IKATLONG BAHAGI

714 Words
- “SINO 'yan?” buhat sa isang puno ay lumabas mula sa pagkakatago ang isang nilalang na nakamaskara ng kulay ginto. Magkasingtangkad ito at si Roi. Ang damit nito'y iba sa mga nakikita ko rito. Medyo gusot at parang dinaanan ng mga punyal dahil sa mga butas. “Arma!” kahit nanginginig ang boses ko ay pilit akong sumigaw para sa alalay na ewan ko kung nasaan na. Kita ko kung paano mangislap ang mga mata ng nilalang. Biglang nais kumulo ng dugo ko dahil tangan pala ng kanang kamay nito ang aking mga damit! “Ngayon lang kita nakita, ikaw na ba ang asawa ni Roi?” Lalaki pala ito base na rin sa boses nito. “Iwan mo ang mga damit ko r'yan! Tiyak na mapapatay ka ng aking asawa kapag naabutan ka niya kung sino ka man!” medyo lumangoy ako palayo ako upang pagtakpan ang aking kahubadan. Pumailan-lang ang tawa nito na animo'y natutuwa. “Bakit? Wala naman tayong ginagawa a? Ikaw, baka may balak kang gawin... ” Ano? Ang walangya! Roi, nasaan ka na ba? Bakit may manyakis at baliw na napadpad dito? Sasagot sana ako nang magsalita ulit ang lalaki. Tinitingnan ko ang mga sapatos nito kung ihahakbang ba nito ang mga yun. Gagawin ko ang lahat kung sakali, maligtas lang sa damuho na ito. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ako gaanong masama. Gusto ko lang talagang makita ang ipinagpalit ni Roi sa pumanaw kong kapatid na si Maaryaa. Kaya pala, nabighani pala siya ng isang kaakit-akit na taga-lupa. Ang maipapayo ko lang ay mag-ingat ka kay Roi, hindi siya ang sa tingin mo'y siya. Hanggang sa muli!” Bigla na lang umusok at naiwan sa lupa ang aking mga damit. Nawala naman ang nakamaskara. Sino ba ito? At ano ang pinagsasabi nito patungkol kay Roi? Ganito ba rito? May mga tsismoso rin? Hay. Akala ko kung ano na ang mangyayari sa'kin. May mga may saltik pala rito at mapagbintang! Mamaya, pag-uwi ni Roi, itatanong ko ang patungkol sa lalaki at sa babaeng nagngangalang Maaryaa. - - "Mahal, may kilala ka bang Maaryaa?" tanong ko kay Roi nang makauwi ito. Pumulupot ang mga kamay ko sa braso nito. Nakita ko na parang gulat na gulat ito. Bahagya pang tumaas ang kilay nito. "S-saan mo narinig ang pangalan na 'yan?" Oo nga pala. Hindi ko pa nasasabi ang tungkol sa manyakis kanina kaya naman ikuwenento ko kay Roi ang lahat. Nagngalit ito at sinabi sa akin na bawal na sa akin ang pagliligo sa ilog. Sa mga sumunod na araw ay halos bantayan ni Roi ang lahat ng aking kinikilos. Kung saan ako naroroon ay nandun din siya. Maging nang may handaan na nagaganap sa ibayong kaharian. Pumunta ako at maging sina Roi at pamilya nito upang makipagsaya. Masyadong maraming kausap si Roi kaya naman parang nabagot ako at naglakad-lakad. Minamasdan ko ang mga larawan na nakapaskil sa dingding. Walang masyadong nilalang na naroon kundi ako lang at isang lalaki na nakaitim at may suot na puting sumbrero. Tiningnan ko ito ngunit habang ginagawa ko yun ay parang mas lumalapit ang pigura nito. Pansin ko na hindi naman ito naglalakad kundi lumulutang sa hangin. Ipinikit ko ang mga mata dahil sa takot. Sana ay hindi ko na ginawa. Hindi sana ako nakatali sa isang puno ngayon at kaharap ang lalaking nakamaskara. Ang lalaking nakita ko sa ilog. "R-Roi, Roi, Roi!" Tinatawag ko ang aking mahal ngunit wala ito. Tanging ang lalaki lang at ako. Ano bang binabalak nito? "Ikaw babae, hindi ko hahayaan na maging masaya ang walanghiya na Roi na yun. Matapos ang ginawa niya sa kapatid ko. Pababalikin kita sa mundo ninyo at wala nang magagawa si Roi patungkol doon. Mananatili kayong nakakulong sa pagitan ng inyong mundo at sa pag-iibigan ninyo na hindi maaari. Paalam!" Ni hindi ako makapagsalita. Nakita ko si Roi mula sa malayo. Umiiyak ito habang tumatakbo papunta sa akin. Ngunit huli na. May liwanag na bumalot sa akin at iginupo ako ng antok. "Sheeeerriii!" Narinig ko pa sa huling pagkakataon ang boses ng mahal ko. Roi, ninanais ko lang naman na manatili sa piling mo. Hindi ba talaga maaari? Hindi ba... talaga? Paano na ako Roi. Hindi ko kayang pakawalan ka. Kahit anong mangyari ay mamahalin kita Roi. Ngayon at habang-buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD