Six: The Kid

2147 Words
Chapter 6: The Kid "HERMOSA! Hermosa!" sunod-sunod ang naging pagtawag ni Javier sa pangalan ng babae. Marahang inalog-alog niya ang balikat nito. "Hermosa, gumising ka. Gumising ka na," binuhat niya ang kalahati ng katawan nito at isinandal sa headrest ng higaan. Sa wakas ay nagising na ito. Pawis na pawis ang buong mukha nito. Humahagulgol na sumubsob ito sa balikat niya. Niyakap niya ito hanggang sa kumalma ito at tumigil ang panginginig ng katawan. Inabot niya rito ang isang basong tubig mula sa bedside table. Pagkatapos ay pinunasan niya ng basang bimpo ang mukha nito. "Masamang panaginip lang ang lahat. Huwag ka ng matakot. Nandito lang ako sa tabi mo," ikinulong niya itong muli sa kanyang mga bisig. "Javier... gusto nila akong patayin... papatayin nila ako..." nangangatal na sabi nito. "Walang makakapanakit sa 'yo, Hermosa. Lagi lang akong nandito para bantayan at protektahan ka," alo niya sa takot nito. "Papatayin nila ako... Siguradong babalikan nila ako kapag nalaman nilang buhay pa ako... Pakiusap, huwag mong sabihing nandito ako!" nahihintakutang sigaw pa rin nito. "Hindi ko ipagsasabi, magtiwala ka. Pero kailangan mong sabihin kung sino ang sinasasabi mong gustong pumatay sa 'yo. May naaalala ka na ba?" "Isang lalaking may gintong pangil. Hindi malinaw sa isip ko ang buong mukha niya pero ang kasama niyang babae ay namumukhaan ko at naaalala ko ang pangalan. Si Claire. Si Claire na pamangkin ni Señor Graciano ang isa sa gustong pumatay sa akin," napahagulgol itong muli ng iyak, takot na takot ang tinig nito. Nabigla siya sa isiniwalat nito. Tama nga ang sapantaha niyang may kaugnayan ang alkalde sa nangyari kay Hermosa. Sigurado siyang ito ang kasama ng pamangkin nito na may gintong pangil. Hindi niya ito mapapatawad kailanman. Pagbabayarin niya ito sa lahat ng kasalanan nito. "Anong nangyayari rito?" humahangos na bungad ng kanyang ina. May bitbit pa itong sandok. "Binangungot po si Hermosa, 'Nay. Maayos na po ang lahat, huwag na po kayong mag-alala." Lumapit ito sa kanila. "Salamat sa Diyos! Akala ko'y ano na, napakalakas ng sigaw at iyak ang narinig ko hanggang sa kusina. Mabuti pa'y bumaba na rin kayo at malapit na akong makatapos sa niluluto ko." "Pasensya na po kayo, Nanay Marites kung pinag-alala ko kayo." "Huwag mo akong intindihin, tumatanda lang talaga akong niyerbyosa. Hala't babalikan ko muna ang isinalang ko't baka masunog," sagot nito at nagkukumahog na itong bumaba pagkatapos silang bilinang muli na sumunod dito. Binalingan niya si Hermosa at hinaplos ang pisngi nito. "Ipapakiusap ko sanang wala munang ibang makaalam nito maliban sa ating dalawa. Mas maiging kaunti muna ang nakakaalam sa ngayon ng mga naaalala mo." "Naiintindihan ko, Javier," pilit itong ngumiti.  Mabining hinalikan niya ito sa mga labi. Piping hiling niya na sana sa simpleng halik na iyon ay tuluyang makalimutan ni Hermosa ang takot nito. Kahit panandalian lamang.   "'NAY, nasaan po si Hermosa?" tanong ni Javier sa inang nagtatahi. "Aba'y nandiyan lang iyon kanina. Baka naglakad-lakad lang sa labas," tugon nito habang nakatuon pa rin ang pansin sa ginagawa. Lumabas siya ng bahay at tinanaw ng mga mata si Hermosa. Hindi niya ito makita. Nang makasalubong ang kambal ay tinanong niya ang mga ito kung nakita ng mga ito si Hermosa. Sabay lang na umiling ang mga ito. "Sabi po ni Ate Hermosa, mamamasyal lang siya. Hindi po niya nabanggit kung saan eksakto," sagot ni Juana. "Bakit, Kuya Javier? LQ ba kayo? Inaway mo ba siya? Nagtatampo pa rin ba siya sa 'yo dahil kay Ate Dolores?" usisa naman ni Marcelo. "Hindi, Marcelo. Hinahanap ko lang siya. Salamat, Juana. Umuwi na kayo. Hahanapin ko lang ang ate ninyo." Umalis na siya at tinungo ang kuwadra. Sinakyan niya ang paborito niyang kabayo at hinanap sa kakahuyan si Hermosa. Nang makita niya ang ilang tauhan ng farm ay pinahinto niya ang kabayo at tinanong ang mga ito. "Naku, Javier parang napansin ko nga ang sinasabi mong dalaga. Palabas na siya ng boundary nitong lupain. Papunta na siya sa bukirin ng mga La Jarde," imporma ni Tatay Selo. Kumabog ang dibdib niya at mabilis na pinatakbo ang kabayo sa direksyon na itinuro ng matandang lalaki. Hindi ito dapat makarating doon. Masyadong mapanganib.  "Hermosa!" sigaw niya sa hangin. Malakas na malakas na ang t***k ng puso niya. Wala roon si Hermosa. Maaaring lumagpas na ito sa linyang naghahati sa magkabilang lupain. Pinatalon niya ang kabayo sa mga harang at sinuong ang matataas at matatalas na damo. Mas lalo niyang pinabilis ang takbo ng kabayo, kasimbilis na iyon ng t***k ng puso niya. Sunod-sunod ang naging pagtawag niya rito. Pinabagal niya ang takbo nang makarinig ng mga yabag at ingay. Natuon ang pansin niya sa mga dugong nagkalat sa lupa. Lumukso ang puso niya at nahigit niya ang hininga. Nahihinatakutang bumaba siya ng kabayo. Sinundan niya ang mga bakas ng dugo. Patungo iyon sa likod ng isang matandang puno. Nang malapit-lapit na siya roon ay bumibigat ang paghakbang niya. Hindi niya maatim na isiping galing ang mga dugong iyon kay Hermosa. Isang hakbang muli ang ginawa niya at kasabay niyon ay iyak ng isang hayop. Tuluyan niyang sinilip ang likod ng puno at natagpuan ang isang sugatang kambing. Bahagyang lumuwang ang paghinga niya. Iniwan niya ang kambing at ipinagpatuloy ang paghahanap kay Hermosa. Pumasok siya sa gitna ng gubat habang patuloy na isinisigaw ang pangalan nito. Sinundan niya ang lagaslas ng tubig. At makalipas ang ilang minutong pagtunton ay natanawan niya si Hermosa na nakaupo sa batuhan. Isinasawsaw nito ang mga paa sa tubig. Nakatunghay ito sa talon na kamangha-mangha ang pagbagsak ng tubig. May munting bahaghari sa talon na mas lalong nagpaganda sa tanawin. "Hermosa!" tawag niya upang ipaalam ang presensiya. "Javier!" masiglang tugon nito. Tumayo ito at sinalubong siya ng yakap. "Halika, napakaganda rito. Parang ngayon lang ako nakakita ng ganito sa tanang buhay ko!" may buong pananabik sa tinig nito at hinila siya papalapit sa tubig. Napalitan ang kaba at takot niya nang makita ang saya at malapad na ngiti sa mukha ni Hermosa. Nakakahawa ang damdaming bumabalot dito. Hinayaan niya itong dalhin siya sa tubig. "Ang ganda hindi ba, Javier? Napakaganda talaga dito sa inyo. Parang isang maliit na paraiso." "Hindi na ito parte ng lupain namin, Hermosa. Lupain na ito ng mga La Jarde. Mapanganib ang hindi mo pag-iingat. Paano kung may nangyari sa iyong masama? Walang makakaalam dahil hindi ka man lang nagpaalam!" bugso ng galit niya nang manumbalik ang pinagdaanang takot kanina. "Pasensya na, Javier. Hindi ko namalayang napalayo na ako. Hindi ko sinasadya. Gusto ko lang sanang sumagap ng sariwang hangin at aliwin ang sarili ko. Pasensya na talaga. Hindi na ito mauulit." "Hindi na talaga! Alam mong nasa panganib ka. Sana mag-ingat ka naman. Isipin mo naman sana kaming mag-aalala sa 'yo. Isipin mo naman sana ang pwede kong maradaman." Hinaplos nito ang pisngi niya at hinalikan siya sa mga labi. "Lagi kong iniisip kung ano ang nararamdaman mo, Javier," anito pagkatapos ng maiksing halik. Hindi siya nakatugon. Wala rin itong sinabi pa. Nakatitig lamang ito sa mga mata niya na tila hinihipnostismo. Nang mailang siya ay niyakag niya itong umuwi na. "Sandali, Javier," kumalas ito sa hawak niya at tumakbo pabalik sa talon. "Isama natin siya, kawawa naman kung iiwan natin," inakay nito ang isang kambing. "Pagnanakaw ang gagawin mo, Hermosa. Dadadagdagan mo pa ang atraso nating trespassing." "Pero kawawa naman siya. Ampunin na natin siya, Javier. Pakiusap!"  Napailing na lamang siya at sumang-ayon na sa gusto nito.   KINAUMAGAHAN ay maagang sinilip ni Javier si Hermosa sa kuwarto nito pero wala ito roon. Nang bumaba siya at puntahan ito sa likod bahay ay nakita niyang nilalaro nito ang kambing na isinama nila mula sa lupain ng mga La Jarde. Pinapainom nito iyon ng gatas. "Ini-spoil mo yata 'yang bagong alaga mo. Parang gusto ko ng magselos," nakangiting komento niya at umupo sa tabi nito. Hinimas niya ang ulo ng kambing. "Ang ganang uminom ng gatas ni Anton. Pinadaanan ko pala siya sa beterinaryo ng farm kanina nang i-check niya ang mga kabayo sa kuwadra," nakangiting tugon nito. "Anton? Napangalanan mo na pala ang ang alaga mo. Bakit naman Anton ang pinangalan mo?" "Bakit, pangit ba?" "Hindi naman. Inaasahan ko kasing Baby Javier o Javier junior ang ipapangalan mo." "Ang baduy. Mas bagay ang Anton saka kanina pa umiikot sa isip ko ang pangalang iyon. Hindi mabura-bura kaya iyon na lang ang ibinigay kong pangalan sa kanya." "Hmmm... Siya nga pala, baka pwede kitang abalahin sa pag-aalaga mo sa kambing mo. Gusto sana kitang ipasyal mamaya. Kung okay lang sa 'yo. Pambawi sa naunsyami nating lakad noon." "Oo naman! Saan ba tayo pupunta?" ngiting-ngiting sang-ayon nito. "D’yan lang pero hindi natin pwedeng isama si Anton. Ibibilin ko na lang siya kay Nanay." "Mabuti na ring hindi natin siya isama at baka iligaw mo pa dahil sa pagseselos mo," tumatawang saad nito.  Napakaganda nito sa siglang taglay ng tinig at mga mata nito. Bago sa kanyang sistema ang makaramdam ng ganitong emosyon dahil sa impluwensya ng emosyon ng iba. O sadya lamang marahil na may halaga sa kanya ang bawat damdaming taglay ni Hermosa. "Tara na!" parang batang sabik sa paglalakwatsang sabi nito. Ito mismo ang naghabilin ng kambing sa kanyang ina at sumunod sa kanya sa kuwadra. Inalalayan niya itong sumakay sa kabayo at marahang pinatakbo iyon. Kasabay ng mabining ihip ng hangin ay nalalanghap niya ang mabangong samyo nito. Nakakaadik ang taglay nitong bango. Kung ang magiging silbi niya sa mundo ay ang langhapin ang amoy nito ay malugod niyang tatanggapin ang tadhanang iyon. Bigla ay natawa siya sa naisip. "Bakit ka tumatawa, Javier?" baling nito sa kanya. "Wala. May naalala lang ako," pagdadahilan niya. "At ano naman iyon?" usisa nito. "Malapit na tayo. Dali, tumingin ka sa harap mo," pagliliko niya sa usapan. "Wow!" bulalas nito bigla.  Pinatuloy niya ang kabayo sa loob ng Sunflower farm. Nagkukumahog na bumaba si Hermosa at hindi na hinintay na alalayan niya. Tinakbo nito ang mga dambuhalang bulaklak na nakaharap sa direksyon ng araw. "Ang ganda-ganda nila, Javier. Ikaw ba ang may-ari ng sunflower farm na ito?" Marahang tumango siya. "Sino ang nagtanim ng mga ito? O kusa bang tumubo ang mga ito?" "Itinanim namin ni Tatay ang iba, hanggang sa kusang tumubo ang iba pang mga sunflower at punuin ang buong farm. Sayang at hindi na niya nakita ito. Mahilig pa naman iyon sa sunflower. Naiinis nga si Nanay dahil imbes na rosas ay laging sunflower ang bigay sa kanya noon ni Tatay," natatawang kuwento niya nang magbalik sa ala-ala ang imahe ng ama. May gumuhit na lumbay sa kanyang tinig at mga mata ngunit mabilis niyang binura iyon. Hindi gugustuhin ng ama niyang malungkot siya. Isa pa ay nandito siya upang pasiyahin si Hermosa. "Hindi katakataka na ganito kaganda ang farm. Itinanim ninyo ito ng tatay mo na may kasamang pagmamahal. Salamat sa pagbahagi mo ng lugar na ito sa akin, Javier." "Salamat at naging bahagi ka ng buhay ko, Hermosa," sabi niya at kinabig ito sa beywang. Sinakop ng kanyang bibig ang mga labi nitong walang kasing tamis. Mabini. Masuyo. Mapaghanap. At may bahagyang diin. Iyon ang halik na ibinigay ni Javier kay Hermosa. Walang ibang nasa isip ni Javier kundi maiparamdam dito ang rubdob ng kanyang emosyon. Ang tanging nangingibabaw ay ang bugso ng damdamin na nag-aalab at handang pagliyabin ang buong paligid anumang sandali.  Nagsimulang maglikot ang mga kamay niya. Hinaplos nang nag-iinit niyang palad ang likod nito, pababa sa pang-upo nito. Samantalang ito ay nakakulong lamang sa matikas at malapad niyang bisig. Ang mga palad nito ay nakalapat sa kanyang dibdib. Walang pagkilos mula rito maliban sa mga labi nitong tumutugon ng walang kapantay na tamis at alab sa paghalik niya. Nakababaliw ng sistema ang halik na iyon. Iyon ang lebel ng halik na kaytagal niyang pinangarap at kinasabikan. Mayamaya'y bigla itong kumalas. "Habulin mo ako, Javier!" anito, tila nanunukso at tumakbo. "May premyo ba?"  "Halik. Maraming halik."   Hinabol niya ito. At nang mahuli ay nagpagulong-gulong sila sa damuhan. Umalingawngaw ang tawa nila na naging musika sa paligid. Huminto silang nakaibabaw ito sa kanya. Pinupog nito ng halik ang buong mukha niya. Hinuli niya ang mga labi nito. "Ayokong matapos ang araw na ito, Javier. Kung pwede lang na ganito tayo sa habang-buhay ay handa akong ipagpalit ang mga nawawala kong ala-ala," seryosong sabi nito nang matapos maghinang ang mga labi nila. "Napakasarap maniwala sa konsepto ng habang-buhay, Hermosa. Kung pwede ko lang pigilan ang oras para rito na lang tayo sa habang panahon. Gagawin ko. Gagawin ko ang lahat makasama ka lang palagi," tugon niya. Marahan niya itong pinadulas sa gilid niya, pinaunan ang isang braso sa ulo nito. Itinaas niya ang kamay na tila inaabot ang sinag ng araw. Gumaya rin ito.  Sana kasing liwanag ng sinag ng araw ang lahat para sa kanila ni Hermosa. Sapagkat sa puso ni Javier, alam niyang nangangapa sila sa dilim. Tanging mga estrangherong damdamin ang pinanghahawakan nila upang magpatuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD