iyon.
Dahan-dahan kong inangat ang aking ulo at sa hindi inaasahan konting distansya na lamang ang pagitan ng mukha namin ni P03 Dumlao, kusa akong napatitig sa kanyang walang emosyon na mga mata at ganoon din siya ngunit kakaiba ang pagtitig niya sa akin para bang hindi siya sa mata ko nakatingin pakiwari ko sa kaloob-loob ng aking mata... Malalim.
Kinagat ko ang ilalim na labi ko. "P03 Dumlao hindi ako ang pumatay kay Miracle, hindi ko magagawa iyon dahil kaibigan ko siya-" Pinutol niya ang aking sasabihin sa bigla niyang paghalakhak.
Muli siyang sumandal sa kanyang kinauupuan habang nakatitig pa rin sa akin, hindi na yata mawawala ang mga mata niya sa bawat galaw ko.
"Maraming salamat sa konting oras mo Ms. Torres, maaari ka nang lumabas ng silid na ito." Aniya at napansin kong muli niyang pinindot ang record player na hawak niya, marahil hininto na niya iyon.
Tumango na lamang ako at nagpasalamat sa kanya. Habang nilalakad ko ang silid na ito upang makalabas, sa bawat hakbang ng mga paa ko ang bigat-bigat nito kasabay nang mabibigat na paghinga ko. Alam kong may kakaibang nangyayari sa amin, lalo na sa akin.
Ayokong sabihin sa kanila ang dalawang pangyayaring na nasa utak ko, ayokong paghinalaan nila ako at ayokong mawala ang tiwala nila sa akin. Alam kong sa huli nito malalaman din ang katotohanan at makikita rin kung sino ang pumatay kay Miracle.