Chapter 8: Unmasked
"HINDI 'yan mga ibon. Fruit bats ang mga iyan... Nag-uumpisa nang mahinog ang mga bunga ng mga prutas sa mga puno kaya pinaliligiran nila," esplika ni Javier. Ginawaran siya nito ng malapad na ngiti, abot hanggang sa mga berde nitong mga mata. Parang nais niyang matunaw at kalimutan lahat ng hinampo niya rito sa nakalipas na ilang araw.
Pinilit niyang iwasan ang mga esmeraldang mga mata nito at ang mga labing may dulot na mahikang inaaya siyang gumawa ng isang bagay na kamangha-mangha.
"Hindi ko alam. Ngayon lang siguro ako nakakita ng ganyan. Nakakatuwa silang panoorin," sabi niya sa malakas na tinig para wasakin ang namuong init sa kanyang sistema.
"Hindi ka ba natatakot sa kanila?"
"Hindi. Paano naman ako matatakot sa napakagandang nilalang?"
"Parang gusto ko nang maniwala na sila na ang kapalit ko d’yan sa puso mo."
"Sinong may sabing may lugar ka sa puso ko?"
"Ikaw mismo," diretsang sagot nito.
Napalingon siya. Tumutok ang tingin nito sa kanya. Tumahip ang dibdib niya sa titig nito. Hindi niya maipaliwanag ang kalakip niyong damdamin.
"Sa bawat gabing binabantayan kita ay paulit-ulit mong sinasabi sa akin kung gaano kalaking parte ng puso mo ang nakalaan para sa akin."
"Huwag mo akong paglaruan. Isa pa, inaapoy ako ng lagnat. Baka nagdedeliryo lang ako ng mga sandaling iyon kaya kung ano-anong walang kuwentang bagay ang sinasabi ko. Pasensya na kung napaasa kita. Hindi ko sinasadya."
"Hindi mo ako mapapaniwala. Alam kong lagi mo akong hinahanap-hanap sa pag-gising mo, sa pananghalian, sa hapon at hanggang sa pagtulog mo."
"Ambisyoso! Mangarap ka ng gising, lalaki!"
"Totoo, napakataas nga siguro ng pangarap kong maibigan mo. Pero alam kong hindi na lang pangarap ang lahat ng ito dahil nandito ka sa harap ko, kapiling ka habang lumulubog ang araw. Ang mga mata mong kumikislap sa liwanag ng araw ay nagsasabing totoo ang lahat ng ito, hindi pantasya at hindi panaginip."
"Nahihibang ka na Javier."
"Oo, kahibangan nga marahil ang lahat ng nararamdaman ko pero hindi mo mapasusubalian na ikaw at ako, may... umuusbong dito," itinuro nito ang dibdib. "Tatapatin kita, naduwag ako matapos ang namagitan sa ating dalawa. Hindi ko alam kung paano ko ihahakbang ang mga paa ko. Pasulong ba o paatras? Natakot ako na baka magkamali ako sa mga desisyon kong gagawin. Humigit-kumulang tatlong buwan pa lang tayong magkakilala, ni hindi pa natin lubos na kilala ang isa't-isa pero parang napakalalim na ng pinagsamahan natin. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Patawad at natakot ako sa isang bagay na nagpapasaya at bumubuhay sa puso ko. Nandito ako para harapin ang damdamin ko at marinig ang magiging sentensya mo."
Natigalgal siya sa pagtatapat nito. Walang siyang maapuhap na sabihin. Sa huli sinunod niya ang t***k ng puso. "Halos pareho lang din tayo ng nadarama, Javier. Mas walang katiyakan sa parte ko. Natatakot akong kapag lumabas na ang katotohanan sa likod ng pagkatao ko ay hindi mo ako matanggap. Hindi ko alam kung makakaya iyon ng papausbong mong damdamin para sa akin."
"Hindi makatarungang balikan pa natin ang kahapon para tanggapin ang ngayon. Walang halaga ang mga nakaraan sa pusong tunay na nagmamahal, Hermosa. Tanging ang oras lamang ngayon at ang darating na bukas ang importante..." hinagkan siya nito sa kanyang noo.
Idinantay niya ang palad sa dibdib nito. Dinama niya ang t***k ng puso nito. Sa paraang iyon ay tila natiyak niyang siya ang itinitibok niyon, na totoo lahat ng sinasabi nito.
Iniangat niya ang paningin at sinalubong ang mga mata nitong walang kasing-ganda. Naipikit niya ang mga mata nang marahang bumaba ang mukha nito at dumampi ang mga labi sa labi niya. Hindi sila naghiwalay nito hangga't hindi tuluyang lumulubog ang araw.
Sadyang kaiga-igaya sa pakiramdam ang ekstrangherong pakiramdam na lumulukob sa kabuuan nilang dalawa. At alam nilang darating ang sandali na magiging pamilyar ang damdaming iyon at mas lalong lulukubin ang sistema nila.
NANG magising siya kinaumagahan ay masayang-masaya ang disposisyon niya. Hindi niya magawang sumimbakol kahit hindi niya naabutan si Javier pagbangon niya. Nauunawaan niyang kailangan nitong asikasuhin ang mga alaga nitong hayop sa farm na hindi pa rin bumubuti ang lagay. Siya naman bilang nobya nito ay obligasyong alagaan ito kaya dadalhan niya ito ng almusal sa farm. Sabi ni Nanay Marites ay madaling araw pa lang ay umalis na ang anak nito at nagkape lang. Doon na raw ito mag-a-almusal. Hindi niya iyon hahayaan. Kailangan niyang masiguro na makakakain ito ng maayos. Baka napapabayaan na nito ang sarili dahil sa trabaho. Kaya ngayon ay sisiguruhin niya na makakakain ito ng masarap at masustansyang almusal.
"Nay, aalis na po ako," paalam niya matapos balutin ang pinagtulungan nilang lutuin na almusal para kaya Javier.
"Sige, mag-ingat ka. Nandyan na sa labas si Pedro para ihatid ka sa farm," tugon nito at hinatid siya sa labas.
"Salamat po," aniya at kumaway rito. Sumakay na siya sa jeep at nagpahatid sa farm.
Pagkarating niya roon ay agad niyang hinagilap si Javier. Itinuro naman siya ng mga tauhan sa kamalig na pinagpapahingahan nito. Dumiretso na siya roon. Tiyak na masosorepresa ito sa pagdating niya.
Naudlot ang pagpasok niya sa loob nang makarinig ng mga ungol sa loob. Nag-dalawang isip siyang tumuloy. Dahil sa kuryosidad kung sino o ano ang pinagmumulan ng ingay ay sumilip siya sa maliit na butas sa dingding ng kamalig.
Napasapo siya sa bibig para mapigil ang pagsinghap sa labis na pagka-sorpresa sa nakita. Basang-basa ang mga tao sa loob na mukhang naglunoy pa sa batis na nakita niya kanina. Nanrimarim siya nang maisip na ginusto niyang maligo roon. Mabilis na kumulo ang dugo niya sa biglang pagbugso ng galit ngunit hindi siya makagawa ng aksyon dahil parang itinulos siya sa lupang kinatatayuan.
Isang napakalaking sinungaling ni Javier. Ang bilis niyang nagpaloko sa mga sinabi nito. Nagpakuha agad siya. Matapos siya nitong paglaruan ay bumalik na ito sa babae nito. Si Dolores! At ngayon ay nakakubabaw ang babae sa katawan ni Javier at nakikipaglambutsingan.
Gustong-gusto niyang sugurin ang mga ito pero hindi niya gagawin. Hindi niya ilulubog ang sarili sa kahihiyang nasaksihan. Iniwan niya ang basket na dala at tumakbo palayo. Nang makita si Pedro ay nagpahatid siyang pabalik sa bahay. Hindi siya kumibo sa pang-uusisa nito. Nang makarating siya sa tarangkahan ay naabutan niya ang isang lalaki na tila may hinahanap. Nakapinid ang pinto ng bahay kaya hinuha niya ay walang tao sa bahay na madalang mangyari maliban na lamang kung nagtungo sa bayan ang mag-iina. Kinuha niya ang pansin ng lalaki sa pagtawag dito.
"Ano pong kailangan nila?"
"Hinahanap ko po si Hermosa. Iyon pong babaeng nakita nila Javier. Iyong nawalan ng memorya. Kilala mo ba siya?"
"Bakit mo naman siya hinahanap?"
"May impormasyon na pong nakalap tungkol sa kanya."
Umaliwalas ang anyo niya sa narinig at panandaliang nasakluban ang galit at hinagpis. "Talaga? Totoo ba 'yan?"
"Opo, pinapasundo nga po siya para makausap ng alkalde, ni Señor Graciano."
"Bakit ang alkalde ang gustong makipag-usap sa kanya?"
"Siya po kasi ang nagpa-imbestiga. Imbestigador po ang anak niyang nasa Maynila, marami pong resources."
Naalala nga niyang nabanggit ng matandang señor ang bagay na iyon. "Ganoon ba? Sige, sasama ako. Ako ang hinahanap mo, ako si Hermosa."
"Kung ganoon po ay tayo na." Inalalayan siya nitong makapasok sa kotse na siyang service raw nito.
Mabilis ang takbo nila sa maluwag na kalsada at nang makarating sa mansion ng mga La Jarde ay iginiya siya ng mga kawaski patungong study room. Nang makapasok roon ay mag-isa lamang ang alkalde, nakaupo ito sa silya na nasa likod ng mesa na siyang sentro ng malamlam na silid. Mabilis na iniwan na rin siya ng naghatid sa kanya nang sumara ang pinto.
Tumayo ang matanda nang maramdaman ang presensya niya, may tungkod na umaalalay rito sa sandaling iyon. "Mabuti at nakarating ka kaagad, Hermosa," ngumiti ito na nagpasilay sa gintong pangil nito.
"Totoo po bang may nalaman na kayo tungkol sa pagkatao ko?" puno ng pananabik na tanong niya.
"Oo, hija. Naaalala mo pa ba ang anak kung imbestigador na naikuwento ko sa 'yo? Siya ang tumulong sa aking makakalap ng impormasyon."
"Opo, si James... iyong lalaki sa painting na kasama ninyo ni Claire..."
"Siya nga, Hermosa. Alam kong batid mong hindi ganoon kadali ang pagtuklas sa katauhan mo. Walang nakakakilala sa 'yo rito. Kaya kapalit ng mga impormasyong sasabihin ko ay isang hiling," inilabas nito ang isang brown envelop mula sa bulsa nito. Hindi pa rin napapalis ang mga ngiti sa mga labi ng matandang señor.
Hindi niya nagustuhan ang tila nais ipahiwatig ng ekspresyon ng mga ngiti nito. Gayunpaman ay hindi siya nagpadaig sa kabang bumundol sa kanyang dibdib. "Sabihin po ninyo ang lahat ng nalalaman ninyo tungkol sa akin. Handa po akong ibigay ang lahat ng makakaya ko bilang kabayaran."
Mas lalong lumuwag ang pagkakangiti ng señor. Humakbang ito palapit sa kanya. Ang tungkod nito ay lumilikha ng lagutok sa kahoy na sahig. "Ikaw... Ikaw ang magiging kapalit ng lahat ng gusto mong malaman. Isang gabi lamang, Hermosa at mapapasayo na ang katauhang nalimot mo. It's a fair deal, isn't it?"
Nawindang siya sa sinabi nito. Napuno siya ng takot sa sistema. Sa labis na galit kay Javier at sa labis na pananabik na malaman ang katauhan niya ay naisubo niya ang sarili sa kapahamakan. Napaatras siya palayo hanggang sa mapasandal sa pinto. Tinangka niyang pihitin ang seradura ngunit hindi iyon bumubukas.
"Hindi makatao ang hinihingi ninyong kapalit, Señor. Siguradong may ibang paraang maiisip si Javier para bumalik ang alaala ko," matapang na tugon niya, hindi niya batid kung bakit kailangan niyang banggitin ang pangalan ng hudas na lalaki.
Tumawa ang matanda at mas lalong humakbang palapit sa kanya. Tatakbo sana siya papuntang kabilang panig ng silid nang tisurin siya nito ng hawak na tungkod. Bumagsak siya sa carpeted na bahagi ng study room.
Kinuha naman nito ang pagkakataon upang kubabawan siya. Hindi niya magawang makakilos upang manlaban dahil sa bigat nito. Hindi niya akalaing malakas pa rin ito sa kabila ng katandaan. Nagsusumigaw na lamang siya ng tulong sa labis na pagkataranta ng isip sa paghahagilap ng solusyong makatakas.
"Ssshhh... Walang makakarinig sa 'yo, Hermosa. At kung sakaling mayroon man ay mga tauhan ko lamang. Kaya mas mainam pang magpaubaya ka na lang nang hindi ka na masaktan pa."
"Halang ang kaluluwa ninyo, Señor Graciano!" umiiyak na singhal niya rito. Piping nausal niya ang pangalan ni Javier. Nawa'y ihatid ito ng Panginoon sa kinaroroonan niya para iligtas siya.
"Marami na ang nagsabi sa akin niyan. Pero huwag kang mag-alala hindi pa ako pumapalya sa pagpapaligaya sa mga babae pagdating sa kama..." bumunghalit ito ng tawa. Sinampal siya nito ng ubod ng lakas na sa pakiwari niya ay nabingi ang kanang tainga niya. Hinaltak nito ang damit niya pababa na nagpalabas sa maselang parte ng katawan niya. Napahagulgol siya sa labis na takot sa maaaring kahantungan ng pananamantala ng señor.
Bumangon ang señor sa pagkakakubabaw sa kanya at hinataw siya ng tungkod sa sikmura at sa mga hita. Binaklas nito ang sinturon sa suot na pantalon at inihataw rin sa katawan niya. Napaungol na lamang siya sa sakit at hapdi na naibigay niyon sa balat niya.
Binuksan nito ang butones ng pantalon at ibinaba ang pundilyo. Lumuhod ito sa harap niya at iniangat ang palda niya. Muli itong pumatong sa kanya at dinama ang maselang balat niya. Rumehistro sa mukha nito ang malademonyong ngiti na nagpapatunay kung ano talaga ito. Humalkahak ito sa tagumpay na makakamit ngunit kasabay niyon ay ang ingay ng bumalyang pinto.
Isang tadyak sa tagiliran ng matanda ang agad na iginawad ng lalaki na kanina pa niya inuusal ang pangalan nang makapasok sa silid. Napatihaya ang matanda at napasadlak sa mga antigong upuan. Napadaing ito ng sakit.
Mabilis siyang nilapitan ni Javier at tinulungang makabangon. Binalot siya nito ng mantle ng mesita upang matakpan ang maselang bahagi ng katawan niya. "Ayos ka lang ba, Hermosa? Patawad at hinayaan kong magawa niya ito sa 'yo. Pagbabayarin natin siya sa mga kasalanang ginawa niya," anito na puno ng determinasyon at galit ang tinig.
"Sagabal! Kahit kailan ay hadlang ka sa mga plano ko, Javier," puno rin ng galit na singhal ng alkalde. Bumangon ito gamit ang tungkod at tumakbo sa likod ng mesang kinauupuan nito kanina. Binuksan nito ang isang drawer at may dinampot roon. Itinutok nito ang isang pistol sa direksyon nila at mabilis na ipinutok.
Napadapa silang pareho ng lalaki at nagkubli sa likod ng mga upuan. Ngunit nadaplisan ng bala si Javier sa balikat. Labis ang naging pag-aalala niya. Nangangalit na sinulyapan niya ang matandang lalaki. Nakaramdam siya ng tila pagbabago sa katauhan niya na mabilis ding nawala. Parang kidlat lamang. Nagdilim ang kanyang paningin pagkatapos. Binuhat niya ang mesita at ginawang panangga sa bala ng baril. Tumayo siya at hinagis iyon sa kinaroroonan ng matanda. Bahagya itong natamaan, sapat upang ma-distract ito sa pagpapaputok.
"Hermosa!" sigaw ni Javier pero hindi niya ito pinansin.
Hinakbang niya ang kinatatayuan ng señor at dinampot ang babasaging paso sa mesa nito. Ipinukpok niya iyon sa ulo nito, bumagsak ito sa kahoy na sahig. Dinampot niya ang baston nito at hinataw ito sa magkabilang pisngi, sa balikat, sa tuhod, sa paa at sa ibang parte ng katawan nito.
Pakiwari niya ay wala na siya sa sarili. Wala siyang kontrol sa ginagawa niya. Ang gusto lamang niya ay tapusin ang buhay nito. Ganoon nga ang gagawin niya. Sisiguruhin niyang pati mga mata nito ay magkakalatay.
"Tama na, Hermosa. Tama na..." pigil sa kanya ni Javier na nakatayo na sa likod niya. Sapo ng isang kamay nito ang nagdurugong balikat. Humupa ang hindi niya maipaliwanag na pakiramdam nang makita ito sa ganoong sitwasyon.
"Javier..." usal niya. Sinapo niya ang pisngi nito at nabahiran ng dugo ang guwapong mukha nito. Napasulyap siya sa mga kamay. Napakaraming tilamsik ng dugo roon. Ganoon din sa kanyang mukha, sa kanyang damit at sa sahig. Napaluha siya.
Humalo ang dugo sa mga luha niya nang pahirin niya iyon. Nilukob siya ng maigting na takot at kasabay niyon ay ang panunumbalik ng ilang punto sa buhay niya na pinilit niyang kalimutan sa loob ng mahabang panahon. "Mamatay-tao ako, Javier. Pinatay ko siya."
"Hindi. Hindi totoo 'yan. Iniligtas mo lang ang sarili mo. Iniligtas mo lang ako," sagot nito at dinampot ang mantle na nahulog sa sahig at itinapi sa kanya. "Umuwi na tayo, Hermosa."
"Javier! Javier!" anang humahangos na lalaki. Napatigil ito sa sasabihin nang mapasulyap sa nakahandusay na katawan. Napatda ito sa pagkagimbal. Napalunok ito at nagsalit-salit ang tingin sa kanilang dalawa ni Javier. "Paparating na ang mga tauhan ng alkalde. Hindi nila kayo dapat maabutan dito. Madali kayo at baka kayo ay mahuli nila," sabi nito nang sa wakas ay mahimasmasan sa nakita.
"Hindi namin kagustuhan ang nangyari, Pepito. Salamat sa pagtulong mo sa akin. Huwag kang mag-alala. Hindi ko hahayaang masabit ang pangalan mo sa mga nangyari," ani Javier.
"Hindi iyon ang iniisip ko, Javier. Masama mang sabihin pero sa wakas ay patay na ang demonyong hindi magapi-gapi ng batas. Wala na siyang ibang masasaktan pa. Salamat."
"Hindi mo kami dapat pasalamatan, Pepito."
"Patawad. Halina kayo bago tayo madatnan ng iba. Sumunod kayo sa akin, naghihintay na si Pedro sa likuran ng mansion."
Hinawakan siya ni Javier sa mga kamay at inakay palabas ng silid. Hindi niya kinalimutang damputin ang sobreng naglalaman ng pagkatao niya. Sumunod na sila kay Pepito. Mukhang kabisado nito ang pasikot-sikot sa mansion. Mabilis nilang narating ang likod at tagong bahagi ng mansion. Isang owner-type jeep ang nag-aabang sa kanila roon.
Bumaba mula roon si Pedro at inalalayan siyang makapasok sa loob. "Pepito, mag-iingat ka."
"Ako na ang bahala, Pedro, Javier. Mag-iingat kayo." Tumalikod na ang lalaki at bumalik sa daang pinanggalingan nila.
Mabilis na pinatakbo ni Pedro ang sasakyan nang makapasok si Javier. Naupo sa tabi niya ang lalaki at pinisil ang palad niya. Tahimik lamang si Hermosa ng mga sandaling iyon. Nililimi ng isip niya ang ilang ala-alang nagbalik na sa kanyang isipan. Napayakap siya kay Javier sa lamig na dumapo sa kanyang katawan.
Hindi niya batid kung saan siya hahantong pagkatapos nang nagawa niya sa matandang alkalde. Katulad ba ng dati ay tatakasan niya ang mga kasalanang nagawa? Hindi niya alam... hindi niya alam...