Four: Dolores

2727 Words
Chapter 4: Dolores "HINDI pa nga, doktor. Alam mo namang may allergy ang anak kong si Javier sa mga pulis. Pero huwag kayong mag-alala ako na lang ang sasama kay Hermosa kapag kaya na niyang lumuwas sa bayan para maisuplong ang nangyari sa kanya," salo ni Nanay Marites sa tanong ng matandang doktor. "Ah, naiintindihan ko si Javier, Marites. Kayo na ang bahala nila Hermosa tungkol sa bagay na iyon. Pero mas mainam na maipaalam ito sa mga pulis at baka sakaling may mga kapamilya itong si Hermosa na naghahanap sa kanya." Narealize niyang totoo at tama ang opinyon ng doktor. Kung may pamilya siya ay siguradong may naghahanap na sa kanya. Bakit hindi man lang niya naisip na sabihin iyon kay Javier? At bakit hindi man lang ito nagkusa? Hindi ba dapat ay iyon ang una nitong ginawa? Naitanong niya sa ina nito kung nasaan ang lalaki nang biglang mabalisa ang damdamin. "Tingnan mo na lang sa kuwadra ng mga kabayo, Hermosa. Tiyak na naroroon iyon ngayon. Mabuti pa'y banggitin mo na rin sa kanya ang bagay na ito." "Sige po, Nanay Marites. Dok, mauna na po ako. Maraming salamat po," paalam niya at umalis na. Mabilis na tinahak niya ang daan papuntang kuwadra. Nakasalubong niya sa daan si Juana na mukhang nagmamadali. "O, Ate saan ka pupunta?" tila gulat na tanong nito. "Hinahanap ko ang kuya mo. Nasa kuwadra ba?" Hindi agad ito nakatugon. Tila nagdadalawang isip pa ito kung magsasabi ng totoo o magsisinungaling. Nababasa niya iyon sa mga mata nito. "Ano po bang kailangan ninyo kay kuya? May sasabihin po ba kayo? Ako na lang po ang magsasabi. Mabaho po kasi doon sa kuwadra." "Personal. Ako na ang magsasabi sa kanya, Juana," aniya at dumiretso na sa kuwadra. Mabilis na pinigilan siya nito. "A, e, busy kasi si Kuya Javier, Ate. Mamaya mo na lang sabihin. Samahan mo na lang akong kumain sa kusina." Labis na siyang nagtaka sa mga inaakto nito. Parang may itinatago ito sa kanya na hindi niya dapat malaman. Mas lalo tuloy siyang na-curious na alamin kung ano ang ikinakabahala ng dalagita. "Makakapaghintay naman siguro ang mga kabayo," tugon niya at hindi na nagpapigil na tunguhin si Javier. Naabutan niya roon ang lalaki na may katawanan na babae habang kumakain ng prutas. Panaka-nakang nagsusubuan pa ang mga ito. Masayang-masaya yata ang kuwentuhan ng dalawa sapagkat hindi agad napansin ang presensiya niya at ni Juana na bumuntot sa kanya. Tumikhim siya nang mabagot sa paghihintay na mapansin ng dalawa. Nagbaling naman agad ng pansin ang lalaki. Mukhang nagulat itong makita siya na animo'y isa siyang multo. Kaya naman ayaw siyang ipagising ng hitad dahil may kalandian pala ito! Aba'y napakahusay na lalaki! Namamangka ito sa dalawang ilog! Teka, nililigawan ka ba niya? singit ng munting tinig sa isip niya. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa realisasyong hatid ng katanungang iyon. Hindi dapat siya umaaktong tila nobya nito na parang pinagtaksilan. Mali at wala sa lugar ang nadarama niyang ngitngit at panibugho. "Magandang umaga, Hermosa! Tapos na ba ang check-up mo kay Doktor Desmundo?" bati ni Javier sa kanya. Napakalapad ng ngiti nito sa labi. "Siya ba ang ikinukwento mo sa akin, Javier?" singit ng babae at umangkla sa braso nito. Mas tumaas ang init ng dugo niya, na para bang anumang oras ay sasabog siya roon. Labis ang pagpipigil niya ng inis. Sa isip niya, binigyan niya ng mag-asawang sampal si Javier. "Tapos ka na ba sa ginagawa mo, Javier. Pwede ba kitang istorbohin," malakas na wika niya upang bulabugin ang mga larawan sa isip. "Hindi pa. May dumating kasi akong bisita. May kailangan ka ba?" "Ganoon ba. Tanghali na. Hindi ba't nasa farm ka na dapat dahil may sakit ang mga baboy?" tugon niya na hindi naiwasan ang pagtaas ng tinig. Hindi mawala ang pagkaasar niya sapagkat hindi pa rin humihiwalay ang babae kay Javier. At hindi man lang ito gumawa ng aksyon para magkahiwalay ang mga ito. Mukhang siyang-siya pa ito sa paghawak ng babae na halos payakap na dito sa ganoong katirikang oras. "Kaninang madaling araw pa ako galing doon. Dumating na ang beterinaryo ng farm kaya bumalik na ako rito para asikasuhin ang mga kabayo. May problema ba?" "Alam mong may problema ako sa memorya ko. Hindi mo pa pala nairereport sa mga pulis ang nangyari. Hindi mo ba naisip na baka may naghahanap na sa aking mga kamag-anak? O sana kahit pinaalala mo sa akin para ako na ang nagkusang pumunta sa presinto." Sumabog na nga siyang tuluyan. "May problema ba rito?" usisa ni Nanay Marites na nasa likuran na pala niya. Kasama nito si Doktor Desmundo. Mukhang narinig pa ng mga ito ang pagtaas ng tinig niya. "Wala naman po. 'Nay," sagot ni Javier. "Siya nga pala, Hermosa. Si Dolores, anak ko. Dolores, si Hermosa. Siya ang pinunta kong pasyente rito kanila, Javier," anang doktor. Parang gusto na rin niyang mainis sa butihing doktor sa kaalamang anak pala nito ang babae. Dapat ay hindi na nito isinama pa ang anak nito. Nabuwisit lang tuloy ang araw niya. "Naku, Javier hindi mo man lang pala sila pinakilala sa isa't-isa!" komento ng ina nito at pilit silang pinagkamay na dalawa. Magalang naman silang sumunod. "Ikinatutuwa kong makilala ka, Hermosa. Sana tuluyan ka ng gumaling," sabi sa kanya ni Dolores. Pakiramdam niya ay labas sa ilong nito ang hiling na iyon. Marahil ay gusto lamang nitong gumaling siya para makaalis na siya sa poder nila Javier. "Ako rin, Dolores. Salamat," nakangiting tugon na lamang niya. Ayaw niyang lumabas na bastos sa harap ng mga matatanda kahit ngitngit na ngitngit na siya. "O, sige, mauuna na ako. Kailangan ko pa palang uminom ng gamot ng ganitong oras," pagpapalam niya at niyakag si Juana na nakikinig lang sa mga usapan nila. Agad namang sumunod sa kanya ang dalagita. "Sabi ko sa 'yo, Ate mamaya mo na lang kausapin si Kuya," ani Juana nang makalayo sila ng kaunti. "Halata tuloy na masyado kang nagseselos kanina," komento pa nito. "Aber, bakit naman ako magseselos?" "Hindi ko alam, Ate. Ikaw lang ang makakasagot niyan kasi ikaw ang nakakaramdam niyan." Nalulong siya sa malalim na pag-iisip. Bakit nga ba? NAABUTAN niya sa salas si Nanay Marites na may binubuklat na mga libro. Tinabihan niya ito sa sofa at natuklasang mga photo album pala ang tinitingnan nito. Naengganyo siyang mang-usisa. "Sino po ito, Nanay?" tukoy niya sa sepiang larawan ng lalaking banyaga na nakasuot pang-sundalo. "Si Dureau, tatay nila Javier," tipid na tugon nito, ngumiti ngunit may lumbay sa mga labi. Kung pakakatitigan ang larawan ay lulutang na nagmana sa lalaki ang mga anak ng mga ito. At nahuhulaan niyang berde ang kulay ng mga mata nito dahil ganoon ang kulay ng mga mata ng magkakapatid. Hindi na niya kailangang magtanong pa ulit dahil kusa nang nagkuwento ang matandang babae. Hinaplos nito ng daliri ang larawan ng asawa at tila nagbalik sa nakaraan. Mataman lamang siyang nakinig. "Napakabait ni Der, mapagkumbaba at higit sa lahat alam kong mahal na mahal niya kami. Isa siyang sundalo sa Amerika nang magkakilala kami. May maliit na karinderia pa noon ang pamilya namin. Noong una ko siyang makita, nakakailang ang personalidad niya pero sa huli ay nahuli niya ang puso ko. Pero hindi rin kami nagtagal dahil kailangan niyang bumalik sa Amerika. Nang maiwan niya ako ay hindi namin alam na may nabuo na sa sinapupunan ko. "Nang mga panahong iyon din ay kailangan naming lumuwas ng Maynila. Doon ko na isinilang si Javier at nasa isip kong hindi na kami magkikita ulit ni Der. Iyon ang akala ko. Pero hinanap niya kami, hinanap kami ni Der. Dalawampu't limang taon siyang naghanap pero hindi siya sumuko. Hindi siya sumuko hanggang sa matagpuan niya kami. At nagpapasalamat din akong hindi ako sumuko dahil nabigyan ng katuparan ang matagal ng hiling ng puso ko. "Iyon na ang pinakamasayang sandali ng buhay ko. Wala na akong mahihiling pa pero biniyayaan pa kami ng dagdag na supling ng Diyos. Sina Juana at Marcelo at mas sumaya ang pamilya namin ni Der. Hanggang sa..." napatigil ito sa pagkukuwento at napaluha. "Hanggang sa mabaril siya ng mga pulis. Napagkamalan siyang kriminal... Hindi ko alam kung paano nangyaring mapagkakamalan siyang kriminal. Napakabait niya, halos lahat ng taong nakakakilala sa kanya ay kasundo niya at wala siyang nakaaway ni sinoman. Dahil lang sa malaking akala ay nawala siya sa amin... Napakasakit..." napahagulgol na ito sa mga palad nito. Hindi niya alam kung paanong papayapain ang damdamin ng matandang babae. Damang-dama niya ang lungkot sa tinig nito at ang panaghoy sa bawat pagluha. Kung maaari lang sana siyang makibahagi sa nararamdaman nito para kahit paano ay gumaan-gaan iyon. "O, umiiyak ka na naman, Nanay. Tara na nga po at magpahinga na kayo," ani Juana na kakasulpot lang sa salas. Inimis ng dalagita ang mga photo album at inakay ang ina nito papuntang silid. Wala siyang ibang nagawa kundi pagmasdan lang ang mag-ina. Nang mawala ang mga ito sa paningin niya ay lumabas siya ng kabahayan at naupo sa duyan. Ilang minuto makalipas ay natanawan niya ang paparating na owner type jeep na sinakyan ni Javier paghatid sa mag-amang Doktor Desmundo at Dolores kaninang matapos mananghalian. Ngayong mag-aalaskuwatro lamang ito nakabalik. Hindi na siya magtataka pa kung sasabihin nitong nakipaglandian pa ito sa babaeng iyon. O baka mas higit pa roon ang ginawa ng mga ito sa mahabang oras na nawala si Javier. Agad napalis ang lumbay na naramdaman niya kanina at napalitan ng panibugho at init ng ulo! Huminga siya ng malalim at kinontrol ang mabilis na pag-mood swing. Binabaliw ni Javier ang damdamin niya. Sa dami ng dapat niyang maramdan at isipin ay laging nangingibabaw ang mga emosyong may kaugnayan sa lalaki. Ngumiti ito nang lapitan siya. May dala itong buslo na agad na inabot sa kanya. Tinanggap naman niya iyon ng walang pag-iisip at sinilip ang laman. "Hindi ko alam kung anong ikinaalburoto mo kanina. Pasensya ka na kung hindi ko agad na-i-report ang nangyari sa 'yo. Hinihintay kitang magkamalay noon at gumaling bago sana gawin ang pagrereport sa mga pulis. Nag-aalala lang naman ako sa 'yo, na baka hindi kapamilya ang unang makahanap sa 'yo at ibang tao. Alam kong hindi lahat ng mga pulis ay maaasahan. Napakahirap magtiwala sa kanila lalo pa't alam kong hawak sila sa leeg ng mga kamay na bakal," paliwanag nito, may dumaang lungkot sa mga mata sa huling sinabi. Nang maalala ang kuwento ni Nanay Marites ay nakaramdam siya ng pagkakonsensya at hiya sa mga inasal niya kaninang umaga. "Pasensiya ka na Javier at nahirapan akong intindihin iyon. Hindi ko sinasadya. Nahihirapan lang talaga ako sa sitwasyon ko. Ang daming gumugulo sa isip ko. At ni isang sagot ay wala akong maitugon sa sarili ko." "Huwag ka nang mag-alala. Naiintindihan kita. Ini-report ko na sa mga pulis ang nangyari sa 'yo. Sana makatulong sila. Tatawag na lang daw sila kapag may naghanap sa 'yo o kung may makakalap silang impormasyon." "Pasensya ka na talaga. Ako na nga ang tinutulungan mo, ang sama-sama pa ng ugali ko. Huwag mo sanang isipin na nagpapabigat na ako sa inyo." "Bakit ko naman iisipin 'yun? Mas sumaya nga kami nang dumating ka. Huwag ka ng mag-isip pa ng kung ano-ano. Tikman mo na lang 'yang mga dala ko. Masarap 'yan lahat," nakangiting anyaya nito. "Saan mo ito nabili? Baka naman bigay ito ni Dolores?" bigla ay naikomento niya. Tumawa ito. Magaan iyon sa pandinig kaya masarap pakinggan. Mayamaya ay naging pilyong ngiti iyon, "Binili ko yan sa bayan nang madaan ako roon. Saka wala namang problema kung kay Dolores iyan galing. Huwag mong sabihing nagseselos ka sa kanya?" mapanuksong tanong pa nito. "Bakit naman ako magseselos sa kanya? Wala akong pagtingin sa 'yo, Javier. Hindi ikaw ang tipo kong lalaki!" lakas ng loob na pagsisinungaling niya. "Bakit hindi ka makatingin sa akin ng diretso? Sabihin mo nga sa akin iyan habang tumitingin sa mga mata ko," paghahamon nito, nanunukso pa rin ang tinig. Pinamulahan siya ng mukha. Damang-dama niya ang pag-iinit ng mga pisngi. "Wala akong dapat patunayan sa 'yo," umingos siya at nilantakan ang ube halaya. Pilit niyang binaling sa pagkain ang atensyon. Hindi niya magawang lumingon kay Javier dahil nararamdaman niyang nakatitig ang mga berde nitong mga mata sa direksyon niya. Nagulat na lamang siya nang biglang lumundo ang duyan. Naupo sa tabi niya ang lalaki. Parang lumiit ang mundo niya at umikot lamang sa kanilang dalawa. Hindi niya napigilang sulyapan ito. "Mag-ingat ka sa mga nadadama mo, Hermosa." "Pwede ba, wala akong nararamdaman para sa 'yo. Ilang linggo pa lang mula nang magkamalay ako kaya wala sa prayoridad ko ang pagkakagusto sa 'yo. Baka malimutan din kita at ang lahat ng ito kapag naalala ko na ang lahat sa akin." Hinuli nito ang mga mata niya at mataman siyang pinakatitigan. "Puwes, ipapaalala ko sa 'yo ang lahat ng bagay na nangyari habang nandito ka sa piling ko kapag dumating sa puntong ganoon." Mula sa pagiging malalumot na kulay na mga mata ay naging luntiang kapaligiran ang kulay ng mga mata nito hanggang sa mag-animo'y esmeralda na kumikinang sa harap niya. Nalulunod siya sa kariktan ng mga mata nito. Nakapanghahalina ang mga tagong emosyon sa likod ng mga titig nito. Nais niyang suungin ang lalim niyon at alamin ang maibibigay niyong hiwaga sa kanyang puso. Tila nagkaroon ng intindihan ang kanilang mga mata sapagkat unti-unting bumaba ang mga labi ni Javier sa kanyang mga labi upang sakupin iyon. Maalab na pagtanggap ang inihandog niya nang maghinang ang kanilang mga labi. Nanginig siya sa tila kuryenteng dumaloy sa kanyang mga gulugod. Napariin ang halik niya sa mga labi nito. Naging mas lalo naman itong mapusok nang mangahas ang dila nitong pasukin ang kanyang bibig. Hindi niya malaman ang tamang pagtugon. Nakiayon na lamang siya sa galaw at sayaw nang nag-aapoy nitong bibig. Unti-unti siyang kinakain at tinutupok ng mainit na sensasyon. Pakiramdam niya ay literal siyang nagliliyab dahil pinagpapawisan siya ng malabis. Nakakapagdeliryo ang patuloy na paghagod ng dila nito at pagngabngab ng mga labi sa kanyang sariling bibig. Nababaliw na siya. Tiyak niyang wala na siya sa katinuan ng mga sandaling iyon. Nang pakiwari niya ay mauupos na siya sa napakainit na halik nito ay nakarinig sila ng busina ng sasakyan sa harap ng bahay. Mabilis silang naghiwalay at sabay na sumulyap sa puting kotse na pumarada. Isang unipormadong lalaki ang umibis mula sa sasakyan at tumawag sa loob. Napilitan silang tunguhin ito ni Javier. Magalang na bumati ito nang makita sila. May iniabot itong puting sobre kay Javier. Binuklat iyon ng lalaki at binasa ang nilalaman. "Sige, makakaalis ka na. Pag-iisipan namin ang imbitasyon ng alkalde," baling nito sa mensahero pagkatapos mabasa ang sulat. "May ipinabibigay po pala ang alkalde kay Hermosa," anang lalaki at nagbalik sa kotse. Kinuha nito ang isang puting kahon at bumalik sa kanila. Tinanggap niya ang kahon at binasa ang munting card na nakaipit doon. Wear this on Monday night, Hermosa. I can't wait to see you, again. I wish you would like my little present, lovely lady. Yours, Graciano Inagaw sa kanya ni Javier ang maliit na papel at mabilis na binasa. Kinuyumos nito ang papel matapos basahin iyon. Pinababalik nito ang regalo sa lalaki pero ayaw tanggapin ng huli at kagagalitan ng alkalde. Sa huli ay hinayaan na lamang nila at pinaalis na ang sugo ng alkalde. "Sa tingin ko dapat akong sumama sa 'yo sa Lunes ng gabi," mayamaya'y komento niya. "Pag-iisipan ko," matiim nitong turan. "Huwag mong sabihing nagseselos ka sa alkalde?" panggagaya niya sa tono nito kanina upang pagaanin ang tila kumulimlim na emosyon nito. "Oo, nagseselos ako. At ayaw kong tila pinagtutuunan ka niya ng pansin," diretsong wika nito. "Sus, ikaw naman. Tara na sa loob at i-share na lang natin ito kanila Nanay Marites." Nagpatiuna na siya sa pagpasok na mabilis naman nitong sinundan. Inakbayan siya nito nang maabutan ang mga hakbang niya. "Istorbo," usal nito. Nagkahagikgikan sila. Labis ang pasasalamat niyang hindi sila nagkailangan matapos ang mahika ng kabaliwan na bumalot sa kanilang kamalayan. Piping hiling na lamang niyang huwag siyang gambalain ng mga halik nito sa mga susunod na gabi. At sana maulit pa iyon. Mula sa malayo ay may pares ng mga matang nagmamasid sa dalawa, nanlilisik at nagbabadya ng galit. Ngunit hindi rin nagtagal ang pagtunghay nito nang mawala sa paningin ang mga pinagmamasdan. Mapait na lumisan ang bulto palayo roon...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD