Chapter 3: Strange Feelings
NANAKIT ang ulo ni Hermosa sa kung anong bagay na nagsusumiksik sa kanyang isipan. Everything went black and white for her in a while. Mariin niyang naisara ang mga mata. Nang magmulat siya ng mga mata ay makulay na muli ang paligid. Nakaalalay sa kanya ang mga bisig ni Javier. At nang mapagmasdan ang kaharap nila ay nakalahad pa rin ang palad nito. Nakasilay pa rin ang gintong pangil ng matandang lalaki sa patuloy nitong pagngiti.
"Mukhang hindi pa mabuti ang lagay ng ating ligaw na panauhin dito sa bayan. Siya, pagpahingahin muna natin siya. Babalik na lamang ako sa susunod," anang Señor at binawi ang nakalahad na palad. Muli itong sumakay sa kotse nito ngunit sumungaw rin sa bintana. "Siya nga pala, bago ko tuluyang makalimutan. May piging sa aking tahanan sa susunod na Lunes. Magkakaroon ng munting salo-salo at pagpupulong ukol sa ikabubuti at ikagaganda lalo ng Sta. Barbara. Inaasahan kitang dumating, Javier. Isama mo na rin ang magandang binibini sa kasiyahan. Hasta mañana!" Muli itong ngumiti saka minanduhan ang tsuper na patakbuhin ang sasakyan. Ni hindi nito hinintay ang magiging tugon nila ni Javier sa paanyaya nito. Tanging usok lamang ang iniwan nito sa kanila.
"Ayos ka lang ba, Hermosa?" usisa ni Javier sa kanya. Labis ang pag-aalala sa tinig nito.
"Medyo nanakit lang ang ulo ko, Javier. Sino ba ang ginoong iyon? Parang pamilyar siya sa akin," tugon niya. Gulong-gulo ang isip.
"Si Señor, siya ang alkalde ng bayan. Malaking bahagi rin ng lupain dito ay pagmamay-ari niya. Sigurado ka bang pamilyar siya sa 'yo? May naaalala ka na ba?"
"Wala. Wala pa. Pero tiyak kong nagtagpo na kami noon. Hindi ko maipaliwanag ang nadarama ko. Natatakot ako. Kinakabahan ako na para bang may masamang mangyayari."
"Huwag mo munang masyadong isipin iyon. Baka mas lalong ikasama ng kalagayan mo. At walang rason para mangamba ka at mag-alala hanggang nandito ako sa tabi mo. Proproteksyunan kita at aalagan."
"Salamat, Javier."
"Obligasyon ko iyon sa 'yo, Hermosa. Tara muna sa loob nang makapag-agahan ka."
Isang simpleng ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Tanda iyon na nananalig siya sa mga salita nito.
TOTOO ang sinasabi ni Javier na masarap magluto ang nanay nito. Nalalasahan na niya ang kinakain at hindi na iyon lugaw o sabaw lang. Pinaghain sila nito ng rice paella, chicken valenciana, menudo at lumpiang hubad. Mayroon pang leche flan at bagong pigang kahel. Busog na busog siya nang matapos kumain ng almusal. Parang hindi na niya kayang tumayo sa dami ng nailagay sa tiyan.
"Maraming salamat po sa almusal, Nanay Marites. Parang ngayon lang po ako kumain ng ganito karami," aniya at biglang napadighay. Natakpan niya ang bibig, "Pasintabi po."
"Ay, naku, Hermosa. Salamat naman at nagustuhan mo ang mga iniluto ko. Hindi katulad nitong si Marcelo na hindi man lang maubos ang pagkain niya."
"Eh, paano, 'Nay nahihiya siyang kumain ng marami dahil malalaman ni Ate Hermosa na matakaw siya. Natatakot siyang ma-turn-off si ate sa kanya," sabat ni Juana. Sabado kaya walang pasok ang kambal.
"Hindi totoo 'yan. Makita ko lang si Ate Hermosa nabubusog na ako agad. Kaya hindi na ako nakakakain ng madami," sagot ni Marcelo. Panay ang pagpaplipad hangin ng binatilyo sa kanya na para bang isa na itong ganap na binata.
"Hmp, napakabolero ng binatilyo ko."
"Pwede ba, Marcelo magpatuli ka muna bago ka manligaw. Supot ka pa at may gatas pa sa labi. At isa pa, wala kang panama kay Kuya Javier. Mas bagay naman silang dalawa ni Ate Hermosa."
"Nakakapikon ka naman, Juana!" namumula ang buong mukha na hinabol nito ang kakambal. Nakatalilis naman agad ang dalagita. Napahagikgik na lamang siya sa kakulitan ng mga ito.
Nanag mapasulyap siya kay Javier ay mala-makopa ang mukha nito. Pakiramdam niya ay ganoon din ang kulay ng mukha dahil nag-iinit ang pisngi niya. Hindi niya akalain na capable pala siyang mag-blush dahil sa biro ng isang dalagita.
Nagtagpo ang mga mata nila ni Javier. Hindi niya magawang mag-iwas ng tingin. Sadyang nakapanghahalina ang mga mata nito. Nalulunod siya sa titig nito subalit magkagayunpaman ay ayaw niyang umahon. Pero sa kasamaang palad ay ito na mismo ang nag-ahon sa kanya sa nakalulunod na titig nito. Umiwas ito ng tingin sa kanya at binalingan ang inang nagsisimula nang mag-imis ng hapag.
"Nay, galing po pala rito si Señor Graciano."
"Ano naman ang ginawa ng walang kuwentang alkalde ng Sta. Barbara rito sa atin? Pinilit ka na naman ba niyang bilhin ang maliit nating sakahan at bukirin?"
"Wala naman po siyang nabanggit. Gusto lang daw niyang kamustahin si Hermosa nang mabalitaan niya ang nangyari."
"Pwe, akala mo kung sinong pilantropo! Kunwari'y may paki sa mga mamamayan pero sa totoo ay napakamakasarili!" nanggagalaiting pahayag ng ina ni Javier. Naipukpok pa nito ang kamay sa mesa.
"Kalma lang, 'Nay. Wala po rito ang kalaban ninyo. Umalis din naman po siya kaagad matapos kaming imbitahan sa salo-salo sa tahanan niya sa susunod na Lunes."
"Aba'y magpapabango na yata ang hudas dahil malapit na ang eleksyon. Ang sabihin mo sa kanya ay hindi ako dadalo!"
"Pero balak ko po sanang umattend bilang lider ng mga magsasaka."
"Ay, siyangang mabuti. Ikaw na ang bahala," anang nanay nito at minadali na ang pagliligpit.
"Tulungan ko na po kayo," aniya matapos ang pananahimik sa usapan ng dalawa.
"Naku huwag na, Hermosa. Bisita ka namin dito. Hindi ka dapat mag-abala pa. Magpahinga ka na at mamaya'y mamasyal ka naman. Ay, magandang ideya! Ipasyal mo naman itong si Hermosa sa labas, Javier nang makasagap naman ng sariwang hangin at makakita ng bagong mukha nang hindi pulos pagmumukha natin ang nakikita niya."
"Wala pong problema kung papayag si Hermosa. Wala rin akong masyadong gagawin ngayon. Baka makabuti rin sa kalagayan mo ang pag-iikot, baka sakaling may maalala ka."
"Hmmm... ang hirap tanggihan niyan."
"Sige, mamayang hapon. Sasaglit lang ako sa farm ngayon. Babalikan kita ng mga bandang alas-tres."
"Okay," nakangiting sang-ayon niya. "Salamat po ulit sa masarap na agahan, Nanay Marites," baling niya sa matanda.
Nagpaalam na rin si Javier mayamaya. Naiwan lamang siyang nakatanaw sa papalayong bulto nito.
ABALA siya sa panghuhuli ng mga tutubi nang makarinig ng yabag ng kabayo at ingay ng gulong. Kulang sabihin na tumalon ang puso niya sa pananabik. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa damuhan at sinalubong si Javier. Nakasakay ito sa kabayo nitong may nakakabit ng kalesa.
"Pasensya na kung naghintay ka ng matagal. Ikinabit ko pa kasi itong kalesa," saad nitong may mapag-umanhing ngiti sa mga labi. Parang gustong matunaw ng puso niya. Bumaba ito ng kabayo, inilahad ang kamay sa kanya at inalalayan siyang makasakay sa kalesa.
"Maraming salamat, Javier. Mukhang sobra-sobra na ang naidulot kong abala sa 'yo."
"Huwag mong sabihin 'yan. Wala iyon sa akin. Naisip ko lang na mahihirapan kang sumakay ng kabayo sa kondisyon mo ngayon. Mas mainam na rin ito para kumportabe ka sa pamamasyal."
Ngiting-ngiti siya sa biyahe pero nabura iyon nang mapansin si Javier na seryoso sa pagpapatakbo. "May gumugulo ba sa isipan mo? Mukhang malalim ang iniisip mo. May kaugnayan ba 'yan kay Señor Graciano?" usisa niya.
Bahagyang nagbaling ito ng pansin. "Pasensya ka na, hindi ko maiwasang hindi maisip. Paano siya naging pamilyar sa 'yo? Sigurado ka ba?"
"Ang totoo niyan, hindi pa talaga ako sigurado. Masyado pang magulo ang memorya ko. Basta, pamilyar sa akin ang hitsura niya. Partikular na iyong gintong ngipin niya sa pangil."
"Kung ganoon hindi ka talaga nakatitiyak. Napakaraming tao ang nagpapapustiso ng gintong ngipin. Pero ayokong ipagsawalang bahala ang mga bagay-bagay. Para na rin ito sa kabutihan at kaligtasan mo. Ayoko pa sanang ipaalam sayo pero sa tingin ko ay kailangan mong malaman habang maaga pa para makapag-ingat ka," seryosong sabi nito.
Inihinto nito ang pagpapatakbo ng kalesa at matiim na natuon sa kanya ang tingin. "Sa palagay ko, nasa panganib ang buhay mo. Nang makita kita sa ilog ay sugatan ka. Sa tingin ko at ni doktor ay hindi lang iyon dahil sa pagkahulog mo o pagkatangay sa 'yo ng agos dahil nakagapos din ang mga kamay mo. Parang may una nang nanakit sa 'yo at sinadyang mapahamak ka..." Ginagap nito ang palad niya, "Hindi ko intensyong takutin ka o bagabagin ang kalooban mo. Gusto ko lang na malaman mo para handa ka sa mga bagay na pwedeng dumating."
"Paano kung masama akong tao kaya nila ginawa iyon sa akin? Hindi ko alam ang gagawin ko, Javier. Gusto ko nang makaalala. Higit kanino man o sa anuman ay natatakot ako sa sarili ko na baka..."
"Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Nandito lang kami para sa 'yo," putol nito sa sasabihin pa niya.
"Salamat sa paniniwala mo, Javier. Sadyang napakabuti ng Diyos para hayaang ikaw ang makatagpo sa akin," napayakap siya rito ng mahigpit sa pumunong emosyon sa kanyang dibdib.
Hinaplos nito ang kanyang likod hanggang sa lumubag ang damdaming sumasalakay sa kanyang sistema. Pagkaraa'y hiniling niyang dalhin siya nito sa lugar kung saan siya natagpuan. Baka sakaling may mga bakas siyang naiwan na maiuugnay niya sa kanyang pagkatao.
Nang makarating sa ilog ay bumaba sila ng kalesa. Magkapanabay na tinahak nila ang mabatong daan. Naghanap sila ng palatandaan o anumang bagay na makakatulong sa pagbalik ng kanyang ala-ala. Subalit bigo sila. Wala siyang makapang pamilyaridad sa ilog.
"Ilang beses na rin akong bumalik dito para maghanap ng bagay na konektado sa 'yo pero wala talaga akong makita."
"Wala rin akong makita, Javier. Wala ni katiting na nakapagpapaalala sa akin. Sumasakit na ang ulo ko sa kaiisip," aniya at pinukpok ang ulo sa labis na panggigigil sa sitwasyon.
"Tama na, tama na. Mabuti pa, umuwi na tayo para makapagpahinga ka. Hindi dapat kita dinala rito," pigil nito sa kanya at inakay na siyang pabalik ng kalesa.
Inihatid agad siya nito sa kwarto nang marating nila ang bahay.
"Maraming salamat ulit, Javier."
"Wala iyon, hindi na natuloy ang pamamasyal natin. Hindi ko dapat muna sinabi ang mga bagay na iyon sa 'yo."
"Ayos lang. Mabuti na ring may alam ako. Sige, Javier." Tumingkayad siya para abutin ang psingi nito at dinampian ng halik.
Hindi ito agad nakipagbigay ng reaksyon. Sinamantala niya ang sandali at mabilis na sinara ang pinto. Napasandal siya roon at nakagat ang ibabang labi.
Mas lalong gumulo ang isip niya.
ISANG halik. Iyon ang gumambala sa kanya sa buong magdamag. Simula kaninang humiga siya ay hindi mapalagay ang damdamin niya. Tila kay daming emosyong binuhay sa kanyang diwa ang simpleng pagdampi niya ng labi kay Javier. Ano ba kasing pumasok sa isip niya at ginawa pa niya iyon? At bakit masyadong big deal sa kanya? Mukhang hindi naman apektado si Javier.
Iritable na siya sa sarili dahil inagaw na ng haik na iyon ang pag-iisip niya sa kanyang nawawalang memorya. Pati ang nabuong pangamba sa dibdib niya na hatid ni Señor Graciano ay nawaglit na sa kanyang sistema. Tanging si Javier lamang ang nilalaman ng kanyang isip at kanina pa ito nagpapaikot-ikot doon.
Bumaba na lamang siya sa kusina para magtimpla ng gatas. Naupo siya sa harap ng dining table at doon na lamang ininom ang tinimpla. "Oh, please! Layuan mo nga ako, Javier! Umalis ka na!" gigil na bulong niya sa hangin nang umikot muli sa isipan niya ang binata.
"Pasensya ka na kung naistorbo kita. Aalis na lang ako kung ayaw mong nandito ako."
Napalingon siya sa nagsalita. Naroroon at nakatayo sa hamba ng pinto ng kusina si Javier. Mukhang pagod na pagod ang lalaki pero napakakisig pa rin nitong tingnan.
"Hindi, Javier. Hindi ganoon ang ibig kong sabihin," pahiyang wika niya. Naiinis na talaga siya sa mga sitwasyong ibinibigay sa kanya ng tadhana.
Saan ba galing ang lalaki? Ang akala niya ay namamahinga na ang lahat. Pagkakataon nga naman.
"Sigurado ka ba? Mukhang naistorbo kita."
"Hindi naman. Gusto mo ba ng gatas? Ipagtitimpla kita."
"Mas gusto ko sana ng kape."
"Sige, ipagtitimpla kita. Saan ka ba galing ng ganitong dis-oras ng gabi at pawis na pawis ka pa? Tapos gusto mo pang magkape."
"Sa farm lang. Nagkalagnat ang maraming baboy. Isa-isa naming tinurukan at pinaghiwahiwalay para hindi makahawa sa iba. Ikaw, bakit gising ka pa?"
Ginugulo mo ang isip ko, Javier kaya hindi ako makatulog! Gusto niya sanang isiwalat pero sa halip ay, "Hindi lang ako mapalagay," pagdadahilan niya. Umiwas siya ng tingin at minadali ang pagtitimpla ng kape saka inabot dito.
Nang magdaigti ang kanilang mga daliri ay parang may kuryenteng nanulay sa kanyang mga kamay. Mabilis siyang lumayo at naupo sa upuan.
"Natatakot ka ba sa akin?"
"Bakit naman ako matatakot sa 'yo? Malaki ang naitulong mo sa akin. Sinagip mo ang buhay ko, kaya walang dahilan para matakot ako sa 'yo. Malaki ang tiwala kong mabuti kang tao, Javier."
"Kung ganoon, nagkakamali ka. Hindi ako mabuti. Hindi naging kailanman at hindi magiging kailanpaman."
"Mahirap paniwalaan ang sinasabi mo. Sa ipinapakita mo sa akin at sa pagmamahal mo sa pamilya mo nararamdaman ng puso kong mabuti kang tao."
"Huwag kang pabubulag sa nakikita ng iyong mga mata at sinasabi ng iyong puso. Hindi lahat ng kayang magmahal ay mabuti. Ang kabutihan at pag-ibig ay dalawang magkalayong bagay," seryosong sabi nito at humigop sa tasa ng kape. "Masarap kang magtimpla. Nakuha mo ang lasang gusto ko," ngumiti ito sa pagkakataong iyon.
Napangiti rin siya. "Iyan ang sukli ko sa kabutihan mo," sagot niya at inisang lagok ang natitirang gatas sa tasa.
Napailing na lamang itong ngumingiti. Mas lumawak naman ang pagkabanat ng labi niya. His smile was contagious, it was authentic and warm.
"Ihahatid na kita sa silid mo," yakag nito nang maubos ang iniinom nitong kape.
Nagpaunlak naman siya. Tumuloy na sila sa taas. Ang lalaki pa ang nag-ayos ng kanyang kama. Nahiga na siya roon. Pinatay nito ang ilaw at tanging lampshade ang naiwang bukas.
"Hindi ba kalabisang hingin kong dumito ka na muna saglit sa tabi ko? Natatakot kasi ako. Pakiramdam ko babangungutin ako sa pagtulog."
"Walang problema. Handa kitang banatayan sa magdamag. Matulog ka ng mahimbing." Inayos nito ang pagkakakumot niya at dinampian siya ng halik sa noo.
Sinunod niya ang bilin nito. Nagpatangay siya sa antok hanggang sa dako paroon.
KINABUKASAN ay tanghali na nagising si Hermosa. Pagbangon niya ay wala na roon ang binata. Inaasam pa naman ng puso niyang maabutan si Javier na naghihintay sa kanyang tabi. Napabuga na lamang siya ng hangin sa bibig sa piping hiling ng puso na hindi natupad. Pagkatapos ay napailing-iling siya. Kay aga-aga ay ang lalaki ang nilalaman ng isip niya.
Bumangon na lamang siya agad at nang buksan ang bintana ng silid ay tirik na tirik na ang araw sa labas. Mukhang nasobrahan sa himbing ang pagtulog niya. Mabilis siyang naglipit ng highaan at nag-ayos ng sarili. Bumaba na rin siya bago mabaliw na naman sa kaiisip sa lalaki.
Sinalubong siya ng magiliw na pagbati ni Nanay Marites. "Kasing ganda mo ang umaga, Hermosa. Mabuti at napasarap ang tulog mo kagabi. Ikinatuwa ng doktor na bumubuti na ang lagay mo. Halika na muna sa salas at naghihintay sa 'yo si Doktor Desmundo."
"Nakakahiya naman po kay dok. Sana po ginising na lang ninyo ako nang hindi na siya naghintay ng matagal sa akin."
"Gigisingin nga sana kita kaso ayaw pumayag ni Javier. Sabi naman ng doktor ay walang problema at mas mabuting nakakapagpahinga ka ng maayos."
Napangiti siya nang maisip na laging inaalala ni Javier ang kalagayan niya. Hindi na siguro pa magmamaliw iyon sa kanyang labi. Humarap siya sa doktor ng may napakandang aura.
"Magandang umaga, hija! Kamusta ka na?" bati ng matandang doktor nang makaupo siya sa sofa.
"Mabuti naman po ang lagay ko, dok. Pasensya na po at tinanghali ako ng gising."
"Walang problema. Kaunti lang naman ang iikutan kong pasyente ngayon. Isa pa'y naaaliw ako sa mga kwento ni Marites. Siya nga ba'y binigyan ka raw ng magandang pangalan?"
"Ah, opo. Hindi ko pa po kasi maalala ang pangalan ko. Hermosa po ang tawag nila sa akin ngayon," may bahid ng hiya ang pagbikas niya ng mga salita.
"Bagay na bagay sa 'yo, hija. Sadyang napakahusay ng mga tagapag-alaga mo. Mukhang maayos naman ang lagay mo pero pumunta pa rin ako para masiguro," nakangiting sabi ng doktor at sinimulan siyang i-check up. Kinuhaan siya nito ng BP, body temperature at nilinis ang mga sugat niya at pinalitan iyon ng bagong benda.
"Ilang linggo na lang at tiyak na tuluyan ka ng gagaling. Siguruhin mo lang na lagi mong naiinom ng tama ang mga gamot mo. Pero para mas makatiyak tayong gagaling ka na, mas magandang magpatingin ka sa isang espesyalista sa bayan para maibalik na sa ‘yo ang nawawala mong memorya. Mas sapat ang kaalaman nila at kagamitan para matulungan ka, Hermosa."
"Gagawin ko po, doktor. Babanggitin ko po kay Javier. Maraming salamat po."
"Walang anuman, hija. Mabilis ka sanang gumaling," anitong patayo na nang tila magbago ang isip o may natandaang dapat sabihin."Siya nga pala, nakapag-report na ba kayo sa mga pulis tungkol sa nangyari sa 'yo?"
Nagtaka siya sa tinuran nito. May kung anong kabang bumundol din sa kanyang dibdib. Anong dahilan bakit hindi ni-report sa pulis ni Javier ang nangyari sa kanya? Was he trying to hide something? She must find out.