Ate

1594 Words
"Vi, okay ka lang?" Tumango siya kay Pilar at huminga nang malalim. "Oo. Ok lang." Kahit pakiramdam niya hindi, umoo nalang siya. Natutulog na si Miggy ngayon pero inoobserbahan pa ng mga doctor. Muntik na. Mabuti nalang at naisugod agad nila sa ospital ang pamangkin. Nagka-anaphylactic shock dahil sa nakaing mani. Hindi ito ang una pero ito ang pinakamalala. Kasalanan niya ang nangyari, hindi niya binantayang mabuti. Alam naman niyang napakalikot ng bata yon, matakaw pa. Kahit anong makita, kinakain. "Wala ka pang tulog." Si Byron. "Nap ka muna, kami na magbabantay." Umiling siya. "Ok lang. Stable na rin si Miggy. Hihintayin ko na lang si Ela." Nakita pa niyang nagtinginan ang dalawang kaibigan. Ilang oras na ang mga itong nandito. Sinamahan talaga siya kahit alam niyang may mga importanteng trabaho. "By, di ba may fitting ka pa? Ikaw Pi, may trial makeup ka ngayon." Sabi niya. Kahit naman itago sa kanya ang mga natutunungang phone ng mga ito, alam niya. Kailangan na nang mga itong umalis. "Girl, hindi. Baka kapag gomorabels kami, ikaw naman ang lu-may down dyan sa hospital bed. Hitsura mo oh, mukha kang the walking dead." Sabi ni Byron. "Asan na si sisterette? May julay. Junakis niya si Miggy pero cannot be found?" Huminga siya nang malalim. "Ok lang. Baka nasa work pa." Palusot niya. Hindi sumasagot sa tawag niya si Ela. Nakailang text na rin siya. Pati yon inaalala niya. Baka kung ano nang nangyari. "Go na nga kayo, baka magalit na mga clients niyo." Ngumiti siya ng pilit. "Vi naman eh." "Sige na, babalitaan ko nalang kayo." Taboy niya uli. Napakalaking abala na ang ginawa niya. Hindi niya alam kung paano siya makakabawi. Nakita niyang bumuntong-hininga si Byron tapos tiningnan uli si Pilar. Nagkibit-balikat naman ito. "Babalik kami, gurl ha. Sandali lang naman yon. Nauna na rin naman doon si Joey." "Wag na, baka abutan kayo ng bagyo." Tumango lang Pilar kahit mukhang pilit. "Sasabihin nalang din namin kay Madame Angelu." "O-Ok." Si Tita Angelu. Tama, matutulungan siya noon. May ipon naman siya for emergency kaso sa private hospital nadala si Miggy. Panigurado masasaid na naman ang kaban, kakabayad lang din kasi niya sa tuition ni Germalyn. Medyo nakakahiya nang humingi na naman ng tulong pero mukhang kailangan. "Gora na kami, ha." Sabi ni Byron. "Papadala kami ng lafang dito para makakain ka na. Bumorlogs ka na pagnag-arrive na si Elabels." Lumapit siya at yumakap sa mga ito. Mabuti nalang talaga at nandito sila. Hindi niya alam ang gagawin kung wala itong dalawa. "Salamat mga bakla." "Gaga, babae ako. Si Byron lang yun. Lutang ka na nga." Singit ni Pilar. Natawa naman siya kahit papaano. Sinundan niya lang mga ito ng tingin habang papaalis na. Nang makalayo na ang mga ito, binalik niya ang tingin sa pamangking natutulog parin. Mahimbing na. Napagod din siguro sa kakaiyak. Namamaga parin ang mukha. Natusok pa sa kamay nito yung swero. "Sorry na Miggy ha." Marahan niyang hinaplos ang buhok nito. Naala pa niya yung kanina. Siya yung parang hihimatayin dahil sa pagtusok ng mga nurses ng karayom sa kamay ng pamangkin. Nilkasan nalang niya ang loob kahit takot siya sa injection. Hindi siya pwedeng manghina dahil siya lang naman ang aasahan ni Miggy nung panahong yon. Napalingon siya nang biglang tumunog ang phone sa lamesa. Agad niya yong kinuha at sinagot. "Ela--" "Hoy Viviana! Ano naman tong sinasabi ni Lyn-lyn ko?! Ba't mo daw siya sinisi sa allergy ni Miguel?!" Napangiwi siya nang marinig yon. Akala niya si Ela na. Si Tita Analyn pala, yung madrasta niya. Masyadong matinis ang boses at tuloy-tuloy pa. May ambisyon yata na maging rapper. Masakit sa tenga. "Hindi na daw siya uuwi dyan. Didiretso na dito sa bukid. Ano na naman ang ginawa mo?! Alam mo namang matatampuhin yon?! Paano kung di na mag-aral yon?! Akala ko ba pagtatapusin mo?!" "Good afternoon po, Tita." Mahinang bati niya. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nangyari. Ang tinext niya lang naman kasi ay umuwi na muna dahil nasa ospital sila ni Miggy. Wala naman siyang sinabing ito ang may kasalanan. "Wala naman po akong sinabi. Pinauwi ko lang po. Wala po kasing tao sa bahay ngayon." Pero mukhang di mangyayari yon. Baka nga tumuloy kina Tita na sa farm nila sa Bulacan. Nag-aalala siya tuloy na baka di niya na-lock yung pinto dahil sa pagmamamdali nila. "Ano ba naman kasing nangyari, ba't pinabayaan mo, ha?! Ikaw lang yung matanda dyan, aba! Dapat lagi mong binabantayan, alam mong may kalikutan yan! Hindi ko kadugo yang bata pero apo na turing ko dyan! Pag may nangyari dyan kay Miguelito, hindi ko alam ang gagawin ko sayo!" Huminga siya nang malalim. Siya na naman. Siya nalang. Though di naman sila talaga close ni Tita Analyn, totoo naman ang sinasabi nito. Parang mas mahal nga nito si Miggy kaysa sa totoong anak. Ito yung nag-alaga sa pamangkin nung baby pa ito at nagpapagaling pa si Ela. At alam niya kung paano magalit ang madrasta. Kapag sinabi niyang si Germalyn ang may kasalanan, baka kung anong gawin. "Hindi na po mauulit." Sambit niya. "Mabuti naman! Hindi ko lang kayo mapuntahan diyan, kung ano-ano nang nangyayari!" Huminga siya nang malalim uli habang pinapakinggan ito. Marami pang sinabi pero masyado nang sabaw ang utak niya para i-proseso ang lahat. Natapos na ang tawag na puro opo na lang ang nasagot niya. Napahilamos siya ng mukha. Nawawala na yung bisa ng huling cup ng kape niya kanina. Kung pwede nga lang iderektang iswero yon sa ugat gagawin niya para mag-stay lang na gising. Malapit na, nararamdaman niyang bibigay na rin ang katawan niya. "Asan na kasi ang Mommy mo, Miggy?" Ala sais na. Ang alam niya talaga hanggang alas onse lang kagabi ang event na pinuntahan ni Ela. Wala ni text siyang natatanggap. Susubukan sana niya uling tawagan pero bigla nang bumukas ang pinto. "Miggy!" Sa wakas. Bulong niya sa sarili. "Andito na si Mommy." Sambit ni Ela nang umupo sa upuan sa tabi ng kama. Lumayo siya ng kaunti para magkaroon ng space ang mag-ina. Gusot pa ang buhok ng kapatid. halatang inayos nang nagmamadali. Yung suot nitong dress ay yung suot pa nito kahapon. May bakas pa nga ng make up yung mukha. Bukod doon naamoy pa niya yung sigarilyo saka alak dito. Pati amoy ng panlalaking pabango. Ngumiwi siya. Shutangina naman. Mukhang hindi naman trabaho ang ginawa. "Ano ba naman, Ate?! Alam mo namang may allergy si Miggy, kung ano-anung kinakalat mong pagkain!" Sigaw sa kanya ni Ela. "Napakaburara mo kasi!" Hinga. Viviana, hinga. Kalma muna. Hindi na siya sumagot. Baka hindi lang maganda ang lumabas sa bibig. Anak ni Ela si Miggy at kung anong pag-aalala niya sa bata, doble yon para dito. Hindi din maganda sa sitwasyon kung magtatalo pa sila. Isa pa. Pagod na pagod na rin siya. Wala na siyang enerhiya para sa confrontation na ganoon. "Okay ka lang ba?" Tanong nalang niya kay Ela matapos ang malalim na paghinga. Totoong ding nag-aalala siya. Baka kasi hindi ito aware sa hitsura. Saka sa kung ano ang nangyayari. Baka naguguluhan lang kaya kung ano-ano na ang pinagsasabi, may hangover pa yata. "Kumain ka na ba?" Napatikom ng bibig ang kapatid. Tapos humarap uli kay Miggy. "Ku-kumain na Ate..." Mahinang sambit nito. Ngumiti siya nang tipid. "Uuwi na muna ako. Baka di ko na lock yung bahay." Aniya. "Babalik ako, kukuhaan kita ng gamit." Tumango lang ito pero di na siya hinarap. Marahan lang siyang umiling at lumabas na nang kwarto. Napakunot ang noo niya nang may matangkad na lalaki na may hitsura sa may pintuan noon. Kaamoy niya yung naamoy niya kay Ela. Shuta talaga. Nagdala pa ng jowa. Halos mag-agaw buhay na nga yung anak. Nilagpasan niya lang ito at dumiretso na papalabas. Madilim na sa labas ng hospital. Mahangin na. Kumukulog na rin. Ramdam na ramdam na niya ang lamig sa paligid. Mukhang maagang maglaland-fall ang bagyo. Kailangan na niyang makauwi agad. Wala siyang dalang payong. Punuan ang jeep, maski FX ganun din. Wala ring masakyang bus. Sinubukan niya ring magpara ng taxi pero laging sagot sa kaniya hindi daw nila ruta yon. "Hay, putanginang Ortigas Extension to oh." Maktol niya. Wala naman siyang magagawa. Uwian na nang nga tao ngayon. Napatingin siya sa phone. Five percent nalang pala ang baterya. Hindi pala siya nakapagcharge kanina dahil sa sobrang pagkaaligaga. Sinubukan parin niyang magbook ng Grab kaso hindi na talaga umabot at tuluyan nang namatay. "Badtrip." Wala siyang choice kundi maglakad. Halos siyamkilometro ang bahay nila mula doon, tantsa niya. Papara nalang siya kung may makitang masasakyan habang naglalakad. Sa marami naman siyang kasabay, di na niya mapapansin yung layo. Malayo-layo na siya sa hospital nang maramdaman niya ang malalaking patak ng ulan. Pailan-ilan lang nung una hanggang sa bumuhos na ito nang malakas. Hindi na niya nagawang makasilong pa. Napailing nalang siya. Ang malas talaga. Tinuloy nalang niya ang lakad. Basa na rin naman siya. Hindi pa siya naliligo nang araw na yon kaya siguro nagpadala ng shower ang langit. Tumawa siya nang mahina, pampalubag loob. Niyakap niya din ang dalang bag. Waterproof yon pero nag-aalala siya na baka mabasa pa ang cellphone niya sa loob. "Kaya ko to." Bulong niya sa sarili kahit nilalamig na nang sobra. Nanginginig na ang kalamnan niya. Makakauwi din siya. Magkakape siya ng matindi pagdating sa bahay. Madami pa siyang gagawin. Ilang hakbang pa nang maramdaman ang panghihina ng buong katawan. Pakiramdam niya gumagalaw ang paligid. Nanlalabo na rin ang mga paningin. "Kaya....kaya... kaya...kaya ko to." Tuluyan nang dumilim at bumagsak siya sa matigas na semento. "Vivi!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD