Nine: Childhood Memoirs

2578 Words
Chapter 9: Childhood Memoirs “ANONG nangyari sa inyo?” gimbal na salubong sa kanila ng kanyang inang si Marites, kasunod nito si Agustin na isang konsehal sa kanilang bayan. “Si Señor Graciano ba ang may gawa sa inyo niyan?” puno ng galit na wika ng konsehal. “Dios mio! Anong ginawa niya sa inyo, Hermosa?” labis ang pag-aalala sa tinig na wika ng kanyang ina at inalalayang makapasok sa loob ng salas ang babae. Mabilis na kumuha ito ng basang bimpo at tuwalya. Ikinuha rin sila nito ng pampalit na damit. “Dapat na talagang matigil ang karumaldumal na gawain ng alkalde natin. Marami ng inosente ang nadadamay,” maigting na sabi ng konsehal, puno ng kombiksyon ang mga mata. “Wala na po ang alkalde, konsehal,” siwalat niya sa nangyari. Umupo siya sa sofa at sinimulang gamutin ang daplis ng bala sa balikat niya. “Paanong wala na? Huwag mong sabihing...” Napasulyap siya kay Hermosa na hinang-hinang nakaupo sa sofa. “Diyos kong mahabagin!” bulalas ng kanyang ina at napaantanda. Napatutop ito sa bibig at nayakap si Hermosa. “Totoo ba ang sinasabi mo, Javier? Paano nangyari ang bagay na ito?” ani Agustin. “Tinangka po niyang pagsamantalahan si Hermosa. Mabuti na lamang po at natawagan agad ako ni Pepito na nakita niya roon si Hermosa kaya napuntahan ko siya sa mansion ng mga La Jarde.” “Tiyak na alam na ng mga tauhan ng alkalde ang nangyari. At siguradong nakuhaan kayo ng mga CCTV sa bahay niya. Malaki ang magiging ebidensya laban sa inyo lalo pa’t napakarami niyang kaalyado na nakikinabang sa impluwensya at yaman niya. Lahat ng iyon ay makakalaban ninyo sa pagkawala niya.” “Javier! Javier!” humahangos na tumakbo palapit sa kanila si Juancho habang patuloy na isinisigaw ang pangalan niya. “Huminahon ka nga Juancho. Tinatakot mo kami rito,” sita ni Marites. Humihingal na pilit itong nagsalita. “Iyong mga tauhan ni Alkalde Graciano papuntang lahat dito. Mukhang hinahanap ka, Javier. Napakarami nila at lahat ay armado.” “Hindi kayo naging maingat, Javier. Alam ninyong hawak nila ang batas dito sa atin. Wala tayong ibang pagpipilian kundi ang itakas kayo. Kailangan ninyong magpakalayo-layo muna ni Hermosa habang humahanap kami ng paraan,” anang konsehal. “Si Hermosa ang inagrabyado ng alkalde. Ipinagtanggol lamang niya ang sarili niya.” “Pwedeng ganoon din ang sabihin nila kapag naabutan nila kayo dito. Hindi katulad ng mga mata mo ang pagtingin nila sa nagawa ni Hermosa. Ilalagay nila ang hustisya sa kanilang mga kamay. Gaganti sila. At kamatayan ninyo lamang ang magpapatahimik sa kanila. Alama natin ‘yan, Javier. Kilala natin sila. Marami na ang nawala dahil sa kanila at hindi ko gugustuhing mapasama ka sa listahan ng mga iyon.” “May punto ang sinasabi ni Agustin, anak. Kami na muna ang bahala rito. Ang mahalaga ay makalayo muna kayo ni Hermosa para sa kaligtasan ninyo.” “Pero ‘Nay... Paano kayo? Ang kambal? Baka kayo naman ang pag-initan nila dahil sa amin.” “Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa kanila, Javier. Panghawakan mo sana ang mga salita ko. Ako na ang bahala sa kanila. Umalis na kayo,” si Agustin. Nagkukumahog na umakyat sa silid ang kanyang ina at nang magbalik ay may bitbit na isang bag. Iniabot nito iyon sa kanya. Tinanggal naman nito ang mantle na nakabalabal kay Hermosa at pinalitan iyon ng jacket. “Magmadali na kayo, Javier. Sasalubungin ko ang mga papunta dito para kahit paano ay magkaroon kayo ng oras. Tatawagan ko na rin ang mga tauhan ko para maabangan kayo sa bayan. Sa terminal ng bus ko na paghihintayin si Miguel. Mag-iingat kayo.” Mabilis silang napagalamanan at umalis na sila ni Hermosa na hanggang ngayon ay tila tigalgal pa rin sa lahat