Chapter 5

1846 Words
HINDI na namalayan ni Marriane, nakabalik na pala siya sa hospital. Laglag ang balikat dahil ni isang bag ng dugo para kay Paulo ay wala siyang dala. "Marriane!" Napalingon siya sa malakas na pagtawag. "T-Tiyang Lanie?" "Naku, saan ka ba galing? Bakit ganiyan ang hitsura mo? Basang-basa ka pa ng pawis." Bakas ang sobrang pag-alala sa kaniyang pamangkin. "Kumusta na ang apo ko? Saan na ngayon si Paulo? Pasensiya ka na kung ngayon lang ako nakarating. Tinapos ko pa kasi ang labahan ko kina Ginang Lim para makapag-advance din ako para ipandagdag sa mga gamot ni Paulo." "T-Tiyang, m-maraming salamat po sa mga tulong mo sa akin at sa aking anak. Masyado na po akong pabigat sa 'yo. Patawarin po ninyo ako dahil sa naging kalagayan ko pero hindi ko po pinagsisihang naging anak ko po si Paulo." Nagsimula na namang tumulo ang mga luha ni Marriane. Bitbit pa rin ang pitaka, lumakad lamang siya pabalik ng hospital na okupado ang kaniyang pag-iisip sa mga nakaraan ng kaniyang buhay. "Ano ka ba? Huwag ka nang umiyak. Sa abot ng aking makakaya, nandito lang ako para sa 'yo at kay Paulo. Kayo ang aking pamilya, Marriane at sino pa ba ang dapat na magtulungan? Hayaan mo, kapag tatanggapin ni Ginang Dolivar ang alok kong mamasukan sa kanilang maliit na restaurant bilang tagapaghugas, makadagdag pa 'yon sa gagastusin." "Tiyang huwag na po kayong magtrabaho nang labis. Ako na po ang gagawa ng paraan para kay Paulo. Malaki na po ang sakripisyo ninyo sa akin mula pa nang ipinanganak ako." "Hayan ka na naman. O siya, halika na, pumasok na tayo sa loob, tiyak na hinihintay na tayo ni Paulo." Nakalimutan na nga ni Marriane na kailangang-kailangan na nga ng kaniyang anak ang masalinan ng dugo. Dali-dali na silang pumasok sa loob subalit may bigat sa kaniyang puso. Hindi na rin inalintana ni Marriane ang pagod na nararamdaman dahil apat na araw na siyang walang tulog. Purong tubig lang din ang laman ng kaniyang tiyan. Kahit anong gutom ang kaniyang nararamdaman ay ayaw niyang bumili ng pagkain para sa kaniya. Ang naiwang pera sa kaniyang pitaka ay inilaan niya para kay Paulo. "Saan ba ang kuwarto ng apo ko?" Hapong-hapo rin si Tiyang Lanie. Nauna na si Marriane sa paglalakad at halos hindi na siya tumitingin sa mga nakakasalubong niya. "Hey!" Napaangat ng mukha si Marriane dahil nabangga niya ang mataas na babae, napakayaman ng aura nito at tiniyak niyang isa itong doctor dahil sa suot nitong puting gown. May suot itong eyeglasses at puti ring face mask. "S-sorry po. Sorry po hindi ko po kayo nakita," buong paumanhin ni Marriane sa ginang. "It seems that you are not looking at your way." Habang sarkastikang sagot ng ginang, napatigil ito nang bahagya nang mataman niyang pagmasdan ang mukha ni Marriane. "Sorry po talaga, Maam...D-Doc, hindi ko po kayo nakita. Pa-pasensiya na po talaga..." Halos manginluhod si Marriane sa paghingi ng paumanhin. Hindi man nito makita ang buong mukha ng ginang subalit ramdam niyang galit ito sa pagkabangga nito sa kaniya. Tiningnan naman ng ginang si Marriane mula ulo hanggang sa suot nitong tsinelas. Lalong tumaas ang mala-bulate nitong kilay na tila ba nandidiri sa pagmumukha ni Marriane. "M-Maam...Doktora kung doktora ka, ako na ho ang humihingi ng pasensiya. Hindi naman sinadyang banggain ka ng aking pamangkin. Nagmamadali lang ho siya kasi nandito naka-admit sa hospital ang kaniyang anak. Sana ho maintindihan ninyo at wala naman siyang intensiyon na banggain ka." Pati na si Tiyang Lanie ay humingi na ng paumanhin sa sopistikadang ginang. "Anak? Is he a boy or girl?" Tila naging interasado ang tanong ng ginang. "Lalaki ho, Maam. Ay, bakit po ninyo naitanong?" Si Tiyang Lanie na ang