"Hi Charles! Kumusta ka na?" nakangiting bati ko nang nadatnan ko siya sa harapan ng bahay namin. Napatingin siya sa akin at nagkibit-balikat na lamang bilang sagot.
"Oh, Charles? Napaaga ka ata?" rinig kong sabi ni Ruby sa likuran ko. Paglingon ko, nakita kong nakabihis si Ruby ng pang-alis at dala-dala sa kanyang backpack ang laptop ko. Wait, laptop ko? Oh no! Puno ng stolen pictures ni Charles 'yon!
"Tara na?" aya ni Ruby at biglang nawala sa isipan ko 'yung pag-aalala na makita ni Charles ang stolen pics niya sa lappy ko. Agad kong hinarangan si Ruby bago pa niya makatabi si Charles.
"Sa'n kayo pupunta? Bakit 'di ako kasama?" pagmamatigas ko. Napabuntong-hininga si Ruby at hinawakan ang balikat ko. "Sandali lang kami ate. Kailangan ko lang siyang tulungan," sagot niya.
Napataas ang isa kong kilay. Tulungan? Saan? Groupwork? Project? Assignment? Eh sa pagkakaalam ko, kaming dalawa ni Charles ang magkaklase. Hindi namin kaklase si Ruby dahil one year older kami kaya anong gagawin nilang dalawa?
"This is our business. Stop poking your nose in ours and mind your own." Tinapunan ako ni Charles ng matatalim na titig. Agad naman akong napangiwi at tumabi upang makalabas na ng pintuan si Ruby. Kumaway pa muna si Ruby sa akin bago umalis ang kotse.
Bakit gano'n? Bakit sila magkasama? Wala naman sila sigurong gagawin 'di ba? Pinagkakatiwalaan ko naman si Ruby. Hinding-hindi niya 'to gagawin sa akin.
Sabagay, baka nga may kailangan lang talaga ng tulong ni Charles. Ayaw niya magpatulong sa akin since 'di naman kami close, nagfi-feeling close lang. Bago pa ako nanlumo ay may naisip akong ideya.
Kinuha ko ang phone ko at tinext si Ruby, tinanong ko kung anong oras sila uuwi. Buti naman at naka-reply siya agad. Mamayang 8-9 p.m. pa. Grabe, parang bumalik 'yung panlulumo ko kanina. Mula ngayong umaga, hanggang mamayang gabi ay magkasama sila? Ano kayang gagawin ng dalawang 'yun? Bakit kailangan gano'n katagal?
Pagkatapos maligo at magbihis ay lumabas ako ng bahay. Wala sila mommy at daddy ngayon, nagtatrabaho siguro kaya kami lang dapat dalawa ni Ruby. Pero since magkasama si Ruby at Charles, ako lang mag-isa ang naririto. Ayoko namang manatili sa bahay dahil mabilis akong mabagot, kaya dadaan akong SM.
Shopping with myself! Whee~
Pero mas masaya siguro kung may kasama kang lalaki, kaholding-hands mo, katawanan mo, tagabuhat ng mga pinamili mo. Agad akong nabadtrip dahil sa naisip ko. Grabe Kiss, hanga na ako sa'yo. Kayang-kaya mong badtrip-in ang sarili mo. Clap clap. Nice talent.
Napatigil ako sa harapan ng supermarket at doon ko naisip 'yung bagong idea. Ipagluluto ko na lang sila! Since 8 or 9 sila makakauwi, ipaghahanda ko na sila ng dinner! Nagmamadali akong pumasok sa loob ng supermarket at bumili ng mga ingredients. Halos abutin din ako ng dalawang oras dahil maraming tao ang namimili rin ngayon since weekend.
Mga 5 pm na ako nakauwi sa bahay at nagsimula na rin akong magluto. For 5 people ang ginawa kong dinner. Baka kasi umuwi ngayon sina mommy at daddy kasabay sila Ruby at Charles. At siguradong gutom na gutom rin sila pag-uwi at pagod na rin.
'Di ako mapakali habang nag-aantay sa living room. Dalawang oras akong nagluto. 8 o'clock na ngayon kaya hinihintay ko na lang silang magsidatingan. 'Di ko alam kung gaano ako katagal naghintay pero paggising ko ay 30 minutes 'till midnight na. Agad akong napatingin sa paligid at nagtaka dahil parang wala pa ring tao sa bahay.
Tumayo ako mula sa sofa at agad na pinainit lahat ng niluto ko. Tatlong oras na kasi kaya siguradong lumamig na siya. Nagsimula na akong mag-alala nang makita kong 12 midnight na. Bakit ang tagal nila umuwi? Akala ko ba hanggang 8 or 9 lang si Ruby at Charles?
Bumalik ako sa sofa at nilabas ang cellphone ko. Tatawagan ko sila mommy at itatanong kung bakit 'di pa sila nakakauwi. Kaso iba ang bumungad sa akin pagbukas ng phone ko. May text message galing kay mommy.
From: Momsy
Kiss, baka di kami makakauwi ngayong gabi. Too busy. Hope you understand. By the way, nagkasalubong kami ng kapatid mo kasama si Charles. Tapos na kaming kumain. Dito muna sila sasabay matulog sa amin ng daddy mo ok? Take care, baby. Love you
Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa dahil sa text na 'yon. 12 o'clock midnight, nagluto ako ng dalawang oras, naghintay ng tatlong oras, at sasabihin nilang tapos na silang kumain at hindi muna uuwi dito sa bahay. Parang piniga ang puso ko. Masakit. Nakakalungkot. Anong gagawin ko sa panglimang-taong dinner na inihanda ko?
Nanlulumong naglakad ako papuntang hapag-kainan at tinakpan na lang ang mga pagkain doon. 'Di na muna ako kakain. Nakakawalang-gana.
***
"Ate! Sorry at 'di ako nakauwi kagabi. Sorry talaga!" Halos lumuhod na si Ruby sa harapan ko nang magkita kami sa school. Syempre, walang sumundo sa akin kasi nga magkasama si Ruby at Charles 'di ba? Dahil maaga akong nagising, naglakad na lang ako papuntang eskwelahan kahit medyo malayo ito.
Pinigilan kong umirap at 'di na lang siya pinansin. Hinila niya ang likuran ng damit ko nang nilagpasan ko lang siya. "Ate naman oh.. sorry na! Pramis babawi ako! Gusto mo, ayain kong mag-lunch kayo ni Charles ngayon? Alone?" Agad akong napatigil sa sinabi niya.
Si Charles na 'yan eh. Syempre, bibigay ako agad.
"Alam mo namang ayaw niya akong makasabay," nakabusangot kong sabi. Bakit kaya gano'n si Charles sa akin? 'Di ko naman siya inaano, pero iba ang pakikitungo niya sa akin kaysa sa ibang babae. Kainis.
"Kaya nga ise-set-up natin siya! Oh ano, may plano na 'ko, ate. Basta bati na tayo ha?" Ngumiti siya ng pilyo sa akin. Agad akong napailing at napangiti na rin.
"Oo na. Tandaan mo 'yung date namin ni Charles ah," banta ko pa bago ako naglakad palayo.
***
"Kiss, may presentation tayo mamaya. Pwede bang 'wag ka munang mag-lunch ngayon? Ngayon lang kasi ang free time natin para makagawa ng visual aids," sabi ng kagrupo ko sa akin na nakapagpa-badtrip sa'kin.
"Ano ka? Ayoko nga! Gugutumin ko lang ang sarili ko dahil masyado kayong tamad upang gumawa ng visual aids?" inis kong tanong habang nagliligpit ng gamit ko.
"Pero Kiss, after lunch na 'tong report natin. Wala pa tayong nagagawa," angal naman nung isa.
"Wala pa kayong nagagawa kasi inaasa niyo lahat sa akin! Porket top 2 ako ngayon sa buong batch, gaganyan-ganyan kayo? Excuse me," mataray kong sabi. 'Wag na 'wag nilang uubusin ang pasensya ko dahil may date pa kami ng asawa ko!
"Grabe ka naman Kiss. Hindi kami umaasa sa'yo. Ikaw nga kasi ang top 2 kaya mataas ang expectations namin. Hindi ko inakalang ganito ka pala. Sa'n ba nanggaling ang matataas mong grades?"
Napatigil ako at hinarap ang nagsalita. "'Wag mo 'kong mamaliitin. Sino bang nagsabi na kapag top 2 ka, kailangan abot ko ang expectations niyo? Bahala kayong magreport! I don't need your support to have my good grades. Atupagin rin kasi minsan ang pag-aaral, okay? Hindi 'yung puro katamaran. Kbye." Umalis na ako sa harapan nila at iniwanan silang nakanganga.
Ayokong gano'n sa akin ang mga tao. Top 2 ako. Syempre dahil nag-aaral ako. Tapos ano? Kagrupo nila ako kaya ine-expect nila na mahihila ko pataas ang mga grado nila kasama ng akin. Huh. Tignan ko lang ah.
Nakakainis, gutom na nga ako, badtrip pa ako. Sana lang, kayang pawalain ni Charles lahat ng stress ko. Pagdating ko sa FoodCourt ng aming napakalawak na canteen ay nahanap ko agad silang dalawa sa pinakadulo. Nagtatawanan sila habang may hawak na cone ng ice cream. Agad na piniga ang puso ko sa nakita ko.
Hindi naman ako nagseselos kay Ruby eh. Pramis, hindi talaga. Pero bakit gan'on? Makita ko lang silang dalawa na masaya, parang ang daming kirot sa dibdib ko? Huminga ako ng malalim. Medyo matagal na rin kasi silang magkaibigan. Simula pagkabata, laging nakabuntot si Charles kay Ruby kaya close sila ngayon.
Ako? Kahit isang beses, ni hindi ko pa nakita si Charles na tumawa kasama ako. Lagi siyang seryoso at para bang walang pakialam pagdating sa ibang tao. Kay Ruby lang talaga siya ganyan.
Napansin ata ako ni Ruby dahil nakaharap siya sa akin while nakatalikod naman si Charles. Sinenyasan niya akong lumapit at kahit sandali lang ay nasulyupan ko ang ngiti ni Charles. Nakakahumaling talaga. "Ate! Nandyan ka na pala! Tara upo ka dito!" Pinaupo niya 'ko sa pwesto niya kanina.
"Sorry, kuya C. Kailangan ko ng umalis, may pupuntahan pa 'ko. Samahan mo na lang si ate mag-lunch, okay?" 'Di na nakasagot pa si Charles dahil nagmamadaling umalis si Ruby. Napatingin siya sa akin gamit 'yung seryoso niyang mukha na ako lang ang nakakakita. Napabuntong-hininga naman ako at yumuko.
Parang nagulat ata siya nang makitang gano'n ang reaksyon ko. 'Di niya siguro inaasahan. T'wing magkasama kasi kami, lagi akong nakatulala sa kan'ya, ngi-ngiti-ngiti at magkwe-kwento kahit alam kong 'di siya nakikinig. Ngayon ko lang naipakita sa kan'ya na wala akong ganang makasama siya ngayon.
Sa halos 8 years naming magkasama, ngayon niya lang ata ako nakasama ng ganito katino.
"Uh, where do you want to eat?" tanong niya dahil mukhang alam niyang wala akong balak magsalita ngayon. Badtrip ako kanina, tapos bubungad sa akin na masaya silang dalawa ng kapatid ko. Tagos-heart, tagos-buto. Alam mong ayaw ka talaga niyang makasama.
"Wala akong ganang kumain," walang gana kong sagot sa kan'ya habang nakatingin sa malayo. Mula sa gilid ng mata ko ay nakita kong kumunot ang noo niya.
"You can't leave yourself starving," medyo galit niyang sabi.
Tumingin ako sa kan'ya na may seryosong mukha. Muntikan pa nga siyang matumba dahil mukhang ngayon niya lang ako makitang ganito.
"Watch me," sagot ko naman.
Bago pa ako makaalis ay nahila niya ako pabalik. "M-may problem ka ba?" tanong niya. Medyo gulat akong napatingin sa kan'ya dahil ngayon niya lang ako natanong ng gan'yan. Kadalasan kasi, wala siyang pakialam. Madalas kasing 'di niya alam na may problema ako. Isa pa, ngayon ko lang rin siyang narinig mag-taglish.
"Ikaw," Tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa'kin at tinignan siya ng mariin, "Nakakapagod na kasi Charles. Nakakapagod kang habulin. Tignan mo nga naman, walong taon na kitang hinahabol, pero wala pa rin. Ilang beses kong pinaalala at pinaasa ang sarili ko na isang araw, magiging tayo rin. Mapapansin mo rin ako. Pero mukhang wala na talagang pag-asa eh."
Sa wakas, nailabas ko na rin lahat ng gusto kong sabihin. Marami pa akong gustong sabihin sa kan'ya, marami pa 'kong tanong, pero mukhang ito lang ang kaya kong sabihin sa ngayon. "I'm sorry. Gusto ko ng mag-give up. Pagod na 'ko. I think I'll have some time with myself first, dahil mukhang napapabayaan ko na ang sarili ko."
Aalis na sana ulit ako pero narinig ko ang mga salita niyang nakapagpatigil sa akin. Pati ng mundo ko.
"Don't give up on me, Kiss. Please, just don't."