ng mga nangyari. Wala itong kahit na anong sinabi pa at sumunod na lamang sa kanya nang pasakayin niya sa kabayo. Mabilis ang ginawa niyang pagpapatakbo sa kabayo. Nang marating nila ang dulo ng kakahuyan ay bumaba sila ni Hermosa at iniwan ang kabayo roon. Tumakbo sila sa kabilang kalsada at umarkila ng traysikel hanggang terminal ng bus. Nang makarating doon ay agad niyang nakita si Miguel, ang tapat na katiwala ng konsehal. Mabilis na lumapit ito sa kanila. “Ipinapaabot ni Konsehal,” sabi nito at inilagay sa palad niya ang isang sobre at cellphone. “Mag-iingat kayo, Javier.” “Maraming salamat, kaibigan,” aniya at hinawakan ng mahigpit si Hermosa papuntang pilahan ng bus patungong Maynila. “Saan tayo pupunta, Javier? May mapupuntahan ba tayo?” nag-aalalang tanong nito, humapis nang bahagya ang mukha. “Makakahanap rin tayo ng pupuntahan, Hermosa. Ang mahalaga sa ngayon ay makalayo tayo at makatakas,” tugon niya at niyakap ito ng mahigpit. “Patawad at nasangkot ko kayo sa ganitong sitwasyon. Hindi mo sana kailangang umalis at iwan ang pamilya mo. Hindi ka sana malalagay sa panganib dahil sa akin. Hindi ko sinasadya.” “Hindi mo ito kasalanan. Aalis tayo dahil sa mga taong masasama. Ayokong masaktan ka, Hermosa kaya kailangan nating pumunta sa mas ligtas na lugar.” “Paano si Nanay Marites? Si Juana? Si Marcelo?” “Magiging maayos lang sila. Hindi sila pababayaan ni Konsehal Agustin.” Inalayan niya ito ng malawak na ngiti at hinalikan sa noo. Sana ay makampante ito sa maliit na aktuwasyon na iyon. Nang magsimulang magpasakay sa bus ay umakyat na sila roon ni Hermosa. Naging mapamatyag siya sa paligid. Alam niyang walang katiyakan ang lahat. Hindi niya maiwaksi ang pangamba sa dibdib. Labis ang kaba sa kanyang puso na may dulot na kakaibang kilabot. Hindi na niya iyon pinagkaisip pa at umusal ng panalangin. Ginagap niya ang palad ni Hermosa.   HINIGPITAN ni Agatha ang pagkakahawak sa kamay ni Javier, umamot siya ng lakas ng loob sa init ng palad nito. Isinandig niya ang ulo sa balikat nito upang payapain ang dibdib niyang tinatambol ng kaba at takot. Iniyakap naman ng lalaki ang braso nito sa kanya. Naging sapat na iyong para kahit papaano ay mapalubag ang sumasakmal na hilakbot sa mga himaymay niya. She was starting to remember everyting about her life, slowly. Yes, she was gaining back her lost memories. Bits and pieces of it were like movies running in her mind. Now she knew her real name. She’s Agatha Feron, a bastard of Iñigo Luis Feron --- the son of the powerful and influential dowager of the Feron clan, Doña Miranda Consuelo Vallejos-Feron. Kay sarap sigurong malaman na mayaman ang pamilya niya pero kabalintunaan iyon ng nadarama niya. Noong mawalan siya ng memorya ay ganoon na lamang ang pag-aasam niya sa isip na mabalik na iyon. Subalit ngayong nagbalik na ang mga ala-ala niya ay anong hiling niyang malimot sanang muli ang lahat ng iyon at hindi na maalala kahit kailanpaman. Sapagkat may mga bahagi ang mga ala-ala sa kanyang kahapon na ayaw na niyang balikan pa…   ISANG malamig na gabi ng buwan ng Disyembre. Walang mapagsidlan ng pananabik ang puso ng batang si Agatha sa rami ng nakikita niyang masasarap na putahe sa hapag. Minsan lamang magkaroon ng ganoon sa munti nilang tahanan kaya atat na atat siyang matikman ang mga iyon. Sa katunayan ay kanina pang umaga kumakalam ang kanyang sikmura kaya labis na ang paglalaway niya sa mga pagkaing nilutong lahat ng kanyang ina. Hindi na nga siya nakatiis kaya pinilas niya ang isang hita ng manok na nakalagay sa malaking pinggan. Isang tampal sa likod ng palad niya ang natikman niya. Nahulog sa maalikabok na sahig ang piraso ng karne. “Hindi ba’t sabi ko sa ’yo, Tata na hindi para sa ’yo ang mga iyan. Handa ito para sa tiyong mo,” anang kanyang ina. Kanina pa nito iyon paulit-ulit na pinapaalala sa kanya. “Titikman ko lang po, ‘Nay. Pasko naman po ngayon saka po... kaarawan ko po ngayon.” Gusto niyang umiyak pero pinigil niya iyon. Suminghot-singhot siya. Kakarampot lamang naman ang hiling niya sa malapiging na handa sa mesa. Tiyak na hindi naman iyon mauubos ng tiyong niya. “Alam ko, Tata. Huwag kang mag-alala kapag may natira ay ibibigay ko sa ’yong lahat. Hala, sige, pumasok ka na sa kuwarto mo at mamaya lang ay parating na ang tiyong mo.” Tumalikod na ang kanyang ina at muling naging abala sa pagluluto. Mabilis na dinampot niya ang nalaglag na piraso ng manok sa sahig at tumakbo papasok sa kuwarto niya. Hinipan niya iyon. “Wala pang five seconds, pwede pa,” sabi niya at mabilis na nilantakan ang kakaunting karne. Pagkaubos niyon ay humiling siya na sana ay maraming matira sa handa nang makatikim siya ulit niyon. Ilang saglit lang ay narinig niya ang ingay ng pagdating ng tiyong niya. Maraming tinig ang kasunod niyon kaya tiyak niyang marami itong kasamang bisita. Hindi niya tinangkang lumabas kahit na gusto niyang siguruhin na may matitira pa sa kanya. Nanatili na lamang siya sa loob ng silid at hinintay na humupa ang ingay ng mga nagkakasayahan sa labas. Wala ng bisita nang magtangkang lumabas ng silid si Agatha at wala na rin siyang naabutang masasarap na pagkain sa mesa. Naghalungkat siya roon sa pagbabakasakali. Pinagtiisan na lamang niya ang pagsimot sa mga tira-tirang pagkain sa mga naiwang pinggan. Pliti niyang kinontento ang sarili. Nagambala siya sa pagkain nang marinig ang pag-ingit ng pinto ng silid ng kanyang ina at tiyong. Lumabas mula roon ang kilala niyang kumpadre ng kanyang tiyong. Nagsumiksik siya sa aparador para hindi makita ng mga ito. Kinimkim niya sa kamao ang piraso ng tinapay na baka ipagkait pa sa kanya kapag nahuli siyang nasa labas ng silid niya. Halos hindi siya huminga sa takot. “Salamat sa regalo mo, Ramon. Alam ko na kung bakit hindi mo maiwan,” patawa-tawang sabi ng kumpadre ng tiyong niya. “Paano, amanos na tayo. Huwag mo na rin alalahanin pa ang natitirang interes sa utang mo.” “Maraming salamat din, Tonio. Sa uulitin, sana magdala ka rin ng kargada para mas ganado si Lorna,” sagot ng kanyang tiyong at naghalakhakan ang mga ito. “O, siya. Uuwi na ako at si misis naman ang paliligayahin ko,” anito at lumabas na ng bahay nila. Umiiyak naman na lumabas ang kanyang ina mula kuwarto ng mga ito. “Hayop  ka, Ramon. Hayop ka! Wala ka na bang pagmamahal sa akin o kahit kaunting respeto man lang?!’ “Ulol, Lorna! Ikaw ang hayop! Simula ng magpaanak ka doon sa rich boy na ‘yun, aso na ang tingin ko sa ’yo. Pero mahal pa rin kita Lorna kaya nga hanggang  ngayon ay nagsasama pa rin tayo. Kahit parang may ipot ako lagi sa ulo tuwing lalabas at titingnan ng mga tao. At yung respeto? Puta, hindi pa tayo magkakilala ay matagal ka ng walang kahihiyan kaya paano ka rerespetuhin? “Ibinibigay ko naman sa ’yo ang lahat, Ramon. Ano pa ba ang kulang para tratuhin mo ako ng ganito?” “Huwag kang magdrama kang puta ka! Pinapainit mo ang ulo ko! Huwag mong sabihing hindi ka nasarapan kaya nagpuputok ‘yang butse mo? Dalawa na nga kaming kasama mo ni Pareng Tonio ngayong pasko, umaangal ka pa? Anong gusto mo? Isama ko lahat ng kabarkada ko para paligayahin ka?” “Ganyan na ba kababa ang tingin mo sa akin, Ramon? Napakatagal na ng kamaliang nagawa ko. Pinagsisisihan ko na  at pinagdusahan ang lahat ng kasalanan ko. Hayaan mo akong bumawi sa lahat ng pagkukulang ko.” “Putsa, ang drama mo talagang puta ka! Pero dahil gusto mong makabawi, pagbibigyan kita. Pababalikin ko rito si Tonio sa susunod na linggo, pagdadalhin ko ng mga droga at kailangang galingan mo para makadami tayo, Lorna.” “Hindi, Ramon. Hindi sa ganoong paraan!” “Ang dami mong alam! Letse!” isang sampal ang ipinalasap nito sa kanyang ina. Nabagok ito sa dingding. Sinundan pa nito iyon ng isa pang sampal na nagpadugo sa labi ng nanay niya. Umagos ang dugo mula ulo nito nang muling mabagok sa sementadong dingding. Nanginig sa takot ang buong katawan ni Agatha. Napisat sa palad niya ang tinapay na hawak niya. Doon niya napagtantong galit siya. Galit siya sa tiyong niya. Hindi, poot na ang nadarama niya para sa lahat ng ginawa nitong pananakit at pang-aalipusta sa kanila sa loob ng maraming taon. Napaluha na siya para sa ina nang sabunutan ito ng tiyong niya at kaladkarin. Inilampaso nito ang mukha ng ina niya sa sahig ng paulit-ulit. Nais niyang sabihan ang ina niyang sumigaw at humingi ng saklolo sa mga kapit-bahay pero hindi niya magawang lumapit sa mga ito. Tahimik lamang silang pareho ng ina niya sa paghagulgol. Tinatanggap lamang nito ang lahat ng pananakit at pang-aabuso ng tiyong niya. Hindi na niya natikis pa ang lahat ng tadyakan ng tiyong niya ang kanyang ina at tumilapon ito malapit sa aparador na pinagkukublihan niya. Lumabas siya sa pinagtataguan at tumakbo pabalik sa kwarto niya. Hinagilap niya sa ilalim ng kama ang isang kahon na lagi roong inilalagay ng kanyang ina. Isang baril ang laman niyon. Alam niya dahil palihim niyang binuksan ang kahon noon. Kinuha niya ang baril mula sa kahon at lumabas ng silid. Itinutok niya ang baril sa kanyang tiyong. Nagtawa ito nang makita siya. “Sige, bata. Iputok mo kung kaya mo. Pero ikasa mo muna ‘yan. Marunong ka ba?” muli ay tumawa ito, pinupuno ng mala-demonyo nitong tinig ang buong kabahayan. Mabilis na kinalabit niya ang gatilyo nang walang halong pag-iisip. Halos tumalsik ang braso niya at pakiramdam niya ay nabalian siya ng mga daliri. Pero nawala ang sakit nang masaksihang tinamaan sa tagiliran ang tiyong niya. Labis ang pagkagimbal sa mukha nito. Pakiramdam niya ay nawala siya sa sarili, tila may kung anong espiritu ang lumaya sa dibdib niya. Madilim ang kanyang paningin nang muling itutok ang baril sa direksyon nito. Ang tanginng nasa isip niya ay tapusin ang tiyong niya para matapos na rin ang paghihirap nilang mag-ina. “Putang ina, Tata! Bitiwan mo ‘yang baril, kasado ‘yan! Putang inang hayop! Papatayin kita!” Muli ay hindi niya ito pinakinggan. Katulad ng mga hinaing nilang mag-ina tuwing sinasaktan nito. Ipinutok niya sa pangalawang pagkakataon ang baril dito. At ipinutok ng paulit-ulit hanggang sa wala na siyang marinig na pagmumura sa bunganga nito. Dinaluhan niya ang ina sa sahig, naliligo na ito sa sariling dugo. Ibinagsak niya ang baril at niyakap ito ng ubod ng higpit. Hinaplos nito ang kanyang pisnging may bahid ng luha at alikabok. Humalo roon ang dugo nitong walang kasing pula. “Bakit mo iyon ginawa, Tata? Hindi ba’t sabi ko sa ’yong huwag mong papakialaman ang kahon na ‘yon?” anito at dinampot ang baril na nasa sahig. Sinuri nito iyon at rumehistro ang baliw na ngiti sa mga labi. May isa pang bala na hindi pumuputok. Itinulak niya palayo ang anak na si Agatha. Ipinasok ni Lorna ang baril sa loob ng kanyang bibig. Tulala lamang sa kanya si Agatha na bumabawi sa pagkakasadlak sa duguang sahig. Bago pa man may mamutawi sa bibig ng anak na makakapigil sa kanya ay kinalabit niya ang gatilyo ng baril. Matapos ang malakas na pagbagsak ng katawan ni Lorna ay tanging pagtangis ni Agatha ang maririnig sa pagtatapos ng isang malamig na gabi ng buwan ng Disyembre...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD