"Tsk, akin na lang 'yong tikman mo Lena, di ba mahilig ka sa cheese hotdog?" tanong ni Samuel sa akin na nagpa-init sa pisngi ko. Kahit anong pilit ko na hindi mag-isip ng masama ay kusa na lamang pumapasok sa isip ko ang mga hindi dapat. Napakadumi na ng utak ko na kahit sa hotdog ay ibang bagay ang naiisip ko.
"Ayaw mo bang tumikim ng ibang hotdog Lena?" tanong naman ni Father sa akin. Nakakaloka mga mare! Kaninong hotdog ba kasi pipiliin ko? Pati sa pagkain ng hotdog ay nalilito pa ako. "May cheese rin 'yong akin tapos mahaba, sulit na sulit atsaka, I guarantee na mas masarap itong hotdog ko. I mean, 'yong hotdog na inihaw ko," namumulang ani ni Father.
Ano 'to? Endorsement ba 'to ng hotdog?! Kaloka sila ha? Mahilig naman talaga akong kumain ng hotdog dahil paborito ko iyon. Kaya ngayon ay nahihirapan akong pumili sa dalawa dahil parehong mukhang masarap ang mga iyon!
"Kainin mo na lang ng sabay Lena, masarap 'yan pag sabay mong sinubo," natatawang wika ni Marya. Mahinang tumatawa ang kaibigan habang si Berto at Wakim naman ay nagtatawanan na rin sa gilid.
Ang sarap nilang batukan Diyos ko! Mas pinapalala nila 'yong sitwasyon. Napatingin naman ako sa kan'ya-kan'yang hawak na hotdog nilang dalawa. 'Yong kay Samuel 'yong lagi kong kinakain dahil 'yon 'yong nakasanayan ko. Tapos itong kay Father naman 'yong hindi pamilyar sa akin.
"Father? Anong hotdog 'yang sa'yo?" kuryosong tanong ko.
"Ah, ito ba? Footlong hotdog ito dahil mahaba. Tapos may cheese na rin, gusto mo?" nakangiting alok ni Father Lucho sa akin.
Napalunok ako. Natatakam ako sa hotdog niya. Mukha kasing masarap tapos sulit dahil mahaba rin.
"Mahaba rin naman din 'tong akin ah?" mahinang bulong ni Samuel sa gilid dahilan kung bakit napalingon ako sa lalaki.
Nakita kong nakasimangot ang pagmumukha nito nang hindi ko binigyang pansin ang hotdog na inalok niya. Napabuntong-hininga ako, bakit ba kasi ako namomroblema sa mga hotdog nila? Kakainin ko na nga lang ng sabay 'yan.
"Sige, ilagay niyo na lang sa plato ko. Sabay ko na lang titikman," nahihiya kong sagot sa kanilang dalawa.
"Hanep! Kaya mo 'yan friend! Lakihan mo lang bunganga mo at magkakasya 'yan!" Humagalpak ng tawa si Marya at ganoon na rin si Wakim at Berto.
Kapwa naman namula si Father Lucho at Samuel dahil sa sinabi ng kaibigan. Hay naku! Ito talagang si Marya, kapag kaberdehan ng utak ang pinag-uusapan ay palong-palo siya! Kaya kung minsan ay nahahawaan na rin ako dahil sa kan'ya.
"Salamat sa pag-ihaw," ani ko.
Hindi ako nakarinig ng sagot mula sa dalawa at hindi ko na rin sila tiningnan pa. Naka-focus kasi ako sa kung anong unang titikman ko. Pero sa totoo lang ay talagang natatakam ako sa hotdog ni Father Lucho, mahaba kasi iyon at brown ang kulay. Kuryoso ako sa lasa ng hotdog niya dahil ngayon pa lang kasi ako nakakita ng ganoong hotdog. Napagpasiyahan ko na unahing tikman 'yong kay Father. Kinuha ko iyon at kumagat. Napabilog ang mata ko dahil sa sarap! Unang kagat pa lang ay lasang-lasa ko na ang chess na sumasabog sa bibig ko.
"May keso ka sa labi" Nagulat naman ako sa biglaang pagdantay ng kamay ni Father sa may gilid ng labi ko. Hindi ko namalayan na marami palang chess ang hotdog niya kaya kumalat iyon sa bibig ko habang kinakain ko. Bigla akong napaso sa marahan nitong paghaplos sa akin. Hindi ko alam pero para akong natuklaw ng ahas dahil hindi ako nakagalaw. Sabay pa kaming napatitig sa isa't-isa at bigla na lamang nagwala ang puso ko.
Sa klase ng pagtitig ni Father sa akin ay para akong nalulunod. Ang lalim niyang makatingin na parang pinapasok ang buo kong pagkatao. May ilang segundo pa bago kami tuluyang napabitaw ng titig sa isa't-isa at pareho kaming napatalikod. Napaharap ako kay Samuel na nakakunot na naman ang noo habang tinitingnan ako. Alam kong nakita niya 'yong titigan namin kaya siya gan'yan. Anong tingin 'yan? Bakit parang galit siya? Hindi ko maintindihan kung bakit nagagalit si Samuel. Nakatakda na siyang ikasal bakit kung makaasta siya ay may namamagitan pa rin sa amin?
Nang natapos kaming maghapunan ay agad na rin kaming nagpahinga. Balak naming maaga magsimulang maglakad bukas para hindi na kami abutan pa ng gabi sa daan. Naging maayos naman ang paglalakbay namin at sa wakas ay narating namin ang Sitio. Hapon na kami nakarating sa Sitio Mercedes at agad naman akong sinalubong ng mga bata roon pati na rin ang mga taong nakakakilala sa akin.
Ipinakilala ko sa kanila si Samuel at Father Lucho na mainit naman nilang tinanggap. Nagkaroon ng konting salo-salo at noong kinagabihan ay malaya kaming nakapagpahinga. Sa mga tent pa rin kami matutulog ngayon. Naunang natulog si Marya sa akin dahil sa siguro ay napagod nang tuluyan ang kaibigan. Panay pa naman ang angal ni Marya kanina dahil sumakit ang binti nito sa kakalakad kaya hinayaan ko na rin siyang maunang matulog. Dahil hindi pa naman ako dinadalaw ng antok ay napagpasiyahan kong lumabas ng tent upang magtimpla ng kape at pagmasdan ang napakagandang tanawin. Dahil nga nasa bundok kami ay kitang-kita ko mula rito ang mga ilaw na nagmumula sa Baryo. Napakaganda rin ng kalangitan dito at kay gandang pagmasdan lalo pa't tahimik ang gabi at malamig ang simoy ng hangin.
Nang makapagtimpla ako ng kape ay agad akong umupo at tumingala sa kalangitan. Napakaganda sa pakiramdam ang ganito. 'Yong tahimik lang at walang inaalalang problema. Kung sana ganito na lang palagi. Pero alam naman nating hindi ganito kadali ang buhay. Pagkatapos nito ay babalik na muli ako sa reyalidad.
"Hindi ka makatulog?" Nakita ko si Father Lucho na naglalakad patungo sa kinaroroonan ko. Tumango naman ako bilang pagsagot sa tinanong nito sa akin.
"Can I sit beside you?" panghihingi permisyo niya sa akin.
"Sure Father." Umusog ako ng konti at tumabi naman si Father sa akin. Pareho kaming walang imik at sabay lang namin tinitingnan ang kalangitan.
"Ang lalim naman ata ng iniisip mo?"
Napalingon ako sa kan'ya at nakita kong nakangiting tinititigan na pala ako ni Father Lucho. Hindi ko namalayan na sa akin na pala ito nakatingin dahil masyado akong nabighani ng tanawin ang mga mata ko.
"Wala naman Father, ang ganda lang kasi talaga rito," sagot ko. Napatango si Father na sinang-ayunan ang sinabi ko.
"Gustong-gusto mo siguro ang mga bituin hano? Nagniningning kasi ang mga mata mo habang tinititigan mo ang kalangitan," wika ni Father na nagpangiti sa akin.
Tama siya. Wala naman sigurong tao ang hindi gusto ang mga bituin. Iba kasi ang epekto nila. Parang pinapawi nito ang lahat ng kalungkutan mo sa buhay. Ang mga bituin sa itaas ang nagsisilbi kong liwanag sa madilim kong buhay. Naiisip ko kasi si mama sa tuwing tinititigan ko sila.
"Napakaganda nila. 'Yong tipong gugustuhin ko na ring maging bituin. Siguro kung nasa itaas ako ay hindi ako makakaramdam ng sakit at pagdurusa," ani ko. Nasa itaas pa rin ang mga mata ko ngunit ramdam ko pa rin ang titig ni Father sa akin habang nagsasalita.
"Kahit naman nandito ka sa baba Lena ay pwede ka pa rin namang maging bituin."
"Ha? Ang imposible naman no'n Father," nakangiting sagot ko.
"Hindi mo naman kailangan na maging kahugis o kaanyo nila. Ang importante ay nagbibigay ka ng liwanag at pag-asa sa iba. You can be your own star Lena. A star that brings hope and light sa mga taong naniniwala sa'yo." Hindi ako nakapagsalita dahil sa sinabi nito. Dahil sa ganda ng sinabi niya sa akin ay parang hinaplos ang puso ko at pinawi lahat ng lungkot do'n. Bigla na lamang may tumulong luha sa mga mata ko. May mga tao pa rin palang naniniwala sa akin. Mga taong hindi ako hinuhusgahan at hindi importante sa kanila kung ano at saan ako nagmula.
"Siguro ay alam mo na Father kung ano ang trabaho ko," prangkang sabi ko sa kan'ya. "Hindi naman siguro iyan sekreto sa bayan. Lahat ng tao ay mainit ang dugo sa amin at alam ko na alam mo na kung ano kami ni Marya."
"Kung ang pagtatrabaho ninyo sa isang bahay-aliwan ang tinutukoy mo ay Oo, matagal ko nang alam 'yon."
"Hindi ka ba nandidiri sa akin?" mahinang tanong ko sa lalaki. Nakayuko ang ulo ko habang tinatanong ko iyon. May kung anong takot ang lumukob sa puso ko kaya naduwag akong marinig ang isasagot nito sa tanong ko.
"Bakit naman kita pandidirihan Lena?" malambing na ani nito. Napaangat ako ng tingin at nagulat ako nang makita ang mukha nitong nakangiti lamang sa akin. Malapit lamang ang mga mukha namin sa isa't-isa kaya kitang-kita ko roon sa mga mata niya ang sinseridad ng bawat katagang lumalabas sa bibig nito.
"Hindi ako Diyos Lena. Isa lamang akong mensahero ng mga salita Niya. Wala akong karapatan na manghusga ng kapwa ko," seryosong ani ni Father Lucho. Habang tumatagal ang pagtitig ko sa lalaki ay mas lalong lumalaki ang paghanga ko sa kan'ya. Lahat sa kan'ya ay perpekto sa paningin ko. Ang mga mata nito, ang labi niya, mga pilik-mata at ang ilong nito. Lahat ng iyon ay parang nililok ng perpekto ng Panginoon. Hindi ko na magawang iiwas pa ang puso ko sa lalaking ito dahil kusa na lamang bumibigay ang mahina kong puso sa kan'ya.
"Nagmahal ka na ba Father?" biglang tanong ko.
May ilang segundo pa bago sumagot ang pari at tumingin muna ito sa akin bago ito nagsalita.
"Oo, si Papa God Lena," aniya. Kamuntik pa akong mahulog mula sa kinauupuan ko nang banggitin nito ang Diyos. Ano pa ba ang aasahan ko di ba? Eh di ba nga Pari siya di ba? Napaisip tuloy ako kung virgin pa ito si Father Lucho.
"Pero alam mo, isang malaking misteryo pa rin talaga ang pag-ibig. Naniniwala ako sa sinasabi nilang, "walang pinipiling ano at sino ang pagmamahal. Kusa mo na lang 'yan mararamdaman at sa isang iglap lang ay mahihirapan ka na lang kumawala."
"Bakit mo naman nasabi iyan Father? Akala ko kasi hindi ka pa nakakaranas ng pag-ibig?" tanong ko.
"Oo, pero tao lang din naman ako Lena. Nagkakagusto pa rin ako sa iba." Nang marinig ko iyon ay nanghina ako. Hindi ko man makita ang pagmumukha ng lalaki ngayon dahil nakatingala ito pero ramdam ko ang bigat sa mga salita niya.
"Di ba bawal 'yan sa inyo?"
"Hindi naman sa bawal. Nakalaan na kasi ang buhay ko sa pagsisilbi sa Diyos pero hindi ko rin naman kasi hawak ang tadhana. Diyos pa rin ang nakakaalam sa magiging buhay ko."
"Kung papipiliin ka Father? Ang umibig o ang pagsilbihan ang Diyos?" seryosong tanong ko kay Father Lucho.
"Isang napakahirap na tanong depende sa magiging sitwasyon. Hindi ko pa masasagot iyan dahil nakadepende iyan sa bigat ng sitwasyon na papasukin ko. Pero kung kaya kong umiwas ay iiwas ako."
Hindi ko alam pero para akong binagsakan ng malaking bato sa dibdib. Tama nga naman siya. Dapat iwasan na kung sa palagay mo ay hindi tama. Dapat alam mo kung saan ka lulugar. Pari nga talaga siya. Para lang ding bituin sa Father Lucho, ang hirap niya maabot. Kaya kahibangan ang magkagusto sa tulad niya. Kaya habang maaga pa ay kailangan ko nang tikisin itong nararamdaman ko bago lumala pa.