Two: The Golden Fang

2148 Words
Chapter 2: The Golden Fang "MEMORY loss," biglang bigkas ng matandang lalaking naunang nakabawi sa pagkabigla. Muli itong lumapit sa kanya. "Normal lamang ito base sa natamo mong sugat. Pero natitiyak kong magbabalik din ang iyong memorya malao't sandali. Hindi naman ganoon katindi ang sugat mo sa ulo. Natahi ko na ang mga iyon at tumigil na sa pagdurugo," esplika nito. Napatutop lamang siya sa kanyang bibig. Nananaginip lamang siya! Isang napakalaking kabaliwan ang lahat ng nangyayari! "Mabuti pa'y magpahinga ka na muna, hija. Si Javier na ang bahala sa iyo pansamantala," muling saad sa kanya ng matandang lalaki at bumalik sa lalaking nakayakap pa rin sa kanya. "Hijo, mauuna na ako at ako'y may iba pang pasyente," paalam nito. Mabilis namang umayos ang lalaking tinawag na Javier. "Sige po, doktor. Maraming salamat po. Ikamusta po ninyo ako kay Dolores," tugon ng lalaki. So, the man wasn't foreign or an ancient god because he could speak their local language. O baka isa iyon sa kakayahan nito? "Makakaabot kay Dolores, Javier. Siya, sige." Lumisan na nga doktor at tanging sila na lamang ng lalaki ang naiwan. Sa kabila ng lahat ng nag-uunahang mga pakiramdam sa kanyang damdamin ay may nakapa siyang paninibugho sa pagpapakamusta ng lalaki sa kung sino mang Dolores na iyon. Gusto niyang itanong kung magkaano-ano sila ng babae. Nobya ba o asawa na? O baka kapatid lang ba o kaibigan na matagal nang hindi nakita? Parang naalog yata ng sobra ang utak niya sapagkat kung ano-ano ang inuuna niyang isipin bago ang kalagayan niya. Para siyang mababaliw sa mga magkakasalabat na damdamin. Sigurado siyang naaksidente siya ngunit hindi lamang niya matandaan kung anong klaseng aksidente at kung ano ang sanhi. Malaki ang pasasalamat niya na nakaligtas siya sa pangyayaring iyon na nagdulot upang mawala ang mga alaala niya. "Kumain ka na muna. Ipinagluto ka ni Nanay," anito sa kanya at inihanda ang pagkaing nakapuwesto sa side table ng higaan. Maingat na kinuha nito ang umaaso pang mangkok ng soup at naupo sa gilid ng katre. Agad siyang ginutom nang malanghap ang masarap na amoy ng sabaw. Malakas na kumalam ang kanyang sikmura. Isang munting ngiti ang sumilay sa pilyo nitong labi. "Pakiramdam ko isang linggo akong hindi kumain," turan niyang nakaingos. Mas mainit pa yata sa sabaw ang pisngi niya sa nadamang pagkahiya. "Tatlong araw," pagtatama nito. Napabulalas siya sa sinabi nito. Kaya marahil hindi pa siya makakilos ng mabuti dahil matagal siyang nakaratay sa higaan. "Sige, kain na para lumakas ka." Iniumang nito ang kutsara sa kanyang bibig at wala nang hiya-hiya na tinanggap iyon ng gutom niyang sikmura. "Salamat, Javier... Tama ba ako, Javier ang pangalan mo 'di ba?" wika niya matapos maubos ang isang mangkok na soup. Isang tango lamang ang itinugon nito. "Magpahinga ka na ulit..." anito na tila may kalakip na gayuma sapagkat mabilis niya iyong sinunod. Nang muli siyang magmulat ng mga mata ay naroroon pa rin siya sa silid. Nasa harap pa rin niya si Javier ngunit iba na ang suot nito ngayon. Nakasuot na ito ng t-shirt na asul na may katernong kupasing pantalon at itim na bota. "Salamat at nagising ka na ulit. Akala ko matatagalan ka ulit bago gumising," masiglang tono nito. Inalalayan siya nitong maka-upo. Wala pa rin siya gaanong lakas. "Salamat, Javier. Napakabait mo," at napakaguwapo rin mahinang tugon niya na hindi na isinawika pa ang huling pang-uri na iniisip. "Parating na si Nanay, inihanda lang niya ang pagkain mo. Paalis ako ngayon dahil may mga bagay lang akong aasikasuhin. Pansamantala ay si Nanay muna ang makakasama mo." Sa realisasyon na labis na siyang nakakaabala sa lalaki ay nakaramdam siya ng hiya. "Maraming salamat ulit," aniya. Hindi na yata mauubos pa ang pasasalamat niya sa lalaki. Isang simpleng ngiti lamang ang isinukli nito at umalis na. Makailang saglit lamang ay pumasok sa silid ang isang babaeng may katandaan na ngunit maluwag ang bukas ng mukha. "Kumusta ka na, hija? Ano nga bang pangalan mo?" masiglang bati nito. "Ayos naman po ako pero hindi ko pa rin naaalala ang pangalan ko." "Ay, ganoon ba? O, siya, sige tatawagin ka na lamang namin bilang Hermosa pansamantala. Sadyang napakagandang dalaga mo, hija. Sinalo mo na yata lahat ng kagandahan sa mundo." "Naku po, salamat po sa pambobola pero parang hindi po bagay sa akin ang napili ninyong pangalan." "Anong hindi bagay ka riyan. Eh, bagay na bagay nga sa 'yo. Siguradong sasang-ayon din si Javier sa opinyon ko. Gayundin tiyak sina Marcelo at Juana. Ay, siya nga pala ako si Marites. Ina ako nila Javier. Kaming apat lang ang nandito. Nasa paaralan pa ang kambal mamaya pang hapon ang uwi. Naku, matutuwa iyon kapag nalamang gumising kana." "Maraming salamat po sa hospitality ninyo. Nakakatuwa pong makilala kayong lahat. Napakabait po ninyo." "Walang anuman, Hermosa. Kahit dito ka na nga tumira ay walang magiging problema." "Nay!" agaw-pansin ng isang matinis na tinig sa pag-uusap nila. "Juana, gising na siya! Sabi ko na nga ba't uunahan ako ni Kuya Javier sa paghalik sa kanya, eh!" anang boses na nagtatampo ng isang binatilyo. "Nay, totoo bang hinalikan siya ni Kuya Javier kaya siya nagising?" tili ng kilig na kilig na dalagita na may matinis na tinig. "Ang sama ni Kuya. Pinatos niya ang pag-ibig ko. Ako dapat ang hahalik sa kanya," patuloy ng binatilyo. "Pwede ba, Marcelo. Manahimik ka nga diyan sa kahibangan mo. Ni hindi ka pa nga natututong magsepilyo tapos gusto mo nang manghalik?" pang-aasar ng dalagita. "O, tama na yan. Magkakaasaran lang kayo niyan mamaya," sawata ng ina ng mga ito. Naaaliw na pinanood lamang niya ang magkakambal na nagpatuloy pa rin sa pag-aasaran. Hindi kalaunan ay napatawa na rin siya ng malakas dulot ng kalibangan sa dalawa. "Magsilabas na nga kayong dalawa nang makapagpahinga na si Hermosa. Ang gugulo ninyo!" umakto ang ina ng mga ito na mamalo. Nagsitakbuhan naman ang dalawa palabas. Tatawa-tawang sinundan na lamang niya ng tingin ang kambal. "Nakakatuwa po sila." "Hay, naku! Sakit nga sa ulo ang mga 'yun. Siya, magpahinga ka na muna," inalalayan siya nitong makahiga. "Maraming salamat po ulit." "Naku, tama na 'yang pasasalamat," naka-ngiting saad nito at kinumutan siya. Umalis na rin ito pagkaraan. Nang maiwan siyang mag-isa ay pinilit niyang makaalala subalit nanakit lamang ng nanakit ang ulo niya ay walang nangyari. Sumubok pa siya hanggang mapagpasyahan na lamang niyang matulog. Nang maka-agaw ng antok ay si Javier ang naging lamang ng kanyang panaginip. MADILIM-DILIM pa sa paligid nang magising siya ng umagang iyon. Nang bumangon siya at sumilip sa bintana ay nakita niyang unti-unti nang umuusbong ang araw sa silangan kaya naisipan na niyang bumaba. Puno pa ng hamog ang kapaligiran gayunpaman ay hindi iyon naging sagabal upang ipagpatuloy niya ang paglalakad sa labas. Alalay lamang ang bawat hakbang niya sapagkat may benda pa ang kaliwang tuhod at kanang binti niya. Samantalang ang kaliwang braso niya ay may cast pa kaya hindi pa siya gaanong makagalaw ng maayos. Pero nais niyang subukang maglakad at kumilos ng mag-isa lamang. Ilang linggo na rin siyang nakaratay at inaalalayan sa bawat kilos. The pain was tolerable. At tuluyan na niyang hindi nadama iyon nang mapagmasdan ang kariktang taglay ng tanawin na unti-unti ay nagliliwanag dahil sa papasibol na sinag ng araw. Pakiramdam niya ay iyon ang kanyang bagong simula. Isang bagong pag-asa sa sitwasyong kinasadlakan niya. Iyon ang nagsusumigaw na imahe ng papasikat na haring araw na malamyos na hinahawi ang mga hamog sa paligid upang malinaw niyang makita ang kabuuan ng luntiang paraiso. Nagpipista ang kanyang mga mata sa nakamamanghang tanawin nang sumulpot mula sa tinatanaw niya ang isang papalapit na pigura. Isa iyong lalaki na nakasakay sa kabayo. Mabilis ang pagpapatakbo ng hinete at marahang naging malinaw sa kanya ang imahe. Si Javier. Napakakisig ng binata habang mas lalo itong nakakalapit sa kinaroroonan niya. Mas nahuhumaling siya sa taglay nitong kagwapuhan at tikas. Kaninong diyos ng griyego kaya niya ito maaring ihambing? Ah, wala. Wala marahil. Greek gods would only pale in comparison with Javier. The man wore the most beautiful eyes she had ever seen. It was emerald. Kakulay ang mga iyon ng berdeng paligid na nasisinagan ng araw. Subalit noong minsan sa tingin niya ay kakulay iyon ng lumot at halamang dagat sa ilalim ng malalim na karagatan. Depende marahil sa repleksyon ng liwanag ang kulay niyon. O maari din bang dahil sa emosyon? Ano kayang emosyon ang nararamdaman nito at mukhang esmeralda ang mga mata nito? Sadyang nakamamangha. Nakaiibig. "Anong ginagawa mo rito sa labas? Masyado pang maaga at napakalamig." Bumaba ito ng kabayo, pati pagbaba nito ay may dulot na kung anong damdamin na humahalina sa kanya. "Wala. Sumilip lang ako sa labas at naisipan kong bumangon na rin. Ikaw, saan ka galing?" tanong niya. Tumalikod ito sa kanya at itinali sa hindi kalayuang puno ang kabayo nito. "Sa kabukiran, sa may farm. Maayos-ayos na ba ang lagay mo?" "Medyo. Salamat sa pag-aalala at sa... pag-aalaga." "Mabuti naman kung ganoon. Akala ko kasi ay hindi ka pa bumubuti dahil halos sampung minuto kang nakatulala nang huminto ako sa harap mo kanina." "Sampung minuto?!" bulalas niya. Napahawak siya sa bibig sa kabiglaanan ng nasambit. "Oo, sa tantiya ko. Pero baka nga sobra pa," anitong may sumilay na pilyong ngiti sa mapupulang labi. Nakatutop pa rin siya sa bibig. Nag-iinit ang kanyang pisngi. Ganoon ba siya katagal na nakatitig lamang sa mga mata nito? Labis-labis yata ang kanyang naging paghanga. At mga mata pa lamang ang nasusuri niya. Paano pa kaya ang ilong nitong parang bundok sa tangos, ang mga labi nitong parang rosas sa pula, ang katawan nitong humuhulma sa pawisan nitong damit? Aabutin marahil siya ng magdamag at hindi siya magsasawa! Pumitik ito sa harap niya. "Nakatulala ka na naman." "Hindi ako nakatulala," ingos niya. "Eh, ano? Nakatitig ka sa akin at sinusuri ang kabuuan ko na para akong hinuhubaran at pinagnanasaan?" nakangising saad nito at lumapad ang pilyong ngiti sa labi. Aba'y pranka ang loko! Nalubog na siya sa labis na kahihiyan. Nalunod na nga siya sa mga mata nito ay mas lalo pa siyang hindi nakaahon sa mga sinabi nito. "Hindi totoo ang sinasabi mo. Pwede ba, huwag kang masyadong mayabang. Hindi ka kagwapuhan. At isa pa, hindi iyan ang tamang paraan ng pakikipag-usap sa isang dalaga na bagong gising pa lamang," pilit niyang pagsalba sa sarili mula sa kahihiyan. "Hindi ko naman sinabing gwapo ako. Hindi ka na mabiro. Tara na sa loob at mag-almusal tayo." "Ayoko! Wala na akong gana! Sirang-sira na ang umaga ko!" muli siyang umingos. "Masarap magluto si Nanay. Siguradong matatakam ka at mapapakain kahit wala kang gana." Hindi na siya nakatanggi pa nang ipagkanulo siya ng kanyang sikmura sa malakas na pagkalam niyon. "Halika na, Hermosa..." may itinatagong ngisi na yakag nito. Napatitig na lamang siyang muli sa mga mata nito sa hindi mabilang na segundo. Hindi na niya namalayang nagpatianod na siya sa yakag nito. "Hindi iyon ang aking pangalan," wika niya upang mapukaw ang nababato-balaning diwa. "Alam ko. Ang sabi sa akin ni Nanay ay iyon daw itatawag niya sa 'yo. Ayos lang bang iyon na rin ang itawag ko sa 'yo?" Marahang napatango lamang siya. Masyadong nakakahiyang sumagot ng oo. Hinawakan nito ang kanyang mga kamay. Para siyang napaso sa init ng palad nito subalit ayaw niyang pumitlag at bumitaw sa apoy na taglay niyon. Sa katunayan, parang nais niyang habang-buhay na hawakan ang mainit na palad ni Javier at tuluyang magpasakop sa nagliliyab na ningas niyon. Sa makailang saglit ay iyon nga ang sinubukan niyang gawin. "Hermosa... magtititigan na lang ba tayo hanggang maghating-gabi?" Hindi agad siya nakatugon sa tanong nito. Tila nilimi pa ng diwa niya ang pira-piraso nito sa kung saang panig ng daigdig. Bigla nalamang silang nabulabog ng ingay ng papalapit na sasakyan. Dagli ay nawala sila sa sistema ng kung anong hiwagang taglay ng panahon. Sabay silang napalingon sa dumating na magarang sasakyan at sabay ding naghiwalay ang kanilang mga palad. Hindi naalis ang tingin nila roon hanggang sa pumarada iyon sa harap nila at umibis mula sa loob ang isang matandang lalaki. Nakasumbrero ang ginoo ng balat ng hayop, may tabako sa bibig at hawak na tungkod kahit na sa palagay niya ay hindi na nito iyon kailangan dahil sa tikas at laki ng pangangatawan nito. "Magandang umaga, Javier at sa napakagandang binibining kasama mo!" masiglang bati nito. "Ano ho ang kailangan ninyo, Señor?" madilim at tiim-bagang na balik ni Javier sa pagbati sa kanila. "Javier, Javier. Wala akong ibang motibo sa pagpunta rito. Napadaan lang ako upang makalanghap ng sariwang hangin ng umaga. Naiisip ko na ring bisitahin ang binibining sinasabi nilang nailigtas mo raw. Hayaan mo akong kamustahin siya, hijo." bumaling sa kanya ang matandang lalaki. "Binibini, ako nga pala si Graciano Vicencio-La Jarde," pakilala nitong naglahad ng palad at ngumiti. Dahil sa pagbuka ng labi nito ay nasilayan niya ang gintong pangil sa mga ngipin nito. Gintong pangil. Gintong pangil. Gintong pangil.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD