Kaytagal kitang hinintay Sherri.
Napakatagal.
Hindi ko akalain na muli kitang masisilayan kahit na nasa iba ka nang katauhan.
Kaya naman, sa unang pagkakataong nahulog ka sa mga bisig ko.
Alam kong ikaw 'yan.
Ang aking si Maaryaa.
Ang sabi mo ay babalik ka sa piling ko kahit anong mangyari. Pinanghawakan ko ang pangako mo noong mga panahong namatay ka sa mga bisig ko.
Hindi ako pinapunta ng pamilya mo sa araw kung saan lilisan na ang iyong katawan. Masakit sa akin malaman na wala ka na talaga.
Ang nilalang na pinangakuan kong mamahalin habang panahon.
Alam kong isa sa mga kapamilya mo ang pumatay sa'yo. Nararamdaman ko 'yun. Gusto ka nitong ilayo sa akin. At ngayon nga ay gayun na naman ang kanyang ginawa. Ni Eer. Ang kapatid mo sa ina. Nakangisi siya ngayon sa harap ko habang nag-iiba ang hitsura ko sa galit at naging tila isang halimaw na kung makikita mo ngayon, bilang ikaw si Sherri, ay hindi mo makakayang tingnan at mahalin. Tama lang siguro ito. Ang malayo ka sa lugar na ito at bumalik sa lugar kung saan ka na nararapat.
Sa pangalawang pagkakataon ay masasaktan ako at makakaramdam na muli akong namatay.
Ang mahalaga ay naging masaya ako na natupad ko ang pangako ko sayo sa panahong naririto ka pa. Marahil ay sapat na yun. Sapat na. Naputol ang aking iniisip nang mabilis na tinamaan ako ng punyal ni Eer.
Ito ang punyal na nagmula pa sa Diyos ng kaharian. Ang isinulat sa libro na siyang papatay sa halimaw na tulad ko. Kahit sugatan ay pilit inaabot ng humahaba kong kamay na nababalot ng putik si Eer para ito ay sakalin. Minahal ka ng nilalang na ito subalit pinatay ka rin ng pagmamahal nito.
Papatayin ko siya.
Parang naghihintayan na lang kami kung sino ang mauunang mamamatay.
Sa paglisan ko, tandaan mong mahal na mahal kita.
Maaryaa...
Sherri...
Sana'y sa susunod na pagkakataon ay wala nang makakapaghiwalay sa atin.
Nauubos na ang lakas ko.
Kahit na mawala ako ay tatanawin pa rin kita mula sa malayo.
Kahit na hindi mo na ako maramdaman at makikita.
-5-
Uhaw na uhaw ang pakiramdam ko nang magising ako. Umiiyak sina mama at niyakap ako.
Maraming dahon na nakadikit sa aking katawan.
Nalaman ko na lang na naengkanto daw ako. Bakit parang wala akong maalala?
At saka engkanto? Hindi ba at nakakatakot ang mga yun?
Wala talaga akong alam sa pinagsasabi nila lalo na ng manggagamot. Sabi nito ay malakas daw ang engkanto na nagkagusto sa akin.
Ilang araw ang lumipas at hindi na ako ganun kahina. Napansin ko na pumayat ang katawan ko.
At madalas din akong nagsusuka at nahihilo.
Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin.
Sa susunod na linggo ay kasal na namin ni Carlo. Siya ang lalaking natitipuhan ng mga magulang ko. Mabait naman siya ngunit hindi ko talaga mahanap sa puso ko na gusto ko siya.
-
"O bessy, ang ganda-ganda mo sa wedding gown mo."
"Salamat... "
"O, bakit matamlay ka yata? Hindi mo pa rin ba gusto si Carlo? Bessy, may free will ka naman e, kung may iba kang naiibigan, sabihin mo sa daddy at mommy mo! Diba nga, yung lalaki sa panaginip mo ang hinihintay mong makita? Baka totoong tao sya na hindi mo pa nami-meet!" Huh? Sino bang tinutukoy ng kaibigan ko?
Nahulog ako sa malalim na pag-iisip.
Hindi kaya ang tinutukoy nito ay yung engkanto? Nakakatakot naman kung ganun. Ako pa naman mag-isang natutulog sa kuwarto at baka biglang magpakita.
Nakaidlip ako. Masyadong masama ang pakiramdam ko dulot ng pagsusuka. Para tuloy akong buntis pero wala namang kung anong naganap sa amin ni Carlo.
Nagising ako at ini-on ang lampshade para lang magulat sa taong nakahandusay sa sahig. Duguan ito at walang malay.
Sigaw ako nang sigaw.
Malay ko ba kung anong klaseng tao to.
"Arrgh!" sigaw nito. Siguro, sobrang sakit ng sugat nito sa tiyan. Nananaginip lang yata ako dahil parang nag-iiba iba ang kulay ng buhok nito. Itim yun na naging bughaw at parang umiilaw. Napakurap pa ako. Mabilis na hinagilap ko ang stick sa gilid. Baka kasi kriminal ito na nakaakyat sa bahay. Wala pa naman dito sina daddy. Pilit ko ring kinokontak sina Carlo ngunit out of coverage.
Ginamit ko ang stick para gisingin ang lalaki. Nanatili ako sa kama. Unti-unti namang iniangat nito ang ulo. Mga mata lang nito na kulay green ang nakikita ko.
Sino ba ito? Bakit ganun ang kulay ng mga mata nito?
Siguro, tatawag ako ng pulis o kaya doktor.
Umalis ako ng kama at patakbong pumunta ng pintuan para lang mapatid sa isang kamay na humawak sa aking paa.
Agad akong natumba. Ang sakit.
Bwisit na lalaki to.
"D-dito k-ka lang... " halos pabulong ang boses nito.
Gusto kong tumayo at saktan ang lalaki pero parang may pumipigil sa akin na gawin yun.
Saan ba talaga ito galing at bakit parang kakaiba ito?
"S-Sherri... ako to." Ano? Kilala ako nito?
"K-Kuya, wag ka nantitrip. Hindi kita kilala. Papunta na ang mga pulis, kung hindi mo gustong maputukan, umalis ka na... "
Muntik na akong mapasigaw nang bigla na lang yakap-yakap na ako nito. Teka lang, paano yun nangyari?
"D-dito ka lang sa tabi ko. Nagmamakaawa ako, Sherri... " parang kay amo ng boses ng lalaki. Bakit kahit duguan ito, mabango pa rin? Yung klase ng bango na parang naamoy ko na dati.
"S-sino ka ba, ha?" hindi ko mapigil na itanong. Bakit ba hindi ako nakararamdam ng takot sa estranghero na ito?
Bakit parang gusto kong dito lang ako sa bisig nito?