Napahilamos ako ng aking mukha dahil sa inis. Bumagsak kasi ako sa quiz namin dahil masyado akong preoccupied nitong mga nagdaang araw kaya hindi ako nakapag-review nang maayos. Sinubukan ko namang i-recall ang mga lesson namin sa pamamagitan ng pagbabasa muli pero sadyang walang pumapasok talaga sa utak ko.
"Bawi na lang ako next time," bulong ko sa sarili ko.
Natawa naman iyong kaibigan ko sa aking tabi dahil mukhang nakita niya yata ang aking score. Nang lingunin ko siya para sana irapan ay natigilan ako dahil nakatutok pala ang kaniyang cellphone sa akin.
"Ang ganda mo pa rin kahit problemado ka," sambit niya.
Inis naman na tinampal ko ang kaniyang cellphone. Problemado na nga ako tapos kukuhanan pa ako ng litrato. Sino naman ang hindi matutuwa?
"Tigilan mo nga ako, Madeline!" sita ko sa kaniya.
Narinig ko namang may humagikgik sa harapan at nang sulyapan ko kung sino iyon ay tumalim ang aking mga mata.
"Isa ka pa, Reina!"
Gulat naman siyang napatigil at nalilitong itinuro ang kaniyang sarili.
"Bakit na naman nadamay ako?"
"Naririnig itong humahagikgik kasi!" paliwanag ko.
Ayaw ko kasi iyong pinagtatawanan ako kahit na problemado na ako. Ang dami ko na kasi talagang problema nitong mga nagdaang araw. Hindi ko kasi makalimutan iyong napag-usapan namin ni Mommy.
Kaya sa tuwing may quiz or exams ay madalas akong bumagsak o hindi naman kaya ay alanganin ang grades ko. Hindi ko kasi alam kung paano ako makakapag-focus kung ganito ang nangyayari.
Pagkatapos ng huli naming subject ay kaagad kaming nagpunta sa parking lot. Didiretso na kasi sila sa pag-uwi habang ako naman ay iniisip kung paano ako makakabawi sa mga quiz at exams ko.
Bumuga ako ng hangin at hinilot ang aking sintido. Sakto namang tumunog ang aking cellphone bago ako pumasok ng aking sasakyan. At dahil madilim sa parking lot, medyo nasilaw ako sa aking cellphone. Underground parking kasi ito. Hindi naman sila gaanong nagbubukas masyado ng ilaw rito kaya medyo nanibago ang aking mga mata.
"Si Mommy," bulong ko sa aking sarili habang tinitingnan ang tawag ni Mommy sa screen ng aking cellphone.
Posibleng pipilitin na naman niya akong umuwi nang maaga dahil kailangan naming ma-meet ang magiging fiance ko pero dahil ayaw ko at labag pa sa aking kalooban ay madalas naming pagtalunan ito ni Mommy.
Umigting ang aking panga habang iniisip na ikakasal ako sa taong hindi ko naman mahal dahil lamang sa aming tradisyon. Chinese kasi ako pero hindi pure. May halong Filipino pa rin naman ngunit talagang sinusunod ng aking mga magulang ang tradisyon namin na ikakasal lang dapat kami sa Chinese.
Hindi ko alam kung bakit kailangang sundin pa? Puwede naman kasing ikasal na lang ako sa taong mamahalin ko kung sakali kaso palagi silang tumututol kapag sinasabi ko iyong bagay na iyon.
"Mommy," bati ko nang sagutin ko ang kaniyang tawag.
"Gladys, uwian niyo na ba? Pupunta mamaya ang fiance mo at ang kaniyang angkan mamaya. Magkakaroon tayo ng dinner kasama sila," bungad niya sa akin sa kabilang linya.
Kinagat ko naman ang aking ibabang labi at ipinikit ang aking mga mata sa sobrang inis. Palaging ganito kasi ang sinasabi niya sa tuwing tumatawag ako at rinding-rindi na ako.
"Mommy, hindi ako uuwi. May project kami ngayong aasikasuhin," rason ko.
Ayaw ko pa kasi silang makita ngayon lalo pa at problema ko pa rin hanggang ngayon ang mababa kong score sa aming quiz.
Narinig ko namang suminghap siya sa kabilang linya at napapikit na lamang ako sa sobrang inis. Sigurado kasi akong hindi siya papayag dahil ano ba ang mas importante sa kanila? Ang mapapangasawa ko.
Bakit kasi hindi na lang nila pakasalan iyong ipinagkakasundo nila sa akin kaysa ako ang ipakasal nila? Kasi ayaw ko talagang sundin. Nawawalan ako ng freedom. Hindi ko pa nga naranasan magkaroon ng boyfriend o crush man lang dahil palagi niyang sinasabi sa akin na para lamang daw ako sa Chinese.
Nakakainis, hindi ba? Kung puwede lang sanang ibalik ang nakaraan, mas gugustuhin ko pang huwag na lang mabuhay lalo pa at ganito naman ang nangyayari. Ikakasal ako sa taong hindi ko mahal dahil iyon ang tradisyon namin at dahil na rin sa business.
"Hindi iyan maaari, Gladys! Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na kailangan mong sumipot sa dinner natin sa tuwing mayroon ang mga bisita natin? Hindi ka na nahiya!"
Napalakad naman ako sa sobrang inis dahil sa kaniyang sinabi. Mas importante pa ba ang lalaking iyon kaysa sa pag-aaral ko? Mabuti sana kung pinapaaral niya ako o siya ang magbibigay ng grado ko. Kaso hindi!
"Mom, you can't understand. Importante sa akin ang pag-aaral. Marriage can wait!" may diing sambit ko.
Wala namang makakarinig ang pag-uusap namin ni Mommy pero gusto ko lang kasing magtimpi. Ayaw kong isipin niya na binabastos ko siya kasi hindi namna niya ako pinalaking ganoon.
"Akala mo ba makakatakas ka?" wika ng isang baritonong boses.
Nangunot naman ang aking noo at inilayo ang cellphone sa aking tainga. Malapit lamang iyon sa akin pero hindi ko matukoy kung saan sila banda dahil medyo madilim. Kaunti lamang kasi ang mga ilaw na nakabukas.
"Argh!" daing ng isa pang boses.
Hindi ko alam kung ano ang nangyayari ngunit nakakarinig ako ng mga tunog na para bang binubugbog ito.
"Saan kasama mo, huh?" naiinis na wika ng lalaki.
Napalunok naman ako nang matanaw ang isang lalaking nakatalikod sa akin na kasalukuyang nakasuot ng itim na jacket. May nakahiga sa sahig at halatang nahihirapan itong tumayo.
"Bakit ko sasabihin?" matapang na sagot niya.
Mabilis na sinipa ng lalaking nakatalikod sa akin ang tiyan ng lalaking nakahandusay sa sahig na naging sanhi upang ako ay mapasinghap sa nasaksihan. Inilabas kasi ng lalaking nakatalikod sa akin ang isang bagay sa kaniyang bulsa at itinutok yata sa lalaking nasa harapan niya.
"Any last word?" walang emosyon niyang wika.
Ngunit hindi nagsalita ang lalaking nakahandusay hanggang sa magulat na lang ako sa malakas na putok ng baril na umalingawngaw sa parking lot.
"Tch!"
Nang humarap siya sa akin ay kaagad akong napaatras. Ngunit hindi ako nakaligtas sa kaniyang malamig na mga mata lalo na noong tumalim ito.
Kumalabog nang husto ang aking puso at nanginginig na tinakpan ang aking bibig para lamang hindi makagawa nang ano mang ingay ngunit unti-unti naman siyang naglakad palapit sa akin.
"Any updates?" bulong niya sa kung sino.
Sinubukan kong ilibot ang aking mga mata sa loob ng underground parking lot ngunit wala naman akong makitang tao rito bukod sa aming tatlo.
Nakita kong ibinulsa niya ang kaniyang baril at kaagad na lumapit sa akin saka hinawakan ang aking pulsuhan. Gusto kong magprotesta lalo na nang magsimula siyang hilahin ako papunta sa isang magarbong sasakyan. Ngunit bakit hindi ako makapagsalita?
"Fck! What do you mean? A bomb?" bulong niya muli bago buksan ang kaniyang sasakyan saka ako itinulak.
Nakatulala lamang ako hanggang sa pumasok siya sa driver seat at mabilis na binuhay ang makina ng kaniyang sasakyan.
"Bullsh-t! Bakit hindi mo sinabi sa akin kaagad?" naiinis na tanong niya.
Ano ang ibig niyang sabihin? Bomba? Saan ang bomba? Dito ba mismo sa university namin?
Ang dami kong gustong tanungin ngunit parang natuod ako sa aking kinauupan hanggang sa mabilis niyang pinaharurot ang kaniyang sasakyan. Bago pa man ako magsalita ay kaagad na naming narinig ang malakas na pagsabog.