"Baguhin mo ang nakasulat sa tadhana."
Mirage's POV
"UMINOM ka muna ng tsaa." iniabot sa akin ni Tita ang isang tasa ng tsaa saka naupo sa aking harapan. Hanggang ngayon ay sobrang bigat pa rin ng pakiramdam ko.
Ilang araw na rin ang nakalipas mula noong insidente sa coffee shop. Hindi ko na muli pang nakausap si Heaven. Iniiwasan ko siya. Maging sa school ay hindi ko rin siya kinakausap.
Ganoon din naman siya sa akin. Sa nangyari sa amin ay parang nagkaroon kami ng sobrang laking gap. Masakit. Sobrang sakit.
Alam kong hindi dapat ito ang nararamdaman ko. Kaibigan ko siya at para ng kapatid ang turing ko sa kanya pero natatakot ako. Paano niyang nagawa 'yon?
"Mirage, may problema ba?" tanong niya sa akin, napatingin naman ako sa kanya. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko. Dati-rati'y sina Mama at Papa lang ang natatakbuhan ko sa tuwing may problema ako at ngayong wala na sila hindi ko na alam ang gagawin ko. Isa na lang ang mapupuntahan ko.
"Mirage, alam kong may bumabagabag sa'yo." sabi pa niya sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay. "Sabihin mo sa akin, baka makatulong ako."
Sa di ko malamang dahilan ay napaluha ako. "Tita." pinahid ko ng aking kamay ang aking luha. Kailangan kong magpakatatag.
"Is this about your parents?" tanong pa niya. Umiling ako. "Then what? Mirage, tell me. Nag-aalala na ako sa'yo. Your nanny told me na ilang araw ka ng ganyan. Is it about school?" tanong pa niya.
Mula sa glass window sa may opisina niya ay nakita ko ang pagpasok ng isang bata, kasama nito ang sa tingin ko'y kanyang ina. Tuwang tuwa ang bata nang makita niya ang napakaraming anghel sa paligid. Naalala ko ang kapatid ni Heaven. Ang palagi niyang ikinukwento.
Napahinga ako ng malalim saka nagsalita, "It's about Heaven."
Rinig ko ang paglipat ng segundo sa orasan na nasa opisina ni Tita.
"What about her?" tanong niya sa akin.
"The past few days, kakaiba 'yong mga ikinikilos niya. Parang ang lalim ng iniisip niya. Hindi ko na lang 'yon pinansin kasi baka stress lang siya sa school pero Tita, may kakaiba sa kanya. Iba siya." naalala ko na naman noong nakita ko siyang nagliwanag.
Pinilit kong isipin na normal pa rin ang mga nangyayari sa kanya pero nang makita ko ang pag-ilaw ng dalawang hugis triangulo sa kanyang kamay ay nagsimula na akong makaramdam ng takot. Matagal ko ng napapansin ang kakaibang liwanag na nangggagaling kay Heaven
Sa apat na taon ko siyang kaklase at naging malapit na kaibigan, matagal ko nang napapansin ang lahat. Hindi ako nagsasalita. Hindi ako nagtanong.
Ayokong magduda. Ayokong matakot. Ayokong lumayo. Pinilit kong makisama na parang normal lang ang lahat pero nang makita ko ang kanyang ginawa sa coffee shop, alam kong may mali. May kakaiba kay Heaven.
Hindi siya normal. Hindi siya isa sa amin.
"At lumayo ka sa kanya?" nagulat ako sa tanong ni Tita sa akin. Napatango na lamang ako. Nilayuan ko si Heaven. Ang sama sama kong kaibigan.
"Baka may problema lang si Heaven. Mirage, kapag may dinadalang problema ang kaibigan mo, mararamdaman mo 'yon. Bestfriend mo si Heaven diba?" muli akong tumango sa tanong niya.
"Ngayon ka niya mas kailangan. Huwag kang lumayo sa kanya." muli niyang hinawakan ang kamay ko. "Huwag kang matakot kung ayaw mo siyang mawala. Kapamilya na rin ang turing niya sa'yo at ganoon ka rin sa kanya."
"Tita."
"Mabait na bata si Heaven, hindi ka niya magagawang saktan."
Mula noong mawala sina Mama at Papa ay kay Tita na lang ako palaging pumupunta at sa tuwing kakausapin ko siya ay gumagaan ang loob ko. Hindi ko alam kung bakit pero kinukutuban ako.
Alam kaya niya ang lahat?
Matapos ang aming pag-uusap ay napagpasiyahan ko ng umuwi.
Tama si Tita, hindi ko dapat nilayuan si Heaven. Kaibigan ko siya at kahit ano pa siya, tatanggapin ko siya.
Mali ako, hindi siya iba. Espesyal siya.
"Alam kong marami kang napapansing kakaiba sa paligid mo pero Mirage, wag na wag kang matatakot. Nandito lang kami ni Heaven sa tabi mo." binigyan ko ng isang ngiti saka tumango.
"Salamat po Tita. Tita Kismet.."
Third Person's POV
NAKATINGIN lamang siya kay Mirage na naglakad palabas ng kanyang tindahan. Di lingid sa kanyang kaalaman ang paglitaw ng isang nilalang mula sa kanyang likod. Ang nilalang na kanina pa siyang minamanmanan.
"Anong kailangan mo?" tanong niya nang nakatingin pa rin kay Mirage na papalayo.
"May mensahe po sa inyo ang mahal na hukom." Napalingon siya at nakita ang nakatungong ulo ng anghel na 'yon. Hinawakan niya ang noo nito bago pumikit.
Nanlamig ang kanyang mga kamay sa kanyang nakita.
"Anong ginawa niyo kay ama?!" tanong niya sa anghel na kanyang kaharap.
Hindi ito sumagot, bagkus ay nakatungo lamang ito.
Dali dali siyang pumunta sa kanyang opisina at tinungo ang isang sikretong silid sa loob nito.
Tanging mga lampara lamang ang nagbibigay liwanag sa kwartong 'yon. Pinapalibutan ng mga bookshelf ang dingding ng silid na 'yon. Sa gitna ng sahig ay may nakaukit, ang Jewish star of David.
Kinuha niya ang kanyang kapa at ang kanyang tungkod na may nakaukit na kagaya ng nasa sahig. Sa dulo ng tungkod, makikita ang tatlong magkakapulupot na serpent.
Pumwesto siya sa gitna ng silid. Itinukod niya ang tungkod at saka nagsalita, "Fatum egregius."
Kakaibang liwanag ang bumalot sa tungkod.
Mula sa dulo ng isang punto ng triangulo sa sahig ay nagliwanag ito at gumuhit papunta sa magkakaibang dulo ng Jewish star.
"Ugggh. Ang tagal din." sabi ni Praeteritum nang maramdaman niya ang kanyang muling pagkabuhay. Gagapang gapang ito at iikot ikot sa tungkod habang lalabas labas ang kanyang dila.
"Kismet, ang iyong ama!" wika ni Hicce na nag-aaalala.
"Mangyayari ang lahat ayon sa tadhana." sabi pa ni Posterus na nakaprente sa pinakadulo ng tungkod.
Buhay na namang muli ang tatlong serpent na 'yon:
Praeteritum - serpent of the past; Hicce - serpent of the present at si Posterus - serpent of the future.
"Binihag nila si ama." sabi ni Kismet sa mga ito.
"Pupuntahan mo siya?" tanong ni Praeteritum dito,ang pinakamatanda sa tatlong serpent.
"'Yon ang gusto niya." sabi niya sa mga ito.
Napatango na lamang ang tatlong ahas at walang anu-ano'y sabay-sabay na ibinuka ng mga ito ang kanilang bibig na nagdulot ng isang napakalakas na pwersa. Muling nagliwanag ang paligid.
Sa gitna, kung saan nakatayo si Kismet ay nagbukas ang isang lagusan. Hawak ang tungkod ay pumasok siya rito.
-
"PUNONG HUKOM, may panauhin po kayo." sabi ng isang anghel na may hawak na espada sa punong hukom na kasalukuyang nakatingin sa lawa ng daigdig. Pinapanood nito ang kasalukuyang nangyayari sa mundo ng mga mortal. Umalis na rin ang anghel pagsabi noon sa hukom.
Lumingon ang hukom at nakita niya ang kanina pa niyang hinihintay, si Kismet.
"Hindi ko akalaing pauunlakan mo ang aking paanyaya." bungad na sabi nito kay Kismet. Napatingin pa ito sa dala nitong tungkod, "Nagsama ka pa ng mga bisita."
Mukha namang nainis ang mga ahas na nakapulupot sa tungkod na hawak ni Kismet. Sinunggaban agad ni Hicce — babaeng serpent, ang punong hukom.
"Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo. Tadhana ang kalaban mo." sabi pa ni Hicce at muling bumalik kay Kismet. Mukha namang nasindak ang hukom. Napalunok na lamang ito.
"Ilabas mo ang aking ama." matigas na sabi ni Kismet sa punong hukom.
Napangiti ang hukom sa sinabi ni Kismet. Nagsimulang maglakad si Kismet papalapit sa kanya.
"Ilabas mo ang ama kong si Crest!" pag-uulit ni Kismet at itinutok ang kanyang hawak na tungkod nang makalapit ito sa hukom.
Si Kismet ang nag-iisang anak ng tadhanang si Crest. Hindi naninirahan si Kismet sa ikaapat na dimensyon, bagkus, nakatira ito sa mundo ng mga mortal. Bata pa lamang ito ay ipinadala na ito ni Crest sa lupa.
Namuhay si Kismet na parang normal na tao, wala mang sariling pamilya ay may mga kamag-anak pa rin ito gaya ng mga totoong tao. Ginawa ito ni Crest upang masubaybayan nila ang galaw ng bawat tao sa mundo lalong lalo na ang galaw ng pamilya nina Riyah.
Muling sinunggaban ni Hicce kasama pa sina Praeteritum at Prosterus ang hukom. Sa pagkakataong ito, hindi na nagpatinag ang punong hukom.
"Huwag kang mag-alala, ilalabas ko ang ama mo..." ngingiti-ngiting sabi ng hukom kay Kismet at diretso itong tiningnan sa kanyang mata, "...sa isang kundisyon."
Tumalikod ang hukom at muling tumingin sa lawa ng daigdig. Iba't ibang mukha ng daigdig ang nakikita nito. May masaya, may malungkot, may payapa at may magulo.
"Ano?" tanong ni Kismet dito. Napangiti naman ang hukom sa kanyang narinig.
Muli itong tumingin kay Kismet at sa kanyang sinabi ay nagulat ang kanyang kausap. Maging ang tatlong serpent ay nagulat din.
"Baguhin mo ang nakasulat sa tadhana."
"Nahihibang ka na! Alam mong hindi ko 'yan maaring gawin." sabi ni Kismet dito. Kampante lamang ang hukom, alam niyang hawak niya sa leeg ang kanyang kausap.
"Hindi nga ba o ayaw mo lang gawin?" tanong ng hukom dito. "O baka naman hindi mo kayang gawin?" naghahamong dagdag pa nito.
Tumalikod si Kismet, "Hindi. Hindi ko magagawa ang ipinapagawa mo." sabi nito. Maglalakad na sana ito palabas nang makasalubong nito ang isang anghel na hingal na hingal.
"Punong hukom! A-ang tadhana!"
Napatigil si Kismet sa kanyang paglalakad.
"A-ang tadhana! N-nagwawala ang tadhana! Hindi na namin siya mapigil! Ang iba ay ginawa na niyang bato! Unti-unti na niyang nasisira ang hawla!" manginig nginig na sabi nito.
Dali-daling nilapitan ni Kismet ang anghel at hinawakan ito sa leeg, "Nasa'n ang ama ko?!" tanong nito.
"H-hindi—-hindi ako maka—"
Hindi na nakapagpigil si Kismet, "Sabihin mo nasa'n ang ama ko?!"
"Bitawan mo siya Kismet." mahinahon na sabi ng punong hukom.
Tiningnan lamang ito ng masama ni Kismet saka muling nagsalita, "Isang malaking pagkakamali ang kalabanin niyo ang tadhana. Pagsisisihan niyo 'to." Binitawan niya ang anghel na kanyang hawak.
"Sinasabi ko sa'yo Dusk, pagsisisihan niyo 'to."
Umalis na si Kismet at kasabay ng kanyang pag-alis ay ang muling paggitak ng isang malaking bahagi ng harang sa pagitan ng mga puti at itim na anghel.
Tulala lamang si Dusk. Hindi nito alam ang kanyang gagawin. Naiinis siya sa kanyang sarili.
Nang matauhan siya ay muli siyang dumungaw sa lawa ng daigdig.
Nalalapit na.
Mukhang tama nga sina Crest at Kismet, lahat ay nakaayon sa tadhana.