Chapter 5: She Is Claire
DUMATING na ang gabi ng Lunes. Napagdesisyunan ni Javier na dumalo sa paanyaya ni Señor Graciano pero ayaw siya nitong isama noong una. Nagpumilit siya hanggang sa mapasang-ayon niya ito, sa kondisyong hindi ang gown na ipinadala ni Señor Graciano ang gagamitin niya. Mabuti at may naitabi pang pormal na kasuotan si Nany Marites. Iyon ang suot-suot niya ngayon.
"Sadyang napakarikit mo, Hermosa!" paulit-ulit ang papuri sa kanya ni Nanay Marites. Pinaikot-ikot siya nito upang mabistahan ang kabuuan ng damit sa kanyang katawan. "Hindi ako naging kasingganda mo noong mga panahong naisusuot ko pa ito,"dugtong pa nito.
"Maraming salamat po pero nahihiya na po ako sa mga papuri ninyo," namumulang saad niya.
"Pagpasensyahan mo na ako, hija. Hindi ko lang mapigilan. Sandali, nasaan na nga ba ang Javier na iyon? Marcelo, tawagin mo na nga ang kuya mo ng makaalis na sila."
"Eh, 'Nay, nandyan na po si Kuya. Pababa na po, oh," tugon ng binatilyo at hinayon ng tingin ang pababang lalaki.
Natameme siya nang makita ito. Javier was not the usual him right now. He was not rugged tonight but formal, way too formal. Napakalayo nito sa Javier na lagi niyang nakikita araw-araw na laging nakasuot ng checkered sleeves, ripped jeans at bota. Nakasuot ito ngayon ng polo barong na tinernuhan ng khakis at ang paa ay nasasapinan ng balat na sapatos.
Maayos na naka-gel at nakasuklay ang mahaba-haba nitong buhok. Parang tila na-miss niya ang pagkaalon ng buhok nito na masining na tinatangay ng hangin tuwing nangangabayo ito. Ang kabuuan nito ay mas lalong pinakinang ng mga mata nitong luntian.
"Tapos ka na bang gumayak?" anito nang makalapit sa kanya.
Hindi agad siya nakatugon dahil namamangha at nagpipista pa rin ang kanyang mga mata. Nakatitig pa rin siya rito. Sa isip niya ay ayaw na niyang umalis pa at solohin na lamang si Javier sa buong magdamag.
"Ay, kanina pa siya naka-ayos. Ikaw lang ang hinihintay namin. Mas matagal ka pa kaysa sa babae kung mag-ayos," sabi ni Nanay Marites na siguro ay nabingi sa katahimikan ng patlang na sandali.
"Pasensya na, ang kulit kasi ni Juana. Gusto niyang tabasan ang buhok ko."
"At mabuti na lang pumayag si Kuya na lagyan ng gel ang buhok niya dahil kung hindi, hindi na kayo makakaalis," singit ng dalagita na kabababa lamang mula sa silid ng kapatid nito.
"Siya, aalis na kami ni Hermosa, 'Nay. Magsara na po kayo ng bahay," anito at inalalayan siyang lumabas.
"Mag-iingat kayo, Javier."
Nagpaalamanan sila at tumuloy na sila ni Javier sa owner type jeep nito. Maayos na naman ang takbo ng sasakyan at hindi kumarag-karag sa loob ng tatlumpung minutong byahe. Sa isang grandiyosong tarangkahan sila huminto.
"Narito na ba tayo?" namamanghang tanong niya.
"Oo. Bago tayo pumasok sa loob bibilinan lang kita Hermosa na huwag lalayo sa tabi ko. Hindi mo kilala ang mga tao rito at hindi sila dapat pagkatiwalaan. "
"Opo, ginoo!" masunuring tugon niya at bumaba na sila ng sasakyan.
Ipinakita nila sa security guard ang kanilang imbitasyon at matapos inspeksyunin ang kanilang mga gamit ay pinatuloy na rin sila. Bago sila makapasok sa pinakabulwagan ay may nag-inspeksyon ulit. Mukhang maraming mga taong galing sa pulitika, alta-sociedad at buena familia ang dadalo sa piging dahil napaka-istrikto ng sekyuridad.
Nang tuluyan silang makapasok ay mas lalo siyang namangha sa interior at disenyo ng kabahayan. Napaka-elegante ng mga muwebles at klasiko ang pagkakagawa. Ang buong paligid ay sumisigaw ng karangyaan.
Napakaraming bisita ng Señor. Maliban sa mga mayayaman ay may iilan siyang nakita na simpleng mamamayan sa isang panig ng bulwagan. Pamilyar sa kanya ang mga ilan dito na minsan ay bumibisita sa bahay nila Javier. Tutunguhin sana nila ni Javier ang mga kaibigan nito nang harangin sila ng nakabungisngis na anyo ni Señor Graciano.
"Javier, Javier! Mabuti at pinaunlakan mo ang aking paanyaya," bati nito at mabilis na bumaling sa kanya. "Ikinagagalak kong makita kang muli, Hermosa. Mas marikit ka ngayong mas mabuti na ang iyong kondisyon. Subalit bakit hindi mo suot ang iniregalo kong damit?"
"Salamat po, Señor. Pero hindi po kasi kasya sa akin ang ibinigay ninyo. Ibabalik ko na lang po," pagdadahilan niya.
"Hindi na kailangan, Hermosa. Ngunit sayang at inisip ko pa namang mas gaganda ka sa damit mong iyon. Itabi mo na lamang. Sa susunod ay papasukatan kita para malaman ko ang tamang laki ng damit na ireregalo ko sa iyo."
"Salamat po ulit, pero hindi na po ninyo kailangang mag-abala pa."
"O sige, sa isang kondisyon... halika't tayo'y magsayaw," nakangiting turan nito. Hindi na nito hinintay pa ang magiging sagot niya at hinila siya patungong gitna ng bulwagan.
Nilingon niya si Javier. Blanko ang ekspresyon ng mukha nito. Nakita niyang kumuha ito ng alak sa naglilibot na serbidor at nawala na ito sa paningin niya.
Binalingan niya ang alkalde. "Hindi po ako marunong sumayaw."
"Kung gayon, tuturuan kita," sumenyas ito at nagsimulang tumugtog ang isang classic music. Inilagay nito ang kanang kamay niya sa balikat nito at inilapat ang sariling kamay sa beywang niya. Ang magkabilang kamay nila ay magkahawak. Nagsimula itong sumayaw. Nakisabay lamang siya galaw nito.
Muling hinagilap ng mga mata niya si Javier. Nakita niya ito sa isang sulok, ang berdeng mga mata ay nakikiindayog sa saliw ng musika. Hindi niya mabasa ang lalaki. Kahit kailan ay napakahirap nitong basahin.
"May problema ba, Hermosa?"
"Wala naman po, Señor. Napakahusay po ninyong sumayaw. Mas maganda po siguro kung magaling din ang kapareha ninyo."
"Mahusay ka rin palang mambola. Pero hindi ko kailangan ng mahusay na kapareha gayong kasayaw ko ang pinakamagandang babae sa gabing ito..." ngumiti ito, ramdam niya ang pagdiin ng palad nito sa kanyang katawan. "Siya nga pala, naisip ko lamang. Mas mainam siguro kung dito ka na muna sa akin titira. Mas matutulungan kita, Hermosa."
"Hindi na po. Abala lang po sa inyo. Mabait naman po sila Javier. Napakaganda po ng pakikitungo nila sa akin at alagang-alaga ako sa tahanan nila," mabilis niyang tugon.
"Alam ko, maraming nagsasabi. Ang sa akin lamang naman ay obligasyon ko iyon na dapat kong gawin bilang alkalde ng bayan ng Sta. Barbara."
"Hindi na po kailangan---" naputol ang sasabihin niya nang may mabundol habang nagsasayaw. Si Javier iyon at may kapareha itong babae na walang iba kundi si Dolores!
Mabilis na nag-init ang ulo niya. Ang posisyon ng dalawa habang nagsasayaw ay masyadong magkadikit ang mga katawan. Nakapatong ang dalawang palad ng lalaki sa balakang ni Dolores at ang huli naman ay nakapaikot ang mga braso sa leeg ni Javier. At ang mga mukha ng mga ito ay gahibla na lamang ang layo sa isa't-isa.
"Pag-isipan mo ang alok ko, Hermosa..." agaw ng alkalde sa atensyon niya. Ngunit hindi na niya maalala pa ang pinag-uusapan nila kanina. Mabilis na nawaglit iyon sa isip niya sa umalsang damdamin sa dibdib niya. Mas lalong naging blanko ang isip niya sa mga sinasabi ng matanda nang magbago ang tutog.
Patuloy siya nitong pinasabay sa pag-indayog nito na animo'y puppet na may nakataling mga pisi. Mayamaya'y bigla siyang pinaikot ng señor, sakto namang napalapit sa kanila sila Javier. Nang makita niyang umikot din si Dolores ay tila nagliwanag ang isip niya at sinamantala ang sitwasyon upang magkapalit sila ng puwesto. Muli siyang umikot, malakas. Sapat para marating niya ang distansiya nila ni Dolores. Itinulak niya ang babae patungo kay Señor Graciano. Napasubsob naman siya sa malapad na dibdib ni Javier.
"Akala ko ba hindi ka marunong sumayaw?" ani Javier nang tingalain niya ito.
"Desperate times call for desperate measures," aniya sabay ingos. "Sana pinigilan mo man lang kami kanina. Sana hindi mo ako hinayaang isayaw ng iba. Sana hindi ka naghanap ng ibang kapareha para isayaw!" nanggagalaiting anas niya. Hinila niya ito palayo kanila Dolores at Señor Graciano.
"Woah, ang init ng ulo mo. Huwag mong sabihing nagseselos ka na naman kay Dolores?"
"Pwede ba, hindi ako nagseselos! At hindi ako kailanman magseselos!" Tinakpan nito ng daliri ang kanyang mga labi.
"Huwag kang sumigaw. Hindi mo kailangang ipaalam sa lahat ang nararamdaman mo ngayon," bulong nito sa kanya at kinintalan siya ng halik sa noo.
Napipi siya at napalingon sa mga katabi sa sayawan. Mukhang wala namang nakarinig sa kanya dahil malakas din ang sound system. Nang balikan ng mga mata niya si Javier ay may ngiti ito sa labi. Kinabig siya nito at ipinagpatuloy ang kanilang pagsayaw hanggang sa maputol ang tugtog at mangibabaw ang tinig ng emcee.
"Paumanhin sa abala, mga kaibigan. Atin na munang puputulin ang musika at ating pakinggan ang pinakamamahal nating alkalde, Señor Graciano Vicencio-La Jarde!" anunsyo ng tagapagsalita. Naghanap sila ng mauupuan ni Javier.
Masigabong palakpakan ang sumalubong sa matanda nang umakyat ito ng entablado. Nagbigay ito ng talumpati. Mahaba-haba rin ang mga sinabi nito. Pawang mabubulaklak na salita, mga progreso na naihandog nito sa Sta. Barbara at mga plataporma nitong nais isakatuparan kung magpapatuloy pa sa serbisyo.
Panay ang bulung-bulungan ng mga tao hanggang sa matapos ang alkalde sa talumpati nito. Nagsimulang magkumpol-kumpol ang mga bisita. Maraming lumapit kay Javier para kausapin ito. Nagpasintabi muna siya at hinayaan ang mga itong mag-usap.
Mayamaya nang makaramdam ng pamimigat ng pantog ay sumenyas siya kay Javier na aalis muna saglit. Hinanap niya ang palikuran. Sa laki ng mansyon at sa dami ng lagusan niyon ay hindi niya malaman kung saan tutungo kahit pa itinuro na iyon ng isang kawaksi kanina. Nanghula na lamang siya ng daan.
Sa tingin niya ay sa salas siya ng mansyon humantong. May malalaking sofa na nakapalibot sa isang modern table sa gitna ng lugar na iyon. May magarang chandelier sa itaas ng kisame at ang sahig ay nalalapatan ng makapal at kulay pulang alpombra. Ang mga ding-ding ay nasasabitan ng iba't-ibang frame na may magaganda at nakamamanghang larawan. Sinundan niya ng tingin ang mga larawan, pinagmasdan at sinuri na animo'y eksperto siya sa sining.
Nang matapat sa oil painting ni Señor Graciano ay napahinto siya. Hindi ito nag-iisa sa larawan. May kasama itong isang lalaki at isang babae na pawang mas bata rito ng maraming taon. Titig na titig siya sa mga pigurang nasa larawan. May pamilyaridad sa kanya ang mukha ng dalawang kasama ng matandang lalaki. Kumirot ang kanyang sentindo nang pilit niyang apuhapin sa isip kung sino ang mga ito. May ilang mga ala-ala ang nagsusumiksik sa kanyang balintataw pero tila may harang sa kanyang isipan na pinipigilang magkakulay ang mga imahe.
Nahilo siya at sa pakiwari niya ay babagsak anumang sandali. Nang manlambot ang tuhod niya ay bumigay ang balanse ng kanyang katawan. Hinanda na niya ang sarili sa pagbagsak sa carpet ngunit sa mga bisig siya bumagsak.
"Are you all right, Hermosa?"
Tumingala siya at nakita ang mukha ng Señor. "Okay lang po. Medyo sumama lang po ang pakiramdam ko. Salamat po."
"Halika't magpahinga ka muna. Pasasamahan kita sa isang katulong paakyat ng silid. Bakit ka nga pala napunta rito? May kailangan ka ba?"
"Wala naman po. Naligaw lang po ako sa paghahanap ng C.R. Naengganyo po akong tingnan ang mga painting nang mapadaan ako rito. Sino po ang mga kasama ninyo sa larawang ito?"
Bumaling ang pansin ng matanda sa larawang nasa harap nila. "Ah, iyang lalaki ay si James, ang aking anak. Si Claire naman ang babae, pamangkin ko ngunit anak na rin ang turing ko sa kanya. Sayang at wala sila rito para makilala mo. Pareho silang nasa Maynila."
"Hmmm... napakaganda po ng pagkakapinta," komento niya. Naghahalungkat pa rin sa isipan.
"Hermosa?" si Javier. "Anong ginagawa mo rito?"
"Javier, nandyan ka pala. Paumanhin at hindi na matutuloy pa ang open forum para masagot ko ng personal ang mga katanungan ninyo. Hindi bale, may haharap sa inyo upang ipagpatuloy ang talakayan." Si Señor Graciano.
"Hindi na rin ho bale, Señor. Uuwi na rin kami ni Hermosa dahil wala ng dahilan pa para manatili kami. Isa pa, kailangan na niyang magpahinga," tiim-bagang wika nito.
"Sayang ang kasiyahan, Javier. Magpapatuloy ang piging kahit wala ako. Kailangan ko na ring mamahinga ng maaga. Huwag kang mag-alala, may susunod pang pagkakataon upang maharap ko kayong mga simpleng mamamayan ng Sta. Barbara at mapakinggan ang inyong mga hiling."
"Aasahan ho namin, Señor. Aalis na ho kami. Paalam." Inalalayan siya ni Javier palayo sa lugar na iyon. "Saan ka ba nagpunta? Hindi ba't sinabihan na kitang huwag kang lalayo?" anito nang makalayo sila sa matandang alkalde.
"Namimigat ang pantog ko. Naligaw ako kaya ako nakarating doon."
"Dito ang daan papuntang palikuran. Huwag mong sabihing kailangan pa kitang samahan hanggang sa loob?"
Inirapan niya ito, "Hindi na kailangan, salamat!"
"PAMILYAR sila sa akin, Javier. Malakas ang kutob kong nakita ko na sila noon. Hindi ko lang talaga maalala kung saan at kailan," kanina pa niya sinasabi iyon sa lalaki hanggang sa makarating sa sasakyan ay iyon ang bukang bibig niya.
Pinakatitigan siya nito. Itinigil nito ang pagbuhay sa makina ng sasakyan. "Kung totoo ngang nakasalamuha mo ang pamilya ng señor ay ano ang maaari mong kaugnayan sa kanila?"
"Wala akong maisip, Javier. Malakas lang ang kutob ko. Natatakot ako. Parang may mangyayaring masama. Kinakabahan ako." Nais niyang mapaluha sa tindi ng emosyong sumasalakab sa kanyang sistema. Nananayo ang kanyang balahibo.
"Walang mangyayaring masama, Hermosa," anito at ikinulong ang mga palad niya sa kamay nito. "Nang magkausap kayo ng señor, nagpakita ba siya ng indikasyon na kilala ka niya?"
"Hindi. Wala naman. Inanyayahan lang niya akong manatili sa tahanan niya imbes na sa inyo manuluyan. Wala naman siyang ibang nabanggit pa. Wala rin akong nakita sa reaksyon niya na kahinahinala o kahit na anong nagsasabi na magkakilala kami noon."
"Magaling magpanggap ang taong iyon. Marami siyang lihim na nakakatakot malaman. Kailangan nating mag-ingat."
"Paano kung nakakatakot din ang mga ala-ala kong nawawala? Paano kung totoong masama ako? Paano kung makasalanan akong tao? Paano kung may ginawa ako noon na hindi katanggap-tanggap?"
"Imposible 'yang sinasabi mo. Ayaw ko nang marinig pa ulit 'yan. Mabuti pa'y umuwi na tayo nang makapagpahinga ka na." Muli nitong binuhay ang makina at pinasibad ang sasakyan.
Hindi na sila muling nag-imikan ni Javier hanggang sa makarating sila sa bahay. Pareho silang lulong sa mga isipin. Nang lingunin niya si Javier bago tuluyang umakyat sa silid ay napaka-seryoso pa rin ng ekspresyon ng mukha nito.
Bigla ay napangiti siya. Sadyang napakaguwapo nitong tingnan kahit saang anggulo niya pagmasdan. Ang seryosong mga mata nito ay naglakip ng kakaibang karakter dito. Maiksing napangiti siya sa sumingit na munting emosyon sa dibdib niya. Nakakamangha ang naidudulot sa kanya ni Javier, na sa kabila ng lahat ng nangyayari at pinagdadaanan niya ay nagagawa niyang makaramdam ng munting saya tuwing kapiling ito.
"Ihahatid na kita sa silid mo, Hermosa."
"Maraming salamat talaga sa lahat, Javier. Sana hindi ka magsawa sa pag-tulong mo. Isa ka sa mga sinasandalan ko ngayon," hinawakan niya ang mga palad nito at itinaas sa kanyang mga labi.
"Napakaraming salamat na ang nasabi mo. Bukal sa loob namin ang pagtulong sa 'yo. Gusto kong makaalala ka na para matulungan mo rin ang sarili mo hindi dahil sa nagsasawa ako sa pagtulong sa 'yo." Kumawala ito sa hawak niya at kinabig siya upang yakapin. "Nandito lang kami para sa 'yo. Nandito lang ako parati para sa 'yo. Pangako 'yan. Magtiwala ka lang." Dinampian nito ng halik ang noo niya, ang tungki ng ilong niya at ang kanyang labi.
Tila huminto ang pag-inog ng mundo niya. Pakiwari niya ay binalot na namang muli ng mahika ang paligid. Nang mga sandaling iyon ay nais lamang niyang magpasakop sa mga labi nito. Maging mahina at umasa sa lakas nito, kabaliwan man isipin. Wala na siyang pakialam sa kanyang mga ala-ala at sa panahon na maaaring maaksaya. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at ninamnam ang bawat segundo ng sandaling iyon.
Nang magmulat siya ng mga mata ay pangko-pangko na siya ng lalaki at ibinababa sa kanyang kama. Bumitiw ang mga labi nito sa kanya. "Napakaganda ng gabi sa piling mo, Hermosa... Kung maaari lang na hindi tapusin ang gabi. Matulog ka ng mahimbing," mabining sabi nito.
Binalot niya ang sarili ng kumot at sumunod sa habilin nito.
Nang magambala siya ay nagmulat siya ng mga mata. Nang magpalinga-linga siya sa paligid ay wala na siya sa kanyang silid. Ang kapaligiran ay tila pelikulang naglalaro sa kanyang balintataw.
Malamig ang simoy ng panggabing hangin na dumadampi sa kanyang mga balat. Walang ibang maabot ang kanyang paningin kundi kadiliman, mayayabong na damo at naglalakihang sanga ng matatandang puno na sumasayaw sa hangin. Nangangatog siya sa pinahalo-halong nararamdaman. Lamig. Gutom. Kaba. Takot. Kamatayan!
Nakatali ng tanikala ang kanyang mga kamay gayundin ang kanyang mga nakayapak na paa na humahalik sa matatalas na damo. Ang halumigmig ng hamog sa paligid ay nagpapaibayo sa pangangatal ng kanyang buong sistema.
Mas bumilis ang t***k ng kanyang puso nang matanawan ang dalawang aninong palapit sa kanya. Isang babae at isang lalaki. Humahalakhak ang mga ito at umaalingawngaw iyon sa paligid. Nang tumingin ang mga ito sa kanya ay malademonyo ang mga mata ng mga ito. Nakasisindak ang mga iyon. Napaatras siya sa nag-uumapaw na takot na dulot ng mga ito. Nang lumingon siya sa kanyang likuran ay nakita niyang bangin ang nasa ilalim ng lupang inaatrasan niya. Mas lalo pang lumapit ang mga ito sa kanya pero hindi na nagawa pa ng mga paa niyang humakbang paatras. Sukol na siya ng mga ito.
"Go ahead, b***h! Move backward and meet your demise. I would like you to feel all the sufferings I have experienced. Feel all my pain and wrath!" nangngangalit na sigaw ng lalaki at hinagupit siya ng latigo.
Napahiyaw siya nang kumagat iyon sa kanyang balat. Mula sa sinag ng buwan na lumusot sa pagitan ng mga ulap ay nagliwanag ang ngipin nitong ginto sa kadiliman ng paligid. Ang pagkinang ng pangil na iyon ay tila hudyat na katapusan na ng buhay niya.
Muling humakbang palapit sa kanya ang lalaki. Ngayon lamang niya napansing paika-ika ito at hirap maglakad. Pero mukhang hindi nito alintana iyon sa pananabik na makalapit sa kanya.
"Finish her, my sweet devil!" udyok ng babaeng nasa likuran nito at humalakhak muli.
"I will, Claire! I will!" ubod ng sayang sang-ayon nito at muli siyang nilatigo. Paulit-ulit.
Sinubukan niyang magsalita upang magmakaawa ngunit tinadyakan siya nang babae nang lapitan siya. Napasubsob siya sa lupa. Mariin siyang napakapit sa damo nang sa pakiwari niya ay gugulong siya paibaba ng bangin.
"Let me kill her, Claire."
"You have her. Kill her now and let's make love."
"Yes, Claire. Yes." may buong pananabik na itinulak siyang tuluyan ng lalaki sa bangin.
Hinagilap niya ang tinig upang sumigaw. Sa isip niya ay nagtutumining ang pangalan ng babae.
Claire... Claire... Claire!