sumasagot. "Ay kung makikita lang ninyo ang anak ng pamangkin ko, sobrang gwapo at mabait. Mabuti na lamang at hindi nagmana sa ama nitong walang bayag, dahil iniwanan lamang silang mag-ina na walang kaawa-awa." "T-Tiyang..." pagsaway naman ni Marriane sa tiyahin dahil tila hindi na mapigilan ang pagdaldal nito. "Tsss..." Muling tumaas ang maarkong kilay ng ginang. Kahit nasa forties na ito, bakas pa rin ang kagandahan at banaag ang kaputian, marahil na rin sa mga mamahaling likidong ipinampahid sa balat para manatili ang pagiging mukhang bata at kakinisan. "Sorry po ulit, Maam..." Yumukod pa si Marriane sa harapan ng ginang at nagbakasakaling tanggapin ang paumanhin niya. "Garbage!" Sinabayan ng talikod ng ginang ang salitang binitawan niya habang pinukulan ng matalim na tingin si Marriane. Pinagpag pa nito ang suot na puting gown sa bandang balikat na kung saan nabannga ni Marriane na tila nandidiri. 'Garbage' Napalunok naman ng laway ang dalaga. Oo nga, basura ang laging tingin ng tao sa kaniya. Walang gustong magmahal sa kaniya maliban sa kaniyang tiyahin at sa kaniyang anak na sa ngayon ay malubha ang karamdaman. "Hay, naku. Akala mo kung sino. Mayaman nga at propesyonal pero parang asal-hayop naman. Hindi mo naman sinadyang banggain siya. Halika na, Marriane. Hayaan mo na ang babaeng iyon. Puntahan na natin si Paulo, baka kung hinahanap ka na niya." Hinila na ni Tiyang Lanie ang braso ni Marriane. Nanatili itong nakayuko at magsisimula na namang mamuo ang mainit niyang mga luha. Malayo pa ay sinalubong na kaagad ng nakaatang na nurse kay Paulo si Marriane. "Misis, nasaan na ho ang dugong kakailangan ng pasyente? Kanina pa ho kayo hinihintay ni Doctor Franco," anas ng nurse. "Pasensiya na ho, wala po akong dalang dugo para kay Paulo. Wala ho akong sapat na pera para bayaran ang dugo para sa kaniya," malungkot na saad ni Marriane. Habang nagsasalita, sumisikip ang kaniyang dibdib. "D-dugo? Sasalinan ba ng dugo ang apo ko?" ligalig na tanong ni Tiyang Lanie. "Opo, kailangan po niya ng dugo dahil lalong bumaba ang kaniyang hemoglobin." Bumaling din siya kay Marriane. "Misis, paano na po 'yan? Kailangan na po ng dugo ng pasyente. Baka magagalit na po si Doctor at baka kung ano na ang mangyari sa pasyente." Napabuntong-hininga si Marriane. "N-Nurse, tulungan po ninyo ang anak ko. Baka po may kakilala po kayong mag-donate ng dugo. Pangako po, babayaran ko po kayo, hahanap po ako ng paraan para mkahanap ng pera. Maawa naman po kayo." Biglang nahabag ang nurse kay Marriane lalo na at lumuhod pa ito sa harapan ng nurse na nagmamakaawa. Hilam na siya sa luha. Wala na siyang magawa dahil wala na siyang makitang paraan para isalba ang kaniyang anak. "Kung gusto po ninyo, magsisilbi po ako sa inyo hanggang makabayad po ako. Iligtas po ninyo ang anak ko, Nurse. Maawa naman po kayo." "M-Marriane?" Habag na habag si Tiyang Lanie sa pamangkin. Hinawakan niya ito sa balikat at saka inalayang makatayo. Tumulo na rin pati ang kaniyang luha. "M-Misis, tumayo ho kayo. Huwag po kayong lumuhod sa aking harapan. S-sige, gagawa ako ng paraan para sa unang dugong isasalin sa anak ninyo. Pero hindi ho ako maka-guarantee na matutulungan ko kayo nang lubusan. Hindi naman ho kasi ako mayaman. May pinag-aaral din ho akong kapatid," tugon naman ng nurse na sobrang naawa rin kay Marriane. "Maraming salamat ho, Nurse. Maraming salamat ho. Tatanawin kong malaking utang na loob ang pagtulong mo. Aalis ho ako ngayon para makahanap ng pera." Biglang nabuhayan ng loob si Marriane. "Bantay po ni Paulo Salome. May resita ho si Doctor Franco." May lumabas na isang nurse mula sa loob ng ICU. Agad namang lumapit si Marriane para kunin ang resita. "N-Nurse, kumusta na po ang anak ko?" "He is not still stable, Miss. Kailangan niya talaga ang blood transfusion as soon as possible according to Doctor Franco. Okay na ho ba ang dugo? Pakibili na lang muna ang nasa resita para mailapat na kaagad sa kaniyang katawan," paliwanag pa nito kay Marriane. "O-opo, s-sige po. Maraming salamat po." Nanginginig pa ang kamay ni Marriane at muling bumilis ang t***k ng kaniyang puso. Alam niyang kukulangin ang dalawang daan para sa gamot ni Paulo. "Marriane, ito kunin mo." May iniabot na isang supot na tela si Tiyang Lanie. "A-ano po ito, Tiyang?" "Pandagdag mo sa pambili ng gamot ni Paulo. Sige na umalis ka na. Bilhin mo na ang gamot ng apo ko." "S-salamat po, Tiyang. Pasensiya na po." "Sige na po, Misis bilhin na po ninyo ang gamot at may tatawagan lang ako para maasikaso ang pagbigay ng dugo para sa anak ho ninyo," sabad naman ng nurse na nahabag kay Marriane. Ngumiti si Marriane at saka dali-daling umalis. Hindi na niya inalintana ang gutom na nararamdaman. Tanging ang kaligtasan ni Paulo ang nasa puso niya. Kahit papaano ay may bumuong pag-asa sa kaniyang puso. "Ale, mawalang galang na po. Nasaan ho ba ang tatay ng pasyente? Hindi ba, dapat nandito siya para tulungan ho ang nanay ng pasyente. Masyado ho siyang nakakaawa." Hindi na napigilan ng nurse ang kaniyang curiosity at natanong niya si Tiyang Lanie. "Mula nang isilang si Paulo, wala siyang amang kinagisnan. Si Marriane ang nagsilbing ama at ina ng kaniyang anak. Hindi rin siya nakatapos ng pag-aaral dahil sa hindi inaasahang pagbubuntis niya. Talagang nakaaawa ang pamangkin ko, hindi ko naman siya puwedeng pabayaan dahil tanging dalawa na lamang kami ang magpamilya. Iniwan din siya ng kaniyang ina pagkasilang sa kaniya kaya Miss na lang ang itawag mo sa kaniya dahil wala siyang asawa." Lalong nahabag ang nurse. Kinuha niya kaagad ang kaniyang cellphone at may tinawagan. Pagkatapos bilhin ni Marriane ang gamot ay agad siyang umakyat patungo sa ICU. Kalahati lang ng dami ng gamot ang kaniyang binili dahil hindi sapat ang perang dala niya. Mabuti na lamang at binigyan siya ni Tiyang Lanie ng isanlibo at limandaan. Nakaramdam na rin siya ng gutom lalo na kapag dumaan siya sa canteen ng hospital. Tanging paglunok ng laway na lamang ang kaya niyang gawin at bumili ng tigpisong de-hulog na tubig para maibsan ang gutom na kaniyang naramdaman. Kahit nanghihina, ay kinakaya niya. Mas mahalaga para sa kaniya ang maibili ng gamot ang kaniyang anak. "Anak, Paulo. Mahal na mahal ka ni Nanay. Lumaban ka lang, Anak. May awa ang Diyos, makararaos din tayo. Ikaw ang nagpapalakas ng loob ko para magpatuloy. Huwag kang mag-alala, gagawa ng paraan si Nanay para bumalik na ang dati mong saya at kalusugan. Nandito lang ako para sa 'yo." Sumisikip ang kaniyang dibdib habang papalapit na siya sa ICU. Gustong-gusto niyang muling makita ang kaniyang anak. Gusto na niya itong makasama at maalagaan nang mabuti. "Nanay, huwag kayong pagod masyado. Hayaan po ninyo, hindi ako pasaway sa 'yo." "I love you, Nanay. Salamat po sa dala ninyong puto. Ang sarap po nito." "Basa po kayo pawis, Nay. Heto po ang duster ninyo magpalit na po kayo damit." "Wow, salamat po, Nanay sa regalo ninyong malaking tinapay para sa kaarawan ko. Keyk ba 'to, Nanay?" Miss na miss na ni Marriane ang mga lambing ng kaniyang anak. Kahit salat man sa pamumuhay, lumaking may pang-unawa si Paulo at ramdam ni Marriane ang pagmamahal ng kaniyang anak kahit hindi nito maibigay ang lahat ng kakailanganin nito. Masyado itong mabait, at 'yon na lamang ang tangi niyang yaman kaya sa abot ng makakaya niya, kailangang mabuhay ni Paulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD